1

1442 Words
“Emillia Candace Terencio!” Tumirik ang mga mata ni Emil pagkarinig sa matinis na tinig ng kaklase at kaibigang si Charrie. Buong-buo pa talaga nitong isinigaw ang pangalan niya. Hindi pa man sumisikat ang araw ay nasa tarangkahan na nila ang kaibigan at nambubulahaw na. Bagay na kadalasan nitong ginagawa kapagka sinusundo siya. Ngayong araw, may lakad sila. Biernes, walang pasok, pero may pupuntahan sila, hindi para maglakwat o sa isa sa maraming pasyalan dito sa Libona. Mabilis niyang sininop ang lumang backpack na kinasisidlan ng kanyang pananghalian at meryenda at nagkukumahog na lumabas ng kusina. Mamaya, maisipan pa ni Charrie na magsisigaw ulit, magising pa ang mga tatay. Snigurado niya munang natatakpang maayos ang nalutong agahan. Kapag naboldyak ng kuting, patay siya sa bungaga ni Tita Lulu. Mamayang alas nueve pa naman ang kadalasang gising nito at ng stepsister niya. Pinasadahan pa niya muna ng tingin ang sarili sa salamin. Dalawang layers ng long sleeves at lumang maong ang suot niya. Pananggalang sa mukha ay t-shirt na ginawa niyang mask kaya mata na lang ang nakikita. Ayaw niyang magahol ng oras kapag doon na sa plantation nag-aayos. “Emil!” Naku! Talagang babaeng ito! Halos hindi na niya maisuot nang maayos ang sapatos. “Emilia!” Tumirik na ang mga mata niya. Para na siyang hinahabol ng daga sa kamamadaling takbuhin ang distansya ng pintuan habang sukbit sa balikat ang bag. May kaluskos kasi na nanggagaling sa silid ng tatay at Tita Lulu. “Ingay mo,” paninita niya nang makalapit dito habang binubuksan ang kahoy na gate. Ngumisi lang si Charrie. Baliw talaga ang kaibigan niyang ito. Isinarado niya ang tarangkahan at hinila na nga palayo ang nagsisimula na namang magbungangang kaibigan. Nilakad nila ang bahay ni Aling Sela, makikisakay sila sa rella nito patungong Milfores Pinapple Plantation. Picking season kaya doon ang tungo nila. “Ang aga ninyo namang mga bata kayo.” Masyado nga siguro silang maaga at wala pa siyang natatanaw na sa daan na mga pickers na kagaya nila. “Ay, syempre po, early birds caught the worm.” “Catches,” pagku-correct niya kay Charrie. “Pareho lang din ‘yon, tinutuka.” Kahit kailan talaga itong si Charrie. Pati si Mang Gusting, natawa nang malakas. Hanggang sa binabaybay na nila ang highway ng Laturan, panay ang patawa ni Charrie. Ganito talaga ito, walang dull moment. Kaya siguro sila nag-click kasi mas seryoso siya. Pero sa lahat, ito ang pinakamabait na taong nakilala niya. Mas mabait pa sa pamilya niya. Ilang saglit pa ay lumiko na sila sa isang hindi na sementadong daan. Para silang nasa malawak na dagat at ang malalawak at hekta-hektaryang pinyahan ang nararaanan sa magkabilang gilid ng kalsada. Katunayan, nangangamoy pinya na sa paligid. “Ang bango,” ‘di maiwasang samyo niya sa hangin habang tila inaamoy-amoy ang hangin na dumampi sa balat niya. Kahit kailan, hindi niya pagsasawaan ang ganitong amoy. Kalagitnaan ng biyahe nang makarinig sila ng malakas na animo putok sa paligid. Kasunod no’n ay ang paggiwang ng sinasakyan sa daan at muntikan pa ngang sumadsad sa lupa. Pumutok ang gulong ng rella. Wala silang ibang choice kundi ang bumaba at lakarin na lang ang may dalawa pa sigurong kilometro bago marating ang Milfores Plantation. Si Mang Gusting ay nagpaiwan para bantayan ang sasakyan nito. “Si Mang Gusting naman, o, sana tsinek ang gulong bago lumarga.” Tumutulis ang nguso ni Charrie na naghihimutok habang nakatitig sa mahabang daan na tinatahak nila. “Puro ka reklamo.” Nagpatiuna siyang maglakad. Sumunod ito. Sinubukan nilang mag-hitch-hike sa isang sasakyan na nagdaan pero hindi sila hinintuan. “Sama ng ugali,” si Charrie habang sinisipa ang batong naapakan. Para mawala ang bagot ay idinaan na lang nila sa pagkukuwentuhan ang lahat. Wala naman talaga sa bokabularyo niya ang mabagot. Ang saya kayang maglakad sa gitna ng malawak pinyahan na ganito kalamig ang klima at ang scenic ng paligid lalo na ang natatanaw na bundok sa unahan. Para sa kanya, paraiso ang lugar na ito. Lahat ng mga kakilala niya, nangangarap na makaalis sa kanila. Siya, dito niya mas pipiliing tumanda. “Ansakit na ng paa ko, Emil.” Natatawa na napapailing niyang nilingon si Charrie na halos malaglag na sa balikat ang bag dahil busy ang mga kamay sa pagpapahid ng kung anumang puting krema sa mukha. “Masakit ang paa, pero nakuha mo pa talagang gawin ‘yan. Ano na naman ba ‘yan?” Imbes na mas mapapabilis ang paglalakad, mukhang maaantala pa dahil huminto pa silang pareho. Sabagay, maaga pa naman, sinadya nilang maglaan ng allowance para hindi sila magahol sa oras. “Sunscreen.” May araw nga pero hindi naman ganoon katirik. “Ewan ko sa’yo, nagmumukha ka nang multo.” Iniinis niya lang si Charrie para bumilis naman ang paglalakad. “Oi, magbibilad tayo sa araw mula umaga hanggang hapon. Better be ready than sorry.” “Naka-jacket ka naman, naka-sombrero, may pantabing pa tayo sa mukha. Isa pa, ang lamig dito sa atin.” “Sinasabi mo ‘yan kasi, ipinanganak kang maputi. Eh, ako, mainitan lang kahit sandali, mura na kog agipo. Isa pa, mamaya, may gwapo sa pupuntahan natin.” Halos higit sa kalahati ng mga pickers mamaya ay mga babaeng kagaya nila. Kung may mga lalaki man, ‘yong mga kargador at driver na maghahakot ng mga pinyang maha-harvest nila. “Ewan ko sa’yo.” Binilisan niya ang paglalakad, napilitan namang humabol ang kaibigan. Naglabas ito ng dalawang piraso ng binaki na sigurado siyang pinuslit na naman nito sa paninda ng nanay nito. Kapag ito na ang nag-abot ng delicacy, hindi niya mapapahindian, ang sarap lang kasing gumawa ng nanay nito. Eksaktong naubos nila ang tig-dadalawang piraso nang matanaw nila ang entrance ng plantation. Pero ngayon, wala na ang dating pangalan na nakakabit sa main gate. Bago na raw kasi ang may-ari. “Ano kaya ipapangalan niyan ngayon?” “Ewan,” kibit-balikat niyang sagot at tumawid sa kabilang side ng kalsada. “Ang sarap siguro kapag pangalan ko ang nakapaskin diyan, ‘no?” Ultimate dream ng kaibigan. “Someday, magiging haciendera din ako.” May paikot-ikot pa sa gitna ng malawak na daan ang kaibigan niya. Napapailing na lang siya sa kolokohan ni Charrie. “Ewan ko sa’yo. Sumige ka na nga sa paghakbang.” “Walang sasagasa sa atin dito, ‘no?” Iniwanan niya ito at nagpatuloy sa pagtawid sa daan. Wala nga namang masyadong nagdadaan dito maliban sa mga pribadong sasakyan at mga trak na siyang maghahakot ng mga aning pinya. Eksaktong narating niya ang kabilang side nang bigla na lang may sumulpot na rumaragasang sasakyan mula sa isa sa kung saan. “Charrie!” natatarantang sigaw niya. Napahinto sa paikot-ikot ang kaibigan. Kita niya kung paanong napamulagat ang mga mata nito sa takot nang makita. Napalingon siya sa mas lumalapit nang sasakyan. Habang papalapit, mas lumalakas naman ang alikabok na nilikha ng mabilis na pag-usad niyon. Para siyang sinaniban ng kakaibang pwersa. Inilang hakbang niya ang shocked na si Charrie at itinulak palayo sa sasakyan. Pareho silang sumadsad sa kalsada, parehong naghilamos at napalunok ng alikabok. Napaubo silang pareho. Rinig niya ang pag-menor ng sasakyan. Mula sa dahan-dahan nang lumilinaw na kalsada ay nakita niyang humina nga ang takbo ng sasakyan. Nainis siya nang imbes na tulungan ay umusad pa iyon at bumilis pa ang takbo. Huli na nang matanto niya na hawak na niya ang isang nabubulok na pinya na basta na lang itinapon ng kung sino man sa gilid ng daan at pwersado niya iyong ibinato sa direksyon ng magarang kotse. Tinamaan ang bumper. Kumalat ang prutas at tumilamsik sa malaking bahagi ng salamin at likuran niyon. “Patay, Emil!” Nagkatitigan sila ni Charrie. Saka pa lang niya naisip ang nagawa. Pwede silang pagbayarin ng may-ari. Mabilis siyang tumakbo at sinamsam nila ang mga gamit na nagsilaglagan sa lupa at ubod-lakas na tumakbo palayo sa tuluyan nang nakahintong kotse. Ang kaba niya ay abot hanggang langit. Ang lakas ng t***k ng puso niya. Sa kabila niyon, nagawa pa niyang lumingon. Nagbukas ang pinto ng iniwanang sasakyan. Isang matangkad at matikas na bulto ng katawan ang bumaba. Namalayan na lang niyang parang humina ang pagtakbo niya. Kakatwa lang na sa kabila ng mabilis na kilos, ng kaba at habol na paghinga, nagawa pa niyang suriin ang imahe ng lalaking hindi naman klaro sa kanya ang buong mukha. May kahabaan ang buhok na parang sumayaw pa nang gumalaw ito. May shades na nakatabing sa mga mata. Para itong modelo na nag-pose sa gitna ng daan. Saka niya naramdaman ang tila pitik sa kaibuturan ng kanyang dibdib. Bakit naman kaya? ‘Nakapagtataka.’
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD