KEIRA POV
"TAO PO!" Malakas na sabi ko habang nasa harap ng tindahan ni Ate Goring. Papasok na ako sa aking trabaho at since madadaanan ko naman ang kanyang bahay, nagdesisyon akong irasyon muna ang mga pa-order kong mani. Maaga pa naman.
"Tao po! Ate Goring, yohoo!" Muli kong tawag sa mabait kong suki.
Mayamaya nama'y lumabas na ito, basa ang kamay at may bula-bula pa. Mukhang naglalaba.
"O, Keira, ikaw pala 'yang pagka-aga-aga eh pagkakaingay." Ani ni Ate Goring nang makita ako. "Ano ba'ng kailangan mo?"
"Iaabot ko lang ho itong mga maning order n'yo." Itinaas ko ang dala kong plastic bag, naglalaman ng mga maning ginawa ko kagabi.
Bukod sa pagiging simpleng empleyado sa isang hardware and construction supply company, nagsa-sideline din ako sa pagtitinda ng mga kung anu-ano na puwedeng gawing dagdag income. Hindi rin kasi kalakihan ang sahod ko sa trabaho ko bilang isang sekretarya kaya kailangang rumaket.
Sa edad kong bente-kuwatro ay wala pa akong malaking ipon, pero ayos lang dahil sa pamilya naman napupunta ang pinaghihirapan ko.
"Magkano ba ito lahat?" tanong ni Ate Goring nang abutin ang plastic bag.
"Bale 700 'yan lahat, Ate Goring. Labing-apat na haba ho 'yan, pero dahil suki ko na kayo, ginawa ko nang labing-lima. Free na 'yong isang haba para sa inyo."
"Talaga? Naku, salamat, Keira," nakangiting sabi niya. "Pero teka, hindi ka ba lugi?"
"Naku, hindi naman ho. Keri na 'yan dahil marami naman kayo kung kumuha."
"O, siya, salamat sa free."
"Thank you rin ho nang marami. Sige ho, Ate Goring, ako ho'y tutuloy na rin. Idadaan ko pa ho itong mga mani ko sa tindahan ni Ate Pin." Tukoy ko sa isa ko pang suking yayamanin.
Ngiting-ngiti ako nang mapasakamay ko na ang pitong daang piso na buena mano ko ngayong araw. Sinong hindi mapapangiti kung hindi ka pa nagsisimulang magtrabaho ay may kita ka na agad.
"Salamat, Ate Goring! Nawa'y maubos agad ang mani mo."
Bago ako makalayo, narinig ko pa ang malutong niyang tawa dahil sa sinabi ko. Ibang mani siguro ang iniisip niya. Kaloka!
Pagdating ko sa tindahan ni Ate Pin, puno ng customer ang harap ng tindahan niya kaya hindi agad ako nakasingit. Hinintay ko munang humupa ang mga tao, saka ako lumapit sa kan'ya.
Agad niya akong nakita. "O, Keira, kanina ka pa?"
"Medyo ho. Hindi ho ako nakasingit agad, daming tomer n'yo, eh. Mukhang maaga pa lang paldo na kayo, ah."
Tumawa ito. "Ikaw talaga. 'Yan na ba ang mga maning order ko?"
"Oho."
"Kagaya ba ng dati ang luto mo niyan? Hindi sunog?"
"Ay, oo naman ho, Ate Pin. Kasingganda ko ang luto ko niyan. Kailangang consistent para hindi tayo masira sa mga suki."
"Ay sinabi mo pa. Kaya gustong-gusto kitang bata ka, eh. Marunong kang lumaban ng patas."
"Ay oo naman ho, Ate Pin."
At dahil hindi pa naman ako late sa trabaho, nakipag-tsikahan muna ako sa kaniya tungkol sa buhay-buhay.
"Ayaw mo pa kasing tanggapin ang alok ni Brenda," biglang singit ng kapitbahay at kumare ni Ate Pin sa pag-uusap namin. Ang Brenda na tinutukoy nito ay ang recruiter na bading na pinapadala sa Maynila ang mga nahihikayat niya.
Bali-balitang bugaw raw iyon kaya kahit anong ganda ng offer niya hindi ko talaga tinatanggap. Mahirap na, baka bugaw nga siya, eh. Adobong mani ang raket ko, hindi ang mismong mani ko! Mas'yadong mahal 'tong mani ko, 'no?
"Naku, mabuti nga't hindi tinatanggap nitong si Keira. Hindi naman lingid sa atin dito sa probinsya na ang mga nare-recruite niyang si Brenda ay nagiging taga-aliw sa Maynila. Naku, masisira lang ang buhay ni Keira doon." Hindi napigilang komento ni Ate Pin. "Saka sa ganda nitong si Keira, maraming opportunity ang lalapit diyan kapag may nakadiskubre sa kaniya dito," dagdag niya.
Tumango-tango si Aling Amy. "Sabagay. Pero bakit naman 'yong kakambal niyang si Leira, okay naman siya sa Maynila, 'di ba?" Tukoy nito sa kakambal ko.
"Aba'y hindi naman si Brenda ang nagdala sa batang 'yon do'n. Maganda ang trabaho ni Leira sa Maynila, Mare."
"Siya nga?" Baling ni Aling Amy sa akin, kinukumpirma ang sinabi ni Ate Pin.
"Oho. Maganda ho ang trabaho ni Leira sa Maynila," may pagmamalaking sagot ko.
"Mukha nga. Ang ganda na ng bahay ninyo, eh. Dating barong-barong ngayon ay bato na, naka-tiles pa. Siguradong malaki ang s'weldo niya roon. Ano ba'ng natapos ng kakambal mo? Hindi ba't pareho lang kayong vocational course ang natapos?"
Nagkatinginan kami ni Ate Pin.
Alam kong nakita niya sa mukha ko na hindi ko nagustuhan ang tono ni Aling Amy. At mas'yadong maganda ang umaga ko para hayaang sirain ng isang taong wala namang ambag sa buhay ko at sa pamilya ko.
Nang iabot ni Ate Pin sa akin ang bayad sa mani, nagpasalamat na ako sa kanya at maayos na nagpaalam, saka umalis na hindi kinikibo si Aling Amy. Hindi ko talaga nagustuhan ang sinabi niya. Na para ba'ng gusto niyang sabihin na papa'no magkakaroon ng magandang trabaho ang kakambal ko, eh pareho lang kaming vocational course ang natapos.
Huwag niyang ila-lang ang natapos namin ng kakambal ko dahil kahit dalawang taon lang 'yon, pareho naman kaming maabilidad sa buhay. Ano? Porke vocational course, wala nang karapatang sumahod ng malaki?
Iba rin ang tabas ng dila nitong si Aling Amy, eh. Sa loob-loob ko habang naghihintay ng jeep patungo sa bayan.
Hindi nagtagal, nakasakay na rin ako. May kinse minutos ako sa daan bago nakarating sa hardware na pinagtatrabahuhan ko.
______
KINAHAPUNAN, pagkatapos ng maghapong trabaho ay diretso bahay na ako.
Nasa bungad pa lamang ako ng pinto nang makita kong tila may komusyon sa aming maliit na sala. Hindi magkandaugaga sa kung anong ginagawa ang mga nakababatang kapatid namin ni Leira sa ina. Kan'ya-kan'yang silang sabi ng akin 'yan, akin 'to. Ni hindi na nila napansin ang pagdating ko. May mga pasalubong pa naman ako.
"Hey! What's up, people!" Sabay-sabay silang lumingon sa akin.
"Ate Kei!" ang anim na taong gulang na bunso naming si Amelia ang unang sumugod sa akin. Nagpakarga siya sa akin.
"Hmm. Ang sweet naman ng bunso naming ito." Pinaghahalikan ko siya sa mukha. Ganito ang araw-araw naming senaryo sa tuwing uuwi ako galing sa trabaho.
Sa sobrang layo ng agwat ng edad namin, para ko na siyang anak.
"May pasalubong ka po sa akin, Ate Kei?" tanong niya.
"At kailan ako umuwing wala?" Nakangiting sagot ko, saka ipinakita ang supot na hawak ko.
Kumislap sa katuwaan ang mga mata ni Amelia nang makitang ang paborito niyang ubas ang laman niyon. Nagkukumahog siyang nagpababa at akmang lalantakan agad, pero inawat ko siya at sinabing kailangan pang hugusan bago kainin.
Pagkababa ni Amelia, lumapit din sa akin ang walong taong gulang na pangalawa sa bunsong si Abigail para yumakap. Gano'n din ang ginawa ni Arvin, ang pangatlo sa bunso at nag-iisang kapatid naming lalaki. Bale apat sila na kapatid namin ni Leira kay Mama, malamang nasa galaan pa si Amira na fifteen years old na.
Close sila sa akin kahit ang layo ng agwat ng edad ko sa kanila. Sila rin ang dahilan kung bakit ayokong umalis dito dahil sobrang mahal ko ang mga kapatid ko.
"Salamat po sa pasalubong, Ate Kei," malambing na pasalamat ni Arvin sa akin.
Matamis ko silang nginitian isa-isa. "Welcome. Hindi ako magsasawang pasalubongan kayo araw-araw basta palagi kayong magbabait at huwag gagalitin si Mama at si Tito Arnold." Tukoy ko sa papa nila na stepfather namin ni Leira.
"Opo, Ate Kei," sagot ni Abigail.
Mayamaya'y binalikan nila ang mga naka-paper bag na kung ano. Nakalapag 'yon sa aming sala.
Na-curious ako kaya lumapit ako sa kanila.
"Kanino galing ang mga 'yan?" Tukoy ko sa binubulatlat nila.
"Sa akin." Namilog ang mga mata ko nang marinig ang pamilyar na boses na nagsalita mula sa aking likuran.
Leira? Dahan-dahan akong lumingon para matiyak kung tama ang hula ko.
"Leira!" Bulalas ko nang makita ang kambal ko.
"Kei!" ani niya.
Sabik na sinugod namin ng yakap ang isa't isa. Nagtatalon kami sa sobrang galak.
Mahigit isang taon din kaming hindi nagkita. At miss na miss ko siya.
Nang maghiwalay kami, hindi ko napigilang mapatitig sa kaniya. Para akong nananalamin at nakikita ang sariling repleksyon. Yes, identical twins kami ni Leira. Kapag hindi kami personal na kilala ay mahihirapan na tukuyin kung sino si Leira at kung sino si Keira. Kahit nga ang mga kamag-anak ni Mama ay nahihirapan sa aming dalawa. Madalas ay namamali sila kung sino ang Leira at Keira.
Literal na para kaming nananalamin sa tuwing magkaharap. Pareho kaming maputi. Namana namin ang kulay sa tatay naming foreigner. Pero hindi na namin nakita dahil ayon kay Mama nang mabuntis siya ay bigla na lang daw naglaho.
Ang naging palatandaan ni Mama sa amin ni Leira ay ang nunal sa may taas ng bibig. Sa kanan 'yong akin at sa kaliwa ang kay Leira.
"Grabe! Ang ganda mo," komento ko. Bagay-bagay sa kanya ang suot na crop top at high waist na pantalon.
Natawa ito. "Pareho lang tayo, Kei. We're twins, remember?"
"Oo nga pala. Pero seryoso, ang blooming mo ngayon." Sinipat-sipat ko pa siya mula ulo hanggang paa.
"Bakit ganiyan ang ngisi mo?" ani niya nang tumigil sa mukha niya ang tingin ko.
"Iba talaga ang glow mo ngayon, eh," nang-aarok ko siyang tiningnan, "in love ka, 'no?"
"Hindi, ah!" Tanggi niya, pero hindi ako kumbinsido.
"Weh?"
"Hindi nga."
Kahit anong pilit ko na paaminin siya, hindi siya umamin. Hindi daw siya in love kahit obvious naman sa kislap pa lang ng kaniyang mga mata. Kung bakit niya itinatanggi, hindi ko alam. Baka naman tsaka si boy?
Pagkatapos naming magkulitan na dalawa, nakipag-bonding kami sa mga nakababata naming kapatid.
"Mas mahal ka nila kaysa sa akin."
Napatingin ako kay Leira nang marinig ang sinabi niya. "Ha? Bakit mo naman nasabi 'yon?"
Malungkot itong ngumiti. "Hindi sila malambing sa akin kagaya nang paglalambing nila sa 'yo."
"Lei, hindi. Ano ka ba? Huwag mo ngang isipin 'yan. Matagal ka nilang hindi nakita at nakasama, baka nahihiya lang sila sa 'yo."
"Siguro nga."
Inakbayan ko siya. "Huwag mong isipin na mas mahal nila ako. Pareho lang nila tayong mahal, Lei. Tingnan mo bukas-makalawa, malambing na rin ulit ang mga 'yan sa 'yo. Nahihiya pa lang siguro sila sa 'yo."
"Kaya nga."
"Dalas-dalasan mo kasi ang uwi mo." Payo ko.
"Gusto ko naman talaga. Pero sayang ang pamasahe, Kei. Magkano rin ang pamasahe mula Maynila hanggang dito sa Iloilo."
"Sabagay. Ayaw mo bang dito na lang din sa atin. Marami din namang malalaking kompanya sa City, ah. For sure, malaki din ang sahod do'n." Suhestiyon ko para mas malapit na siya at madaling makauuwi.
"Hindi ko puwedeng basta iwan ang trabaho ko ro'n. Hindi puwedeng pareho tayong nandito, magtatyaga sa maliit na s'weldo. May apat tayong kapatid na nag-aaral nang lahat. Wala namang trabaho si Mama. Si Tito Arnold, magkano lang naman ang kinikita niya sa pagkokopra? Tapos ikaw, magkano lang ba ang kinikita mo sa hardware? 600 a day?"
Natigilan ako. Alam kong wala siyang intensyong maliitin ang kinikita ko, pero hindi ko maiwasang ma-offend. Na mukhang naramdaman niya dahil kaagad siyang humingi ng paumanhin.
"Okay lang. Gets ko naman 'yong point mo, Lei. Pasensya ka na kung hindi kalakihan ang sahod ko, pero huwag kang mag-alala mas sisipagan ko pa ang pagraket para hindi mas'yadong mabigat sa 'yo." Sabi ko, pagkatapos ay nginitian ko siya.
Ayokong magkatampuhan kami dahil lang na-offend niya ako. Matagal kaming hindi nagkita at mas gusto kong mag-bonding kami sa mga araw na nandito siya kaysa ang magkatampuhan. We're twins, dapat magkakampi kami palagi at nagkakaunawaan.