CHAPTER 41

2038 Words
              OMG! Totoo ba ito?! Si Albert Aragon na ubod ng yaman ang lalaking kasama ko ngayon?! Halos maloka si Rhian. Hindi siya makapaniwala na sa tagal ng panahon ay muling magku-krus ang landas nila ng mayamang lalaki. Inalis na nga niya ito sa utak niya dahil alam niya na wala siyang mapapala kay Albert. Sa pagkakatanda niya ay galit ito sa mukhang pera kagaya ng ex-wife nito. Isang matamis na ngiti ang nag-flash sa mukha ng gwapong matanda. Doon niya nakita na maganda pala ang ngipin nito. Pustiso kaya iyon o implant? Siguro ay implant. Mayaman naman ito, e. Multi-billionaire pa nga kaya afford nito ang ganoong kamahal na bagay. “What happened, Rhian? Ang sabi ng doktor ay nagkaroon ka ng panic attack. Maybe, may nag-trigger para mangyari iyon sa iyo...” Nababanaag sa mata nito ang labis na pag-aalala. Napayuko siya nang maalala kung bakit siya biglang nahirapan sa paghinga kanina. “W-wala. Napagod lang siguro ako.” Pagsisinungaling niya. Wala siyang balak na mag-open kay Albert ng pribadong buhay niya. “Okay. Pero you’re okay now. Kaunting pahinga lang, sabi ng doktor.” “Pero hindi mo na ako dapat dinala rito. Wala akong pambayad. Ang dami ko pang iniisip tapos dumagdag pa ito.” “Wala kang dapat isipin kasi ako ang magbabayad ng bills mo. And besides, saan ba kita dapat dalhin? Sa bahay mo? Hindi ko nga alam kung saan ka nakatira kasi the last time I remember ay hindi ka nagpahatid sa mismong bahay mo. Parang sinadya mo yata iyon, e.” Tumawa nang kaunti si Albert. Nakagat niya ang pang-ibabang labi. “I’m sorry... Hindi kasi kita kilala kaya ayokong malaman mo kung saan ako nakatira. Saka sorry din kung natarayan kita kanina. Hindi kasi kita agad nakilala. Medyo makakalimutin kasi ako sa mga taong hindi ko naman nakasama nang matagal. Sorry talaga!” “It’s okay. Hindi mo kailangang mag-sorry sa akin. By the way, ano na ang balita sa iyo, Rhian? Hindi na kasi tayo nagkaroon ng communication after that party.” “`Eto. Struggling in life pa rin. Naghahanap kasi ako ng trabaho. Umalis kasi ako sa work ko dati kasi bastos ang mga tao. Ayoko nang ikwento sa iyo kasi gusto ko nang kalimutan.” Kahit paano ay nagpapasalamat si Rhian kay Albert na ito ang tumulong sa kaniya. Mabait pala talaga ito. Naku, kung naroon pa siya sa dating Rhian na naghahanap ng sugar daddy ay baka nilandi na niya itong si Albert. Pero oo nga pala, ayaw nito sa mukhang pera kaya hindi rin siya uubra. Maya maya ay nagpaalam na si Albert sa kaniya. May mga gagawin pa raw ito at hindi ito pwedeng magtagal. Sinabi niya na kaya na niya ang sarili. Kampante na siya kasi babayaran naman nito ang bills niya.   UMUWI rin si Rhian ng araw na iyon dahil pakiramdam niya ay magkakasakit siya lalo sa ospital. Dumiretso siya sa apartment. Nanghihinang napaupo siya habang nakatingin sa kawalan. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya nakakalimutan ang suhestiyon ni Kenzo na bumalik muna siya sa nanay niya. Ang totoo ay nasa Rizal lang ang nanay niya. Kung gugutuhin niya ay madali niya itong mapupuntahan. Nakatira ito doon kasama ang pangalawa nitong asawa at isang anak na lalaki ng napangasawa nito. Doon siya nakatira noon bago siya naglayas. Ang alam ni Kenzo ay hindi sila magkasundo ng nanay niya kaya siya lumayas sa poder nito. Lingid sa kaalaman nito ay meron siyang mas malalim na dahilan kung bakit niya iyon ginawa...   “BASTOS ka!” Isang matunog na sampal ang pinatama ni Rhian sa mukha ng anak ng pangalawang asawa ng nanay niya. Nagising siya mula sa pagkakatulog nang may maramdaman na humahaplos sa kaniyang hita. Laking gulat at takot niya nang malaman kung sino iyon. “Shhh... `Wag kang maingay. Baka magising sina mama at papa!” Kahit madilim sa kwarto niya ng gabing iyon ay nakikita niya pa rin ang nakakatakot nitong ngisi. Umusog si Rhian hanggang sa mapasandal sa headboard. Takot na takot na ibinalot niya sa katawan ang kumot. “Tarantado ka! Sisipain kita! Paano ka nakapasok dito?!” sigaw niya. Wala siyang pakialam kahit pa magising ang nanay niya at tatay nito na nasa kabilang kwarto lang. “Hindi naka-lock ang pinto—” “Pero hindi ibig sabihin ay papasok ka! Sinasabi ko na nga ba, iba ang tingin mo sa akin! Akala ko ay gusto mo lang makipag-close sa akin! Iyon pala ay manyak ka, Troy!” “Ano ba? Sinabing huwag kang maingay! Saka alam kong gusto mo rin ako, Rhian. Kaya huwag ka nang magpakipot. Pagbigyan mo na ako. Promise, magaling ako—” Malakas niyang sinipa sa mukha si Troy. Gumulong ito at bumagsak sa kaniyang higaan. “Mama!!!” Malakas na sigaw ni Rhian. “Si Troy! Mama! Tulungan mo ako!!!” Nagsisigaw na siya hanggang sa humahangos na pumasok ang nanay niya at ang pangalawa nitong asawa na si Dennis. Binuksan ng mga ito ang ilaw at tumambad sa kanila si Troy na nakaupo sa sahig habang sapo ang dumudugong bunganga. “Anong nangyari? Troy!” tanong ni Dennis. Mabilis na tumakbo si Rhian sa kaniyang ina na si Wilma. “Mama! Si Troy! Gusto niya akong pagsamantalahan!” Umiiyak niyang sumbong. “Hindi po totoo iyan!” Unti-unting tumayo si Troy. Agad itong inalalayan ni Dennis. “Sinungaling ka! Pumasok ka rito sa kwarto ko nang hindi ko alam tapos hinihimas mo ako sa binti kaya ako nagising!” “Totoo ba iyon, Troy?!” tanong ni Wilma. “Mama Wilma, hindi po. Oo, pumasok ako rito para manghiram ng charger niya sa cellphone. Hindi ko na siya ginising kasi tulog siya. Pero bigla siyang nagising at niyakap ako at pinaghahalikan. Nang sabihin kong mali ang ginagawa niya kasi kahit paano ay para na kaming magkapatid ay nagalit siya. Gumawa siya ng eksena para magmukha akong masama, mama. Hindi ko po kayang bastusin o gawan ng kahalayan si Rhian dahil totoong kapatid ang tingin ko sa kaniya.” Akala mo ay isang maamong tupa na depensa ni Troy. Hindi makapaniwala si Rhian na magagawa nitong maghabi ng kasinungalingan. Umiiling siyang tumingin sa ina. “M-mama, hindi po t-totoo—” “Kilala ko si Troy. Hindi ko siya pinalaki nang bastos. Marunong siyang gumalang sa babae kaya imposibleng bastusin niya ang anak mo, Wilma.” Pagkampi ni Dennis sa manyak nitong anak. Sabagay, sino ba ang kakampihan nito kundi si Troy, `di ba? “Rhian, nakakahiya ang ginawa mo. Mag-sorry ka kay Tito Dennis mo at kay Troy!” Matigas na utos ng kaniyang ina. “Mama, hindi po ako nagsisinungaling—” “Rhian!” “`Ma! Anak mo ako! Ako ang paniwalaan mo!” Inilayo niya ang sarili sa ina. “Rhian, mag-sorry ka sa kanila!” giit nito. “Huwag mo nang pilitin ang anak mo kung ayaw niyang humingi ng tawad. Kalimutan na lang natin na nangyari ito,” ani Dennis. “Troy, umiwas ka muna kay Rhian. Tara na.” Parang walang nangyari na lumabas ang tatlo sa kwarto ni Rhian. Nang muling mapag-isa ay mabilis niyang ikinandado ang pinto. Nanghihina siyang napaupo sa kama habang humahagulhol sa pag-iyak. Takot na takot siya dahil wala man lang naniwala sa sinabi niya. Ang sarili niyang ina na inasahan niyang magiging kakampi niya ay hindi man lang siya pinaniwalaan. Mas pinaniwalaan nito ang Troy na iyon na halos isang linggo pa lang nitong nakakasama! Ang pangyayaring iyon ang naging mitsa para hindi matahimik si Rhian sa paninirahan sa bahay ng kaniyang stepfather. Gabi-gabi ay mababaw palagi ang tulog niya sa takot na bigla na lang niyang makikita si Troy na naroon. Kahit pa naka-lock ang pinto niya palagi ay hindi maalis sa utak niya na baka gumawa ito ng paraan. Maayos naman ang buhay nila sa poder ni Dennis. Kumpara sa dati nilang buhay na halos sa kalsada sila tumitira ay sobrang ginhawa na nila ngayon. Meron silang maayos na bahay, tulugan, hindi kinukulang sa pagkain. Ngunit tila nagbago ang dating Rhian. Habang nag-aaral ay masyado siyang napabarkada at natuto siyang uminom at magsigarilyo. May mga pagkakataon na hindi siya pumapasok sa school para lang makapag-inom. Naging rebelde siya. Gusto niyang ipakita sa nanay niya ang naging resulta ng hindi nito pagkampi sa kaniya. Mas gusto niya rin na wala sa bahay. Mas pinipili niyang makasama ang mga barkada niya. Hanggang sa nalaman ng mama niya ang hindi niya pagpasok sa school. Doon ito nagdesisyon na pahintuin na siya sa pag-aaral at ikulong na lamang siya sa bahay. Mas lalo tuloy siyang nagalit sa ina niya. Palagi silang nag-aaway at hindi na nagkasundo. Halos araw-araw silang nagkakasagutan at nagbabatuhan ng masasakit na salita. Dating p****k ang nanay ni Rhian. Bata pa lang siya ay kung sinu-sino na ang lalaking dinadala nito sa bahay. Mabuti nga at nakilala nito si Dennis. Pinanagutan ito at itinira pa sa bahay nito. Akala niya ay swerte na sila pero sa una lang pala. Si Troy naman ay mas lalong nagkakaroon ng pagkakataon na bastusin siya. Ilang beses niya itong nahuhuling sinisilipan siya kapag naliligo sa banyo. Sumisilip ito sa bintana. Kaya nang minsan ay hindi na siya nakatiis, naghanda siya ng mainit na tubig at dinala niya iyon sa banyo nang maliligo siya. Nang makita niya na nakasilip si Troy sa bintana sa banyo ay walang pagdadalawang-isip na isinaboy niya rito ang mainit na tubig. Pero nakaiwas ito kaya ang natamaan niya lang ay ang dibdib at braso nito. Ang gusto niya sana ay ang mukha nito ang mabanlian ng mainit na tubig! Kagaya ng inaasahan ay si Troy ang kinampihan ng nanay niya. Nagsumbong kasi si Troy na bigla na lang daw niya itong binuhusan ng mainit na tubig. Naging mainit ang pagpapalitan nila ng salita ng nanay niya ng gabing iyon... “Hindi ka na nahihiya, Rhian?! Anak ng taong sumalba sa buhay natin ang sinasaktan mo! Talaga bang hindi ka na magbabago?! Wala ka na talagang kahihiyan na bata ka!” bulyaw ni Wilma kay Rhian. “Hindi mo man lang ba tatanungin kung bakit ko siya binuhusan ng mainit na tubig?! Sinisilipan niya ako habang naliligo, `ma! Ilang beses na niya iyong ginagawa sa akin kaya hindi na ako nakapagtimpi!” Natigilan si Wilma. Alam niya, sa puso nito ay alam nitong nagsasabi siya ng katotohanan. Anak siya nito at dito siya nanggaling kaya alam nito kapag nagsisinungaling siya o kapag nagsasabi ng totoo. “Mama, u-umalis na tayo rito. H-hindi ko na kaya ang ginagawa ni Troy. B-baka sa susunod ay hindi na lang pagsilip ang gawin niya sa akin. M-maawa ka naman sa akin, `ma... Natatakot na ako tiyo.” Parang batang humihingi ng saklolo na umiyak si Rhian. Umiling si Wilma. “A-ayoko. Hindi na ako babalik sa dati nating buhay. Ayoko nang makaranas ng gutom. Ayoko na!” “Hindi ko naman sinabing babalik tayo sa dati nating buhay, e. Pwede tayong mag-umpisa ulit. Umalis na tayo, `ma.” “Kung gusto mong umalis, ikaw na lang. Dito lang ako, Rhian. At iyang pagiging matigas ng ulo mo ang magpapahamak sa iyo! At kung sinisilipan ka man ni Troy, hayaan mo siya. Hindi tayo pwedeng magreklamo dahil nakikitira lang tayo sa pamamahay na ito. Kapag napuno sa iyo si Dennis ay baka dalawa pa tayong paalisin niya!” Sa sinabing iyon ng nanay niya ay tuluyan nang nawala ang respeto niya rito. Mas pipiliin pa nito ang maginhawang buhay kahit ang kapalit ay ang pambabastos sa sarili nitong anak. Nagdesisyon siya ng araw na iyon na lumayas. “Sige, Rhian! Lumayas ka! Tandaan mo na hindi madali ang buhay nang mag-isa! Isinusumpa ko na magiging katulad kita, Rhian! Gagamitin mo rin ang katawan mo para lang may mailaman ka sa sikmura mong kumakalam!” Iyon ang huling sinabi ng nanay niya sa kaniya bago siya umalis sa impyernong bahay ni Dennis. Marahil nga ay nagkaroon ng katotohanan ang sinabi ng nanay ni Rhian. Naging katulad nga siya nito. Hindi man niya ginamit ang katawan para makipagtalik sa iba’t ibang lalaki ay iba’t ibang lalaki naman ang niloko niya at sinilaw sa kaniyang alindog para bigyan siya ng mga iyon ng pera.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD