CHAPTER 18

1954 Words
       TILA nabunutan ng sampung piraso ng tinik sa dibdib si Kenzo nang makita niya si Rhian sa bahay na natutulog. Nang mawalan na siya ng pag-asang malalaman niya kung nasaan ang nobya ay labag sa kalooban na umuwi siya ng bahay. Hindi niya akalain na naroon na pala ito. Sa tingin niya ay nauna na itong umuwi at hindi sa kaniya nagpaalam. Nakasabit sa likod ng pintuan ang gown na suot nito sa party at shorts at manipis na t-shirt na ang suot nito sa pagtulog. Mukhang mahimbing ang tulog ni Rhian dahil hindi ito nagising nang dumating siya. Maingay kasi ang pinto nila kapag binubuksan. Kalawangin na ang bisagra niyon at medyo masakit sa tenga. May ngiti sa labi na pinagmasdan ni Kenzo si Rhian. Lahat ng pag-aalala sa dibdib niya ay parang bulang naglaho nang masiguro niya na ligtas ang kasintahan. Tahimik niya itong nilapitan. Umupo siya sa gilid ng higaan at masuyong hinaplos ang pisngi ni Rhian. Dumukwang siya para halikan ito sa labi at nang halos isang dangkal na lang ang layo ng labi niya rito ay biglang bumukas ang mata nito. Laking gulat niya nang itulak siya nito nang malakas. Ang buong akala niya ay nagbibiro si Rhian pero nang makita niya ang galit nitong mukha ay nahinuha niyang galit nga ito sa kaniya. Ano naman kaya ang dahilan kung bakit ito galit? Ah, baka may buwanang dalaw kaya ganoon. Baka nga iyon rin ang dahilan kung bakit ito biglang nawala sa party. “May dalaw ka ba kaya ang sungit mo? May kasalanan ka pa sa akin. Umalis ka sa party nang hindi nagpapaalam sa akin. Pero makakalimutan ko ang lahat kung iki-kiss mo ako!” Muling inilapit ni Kenzo ang sarili sa nobya. Pumikit siya at ngumuso habang hinihintay ang halik ni Rhian. Malakas na sinampal ni Rhian ang nguso niya. “`Yan ang dapat sa iyo! Saka huwag mo nga akong mahalik-halikan gamit ang labi mong pinagsabsab mo kay Mathilda! Nakakadiri!” singhal pa nito. “Aray ko—Teka, nagkakaganiyan ka ba dahil nakita mo na hinalikan ko si Mathilda sa party?” Natatawa niyang hula. “Bakit? May ibang lugar pa ba kung saan kayo naghalikan?!” “Ano ka ba? Hindi ko gustong halikan si Mathilda. Napilitan lang ako kasi ang dami na niyang sinasabi at nagdududa na siya sa akin. Kaya ko siya hinalikan para huminto siya sa pagsasalita at makalimutan ang mga duda niya sa akin. Wala iyon!” “Ganoon pala kapag napipilitan, `no? Halos higupin mo na buong pagkatao ng matandang iyon!” Sinundot niya sa tagiliran ang nobya kaya napaigtad ito. “`Sus! Nagseselos pala ang girlfriend ko, e. Wala nga iyon. `Di ba, napag-usapan na natin na trabaho lang ang lahat. Pera lamang ang habol ko kay Mathilda at kailangan kong magpanggap na mahal ko siya para makuha ko ang gusto ko sa kaniya. Ikaw lang ang mahal ko at hindi mo kailangang magselos ng ganiyan! Smile ka na. `Wag ka na magselos, please...” Nagpa-cute pa siya at nag-finger heart. “Hindi mo ako madadala sa pagpapa-cute mo! Sa salas ka matulog. Ayokong makatabi ka!” Pagtataboy ni Rhian. Sumeryoso na si Kenzo. “Akala ko ba ay nagkakaintindihan na tayo, Rhian? Bakit bigla kang ganiyan sa akin? Talagang iniisip mo na ginusto kong halikan si Mathilda...” May himig ng pagtatampong saad niya. Masakit lang sa parte niya na nagseselos pa rin si Rhian sa ginagawa niya kay Mathilda kahit pa nakapag-usap na sila ng ilang beses tungkol sa bagay na iyon. Para bang wala itong tiwala sa kaniya. Iniisip ba nito na ipagpapalit niya ito kay Mathilda? Nakalimutan na ba nito na ginagawa niya iyon dahil sa pangarap nilang dalawa? “Ibabalik ko sa iyo, Kenzo. Paano kung makita mo ako na nakikipaghalikan sa ibang lalaki kahit pa sugar daddy ko iyon? Ano sa tingin mo ang mararamdaman mo?!” “Wala!” Mabilis niyang sagot. “Dahil alam kong ginagawa mo iyon para magkaroon tayo ng pera! Para sa pangarap nating dalawa! Dahil alam ko, may makahalikan ka man na iba ay ako pa rin ang mahal mo. Ako pa rin ang uuwian mo at makakasama sa pagtulog sa gabi!” “Nasasabi mo lang iyan dahil wala ka sa posisyon ko! Dahil alam mong hindi ko na kailangang makipaghalikan para bigyan nila ako ng pera!” Tumayo mula sa pagkakahiga si Rhian. Sinundan niya ito. “Hindi mo kilala si Mathilda!” “Tama ka! Hindi ko kilala si Mathilda at hindi ko alam kung ano pang ang ginagawa ninyo kapag kayong dalawa lang ang magkasama!” “Ganiyan ba ang tingin mo sa akin?!” Sa pagkakataon na iyon ay hindi na kontrolado ni Kenzo ang kaniyang emosyon. Nagsisigawan na sila ni Rhian. Wala na rin silang pakialam kahit pa naririnig sila ng kanilang mga kapitbahay. “Ano ba ang dapat kong maging tingin sa iyo, Kenzo?! Alam mong nandoon ako! Bakit kailangan mong makipaghalikan sa kaniya?!” “Paulit-ulit na tayo! Sinabi ko nang hindi ko iyon ginusto! Kung magseselos ka pala dapat umpisa pa lang ay sinabi mo para hindi na natin ito ginagawa!” “Sana nga hindi na natin ito ginagawa! Pagod na pagod na ako, Kenzo! Pagod na akong manloko ng ibang tao para sa put*ng inang pangarap na iyan!” “So, sinasabi mo na itinatapon mo na ang inumpisahan natin?!” “Ganoon na nga siguro! Para na rin tayong mga p****k sa ginagawa natin na ito! Kahit sa sarili ko ay nandidiri na ako!” “Sigurado ka ba sa sinasabi mo, Rhian?” Diretso siya nitong tiningnan. “Oo!” Marahan siyang tumango. “Sige! Tigilan na natin ito. Makikipaghiwalay na ako kay Mathilda! Para matahimik ka na at hindi na magselos!” Nakita ni Kenzo ang gulat sa mukha ni Rhian nang hugutin niya ang cellphone sa bulsa ng kaniyang pantalon. Bahala na kung saan sila pulutin pagkatapos niyang makipagkalas kay Mathilda. Kahit pa malaki ang naitutulong nito sa kanila ay mas pipiliin pa rin niya si Rhian. Mas mananaig pa rin ang pag-ibig niya para rito kahit pa ang kapalit niyon ay ang malaking posibilidad na mawalan sila ng pagkukunan ng pera. Lahat ay gagawin niya para sa ikakapanatag ng kalooban ng kaniyang mahal na kasintahan! “K-kenzo...” Nanginginig ang boses na tawag ni Rhian. Bigla itong huminahon nang makitang seryoso siya sa gagawin. Hindi niya ito pinansin. Hinanap niya sa contacts niya ang number ni Mathilda at tinawagan iyon. Inilagay niya sa loudspeaker upang marinig ni Rhian. Nagri-ring na ang linya ni Mathilda. “Kenzo, a-ano bang ginagawa mo?! Itigil mo `yan! N-nabigla lang ako sa mga nasabi ko!” Aagawin sana ni Rhian ang cellphone pero mabilis siyang umatras kaya hindi ito nagtagumpay. “Ito ang gusto mo, `di ba? Gagawin ko na para hindi ka na magselos!” “Nabigla nga lang ako—” Naitutop nito ang dalawang kamay sa bibig nang sumagot na si Mathilda. “Hello, Kenzo... Bakit hindi ikaw ang naghatid sa akin dito sa bahay?” Halos hindi nila maintindihan ang pagsasalita ni Mathilda dahil sa kalasingan nito. “May sasabihin ako sa iyo.” Matiim siyang nakatingin kay Rhian. “Kenzo, please...” Mahinang pakiusap ni Rhian. Tumulo ang luha nito at halos lumuhod na sa kaniyang harapan. “Anong sasabihin mo? Come on. Tell me...” “Gusto ko nang makipag—” Bago pa niya matapos ang sasabihin ay mabilis na inagaw ni Rhian ang cellphone at in-end ang tawag. “Bakit mo ako pinigilan?! Iyon ang gusto mo, `di ba? Ayokong nagseselos ka, Rhian. Ayokong may pagdududa ka sa akin kaya gagawin ko iyon para sa ikakatahimik mo!” “Nabigla nga lang ako! Sorry na! Kenzo, sorry...” Umiiyak nitong turan. “Hindi ko na uulitin. Huwag ka nang magalit sa akin.” “Palagi kang ganiyan, Rhian! Akala mo madaling mabura ng sorry mo ang lahat! Alam mo ba ang pinaramdam mo sa akin? Pinaramdam mong wala kang tiwala sa akin! Wala pa ba akong napapatunayan sa iyo para magkaganiyan ka?” “Sorry, Kenzo... S-sorry...” Parang dinudurog nang unti-unti ang puso niya habang nakikitang umiiyak si Rhian. Hindi niya iyon kayang matagalan na makita kaya malalaki ang hakbang na lumabas siya ng kwarto at dire-diretsong lumabas ng bahay. “Kenzo!” Narinig pa niya ang pagtawag ni Rhian ngunit hindi niya ito binigyang pansin. Mas maganda na huwag muna silang mag-usap. Saka na kapag malamig na ang ulo niya. Hindi niya kasi talaga nagustuhan ang lahat ng lumabas sa bibig nito. Oo, sabihin nang nabigla lang ito pero mukhang hindi ito nag-iisip. Ang tagal na nilang magkasama at ang tagal na nilang ginagawa iyon pero hanggang ngayon yata ay hindi pa nito alam ang totoo sa hindi. Kanina ay gusto na niyang yakapin si Rhian lalo na nang umiiyak ito pero sinadya niyang pigilan ang sarili. Kailangan nitong maintindihan na hindi sa lahat ng pagkakataon ay aamuin niya ito sa isang sorry lang. Dapat ay matutunan nito na may mga kapalit ang hindi tamang ginagawa nito. Sa ngayon ay gusto niyang mag-inom. Marami pa namang bukas na bar sa malapit kahit ganitong oras. Magpapakalunod muna siya sa alak! Nagtungo siya sa labasan at nang may makitang tricycle na nakaparada sa malapit at kinausap niya ang driver niyon. “Brad, may alam ka bang bukas pang bar?” tanong niya. “Aba, marami pa!” “Dalhin mo ako sa alam mong okay na bar.”   “KENZO!” Malakas na tawag ni Rhian ngunit hindi siya nito nilingon. Hahabulin niya sana si Kenzo pero naisip niya na huwag na. Hahayaan niya muna na lumamig ang ulo nito. Ang tanga-tanga niya kasi, e. Wala siyang iniisip kundi ang sarili. Hindi niya itinitiim sa utak niya na pagpapanggap lang ang lahat ng ginagawa ni Kenzo kay Mathilda. Nanghihinang bumalik sa kwarto si Rhian at umupo sa higaan. Sinabunutan niya ang sarili. “Gaga ka kasi, e! Napaka selosa mo na wala sa lugar! Gaga! Tingnan mo ang ginawa mong tanga ka! Hindi ka talaga nag-iisip kahit kailan! Gaga ka, Rhian! Ubod ka ng tanga!” May kasunod pa iyong pagsampal. Ang sama niyang girlfriend. Parehas silang nag-usap noon sa ganitong gawain pero hindi niya iyon isinasaisip. Binigyan pa niya ng malisya ang pakikipaghalikan ni Kenzo kay Mathilda kaya lumalabas na wala siyang tiwala rito. Hindi niya masisisi kung bakit ganoon ang naging reaksiyon ni Kenzo. Kung tutuusin pa nga ay napakalaki ng sakripisyo nito. Nagtitiis itong magpanggap sa harapan ni Mathilda kahit ang totoo ay nandidiri ito. Talagang gagawin lahat ni Kenzo para sa kaniya at sa pangarap nilang dalawa. Kanina nang makita niya na tinawagan ni Kenzo si Mathilda para makipaghiwalay ay natauhan siya. Mabilis na pumasok sa utak niya ang maaaring mangyari sa sandaling mawala si Mathilda sa buhay ni Kenzo. Malaki kasi ang perang nakukuha ni Kenzo sa sugar mommy nito kaya si Kenzo ang talagang may malaking naihuhulog sa savings nila. Kapag nawala si Mathilda ay wala na silang pagkukunan ng pera. Wala rin naman siyang raket. Mapipilitan silang gastusin ang savings nila hanggang sa maubos iyon. At kapag naubos ang savings nila ay baka tuluyan na silang malugmok sa putikan. May posibildad pa na hiwalayan siya ni Kenzo dahil kasalanan niya ang lahat. Ano na lang ang mangyayari sa kaniya kapag nawala si Kenzo sa buhay niya? Hindi niya ito kayang mawala. Mahal na mahal niya si Kenzo. Girlfriend siya ni Kenzo at siya ang dapat na nakakaintindi sa ginagawa nito pero hindi niya iyon maibigay. Sana talaga ay lumamig na agad ang ulo ni Kenzo at kapag handa na siya nitong kausapin ay talagang hihingi ulit siya ng patawad.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD