Ilang buwan na ang nakalipas pero hindi pa rin talaga nagpaparamdaman si Tristan kay Sophie. Graduate na siya ng kolehiyo pero naisip niya munang magpahinga bago magtrabaho. "Hija? Bakit malungkot ka? Alam mo, simula nang umuwi kami ng Dad mo sa Pilipinas ay hindi ka namin nakitang masaya. Ayaw mo na ba kaming makasama?" sambit ng kaniyang mommy, nang makita siyang nakaupo sa couch na nasa living room. Tumabi ito sa kaniya at hinawakan ang kamay niya. "Mom naman, 'wag po kayong mag-isip ng kung ano-ano riyan. Syempre, masaya po ako na umuwi na kayo ni Daddy rito," niyakap niya ang kaniyang mommy. Sadyang nalulungkot lang talaga siya nang sobra dahil sa pangungulila niya sa kaniyang mahal na kasintahan na si Tristan. Ilang buwan na itong hindi niya nakausap o kahit naka-chat man lang.

