BLACK
“Handa ka na bang maglaro at paglaruan?”
EXCITED na bumangon si Angel sa kaniyang kama ng umagang iyon. Para sa batang katulad niya ang birthday ang isa sa mga araw na talagang pinakahihintay niya. Bukod sa madadagdagan ang edad niya ay nararamdaman niyang espesyal siya sa araw na iyon. Kagabi ay nangako ang nanay niya na kakain sila sa paborito niyang fastfood restaurant. Saan pa ba kundi sa bida ang saya—sa Jollibee!
Sakto lang ang pamumuhay na meron si Angel. Nangungupahan sila ng nanay niyang si Angelina sa isang maliit na apartment. Mag-isa na lang siya nitong binubuhay sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga beauty products at damit na pambabae dahil matagal nang patay ang kaniyang tatay. Namatay ito nang minsang makipag-inuman at nasaksak ng nakaaway nito sa mismong inuman. Dead on arrival ang tatay niya. Sa totoo lang ay hindi siya nakaramdam ng lungkot nang mawala ito dahil bukod sa palagi itong wala sa bahay dahil sa meron itong kabit ay tatlong taon pa lang siya nang mawala ito. Wala pa siyang muwang noon.
“Happy 8th birthday, Angel!” Salubong ng nanay niya nang lumabas siya ng kwarto nila. May dala itong maliit na cake at meron iyon kandila na hugis number eight sa ibabaw.
Mataba ang nanay niya at magkatulad sila. Paano ba namang hindi siya tatabang katulad nito ay palagi siya nitong pinapakain. Palibhasa ay mag-isa lang siyang anak nito kaya kahit papaano ay naibibigay nito ang lahat ng gusto niya. At dahil mag-isa lang siya ay nasanay siyang walang kaagaw. Ayaw niya ng may kaagaw sa lahat ng bahay.
“Akala ko ba sa Jollibee tayo kakain, mama? Bakit may cake na ako? I want Jollibee!” demand ni Angel.
“Kakain pa rin naman tayo doon pagkatapos nating mag-almusal. Kaya maligo ka na pagkatapos nating kumain. Okay?”
Lalong bumilog ang mukha ni Angel nang ngumiti siya nang malaki. “Yes! Jollibee! Gusto ko ng chicken, ha! Magwawala ako kapag walang chicken!”
“Kahit isang buong manok pa basta para sa cutie baby Angel ko!” At pinisil pa nito ang pisngi niya. “Ang taba-taba naman ng baby ko!”
“Mana lang sa iyo, mama!” sagot ni Angel sa ina.
Maya maya lang ay magkasabay na nilang nilalantakan ang cake. Meron din silang pandesal, kape at pancit. Pagkatapos kumain ni Angel ay naligo na siya habang ang nanay niya ay hinuhugasan ang kanilang pinagkainan. Matapos iyon ay binihisan na siya nito at ito naman ang naligo at nagbihis. Umalis na rin sila ng kanilang apartment at sumakay ng tricycle. Nagpahatid sila sa bayan kung saan naroon ang kakainan nila. Doon ay umorder si Angelina ng isang bucket ng fried chicken, tatlong large fries, tatlong spaghetti, anim na regular burger at apat na regular na coke. Lahat iyon ay para lang sa kanilang dalawa.
“Wow! Ang dami namang pagkain!” tuwang pakli ni Angel at agad siyang sumugod sa pagkain.
“Dahil birthday mo, Angel! Kumain ka ng marami, ha!”
Manghang-mangha si Angel sa dami ng pagkain na nasa harapan niya. Una niyang kinain ang friend chicken. Kinamay na niya iyon at akala mo ay hindi pa nag-aalmusal kung ngasabin iyon.
Habang kumakain siya ay napatingin siya sa may gilid nila. Kalapit kasi sila ng glass wall. Isang batang babae na madumi at halatang pulubi ang nakita niyang natanghod habang siya ay kumakain. Pakiramdam niya tuloy ay aagawan siya nito kaya sumimangot siya nang matindi. “Mama, may pulubi! Ayoko sa kaniya!” Maarte niyang sumbong sa ina at itinuro niya ang batang pulubi.
Galit na galit na nagsisigaw ang nanay niya sa pulubi kahit hindi siya sigurado kung naririnig ito ng pulubi. “Hoy! Umalis ka nga diyan! Alis!” Nang hindi umalis ang pulubi ay tumawag na ng service crew ang nanay niya. Inutusan nitong ibaba ang blinds sa tabi ng lamesa nila para hindi na sila makita ng batang pulubi.
“Nakakawalang-gana naman ang ganoon sa pagkain, mama!”
“Hayaan mo na at wala na yata. Kain ka na ulit diyan, baby ko!”
Bumalik na ang gana ni Angel nang hindi na niya nakikita ang pulubi. Pasok lang siya nang pasok ng pagkain sa kaniyang bibig. Sa isang kamay niya ay hawak niya ang isang tipak ng manok habang ang isa ay nagsasalitan sa fries, spaghetti at burger. Akala mo ay mauubusan siya. Bigla siyang uminom ng coke at kasunod niyon ay humilab ang tiyan niya. Isinuka niya ang lahat ng mga kinain niya. Kumalat ang suka niya sa ibabaw ng lamesa. May napunta pa sa mga spaghetti at fries.
“Ay, putang ina kang bata ka! Baboy ka!” Naghihisterikal na sigaw ng nanay niya at pinagkukuha nito ang mga pagkain na hindi nalagyan ng suka niya para maisalba.
Nakanganga lang si Angel at parang biglang nanghina. Panay ang dighay niya. Sunud-sunod kasi ang pagsubo niya ng pagkain kaya siya nagsuka. Mabilis na tumawag ng crew ang nanay niya at pina-take out na lang nito ang ilang piraso ng manok, kanin at isang burger na hindi nalagyan ng kaniyang suka.
“Uuwi na ba tayo, mama?” tanong ni Angel habang papalabas na sila ng Jollibee. Siya ang may dala ng brown bag kung saan nakalagay ang ti-nake-out nila. Kilala niya kasi ang nanay niya. Masiba ito sa pagkain. Baka kapag ito ang may dala niyon ay bawasan pa ang pagkain niya.
“Hindi pa. Sisingilin ko si Carol doon sa kulang niya sa in-order niyang panty sa akin. Saka tayo uuwi.” Umiling-iling ito. “Sa susunod, dahan-dahan sa pagkain, Angel! Tingnan mo ang nangyari. Sumuka ka pa doon. Nakakahiya! Mabuti na lang at may CR!” Doon kasi siya nito nilinisan.
Wala lang sa kaniya kahit pagalitan siya nito. Patingin-tingin lang siya sa kaniyang paligid. Pag-ikot nila sa gilid ng Jollibee ay agad niyang nakita iyong batang pulubi na akala mo ay patay-gutom na nakatanghod sa kaniya kanina habang siya ay kumakain.
Pagdaan nila sa tapat ng pulubi ay itinaas niya ang brown bag at binelatan ito. “Wala ka nito! Pulubi!” Pang-aasar niya dito.
“Anak, ano ka ba? Huwag kang lalapit sa pulubi! Kakainin ka niyan!” saway ng mama niya.
Nagpatuloy lang sila sa paglalakad pero naisipan ni Angel na kumain upang makita ng mga tao na meron siyang masarap na pagkain. Gusto lang niyang mang-inggit. “Mama, gutom na ako!” ungot niya.
“Ano?! Kakakain lang natin, ha. Kanino ka ba nagmana ng katakawang bata ka?”
“Gusto kong kainin na iyong burger—”
“Hindi! Napakatakaw mo talaga. Sa bahay mo na iyan kakainin. Hati tayo!”
“Eh… Gutom na ulit ako—” Nagulat si Angel nang may biglang humablot sa brwon bag na dala niya. Malakas siyang umiyak habang itinuturo ang pulubi na siyang umagaw ng pagkain niya. “`Yong pagkain ko, mama!”
“Aba’t ang patay-gutom na iyon! Hoooy!!!”
Hinabol nilang mag-ina ang pulubi. Nang tumawid ito sa kanilang kalsada ay nagmamadali din silang tumawid na mag-ina. Ngunit napahinto sila sa gitna ng kalsada nang isang malakas na busina ang kanilang narinig. Sabay pa silang napasigaw ng mama niya nang makita nila na isang truck ang paparating at tinutumbok ang kinaroroonan nila.
Inakala ni Angel na iyon na ang katapusan niya pero bigla siyang itinulak ni Angelina palayo. Napasubsob siya sa kalsada at bago pa man siya makatayo ay tuluyan nang nasagasaan ng truck ang nanay niya. Tumagilid pa ang truck dahil pilit itong lumiko. Mula sa likuran ng truck ay naglabasan ang napakaraming baboy na dala nito.
“Mamaaa!!!” Palahaw ni Angel nang makita ang duguang katawan ni Angelina. Bali ang mga braso at binti nito. Nayupi ang ulo nito at ang utak ay nagkalat habang pinagpipyestahan ng mga baboy.
“HAPPY birthday, friend!”
Papungas-pungas na iminulat ni Angel ang kaniyang mata at nakita niyang sumampa ang kaibigan niyang si Cecilla sa kama niya. Muli niyang ipinikit ang mata dahil gusto pa niyang matulog. Ang sakit pa ng ulo niya. Parang binugbog ng sampung lalaki ang buong katawan niya.
Niyakap niya ang sariling katawan dahil medyo malamig. Kung noong bata pa siya ay sobrang taba niya ngayon ay iba na. Binago ng kahirapan ang katawan ni Angel. Ngayon ay matatawag na siyang sexy. Malaki ang dede at maganda ang hugis ng beywang.
Kagabi ay sinalubong nila ang ika-labing walo niyang birthday dito sa apartment na tinutuluyan nilang dalawa. Bumaha ang alak at pulutan. May mga bisita na dumating pero karamihan ay hindi niya kilala dahil si Cecilla ang mga nag-invite. Mas marami kasi itong kaibigan kumpara sa kaniya. Kesa daw silang dalawa lang ang mag-inom ay mag-i-invite na lang daw ito.
Kinapa ni Angel ang unan niya para dantayan ng binti ngunit isang mainit na katawan ng tao ang nakapa niya imbes na unan.
Biglang kumanta si Cecilla ng Happy Birthday. “Happy birthday, Angel! Happy birthday, Angel! `Di na virgin si Angel! Happy birthday, Angel!” At malakas itong tumawa na akala mo ay kinikiliti ang magkabilang singit.
“Puta…” Mahinang mura niya nang maalala ang nangyari kagabi.
Isang kaibigan ni Cecilla ang dumating kagabi. Gwapo at maganda ang katawan. Sa pagkakatanda niya ay Kyle ang pangalan. Nahalata niya na gusto siya nito kaya nang malasing na ay di-nare siya ni Cecilla na ialay ang kaniyang virginity kay Kyle. Dahil sa epekto ng alak ay malakas ang loob niya. Pumasok sila sa kwarto at doon ay nangyari na nga ang pagwasak sa kaniyang pagka-birhen.
“O, `di ba? Masarap sa feeling? I told you! Saka look! Ang gwapo ng naka-virgin sa iyo!” Patuloy sa pagsasalita si Cecilla.
Bahagya niyang iminulat ang mata at nakita niya si Kyle na nakahiga sa tabi niya. Sa tingin niya ay wala pa rin itong saplot. Nakadapa ito at mukhang ang himbing ng tulog.
Dinampot ni Angel ang isang unan at malakas iyong inihampas sa kaibigan. Wala siyang pakialam kung saan man ito tinamaan.
“Ouch! Inaano ka ba?!” tawa ito nang tawa.
“Puta ka! Hindi mo man lang ako pinigilan? Alam mo namang lasing ako kagabi, `di ba?!” Bumangon na siya at dinampot ang mga damit niya na nagkalat sa ibabaw ng kama. Sa harapan mismo ni Cecilla siya nagbihis. Sanay na sila na nakikita ang katawan ng isa’t isa dahil dalawang taon na silang magkasama sa iisang apartment. Pero halos limang taon na silang magkaibigan.
Tumatawa pa rin si Cecilla. Dumapa ito at tumabi kay Kyle. Inalis nito ang kumot na nakatakip sa pang-ibabang katawan nito kaya nalantad ang puwet ng lalaki. “Aba, dapat nga ay mag-thank you ka sa akin kasi ganito kasarap ang nakauna sa iyo. Hindi katulad ko na iyong stepfather kong amoy anghit! Eww! Naalala ko tuloy iyong panggagahasa ng animal na `yon!” Umasim ang mukha nito.
Isa siguro sa dahilan kung bakit nag-click sila ni Cecilla kahit magkaiba ang ugali nila ay dahil sa parehas na silang walang pamilya. Parehas silang sarili na lang ang bumubuhay sa sarili. Siya ay ulilang lubos na dahil namatay ang nanay niya noong walong taon siya habang si Cecilla ay naglayas sa kanila. Ginagahasa kasi ito ng stepfather nito at ayaw maniwala ng nanay nito nang magsumbong siya. Kaya naglayas na lang ito.
Nagkakilala sila noon sa isang patahian. Nagtatrabaho sila doon at sila ang naging magkaibigan. Pero naliliitan sila sa sweldo kaya umalis din sila. Nagkahiwalay sila ng landas. Basta siya ay nagtrabaho sa isang eatery. At sa hindi inaasahang pagkakataon ay muling nagtagpo ang landas nila ni Cecilla. Doon niya nalaman na isa na itong certified p****k. Iyon ang sinabi nitong trabaho sa kaniya.
Sa kasalukuyan nga ay nakatira na sila sa iisang apartment. Ganoon pa rin ang mga trabaho nila. Hati sila sa lahat. Mula sa upa, monthly bills, pagkain at sa mga iba pa nilang kailangan.
Sobrang magkalayo ang ugali nila kaya marami ang nagtataka kung paano sila naging mag-bestfriend. Happy-go-lucky si Cecilla at tila walang direksiyon ang buhay. Minsan nga ay sinabi nito na ayos na dito ang buhay nito sa kasalukuyan. Ngunit kung may dumating na swerte ay hindi daw ito magdadalawang-isip na sunggaban. Habang siya ay iba. May goal siya sa buhay. Nagtatrabaho siya nang husto at nag-iipon para makaalis na sa kahirapan.
Ngunit gaya ni Cecilla, oras na magkaroon siya ng pagkakataon na magkaroon ng malaking halaga ng pera na magagamit niya para makaahon sa kahirapan ay talagang susunggaban din niya. Hirap na hirap na kasi siyang maging mahirap. Ang dami niyang utang na dapat bayaran. Ang daming bagay na gusto niyang bilhin pero hindi niya mabili kasi wala siyang pera. Kung magkaroon man siya ng pera ay may iba pa siyang dapat unahin na mas importanteng bagay.
“Ewan ko sa iyo! Gisingin mo na nga `yang lalaking iyan at paalisin mo na!” aniya matapos makapagbihis.
“Hoy! Later na lang. Gusto ko din siyang… tikman.” At hinalikan nito ang likod ni Kyle.
Napailing na lang si Angel. “Bahala ka sa buhay mo!”
“Hindi ka galit? Hindi ka magseselos?”
“Bakit ako magseselos? Iyong-iyo na iyan. Sige na. Liligo lang ako at kailangan ko pang pumasok. Pero sana naman, pagbalik ko ay wala na iyang lalaking iyan.”
HINDI pa rin makapaniwala si Angel na sa isang iglap ay mawawala ang kaniyang virginity. Ang masaklap pa nito ay nakuha iyon ng isang lalaki na nakilala lang niya kagabi. Kung nandito lang siguro ang Mama Angelina niya ay hindi ito mangyayari. Siyempre, palagi siya niton pinoprotektahan noong nabubuhay pa ito. Palagi siya nitong inaalagaan dahil nag-iisang anak siya nito.
Tinapos na niya nang mabilis ang pagligo. Pagpasok niya sa kwarto nila ni Cecilla para kumuha ng damit ay muntik na siyang mapasigaw nang makita niyang nakaibabaw na ang kaibigan niya kay Kyle.
“Ay, ano ba?! Kumatok ka naman, Angel!” Agad na nagbalot ng kumot si Cecilla.
Napanganga siya dahil kahit tulog pa pala ang lalaki. “Aba, malay ko ba! Hindi ka talaga makapaghintay na magising iyan?” Itinirik niya ang mata at kumuha na ng damit. Pagkatapos magbihis ay lumabas na rin siya ng kwartong iyon. Sa may salas na niya tinapos ang pag-aayos sa kaniyang sarili.
Sumakay lang siya ng tricycle at nagpahatid sa eatery kung saan nagtatrabaho siya bilang isang tagahugas ng mga pinggan. Janitress din siya doon at kung minsan ay nagse-serve ng mga pagkain. Parang all around na siya.
Pagdating niya sa eatery ay agad siyang sinalubong ng may-ari na si Aling Sandy. “Happy birthday sa iyo, Angel!” Niyakap pa siya nito.
“Salamat po, Aling Sandy. Sige po, magtatrabaho na ako.”
“Ah, e, sandali lang!” Pinigilan pa siya nito nang papasok na siya sa loob. “Wala ka nang trabaho. Tanggal ka na, Angel!” Kulang na lang ay lumuwa ang mata niya sa pagkabigla sa sinabi nito.