EAT 08

1846 Words
        PAKIRAMDAM ni Clara ay tumama siya sa lotto nang sandaling magpaalam si Antonia sa kanilang lahat. May kailangan lang daw itong kausaping tao sa labas ng restaurant. Supplier daw nito ng mga sangkap sa mga niluluto nito. Humingi ito nang paumanhin dahil maaantala nang ilang minuto ang Big Event. Wala namang negatibong reaksiyon ang mga customer nito. Lalong-lalo na si Clara—pabor sa kaniya ang nangyari. Talagang binibigyan na siya ng pagkakataon para makapunta sa kusina ni Antonia nang hindi nito nalalaman. Iyon nga lang ay may takot pa rin siya na baka agad itong bumalik at mahuli siya. “Are you okay, Clara? Parang balisa ka,” puna sa kaniya ni Ethan. Nahalata na nito na kanina pa siya hindi mapakali. Ngumiwi siya. “M-medyo masakit kasi ang tiyan ko. Natatae ako. Gusto ko sanang pumunta sa CR,” pagsisinungaling niya. Inilagay pa niya ang isang kamay sa may tiyan upang maging kapani-paniwala ang kaniyang pag-arte. “Gusto mo bang umuwi na lang tayo?” “Hindi!” Mabilis niyang sagot. “Ang ibig kong sabihin ay kailangan ko lang talaga mag-CR tapos mawawala na din ito.” “Sigurado ka?” Tumango siya bilang pagsagot. “Okay. Doon ang CR…” Itinuro sa kaniya ni Ethan ang isang kulay pulang pinto bago ang pasilyo papunta sa kusina. Nagpaalam na siya kay Ethan at naglakad papunta sa pinto ng CR. Hindi naman talaga siya dito pupunta. Dahilan lang niya iyon upang makapuslit at makapunta sa kusina. Sigurado siyang naroon ang putaheng ihahain ni Antonia para sa Big Event. Sabi nga ni Ethan, kapag nakita niya iyon ay magkakaroon na siya ng ideya kung anu-ano bang sangkap ang ginagamit ni Antonia sa mga niluluto nito. Pero dahil sa sinabi din nito na maliit ang tyansa nila na makuha ang putahe ay kailangan niyang gumawa ng paraan. Curious na curious na kasi siya kung ano ba talaga ang mga sikreto ni Antonia sa kusina at kung bakit ganoon na lang kasasarap ang mga niluluto nito. Huminga nang malalim si Clara at marahang nilingon si Ethan. Wala sa kaniya ang mga mata nito kundi naroon sa kinakain nito. Hindi na niya sinayang pa ang pagkakataon na iyon at mabilis siyang naglakad sa pasilyo papunta sa kusina. Kulang na nga lang ay tumakbo siya pero hindi naman maaari dahil baka madapa siya sa taas ng takong ng kaniyang sapatos. Sa wakas ay narating na niya ang pinto ng kusina. Laking pasasalamat niya dahil hindi iyon naka-lock. Bahagya pa nga iyong nakaawang na para bang sinasabi niyon na welcome siyang pumasok doon. Ito na… Malalaman ko na rin sa wakas! Sigaw ng utak ni Clara. Nangininig pa ang kamay niya nang abutin niya ang door knob at nang itulak niya iyon. Tahimik siyang pumasok at iginala ang mata sa kabuuan ng kusina. Merong mga lutuan, malaking freezer at ref, mga kaldero at kung anu-ano pang gamit sa pagluluto sa lababo, mga kabinet at isang mahabang lamesa sa gitna. Sa mahabang lamesa na iyon ay may isang kulay gintong pang-cover ng pagkain. Napalunok ng sariling laway si Clara dahil ang kutob niya ay tinatakpan ng gintong cover na iyon ang putaheng pag-aagawan mamaya ng mga dumalo sa Big Event! Ang putaheng niluto ni Antonia para sa maswerteng tao na makakakuha niyon mamaya ay abot-kamay na niya. Hindi na siya nagdalawang-isip pa na lapitan ang lamesa bagaman at may takot pa rin sa dibdib niya na baka mahuli siya ni Antonia. Kaya naisip niya na dapat na niyang bilisan. Titingnan lang naman niya. Hindi niya hahawakan o kakainin. Tingin lang talaga. Mabilis niyang hinawakan ang handle ng cover at dahan-dahan na inangat iyon. May usok na lumabas sa loob at agad niyang naamoy ang aroma ng pagkain na nasa loob. Pumasok iyon sa ilong niya at halos tumirik ang mga mata niya sa sobrang bango! Hindi niya alam ang nararamdaman niya nang maamoy ang pagkain na iyon pero isa lang ang sigurado siya—walang kasing-sarap ang pagkain na nasa loob ng cover! Nasasabik na siyang makita kung anong klaseng pagkain iyon! “Clara!” Ang malakas na sigaw ni Antonia ang pumigil sa kaniya para tuluyang malaman kung ano ang laman ng cover na hawak niya. Akala mo ay isa siyang pusang nahuli habang nagnanakaw ng ulam sa kusina ng isang bahay. Natataranta niyang ibinalik sa ayos ang cover. “A-antonia!” Nahihintakutan niyang bulalas. Nanlilisik ang mga mata na nilapitan siya ni Antonia. “Hayop ka!” Itinulak siya nito palayo sa lamesa sabay kuha ng kutsilyo at itinutok iyon sa mukha niya. Napasinghap siya dahil ga-hibla na lang ang layo niyon sa kaniyang mukha. “Sinasabi ko na nga ba, hindi ka mapagkakatiwalaan!” Itinapon nito sa sahig ang kutsilyo at sinaklit siya sa isang braso. Hinila siya ni Antonia palabas ng kusina at dinala siya sa harapan ng mga customer nito sa restaurant. Kitang-kita niya ang pagtataka sa mukha ni Ethan. Nahihiya siya dito dahil sa ginawa niya kaya napayuko na lang siya. Hindi niya kayang salubungin ang tingin nitong nagtatanong. “Antonia, bakit hawak mo ng ganiyan ang aking asawa?” Mahinahong tanong dito ni Ethan. “Bakit hindi ang asawa mo ang tanungin mo, Ethan?!” Lumipat ang tingin ni Ethan sa kaniya. “Clara?” “G-gusto ko lang naman malaman kung ano ang putaheng niluto niya ngayong gabi!” Umugong ang bulungan sa loob ng restaurant. Akala mo ay isang malaking krimen ang kaniyang ginawa. “Alam ninyong lahat na bawal ang ginawa ni Clara!” Malakas na turan ni Antonia. “Kaya pinapatawan ko siya ng isang parusa… Simula sa gabing ito ay hindi na siya maaaring tumapak sa restaurant ko. Hindi na siya maaaring kumain ng mga putaheng aking lulutuin!” Parang gumuho ang mundo ni Clara sa parusang sinabi ni Antonia. Napaiyak siya at lumuhod sa harapan nito. “Parang awa mo na! Bigyan mo pa ako ng isang pagkakataon. Hindi ko na uulitin. Ipinapangako ko sa iyo, Antonia!” Inabot niya ang mga kamay nito pero iniiwas nito ang mga iyon. Pinanlakihan siya nito ng mga mata. “Hindi! Ang isang beses ay sapat na. Ang mga katulad mong hindi makuntento sa kayang ibigay ng kapwa ay hindi dapat pinagkakatiwalaan. Umalis ka na, Clara! Hindi ka na welcome sa aking restaurant kailanman! Alis!” Itinuro pa nito ang pintuan. Naramdaman niya ang mga kamay ni Ethan sa kaniyang balikat. Itinayo siya nito at iniharap dito. “Ethan, t-tulungan mo ako—” “Sundin mo na lang si Antonia at baka maging ako ay madamay sa kahihiyan na ginawa mo.” Mariin nitong sabi na nagpatigalgal sa kaniya. “E-ethan…” Hindi siya makapaniwala na hindi siya nito kinampihan—ng sarili niyang asawa. Mas dumiin ang pagkakahawak nito sa balikat niya. “Lumabas ka na. Sa kotse mo na lang ako hintayin. Huwag kang lalabas hangga’t hindi ako bumabalik.” Diretso itong nakatingin sa mata niya. Tila sinasabi nito na masasaktan siya kapag hindi niya ito sinunod. Napipilitan man ay tumango na lang si Clara at bagsak ang balikat na lumabas ng restaurant ni Antonia. Nagtungo siya sa kotse ni Ethan na naka-park sa may gilid ng restaurant. Sa may unahan, sa tabi ng driver’s seat siya umupo. Nakatulala siya at sa loob niya ay sinisisi niya ang sarili sa nangyari. Kung hindi lang sana niya pinairal ang pagiging mapusok ay nandoon pa rin sana siya sa loob. Paano pa niya matitikman ang paborito niyang meat balls soup? Baka mabaliw siya kapag habangbuhay ay hindi na niya iyon makain! “Ang tanga-tanga mo, Clara! Ang tanga mo talaga!” Pinagsusuntok niya ang sariling ulo. Hindi pa siya nakuntento at pinagsasampal din niya ang kaniyang magkabilang pisngi. Hanggang sa mapagod na siya at tumigil na sa p*******t na ginagawa sa sarili. Humihingal na napatitig siya sa kawalan. “Ano na ang gagawin mo ngayon, Clara? Hindi ka na pwedeng bumalik sa restaurant ni Antonia. Isang masamang tao na ang tingin niya sa iyo kaya pinarusahan ka niya…” Dahil wala siyang makausap ay ang sarili na lang niya ang kaniyang kinausap ng sandaling iyon. Maya maya ay isang mala-demonyong ngiti ang sumilay sa labi niya. “Masama na ako kay Antonia… Lulubus-lubusin ko na ang pagiging masama ko!” Isang ideya ang naglalaro sa utak niya. Hinubad niya ang suot na gown at mask. Ang natirang suot niya ay kulay itim na bra at panty. Itinapon niya sa backseat ang gown at mask. Binuksan niya ang pinto ng kotse at lumabas…   “NAIS ko lang na humingi ng paumanhin kung bakit kinailangan kong lumabas. May kailangan lang kaming pag-usapan ng supplier ko. Isa pa, paumanhin din kung nagkaroon ng gulo dito kanina dahil sa isang mapusok na babae. Ngunit naayos na ang lahat at wala nang magiging dahilan para maabala pa ang Big Event!” Lahat ay mataman na nakikinig kay Antonia habang nagsasalita ito sa unahan nila ni Ethan. Nagpalakpakan silang lahat. Hanggang ngayon ay hiyang-hiya pa rin si Ethan sa ginawa ni Clara. Alam niya na magiging usapan silang mag-asawa ng iba pang customer dahil doon. Noon ay na-curious din siya sa mga niluluto ni Antonia ngunit hindi naman siya umabot sa ginawa ng kaniyang asawa. Masyadong naging mapusok si Clara. Kumbaga, masyado na itong obssessed sa pagkain na niluluto ni Antonia kaya nito nagawa ang bagay na iyon. Talagang nakakahiya lalo na kay Antonia. Mabuti na lang at hindi siya nito pinalabas. “Ngayon ay sisimulan na natin ang Big Event!” deklara ni Antonia. Umalis ito sandali at nagtungo sa kusina. Lumamlam ang mga ilaw. Medyo dumilim pero may sapat pa ring liwanag para malinaw nilang makita ang paligid. Narinig na nila ang tunog ng gulong ng itinutulak na serving cart. Lumakas ang kabog ng dibdib niya. Hindi man niya makuha ang putaheng iyon ay sapat na sa kaniya na maka-attend sa ganitong pagtitipon. Alam din ni Ethan na darating ang panahon na mananalo na siya sa Big Event basta sipagan pa niya nang husto sa kaniyang trabaho at negosyo. Huminto si Antonia sa unahan nila. Nakahawak ito sa serving cart kung saan nakalagay doon ang isang kulay gintong pang-cover ng pagkain. “Ipinagmamalaki kong ihandog sa inyong lahat ang aking espesyal na putahe para sa Big Event ngayong taon!” Alam niyang hindi nito bubuksan ang cover dahil ang tanging makakakita lang niyon ay ang mananalo ngayong gabi. Wala man siyang ideya sa kung anong uri ng pagkain ang nasa loob niyon ay alam niyang sulit ang bawat piso na ibabayad nila doon. “Ang pagkain na ito ay matagal kong pinag-isipan. Ilang beses kong sinubukang lutuin ito hanggang sa magawa ko na ito ng perpekto! Ngunit isang babala lamang sa makakakuha nito… Nakakamatay sa sarap ang espesyal na putaheng ito…” At ngumisi si Antonia. “Ngayon ay opisyal ko nang sinisimulan ang Big Event!” Itinaas ng isang babae ang kamay nito. “Five million pesos!” Iyon ang paunang bid na dapat nilang malampasan. “Seven million pesos!” Agad na sabi ni Ethan. “May mas hihigit pa ba sa seven million pesos?” tanong ni Antonia. “Ten million pesos!” sagot no’ng lalaki na nasa isang sulok. Puro itim ang suot nito. “Twelve million!” sabi no’ng naunang babae na nag-bid. “Fifteen million!” Iyong lalaki na nakaitim. Natahimik ang lahat. Nararamdaman ni Ethan ang namamagitang tensiyon sa babae at doon sa lalaking nakasuot ng puro itim. “Wala na bang mas hihigit sa fifteen million?” tanong ni Antonia. “Isa… Dalawa… Tat—” “Twenty million pesos!” Malakas na deklara no’ng babae. Lahat sila ay napatingin dito. “Isa, dalawa… tatlo!” At natapos na ang pagbibilang ni Antonia. “Ang espesyal na putahe ay mapupunta sa kaniya! Binabati kita sa iyong pagkapanalo, Miss Melendez!” Itinuro nito ang babae at nagpalakpakan silang lahat. “Nakakatuwa dahil ito na yata ang pinakamalaking bid na nakuha natin simula nang mag-umpisa ang Big Event!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD