"Araaaayyy!" Daing ni Tor habang hinahaplos ang bumbunan na binatukan ng kararating lang na si Ziya.
Nakaupo siya sa tambayan nila ni Ziya sa school habang naghihintay ng uwian. Inaabangan nya talaga ang pagdating nito dahil sadyang maloko ang babae. Madalas siyang batukan o hampasin nito. Iyon daw ang tamang paraan ng batian nila. Kahit anong isip niya ay hindi niya matandaan kung paano siya napapayag sa kasunduang iyon.
Hindi naman niya ginagantihan ang babae, at kung babatukan nya o hahampasin ito, sinisiguro niyang hindi ito masasaktan.
"San ka ba galing? Kanina pa kita hinahanap ah."
"Binalikan ko lang ito." Itinaas pa ni Ziya ang hawak na drawing book. "Naiwan ko pala sa classroom natin."
"Patingin nga!" Inagaw ni Tor ang drawing book sa mga kamay ni Ziya at binuklat-buklat.
"Hoyyyy! Baka masira 'yan ha! Lagot ka sa'kin!" banta ni Ziya.
"Ayan na nga oh. Dahan-dahan lang."
Maingat na nililipat ni Tor ang bawat pahina. Muntik na siya mapanganga sa mga drawing ni Ziya.
Ang gaganda ng mga iginuguhit nito! May mga gowns at mayr'on ding mga panlalaking kasuotan.
Ibinalik na ni Tor ang sketch pad kay Ziya.
"Gusto ko mag-design." Sabi nito habang nag-sketch sa bagong drawing book nito. Kakabili lang nito ulit dahil naubos na ‘yung panlimang drawing book nito.
"Ako naman, gusto ko maging engineer," sagot nya.
Tinitigan siya nito pagkatapos ay nagwika, "Mag interior design naman ako."
"Sigurado ka? Mas bagay sa'yo ang maging fashion designer." Inginuso pa ni Tor ang drawing book niya.
Sumagot naman ito. "Para ikaw ang engineer tapos kukunin mo akong designer. Partner tayo, eh." Inakbayan pa sya nito. Ang isang kamay naman ay ipinunas nito sa ilong na namamawis. Ipinahid nito iyon sa pisngi nya.
"Kadiri nito!" asik nya.
"Arte mo!" Tumayo na ito at ipinagpag ang likod ng palda. Nakasalampak kasi sila sa isang sementadong flower box na malapit lang sa gate ng school. "And'yan na ata si Kuya Toks."
Hinila pa ni Ziya ang kamay ni Tor at tumakbo na sila. Makikipag-unahan pa kasi sila sa mga ka-service nila sa pagsakay sa likod ng tricycle. Favorite nila 'yun, eh. Aside sa magkatabi sila, nasisiyahan pa sila sa mga natatanaw. Puro kasi malalaking kahoy ang nasa magkabilang-gilid ng daan. Sementado naman ang daan kaya hindi sila natatagtag sa likod. At ang pinakaimportante sa lahat, hawak palagi ni Tor ang kamay ni Ziya.
Maswerte sila at sila ang kauna-unahang nakarating sa tricycle na service nila. Sabay pa silang umupo sa may likurang bahagi niyon, yung kadalasang pinaglalagyan ng mga bagahe.
"Ohhh! 'Wag kayo d'yan! Malalagot na naman ako kay Sandra at Carol n'yan 'pag nakita kayong nakasakay na naman d'yan," pagbabawal ni Toks na napapakamot na lang sa ulo niya.
"Okay lang 'yan, Kuya Toks. Wag mo na lang kami ibaba sa mismong mga bahay namin, para di nila malaman," pangungumbinsi ni Ziya.
"Pambihira talaga kayong mga bata kayo! Kapag ako nawalan ng trabaho, kayo sisingilin ko," pagbibiro na lang ni Toks sa kawalan ng magagawa.
Kilala nya ang pagiging pilya ni Ziya na sinasakyan lang naman palagi ni Tor.
"Hindi mangyayari 'yun, Kuya Toks. Kung sakali man, sagot kita." Kumindat pa si Ziya kay Toks pagkatapos.
Mayamaya ay napuno na ang service at ipinaandar na nito iyon.
"Kuya Toks, punta ka sa party bukas ha!" sigaw ni Tor upang marinig ng drayber.
Binagalan pa nang kaunti ni Toks ang pagpapatakbo ng tricyle. "Oo, nakakailang sabi ka na!"
"Baka lang makalimutan mo! Sayang din ang pagkain, ikaw rin," biro ni Tor.
"Kuya Toks, dun lang kami sa one-stop shop ha?" singit naman ni Ziya
"Aano naman tayo dun?" gulat na tanong ni Tor.
"Basta! May bibilhin lang tayo." Ngumisi pa ito kay Tor.
"Ayaw ko nang ganyang mga ngisi mo, e," Tor said.
"O, andito na tayo! Sige na at mamili na kayo. Hintayin ko kayo," bilin ni Toks.
"Ha? H-hihintayin mo kami? W-wag na po! Malapit lang naman ang bahay namin dito," nauutal na wika ni Ziya.
"House to house ang binabayaran sa akin ng mga magulang ninyo kaya ihahatid ko kayo roon."
"Kuya Toks naman, fifteen na kami e. Nakakahiya na nga ang ginagawa nila mommy dahil teenager na kami naka-service pa rin kami," pagmamaktol ni Ziya na nakanguso na.
Tiningnan ni Toks ang dalawang bata na nasa gilid na niya. "Sigurado kayo ha?"
"Magpahintay na lang kaya tayo? Tinatamad ako, e," bulong ni Tor kay Ziya.
"Tskk, sige mauna ka na. Ako na lang maglalakad mag-isa." Kunwariang pagtatampo ni Ziya bago bumaling sa service driver. "Kuya Toks, ako na lang maglalakad, sasabay na raw po sa inyo si Tor."
"Ayyy, hindi Kuya. May bibilhin din pala ako. Uuwi rin kami agad. Promise."
Pinag-isipan ni Toks kung iiwan na ang dalawa o hihintayin. Sa huli ay pumayag na lang siya. Alam naman niyang hindi pababayaan ni Tor ang kaibigan nito. "Okay, basta uuwi agad ha?"
Mariin ang naging pagtango ni Ziya habang alanganin naman si Tor.
Pinaandar na ni Toks ang tricycle at tatawa-tawang umalis. Natutuwa sya talaga sa samahan ng dalawang bata.
Yung magkaibigan na alam mong hindi mag-iiwanan hanggang dulo.
"SIGURADO KA ba sa gagawin natin? Baka mapagalitan tayo nila Mommy Sandra?" Bulong ni Tor habang inilalabas ang binili nilang isang litrong alak.
Kabilin-bilinan ng kanilang mga magulang na h’wag uminom ng alak, pero ito sila ngayon at magkasama pang totoma.
Nasa may wooden bench sila ni Ziya at panaka-nakang sumisilip sa loob ng bahay. Nasa may tagong area sila ng garden ng mga Montemayor.
"Ito naman, susubukan lang natin. Gusto mo ba ako na lang mag-isa? Kaya ko naman," hamon pa niya sa lalaki.
"Basta hindi ako ang nag-aya, huh?" paninigurado pa ni Tor.
Hindi niya pwedeng iwan ito roon mag-isa at baka nga ubusin nito ang laman ng bote. Hindi pa naman umaatras sa mga dare ang babae.
"Oo na nga, kulit nito!" Wika ni Ziya habang inilalabas ang plastic cup sa bag niya.
Makalipas ang isang oras ay nagsisimula nang lumalim ang usapan nila at humahagikhik na si Ziya.
"Shinoh bha kashing crush mo sha school? Si Belle?" tukoy ni Ziya sa classroom muse nila. Magkaklase din kasi sila ni Tor.
"Hindi nga, khulit nito."
Unti-unti na ring nalalasing si Tor.
"Eh, shinoh bha kashi?" pangungulit ni Ziya.
"Bakit ba ghusto moh malaman? Eh, ikaw bah shinong crush mo?" tanong niya sa babae.
Lumagok si Ziya ng alak at tiningnan si Tor.
"Cheers tayoh!"
Itinaas pa nito ang baso. Nag-click naman sila.
"Shinoh nga?" pangungulit ni Tor. Mayroon din kasi s'yang gusto marinig na sagot mula rito.
"Edi, ikaw!" Tinitigan pa ni Ziya ang lalaki. "Ang cute mo kashi." Muli ay humagikhik ito.
Iyon man ang gusto marinig ni Tor na sagot ay hindi pa rin niya napaghandaan. Nagulat talaga siya dahil wala s'yang kaide-ideya sa nararamdaman ng dalaga para sa kanya.
"Ziya…." Kinuha ni Tor ang atensyon ng babae.
"Oh bhaket?" inosenteng tanong ni Ziya.
Parang nawala ang kalasingan ni Tor. Nagising ang diwa niya sa rebelasyon ni Ziya. "Narinig mo ba ang sinabi mo?"
"Yung alin? Antok na akoh." Humilig na si Ziya sa balikat ni Tor.
"Ziya?"
"Hmmm?" Kinuha pa ni Ziya ang kaliwang kamay ni Tor at isinalikop niya sa kanyang kanang kamay.
"G-gusto rin kita," Tor confessed.
Ngunit hindi na nakarinig pa ng sagot si Tor dahil ang namayani sa paligid ay ang mahinang hilik nito.
AKAY-AKAY NI Tor si Ziya hanggang makauwi sila sa bahay ng mga Gracias. Sinalubong naman sila ni Sandra na umalalay rin sa kabila ni Ziya.
"M-mommy Sandra, s-sorry po. Wag n'yo po papagalitan si Ziya ha? A-ako po ang nag-aya sa kanya."
Inilapag nila ito sa kama ng dalaga.
Si Sandra ay umupo sa gilid ng kama habang nakayukong nakatayo naman sa harapan nya si Tor.
"Sigurado ka ba ha, Tor? Pinaka-ayoko sa lahat ‘yung nagsisinungaling, alam mo yan. Ikaw ba talaga ang umaya kay Ziya?"
Hindi nakasagot si Tor.
"Haayyy naku ka, hanggang kailan mo ba pagtatakpan itong si Ziya ha? Mabait na bata naman kayo pareho pero alam kong may pagkapilya itong anak ko. Aminado ako roon."
"S-sorry po talaga, Mommy. Hindi na po mauulit, pangako!"
Nginitian ni Sandra si Tor. "Okay, hindi ko papagalitan si Ziya ngayon. Pero sa susunod ha, makakatikim talaga kayo ng sermon sa'kin."