Kinuwento ko sa kanya ang nangyari noong gabing iyon. Walang labis, walang kulang. Matapos ang ilang minuto, tango lang ang tugon nito sa kuwento ko.
"Kung gano'n ay tama ang kutob ko. Na iyong nilalang na sumusunod sa iyo ay asawa mo."
"Hindi ko po siya asawa," mabilis kong sagot. Tumawa lang ito.
"Alam mo kasi, Hijo. Nasa ilalim ka ng tinatawag nilang ghost marriage o spirit marriage," ani nito.
"Ghost marriage?"
"Ang ghost marriage ay sinaunang paniniwala ng mga Chino. Ginagawa nila ito sa mga anak nilang nagkasakit at namatay na walang asawa. Humahanap sila ng taong ipapakasal sa anak nilang namatay dahil sa paniniwalang swerte ang dadating sa kanilang buhay at hindi papasok ang malas. At ngayon ikaw ang napili nila o niya na pakasalan."
" Pero hindi naman ako nagpakasal sa multo, wala nga akong kaalam-alam."
Sumeryuso ito. " Kung gano'n biktima ka na hindi mo alam. Mula noong isuot mo 'yan ay para na ring nagpakasal ka sa kanya. Ikaw ang pinili nya."
"Pa'no ko po puputulin ito? Ayokong makasal sa isang kaluluwa. Tulungan mo ako, Manong Kanor," pagmamakaawa ko rito. Huminga ito nang malalim.
"Pasensya ka na, Carlos. Ngunit wala akong karapatang putulin ang ugnayan na nabuo sa inyo ng iyong asawa. Malakas ang singsing na iyan at ang tanging paraan lamang para maputol iyon ay ang mamatay ka."
Nawindang ako at halos hindi makagalaw nang sabihin niya iyon. Kailangan kong mamatay para makaalis sa kasal na hindi ko naman ginusto? Ganito na ba talaga ako kamalas?
"Pero kung gusto mo talagang makawala sa kanya, may isang paraan pa."
Tila nanumbalik ang lakas ko nang sabihin niya iyon.
"Ano pong gagawin ko?" tanong ko.
Huminga ito nang malalim.
"Kailangan mo siyang tulungan. Ang tanging paraan lamang para mapaalis ang ganyang klaseng kaluluwa ay ang tulungan siyang makatawid sa liwanag," paliwanag niya. Tulungan? Pa'no?
"Pa'no ko naman gagawin 'yon?"
"Kausapin mo siya."
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya.
"Ho? Hindi ko gagawin 'yan."
Kausapin? 'Yong multong 'yon? Kahit bigyan man ako ng isang milyon, hindi ko kakausapin 'yon.
"Wala kang choice. Tulungan mo siya. Ang singsing ang bagay na nagdudugtong sa inyong dalawa. Bilang asawa niya--"
"Hindi ko siya asawa," inis na putol ko sa sinabi niya. Parang nandidiri ako sa sarili ko kapag sinasabing may asawa akong multo.
"Hijo, sa ayaw mo at sa hindi. Simula nang suotin mo ang singsing na iyan, asawa ka na niya at asawa mo na siya. Kung gusto mong maalis siya nang mabilis sa buhay mo, tulungan mo siyang gawin lahat ng hindi niya pa nagagawa noong buhay pa siya. Tinatawag natin itong 'unfinished business' ng mga patay. Kausapin mo, magtanong ka. At kahit kailan, huwag na huwag mong hubarin ang singsing na iyan. Dahil iyan ang magdadala sa'yo ng swerte, ngunit kapag naiwala mo ito, matinding malas ang magiging kahihinatnan mo. Ang pinaka-matinding malas ay ang mamatay ka."
Hanggang sa makauwi ako ay hindi pa rin umaalis sa isip ko ang sinabi ni Manong Kanor, na wala akong choice kung hindi ang pakisamahan ang babaeng 'yon at tulungan siyang makatawid sa liwanag. Iniisip ko pa lang ay naninindig na ang balahibo ko.
Pagbukas ko ng pintuan, bumungad sa akin ang multo na nakaupo sa sahig habang nakasandal sa dingding. Nang mapansin nitong nakatingin ako sa kanya, kaagad na umangat ang tingin nito. Maayos na ang hitsura niya pero kaagad kong napansin na may sugat ito sa mukha.
"Bumalik ka." Tila masaya ito. Lumamlam ang mga mata nito na parang nanghihina pa rin.
Hindi ko siya sinagot. Isinara ko na lang ang pintuan at nilagpasan siya para pumasok sa kuwarto ko, pero napatigil ako nang magsalita ito.
"'Wag mo naman akong itaboy kasi natatakot na akong maging mag--isa ulit." Bakas ang sakit sa sinabi niya.
Napalunok ako pero minabuti kong hindi iyon pansinin at tumuloy na lang sa pagpasok, saka isinara ang pintuan.