CHAPTER 37

1835 Words
"Gusto kong hanapin ang asawa ko," isang araw, katulad ng inaasahan nila ay sabi na nga ni Leia sa kanila. Sa kabila ng lahat na hindi niya naigagalaw ang mga paa ay disidido siya sa sinabi. "Pero, Anak, magpapagod ka lang. Hinanap na namin siya. Humingi na rin ako ng tulong sa mga pulis,” maagap na pagkontra ni Aling Linda. "Okay lang ‘yon, Aling Linda. Huwag po kayong mag-aalala at sasamahan ko po si Leia," sabi naman ni Kenneth. Nasa script na niya lahat iyon dahil ang plano ay papayag lahat si Kenneth sa gusto ni Leia makita lang si Bryle at kapag ito’y napagod na sa paghahanap sa asawa ay doon na siya mag-uumpisa para muling iparamdam kay Leia ang pag-ibig niya rito. “Hindi ba nakakahiya sa iyo, Sir Kenneth?” ani Leia. “Syempre hindi, basta ikaw. Malakas ka sa akin, eh,” ngiting-ngiti na sabi ni Kenneth. “Pero baka mahirapan ka? Hindi na po ako nakakalakad.” “May wheelchair naman? Madali lang magtulak. What's important is that we find Bryle nang sa ganoon ay muli niyo siyang makasama, lalo na si Lacey. Ang sabi niya sa akin ay miss na miss na niya ang papa niya.” Napaisip si Leia. Nahihiya man ay tinanggap niya ulit ang tulong na ibinibigay sa kaniya ni Kenneth. Kahit gusto niya itong tanggihan ay wala naman siyang ibang tao na naiisip upang matulungan siya, lalo na sa sitwasyon niya ngayon. “Isa lang ang kondisyon ko,” sabi pa ng binata. “Anong kondisyon po, Sir?” “Ang huwag mo na akong tatawaging ‘sir’. Kenneth na lang. Mas guwapo kasi talaga ako kapag Kenneth lang ang tawag sa akin.” Wala sa loob na napangiti si Leia. Kahit kailan talaga ay napapagaan ni Kenneth kahit gaano pa kabigat ang meron sa dibdib niya. LUMIPAS ang ilang araw, nakalabas na si Leia sa hospital. Gulat na gulat siya nang sa bahay ni Kenneth sila nakarating. “Mama,” salubong sa kaniya ni Lacey mula sa loob ng malaking bahay ni Kenneth. Nakasunod dito si Aling Celia na itinuka muna ni Kenneth na magbantay sa bata. “A-ano’ng ibig sabihin nito?” naguluhang tanong niya habang yakap-yakap si Lacey. Kumawala naman agad ang bata. “Mama, dito na raw tayo titira sabi ni Tito Kenneth,” at ito ang sumagot sa kaniya. Nakusot ang mukha ni Leia. Wala siyang ideya sa bagay na iyon. Buong akala niya ay sa bahay nila sila titira dahil iyon ang napag-usapan nila ni Aling Linda na nanay niya. Wala na nga siyang bahala kung may sakit ang tatay niya. Bumuntong-hininga si Kenneth. Umiwas naman ng tingin sa kaniya ang nanay niya nang balingan ito ng tinging nagtatanong. “Aling Linda, Aling Celia, sa loob po muna kayo kasama si Lacey. Mag-uusap lang po kami saglit ni Leia,” sabi na ni Kenneth. “Sir Kenneth, nakakahiya na po ito. Hindi ko na po matatanggap kong pati ang titirhan namin ay tutulong kayo. Baka hindi na po ako makabayad. Alalahanin niyo po na pilay na po ako,” sabi agad ni Leia. Nakangiti si Kenneth na umupo palahod ang isang tuhod sa harapan ng wheelchair na kinauupuan niya. “Hindi naman kita sisingilin kaya huwag mong isipin iyon. Tulong ko ang lahat ng ito kaya relax ka lang.” “Pero—” Masuyong hinawakan ni Kenneth ang kaniyang baba. “Wala nang pero pero, hangga’t wala kayong matutuluyan ay dito muna kayo ni Lacey sa bahay. Malaki naman ito at wala akong kasama kaya okay na okay sa akin na dito kayo tumira.” Napakagat na lamang ng pang-ibabang labi si Leia. “At saka nakausap ko rin kasi ang nanay mo at si Aling Celia. Hindi ka puwede sa bahay niyo raw dahil may sakit ang tatay mo na puwedeng nakakahawa. Hindi rin kayo puwede sa bahay nina Bryle dahil masikip daw tapos may alagiin din na may sakit sila. Tiyak na mahihirapan lang kayo roon ni Lacey lalo’t may pinapagaling pang mga sugat si Lacey sa braso at paa. Hindi tulad dito sa bahay na wala kayong magiging problema. She has the freedom to recover here and play,” ingganyo pa sa kaniya ng binata. Bagaman ayaw pa rin sana ni Leia ang ideya na makikitira sila kay Kenneth, bandang huli ay wala siyang nagawa nang kumbinsihin na rin siya ng nanay at biyenan niya. Na tama lang daw na doon muna sila pansamantala habang nagpapagaling silang mag-ina. “Ano ang gusto niyong gawin ngayon? Gusto niyong mamasyal?” animo’y isang ulirang ama at asawa si Kenneth kinabukasan. Nakaramdam ulit ng matinding hiya si Leia dahil nakaluto na ito ng almusal para sa kanilang mag-ina nang magising siya. “Gusto ko sanang hanapin si Bryle,” pero hindi nahiyang saad niya nang maalala niya ang kagustuhan niyang malaman kung ano ang nangyari sa kaniyang asawa. Natigilan saglit si Kenneth. “Ganoon ba, eh, di sige, hanapin natin. Samahan kita.” “Hindi na kailangan, Kenneth. Kaya ko nang mag-isa na—” “No, Leia. Sasamahan kita. Wala naman akong lakad ngayon,” ngunit ay pamumutol ni Kenneth sa dapat ay pagtanggi niya. “Lacey, saka na tayo mamasyal, ha?” tapos ay malambing na sabi rin nito sa kaniyang anak. “Okay lang po, Tito Kenneth,” sagot naman ng mabait niyang anak. “Good girl.” Aakalaing mabait na ama na ginulo naman ni Kenneth ang tuktok ng bata. Naantig naman ang puso ni Leia na napatitig sa guwapong mukha ni Kenneth. Gayunman, muli siyang nalungkot nang ibaba niya ang tingin dahil mas naalala lang niya si Bryle. Naalala niya na mahal na mahal ni Bryle ang kanilang anak kaya paanong nagawa nitong iwanan? Imposible talaga na magagawang iwanan ni Bryle si Lacey. Mas tumindi pa ang kagustuhan niyang mahanap ang asawa. Sa tingin niya ay may mali talaga sa nagaganap. “Baka nakita niyo po si Bryle?” hindi napapagod na tanong niya sa nakikitang kakilala nang naghahanap na nga sila sa lugar nila. Umalis sila agad ni Kenneth nang dumating si Aling Celia sa malaking bahay upang ito ulit ang titingin kay Lacey. “Naku pasensya ka na, Leia, pero hindi, eh,” sa kasamaang palad ay lagi niyang nakukuhang sagot. Ni isa ay wala ngang makapagturo kung nasaan si Bryle. “Hindi mo ba alam ang nangyari sa asawa mo, Leia?” Hanggang sa mukhang naawa rin ang langit sa kaniya nang makatyempo siya ng isa na parang may alam sa nangyari sa kaniyang asawa. “Ang alin po, Aling Maring? Ano ang hindi ko po alam?” nabuhayan niyang mga tanong. Kitang-kita na kinabahan si Kenneth na nasa likod ni Leia. Kulang na lang pilipitin nito ang leeg ng ginang huwag lang masabi nito kay Leia ang nalalaman. “Leia! Leia!” Nang bigla ay bungad ng humahangos na si Anna. “Ate Anna, bakit po?” nabahalang tanong ni Leia sa bilas. “May nakausap kasi ako doon na isang lalaki at sabi parang nakita niya si Bryle banda roon,” humihingal na sabi ni Anna. “Talaga po?” Mas nabuhayan si Leia. Naiiyak na siya agad. “Ang mabuti pa ay puntahan natin. Saan iyon?” sabad ni Kenneth. Agad niyang itinulak ang wheelchair na kinauupuan ni Leia. “Doon,” sagot dito ni Anna na may itinuro. “Um…” Naalala ni Leia ang kausap na ginang. Nilingon niya ito pero nakalayo na sila agad. Nakita niyang takang-taka na nakatanaw na lang sa kanila si Aling Maring. Bumuntong-hininga siya. Hindi bale at kilala naman niya at alam niya naman ang bahay ni Aling Maring. Anytime ay puwede niya itong balikan upang tanungin sa hindi nito naituloy na sasabihin sa kaniya. Ang mas mahalaga ngayon ay makita niya kung saan daw banda nakita si Bryle. Umaasa siya, umaasa ang puso niya na sana ang asawa nga niya iyon. “Naku, pasensya na kayo. Akala ko talaga kanina ay si Bryle siya,” subalit ay sabi ng lalaki nang mapuntahan nila. Lumong-lumo si Leia. Napayuko na lamang siya sa natamo na naman niyang kabiguan na makita si Bryle. “Sorry, Leia, umasa rin kasi ako kaya na-excite ako,” nahiya na paghingi sa kaniya ng bilas ng pasensya. Hinawakan niya ito sa kamay nang mag-angat siya ng ulo. “Wala kang dapat ihingi ng sorry, Ate Anna. Ako nga po ang dapat humingi ng despensa dahil pati kayo nadadamay sa paghahanap kay Bryle.” “Ayos lang ‘yon. Sino ba ang magtutulungan kundi tayo tayo, hindi ba?” Malungkot ang kinang ng kaniyang mga mata na ngumiti. “Salamat po talaga.” Tumango at magaang hinawakan ni Anna ang kaniyang balikat. Ang hindi nakita ni Leia ay ang makahulugang sulyapan nina Kenneth at Anna. "Tahan na. Huwag kang mag-alala makikita rin natin siya," alo ni Kenneth nang dumating na sila sa bahay pagkatapos ng maghapon nilang paghahanap kay Bryle. At tulog na si Lacey na nadatnan nila. Binuhat siya ni Kenneth hanggang sa kuwarto. Maingat siyang ibinaba sa kama. “Magpahinga ka na. Siguradong napagod ka sa buong araw nating paghahanap,” sabi sa kaniya ni Kenneth habang inaayos ang kumot. Kinumutan siya hanggang bandang tiyan. "Bakit ba kasi siya umalis, Kenneth? Ano ba kasi ang nangyari noong araw na iyon? Ano’ng nangyari kay Bryle?" malungkot na malungkot na tanong niya sa binata. "Ang huling kita ko sa kaniya ay iyon nga, noong nalaman niyang nabangga ka. Kasama pa namin siya noon ni Pressy na nag-aantay na lumabas ang doktor na nag-asikaso sa iyo. Tapos nang malaman niyang kakailanganin ng malaking halaga dahil sa natamo mong mga pinsala ay bigla na lang siyang umalis at hindi na bumalik pa," pagsisinungaling na naman ni Kenneth. Pinanindigan talaga nito ang kasinungalingan nila. "Hindi na talaga siya bumalik kahit isang beses lang?" garalgal na tanong pa ni Leia. “I’m sorry.” Malungkot na tumango si Kenneth. “Actually, naghintay kami sa kaniya pero dahil hindi na siya nagparamdam ay naisip na lang namin na baka nagpakalayo-layo na siya upang takasan ang responsibilad.” "Ang sama niya!" Sa unang pagkakataon ay may galit nang namuo sa puso ni Leia para sa asawa. Nagdiwang naman ang damdamin ni Kenneth sa nasambit na iyon ni Leia. Lihim siyang napangisi, pero syempre iba ang ipinakita niya. “Huwag mong sabihin ‘yan at baka may rason bakit siya umalis.” "Ano’ng rason niya? Ano’ng dahilan niya? Ang sabihin mo’y tinakasan lang niya ang problema!" lumakas ang boses ni Leia. “Hindi niya kami totoong mahal!” “Leia—" sinadyang binitin ni Kenneth ang sasabihin. "Baka napagod na nga siya. Iyon siguro ang dahilan kaya tumakas na lang siya. Napagod na siya sa mga problema," puno ng sama ng loob na sabi pa ni Leia at tumagilid na ng pagkakahiga. Umiyak na naman siya nang umiyak. Napabuntong-hininga naman kunwari si Kenneth. Pero sa loob-loob nito’y, "Sige, Leia, magalit ka sa asawa mo. Tama ‘yan. Isumpa mo siya.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD