Sick
Nilalamig at basang-basa na naglalakad sa gilid ng kalsada si Kristina habang hila-hila niya ang kaniyang lumang maleta na puno ng lahat ng gamit niya.
Sigurado rin siya na basang-basa na rin ang mga damit niya sa loob dahil kanina pa umuulan.
Paminsan-minsan din ay kumukulog at kumikidlat pero hindi siya nagpadala sa takot at patuloy pa rin ang paghahanap niya ng masisilungan.
Nag-uumpisa ng dumilim ang paligid habang patuloy pa rin ang pagbuhos ng napakalakas na ulan. Siguro may low pressure area. Hindi lang niya alam dahil hindi naman siya nanonood o nakikinig ng balita. Bukod sa wala siyang TV o radio sa tinitirhan, busy rin siya sa kaniyang trabaho.
Huminto siya saglit at niyuko ang sarili. Para na siyang basang sisiw sa ayos niya.
Kung alam lang niya na uulan ngayong araw. 'Di sana naninikluhod na muna siya sa landlady niya, na 'wag muna siyang palayasin sa apartment nito. Pero ano pa nga ba ang magagawa niya eh, nandito na siya sa sitwasyon niya ngayon.
Kasalanan din naman niya dahil tatlong buwan na rin na hindi siya nagbabayad ng renta sa apartment nito. Ilang ulit na rin siya nitong pinagbibigyan kapag naniningil ito at wala siyang maibibigay.
Patawid na sana siya nang may rumaragasang sasakyan na papalapit sa kaniya at dahil sa pagkabigla ay hindi siya agad nakakilos at na-stock siya sa gitna ng kalsada.
Isang nakabibinging busina ang narinig niya bago siya tumilapon sa isang malambot na bagay.
Natigilan siya. Malambot na bagay? Kailan pa naging malambot ang sementadong daan? O baka naman patay na siya at nasa heaven na?
"Kristina? Okay ka lang ba?"
Napakurap siya. Pero kung patay na siya, bakit may narinig siyang boses ng lalaki? At kaboses pa ng lalaking iniiwasan niya.
"Kristina? May masakit ba, sa 'yo? Tell me? Do you want me to bring you—"
"Buhay ako..." wala pa rin sa sariling bulong niya na ikinatigil naman ng lalaki sa pagsasalita.
"Of course," sagot nito, kahit hindi naman niya ito tinanong.
Madiin din ang pagkakabigkas nito na para bang sinisigurado rin nito sa sarili na buhay nga siya.
Kinurap-kurap niya ang mga mata, at sinubukan din niyang gumalaw para siguraduhing buhay nga siya. Saka lang siya natauhan nang mapagtantong nakapatong siya sa katawan ng lalaki.
Inangat niya ang sarili at sa ginawa niya ay agad nagtagpo ang mga mata nilang dalawa. Kita niya sa abuhing mga mata nito ang takot at pag-aalala.
Gulat at namilog ang mga mata niya nang kinabig siya nito at mahigpit na niyakap.
Wala naman siyang lakas na magpoprotesta pa dahil unti-unti na niyang nararamdaman ang panginginig ng kaniyang katawan sa sobrang ginaw at sabayan na rin ng sobrang pagkatakot niya na muntik na siyang masagasaan kung hindi lang siya nasagip nitong lalaking nakayakap pa rin ng mahigpit sa kaniya.
Shunga! Late reaction yata ang katawan niya.
"Hey, may masakit ba sa 'yo? Bakit ba tumawid ka nang hindi man lang tumitingin sa dinaraanan mo? At saka gabi na ah, bakit nandito ka pa rin sa labas? At saan ka pupunta? Bakit may dala kang maleta?" Sunud-sunod nitong tanong sa kaniya.
Pero lahat ng iyon ay hindi na niya magawang sagutin dahil unti-unti ng pumikit ang mga mata niya. Hindi naman niya alam kung sa pagod dahil kanina pa siya naglalakad sa gitna ng ulan o dahil sa kaginhawaan na nararamdaman niya.
"D—avid…" huling nasambit niya bago siya nawalan ng malay.
Nagising siya na balot na balot ang buong katawan niya ng kumot. Muli siyang napapikit nang makaramdam siya ng pagkahilo, masakit rin ang kaniyang ulo at giniginaw siya.
Nilalagnat siya. Expected na rin niya ito dahil sa sobrang init ng panahon tapos nagpaulan siya.
"Oh, my God!"
Bulalas niya ng maalala ang nangyari sa kaniya bago siya nahimatay.
"Hey, okay ka lang?"
Gulat at agad nabaling ang tingin niya sa taong nagsalita.
Si David.
Nakatayo ito malapit sa nakabukas na pinto nitong kuwartong kinaroroonan niya at agad na nagtama ang kanilang mga mata. His gray eyes showed both anger and worry.
Binawi niya ang mga mata at ibinaba na lang sa bitbit nitong bowl na ipinatong lang nito sa plastic na plato.
Ilang hakbang lang ay agad na itong nakalapit sa kamang kinahihigaan niya.
Inilapag na muna nito ang dalang pagkain sa maliit na cabinet sa gilid ng kama.
Wala sa sariling napatitig siya sa lalaki.
Nakasuot ito ng kulay gray at plain na cotton pajama at itim na sando. Grabe nahiya naman siya sa mga muscles nito at ang lapad ng likod nito.
Kumunot ang noo niya, ngayon lang niya ito nakitang nakasuot ng desenteng damit. Tuwing pupunta kasi ito sa karenderya ni Aling Mameng kasama ang mga kasamahan nitong construction worker para kumain, kung hindi ito madungis wala naman itong pang-itaas na damit.
At sa tuwing wala itong damit ay nagkakagulo naman ang mga serbidora roon. Dumadami rin ang mga costumer na babae para lang pagpantasyahan ito, kaya lagi niya itong nasisita pero tatawanan lang siya nito at aasarin na nagseselos.
Tse! Asa! Kailanman ay hindi siya magseselos sa mga babaeng lalapit dito dahil wala naman siyang gusto rito at kailanman hindi siya magkakagusto rito.
“Sa ganiyang titig mo, iisipin ko na bang may gusto ka na sa akin?”
Napakurap siya nang magsalita ito. Magaan at may panunukso ang boses, kabaliktaran sa nakita niyang emosyon sa mga mata nito kanina.
Nakaharap na ito sa kaniya, nakangisi.
Shit. Nag-iinit ang mukhang agad niyang iniwas ang tingin dito.
“Nasaan ako?” tanong na lang niya, para pagtakpan ang kahihiyang nagawa.
Inilibot pa niya ang mga mata sa kabuuan ng silid pero iniiwasan na niyang tingnan ito. Maliit lang ang kuwarto. At unang tingin pa lang, alam niyang lalaki ang umuukupa rito.
“Nasa apartment kita, sa kuwarto ko.”
Double s**t. Sa kuwarto nito. Kama nito ngayon ang hinihigaan niya at for sure kumot at unan nito itong gamit niya.
“Hey, easy.” Saway nito sa kaniya at akmang alalayan pa siya nang itulak niya ito.
Kinakabahang inangat niya ang kumot sa katawan, and to her horror, iba na ang suot niyang damit. At sigurado pa siyang hindi ito sa kaniya.
Puting spaghetti strap at pink na cotton pajama. Wala siyang ganitong damit at isa pa, hindi siya mahilig na magsuot ng ganito.
“Binihisan mo ako?” halos histerikal niyang tanong dito.
Ngumisi ito na ikinalaki ng kaniyang mga mata. Dinampot niya ang unan at ihahampas na sana rito nang bumukas ang pinto ng kuwarto at pumasok ang isang babae kaya agad niyang naibaba ang unan sa tabi niya.
“Oh, sorry. Wala kasing sumasagot ng kumatok ako sa labas. Bukas naman kaya pumasok na ako at baka lumala ang lagnat ni Kristina.”
Lumapit sa kanila ang babae. Kilala niya ito. Nurse ito na nagtatrabaho sa barangay health center nila rito. Pero anong ginagawa nito rito?
“Okay lang, Jill. Pasensya na at hindi kita narinig. Saka medyo bumaba na rin naman ang lagnat niya.”
Nanliit ang mga mata niya habang tinitingnan ang dalawa. Hindi lingid sa kaalaman niyang magkakilala ang mga ito dahil magkalapit lang ang apartment na tinitirhan ng mga ito.
Ilang beses din niyang nahuli ang mga ito na magkausap. Pero ganitong ka-close na nakapapasok ang babae sa apartment nito, hindi niya alam.
Bumaling sa kaniya ang babae. “Hi, kumusta ka?” nakangiting tanong nito sa kaniya.
Napalunok siya. Nakaramdam ng hiya at bigla rin na bumigat ang pakiramdam niya, na hindi naman niya maintindihan kung bakit.
“Okay na po ako,” hindi niya naitago ang pananamlay ng kaniyang boses.
Matamang nakatingin naman sa kaniya si David.
Hinipo ni Jillian ang noo at leeg niya.
“May lagnat ka pa rin, but thank God, hindi na gaya kagabi na halos magdedeliryo ka sa sobrang taas ng lagnat mo,” sabi nito, saka muling humarap kay David. “Nakainom na ba siya ulit ng gamot?” tanong nito sa lalaki.
Umiling naman si David.
Tumango-tango naman ang babae.
“Pakainin mo muna siya bago painumin ulit ng gamot. Iyong bilin ko sa ‘yo kagabi sa pagpapa-inom ng gamot, gano’n pa rin kung hindi pa rin mawawala ang lagnat niya.”
Nandito ito kagabi? Saka ibang araw na pala ngayon. Akala niya—s**t. Mukha yatang nagdedeliryo talaga siya kagabi at hindi man lang niya namalayang nalipasan na siya rito ng gabi.
“Anyways, kailangan ko na ring umalis, David. Dumaan lang talaga ako para kumustahin si Kristina.”
“Thanks, Jill. Saka iyong damit mo, lalabhan ko muna bago isauli.”
Namilog ang mga mata niya sa narinig mula kay David. Kay Jillian itong suot niyang spaghetti strap at pajama?
Inihatid ni David si nurse Jillian sa labas ng pinto. Pagkatapos ay agad din siyang binalikan. Kinuha nito ang inilapag nitong bowl kanina sa ibabaw ng cabinet at naupo sa gilid ng kama.
“Ako na,” aniya, at inabot ang hawak na bowl na may lamang umuusok pang lugaw. Pero ayaw naman nitong ibigay sa kaniya. “David, ako na. Hindi naman ako imbalido para subuan mo pa.” May diin na rin sa boses niya.
Marahang bumuntong-hininga ito tanda ng pagsuko at may pag-iingat na inabot sa kaniya ang bowl.
Dinampot niya ang kutsara at akmang susubo na sana nang magsalita ito.
“Nang mawalan ka ng malay kagabi, hindi ko alam ang gagawin kaya tinawagan ko si Jillian at pinapunta rito sa apartment. Basa lahat ng damit mo na nasa maleta kaya nanghiram na rin ako ng mga damit niya at siya rin ang nagbihis sa ‘yo.” Paliwanag nito sa kaniya, na para bang nanghihingi siya n‘yon.
Saglit niya itong tiningnan. Seryoso ito at mukhang nagsasabi naman ito ng totoo sa huling sinabi nito. Nakahinga siya ng maluwag doon.
Parang bula rin na bigla na lang nawala ang bigat sa dibdib na bigla na lang niyang nararamdaman kanina nang makita si Jillian.
Shit. Ano ba 'tong kahibangang nararamadan niya?
Nanatili itong nakaupo sa gilid ng kama at mataman siyang pinagmamasdan. Tila naninimbang sa kung ano ang magiging reaksyon niya sa mga sinabi nito.
“S-Salamat nga pala sa pagligtas sa akin kagabi,” aniya.
Kahit naman hindi niya ito gusto, marunong din naman siyang magpasalamat at tumanaw ng utang na loob.
Sumubo siya ng lugaw. Nagustuhan niya ang lasa. Masarap lalo pa at hinaluan pala iyon ng bisayang manok at masarap ang pagkakatimpla kaya hindi niya namalayang sunud-sunod na ang pagsubo niya.
Saka lang din niya na-realize na sobrang gutom siya. Huling kain niya pa ay kahapon pa sa karenderya ni Aling Mameng. Meryenda lang din iyon. Dahil nang umuwi siya sa apartment, nasa labas na ang lahat ng gamit niya, pinapalayas na siya ng landlady niya.
Saka lang siya tumigil sa pagsubo ng masimot niya ang isang bowl na lugaw. Pinagpapawisan pa siya at mas lalong gumaan ang pakiramdam niya.
“Gusto mo pa?” tanong nito sa kaniya.
Bahagya ring umangat ang sulok ng labi nito. Masaya yata na naubos niya ang dinala nitong lugaw.
Umiling siya. Kinuha nito ang baso na puno ng tubig sa ibabaw ng cabinet at inabot naman sa kaniya. Pagkatapos ay tumayo ito at saglit na umalis, nang bumalik ay may dala na itong bimpo at inabutan din siya ng gamot na agad din naman niyang kinuha at ininom.
Inaamin niya na ang ginagawa nitong pag-aalaga sa kaniya ay nagpaantig sa kaniya. Simula nang umalis siya sa ampunan, ngayon lang ulit niya nararamdaman—no.
Agad niyang ipinilig ang ulo. Hindi puwede. Hindi niya ito puwedeng magustuhan. Natigilan siya nang punasan nito ang noo niya ng bimpong dala nito.
Nagkatitigan sila. Pero siya rin ang unang bumitaw.
“A-Ako na,” aniya at agad na kinuha rito ang bimpo at siya na ang nagpunas ng pawis niya sa noo at leeg.
Nakatitig pa rin ito sa kaniya na mas lalong ikinailang niya.
“Bakit umalis ka sa apartment mo?” biglang tanong nito.
Uminit na naman ang pisngi niya. Paano ba niya sasabihin ditong hindi siya umalis, kundi pinalayas talaga siya ng landlady niya dahil hindi siya nakapagbayad ng renta.
“Close pala kayo ni Jillian,” pag-iiba niya sa usapan.
Ayaw niyang malaman nito ang totoo. Nakakahiya!