“THANKS.”
Napahinto sa akmang paglabas ng kotse si Jasmine.
“Thanks for what?”
“Thanks for changing your decision,” ulit ni Oliver.
Alam niya ang ibig nitong sabihin, ang pagpayag niyang maging bahagi ng kasal nito.
“I changed my mind, for Caroline… and good night, Oliver.” Hindi na niya nilingon ito at tinungo na ang elevator ng building.
PAGOD na ibinagsak ni Jasmine ang sarili sa kama.
Mental stress, emotional stress…
Ilang araw pa lang magmula nang muli silang magkita ni Oliver pero ang idinulot nitong sakit, katuwaan, at pagdaramdam ay hindi na niya kayang bigyan ng pangalan.
Konsolasyon na lang na nakita niya si Oliver. Kahit sa masakit pa ring paraan. At ngayong nag-iisa na naman siya, hindi niya alam kung ano ang iisipin.
Care and concern ang nakikita niya kay Oliver patungkol kay Caroline at fondness naman ang sa babae para kay Oliver. Pero ang pag-ibig na dapat nasa pagitan ng mga ito ay hindi niya makita.
Inaaliw mo ang sarili mo, sa loob-loob niya. Gusto mong papaniwalain ang sarili mong hindi pag-ibig ang dahilan ng pagpapakasal ng dalawa at ikaw pa rin ang nasa puso ni Oliver. Dahil ngayon na nakita na ng mga mata mo ang katotohanan, umaasa ka pa rin na magkakaroon ng katuparan ang mga batang pangarap ninyo noon ni Oliver.
TUNOG ng telepono ang bumulahaw sa tulog ni Jasmine.
“Hija, I’m sorry to disturb you. Alam kong madaling-araw ngayon diyan, but we can’t wait for you to wake up to tell you this news.” Excited ang boses ng daddy niya kaya nawala ang kanyang antok.
“What news?”
“Here’s your mom.” Narinig niya ang pagpasa nito. “Hello, baby. Mommy is coming with your dad anytime next week.”
That was indeed news. Labinlimang taon na sa Amerika ang mommy niya at ngayon lang uuwi.
“Ano’ng araw kayo darating?”
“We’ll call again, just be ready. We’ll go island hopping. File a vacation leave from your work.” Ilang palitan pa ng salita at magkasabay na nilang ibinaba ang awditibo.
Ala-una y medya ng madaling-araw, itinuloy niya ang pagtulog.
“PROBLEMA `yon?” tanong ni Ruth kay Jasmine nang sabihin niyang darating ang mga magulang.
“Mag-a-absent ako sa trabaho.”
“Jas, you’ve been working here for three years as if there’s no tomorrow. Lately mo na lang nagagamit ang unused leave mo. I-file mo lahat ngayon at ako na ang bahalang mag-explain kay Attorney Llamazares `pag hinanap ka.” Ang GM nila ang tinutukoy nito na CPA-lawyer.
“Marami akong mami-miss na trabaho.”
“Oh, c’mon. We both know na bihirang kumpanya ang magpapa-audit ngayon.”
Tama ang kaibigan, mostly ay calendar year ang gamit ng mga ito.
Si Ruth ang sumagot ng line niya nang tumunog ang aparato.
“Caroline, siya rin iyong tumawag kahapon.” At iniabot nito sa kanya.
“Hello, Jasmine? I’m sorry to disturb your work, but I can’t help myself dialing your number. Maybe making up for those lost times. Can I ask you a favor?” tanong nito. “Puwede ba tayong magkita?”
Nagsalubong ang mga kilay ni Jasmine. Hindi pa siya halos makahinga sa mga nalaman niya kagabi.
“Why, Caroline, may problema ba?” She sounded concerned.
“Not that much. I just want to go shopping and I want to be with you. Iyon ay kung wala kang appointment.”
“Ako ang susundo sa `yo?”
Narinig niya ang katuwaan sa reaksiyon ni Caroline.
Siya na ang nag-insist na susundo kay Caroline nang hapong iyon bagaman ipinagpilitan ng kaibigan na ipagda-drive na lang sila ng driver ni Oliver, kahit kotse niya ang gagamitin.
Magkatabi sila sa backseat.
“Are you seeing your doctor?” tanong niya kay Caroline habang nasa gitna sila ng traffic. Kahit naka-makeup ito ngayon ay halata pa rin ang pamumutla.
“Yeah. Twice a month. Sabi ng doktor, normal ang ganito. May ganito raw talagang cases na kailangan ang bed rest. Matigas lang talaga ang ulo ko at saka naiinip ako sa bahay.”
“Wala ka namang serious illness?”
“Wala.” Tumawa ito at inilipat ang tingin sa labas. “Maselan lang akong maglihi, but I’m experiencing vomiting. Actually, according to my OB-Gyne maselan ang buong pagbubuntis ko.”
Nagtaka pa si Jasmine nang wala na siyang maramdaman sa kaalamang magkakaanak na ito. Manhid na ba siya?
“Baka masyado kang mapagod sa lakad nating ito?” Tingin niya ay mas payat ngayon si Caroline at mukhang nanghihina.
“Hindi. I’ll just treat you to dinner and I’ll let you choose the sytle of the gown you’re going to wear. And, friend, another favor, please?” Hinawakan pa ni Caroline ang kamay niya. “Six weeks from now, Oliver and I will walk down the aisle, I can’t attend to some matters dahil bawal sa akin ang mapagod, can you do them for me?”
Sincere si Caroline sa sinabi at parang sumakit ang ulo niya sa hinihiling nito. Pero hindi niya maatim na biguin ang kaibigan.
“Caroline, bakit hindi na lang natin pagtulungan? Huwag mo namang ipasa sa akin lahat, baka akalain, ako ang ikakasal.” Doon siya nahuli ni Caroline.
“Hindi ba’t dapat kayo ni Oliver ang ikakasal? Honestly, when I found out na nakita ka niya, I thought the marriage plans will turn to scratch. And I guess I ought to thank you.”
“Let’s not talk about it,” pag-iwas niya. “Basta if you think I can be of help, by all means.”
Alas-nuwebe pasado nang makabalik sila sa White Plains.
Daig pa ni Oliver ang guwardiya-sibil na paroo’t parito sa terrace at hinihintay sila.
Tinanggap nito ang paghalik sa pisngi ni Caroline at nahagip ng tingin niya iyon. Muli, ang pamilyar na kurot sa puso ni Jasmine.
Nagpaalam sa kanya si Caroline at pumanhik na sa itaas.
“If you don’t mind, may oras ang pagtulog ni Caroline at sa oras nang pagdating ninyo ngayon ay masyado nang delayed para sa schedule niya.” Pabalik na siya sa kotse nang magsalita si Oliver.
Napatigil si Jasmine sa paghakbang. Pumihit siya at hinarap ito. Nagpanting ang mga tainga niya sa sinabi nito.
“Oliver, si Caroline ang tumawag sa akin sa opisina. She invited me and I couldn’t say no. Why? Isn’t it obvious that we want to make up for lost time? Ano ba naman iyong kaunting oras na ma-delay siya sa oras nang pagtulog niya? Hindi naman niya siguro ikakamatay iyon! O kaya ka nagkaganyan dahil hindi ka makatulog na hindi nakayakap kay Caroline!” Nagpupuyos ang kalooban niya at bumalik ang sakit na nasa puso niya sa ipinakikitang pag-aalala ni Oliver kay Caroline.
Ayaw man niya ay nagseselos siya, kahit wala na siyang karapatan.
“Go home,” taboy sa kanya ni Oliver. Kung ano ang ibinabadya ng mukha nito ay hindi niya nakita. Nakatalikod na ito at tinungo na ang hagdanan.
Pabalya siyang naupo sa driver’s seat at pinaandar ang kotse palabas ng bakuran ni Oliver. Nang nasa kalsada ay saka niya pinaalpas ang mga luhang kanina pa gustong bumagsak.
Itinabi niya ang sasakyan. Malabong-malabo ang paningin niya dahil sa luha. Doon niya inilabas ang lahat ng sakit ng kaloobang akala niya ay nailuha na niya noong nagdaang gabi.
Mayamaya ay kinalma niya ang sarili at umalis na sa lugar na iyon.
Dumating ang mga magulang ni Jasmine nang sumunod na linggo. At gaya ng utos ng mommy niya, nag-file siya ng vacation leave pero ilang araw lang.
Hindi maipaliwanag ang ekspresyon sa mukha ng ama ni Jasmine nang mabanggit niya ang pagkikita nila ni Oliver.
“Ikakasal na sila ni Caroline,” sabi niya. Kung hindi siya dinadaya ng paningin ay nakita niya ang paghugot ng hininga ng daddy niya na may kasamang relief.
“Akala ko, nililigawan ka uli,” sagot ng daddy niya at dinampot ang diyaryo sa rack.
“What’s wrong anyway? Maganda ang dalaga natin,” sabi ng mommy ni Jasmine na nagbe-bake ng cookies.
“There’s nothing wrong, except that he is the son of Ester,” walang-emosyong dugtong ng kanyang ama.
“Si Ester ba `ika mo, Miguel?” Nahinto sa ginagawa ang mommy niya.
“Si Oliver Caballero ang anak ni Ester Caballero, ka-batch natin noong high school.”
“Siyempre naman, Daddy,” natatawa niyang sabad sa dalawa. “Magnanay iyon kaya magkapareho sila ng apelyido. Natural lang iyon, `di ba?”
“Hindi natural.” Ibinaba ni Miguel ang hawak na diyaryo. “Dahil ang Caballero ay apelyido ni Ester mula nang siya ay ipinanganak. At si Oliver ay… Anak, ngayon pa ba natin pag-uusapan ang pagkatao niya? After all, ikakasal na sila ng kaibigan mo.”
Hindi na nagdagdag ng komento ang mommy niya at nanahimik na rin siya.
More or less ay alam na niya ngayon kung bakit ayaw ng daddy niya kay Oliver, gaano man kagalang itong pumanhik sa kanila.
At sa isip ay ipinagtatanggol niya si Oliver. Walang kasalanan si Oliver kung ipinanganak man itong hindi nalaman sa buong San Roque kung sino ang nakabuntis kay Aling Ester.
Lumaking mabuting bata si Oliver at matalino. Mahal niya ang binata, higit sa lahat.
At ang alaala niya kay Aling Ester ay puro magaganda. Parang anak ang turing sa kanya, lalo na nang ipakilala siya noon ni Oliver bilang girlfriend.
Sayang nga lang at namatay ito kaagad.