Chapter 2

2205 Words
┈┈┈┈◦•✩•◦┈┈┈┈ "Taba, umalis ka nga diyan!" Sigaw ni Ezekiel kay Genevieve habang naglalakad papasok sa malaking gate ng school. Napatingin na lamang si Genevieve sa binata habang nakangisi ito na animo'y may binabalak na hindi maganda. Napayuko na lamang siya at nilagpasan ang dalawang magkapatid. "Ezi, tumahimik ka nga! Hindi ka naman inaano ng tao tapos ginaganyan mo?" Lihim namang napangiti si Genevieve nang marinig niyang ipinagtatanggol siya ni Enzo. Patuloy lamang siyang naglakad habang nakayuko at hindi pinansin ang pangbubully sa kanya ni Ezekiel. Hindi niya naman kailangang patulan si Ezi... hinahayaan niya lang ito, umaasa na balang araw ay magsasawa rin. Sanay na si Genevieve na iniinsulto siya ni Ezekiel sa loob ng school. Hindi naman siya sinasaktan, puro panglalait lang ang inabot niya rito kaya parang musika na lang sa kanyang pandinig ang mga ito. Sinalubong naman siya ng kanyang kaibigan. Masama pa nitong tinignan si Ezikiel at inirapan pa niya ito. sabay kuha ng kamay ni Genevieve. "Buti bestie kinakaya mo pa rin ang pangbubully sa'yo ng Ezikiel na 'yan? Kung ako siguro ang laging binubully ng sira-ulong 'yan eh matagal na akong huminto sa pag-aaral ko." Sabi ng kanyang best friend na si Thamia. Hindi na lamang pinansin ni Genevieve ang sinabi nito at nagtuloy sila sa loob ng kanilang classroom, naupo silang magkatabi. Umugong ang malakas na bulung-bulungan nang biglang dumaan sa tapat ng kanilang room ang kambal na Reed, mga anak ng may-ari ng eskwelahang pinapasukan nila. Hindi pinansin ni Genevieve ang mga ito at binuklat lang ang librong nasa harapan niya. "Ang gwapo talaga ng kambal, grabe! Sana mapansin naman nila ako." Maarte namang wika ng pinaka-magandang classmate nilang si Dianne. Natatawa na lamang sina Genevieve at Thamia sa tuwing naririnig nila ang mga pagnanasa ng mga kaklase nila sa magkapatid na Reed. Graduating na sa darating na isang buwan ang kambal ng high school, habang si Genevieve naman ay nasa second year high school pa lamang. Crush ni Genevieve si Enzo, pero napaka-seryoso nito... lagi lang tahimik at bibihira pa kung ngumiti, kaya naiilang siya dito. Idagdag pa ang masamang ugali ng kakambal nitong si Ezekiel na tuwing nakikita siya ay hindi pinapalagpas ang araw na hindi siya sinasabihan ng kung anu-ano. Minsan ay napipikon siya, pero dahil mahaba ang pasensya ni Genevieve, hinahayaan na lang niya ito... bahala siya, magsawa siya. Iyan ang lagi niyang sinasabi sa isipan niya. Natapos ang maghapon sa school. Papauwi na sana sila ni Thamia habang hinihintay ang driver ni Genevieve, nang biglang sumulpot sa harapan nila si Ezekiel. "Taba, umalis ka nga sa harapan ko! Nagmamantika ang pakiramdam ko kapag nakikita kita." Pambubully na naman ni Ezekiel kaya umatras si Genevieve at hinayaan itong makaraan. "Kung makalait ka, akala mo napakagwapo mo, tseh!" Inis na sabi ni Thamia na ikinagulat ni Genevieve. Agad niyang hinila ang kaibigan at nagmamadali silang lumakad palayo habang patuloy pa rin sa pagsasalita si Thamia. Kahit ano pang saway ang gawin ni Genevieve, talagang lumalaban si Thamia. "Bestie, tama na, hinahabol na niya tayo." Nag-aalala niyang ani habang nakanguso si Thamia na parang wala lang. Napalingon si Genevieve at nakita niya ang nanggagalaiting anyo ni Ezekiel na humahabol nga sa kanila. "Tigil!" Malakas na sigaw ni Ezekiel kaya napalingon silang dalawa. Pakiramdam ni Genevieve ay malulumpo siya sa sobrang pangangatog ng kanyang tuhod. Nakikita niya kasi ang matinding galit sa mga mata ng kakambal ni Enzo. Bakit nga ba galit ito sa kanya? Napahinto sila sa pagtakbo dahil aabutan na sila ni Ezikiel. Magkahawak kamay pa sila ni Thamia na nakatitig sa galit na mukha ni Ezi. "Sino nagbigay ng karapatan sa iyo para insultuhin mo ako, ha?" Malakas na sigaw ni Ezekiel kay Thamia. Halos mabingi si Genevieve sa bilis ng pagtibok ng kanyang puso habang titig na titig siya sa mukha ni Ezekiel. Tinaasan lamang ito ng kilay ng kanyang kaibigan, kaya mas lalo itong nagalit. Itinulak ni Ezekiel si Thamia kaya bumagsak ito sa semento. Napasigaw si Genevieve at agad tumakbo palapit sa kanyang kaibigan. Umiiyak si Thamia habang napapalibutan na sila ng mga estudyante, na parang nasisiyahan pa sa nangyayaring gulo. Napatingin si Genevieve kay Ezekiel na nakangising nakatingin sa kanila. Tinulungan niya si Thamia na makatayo, pagkatapos ay humarap siya kay Ezekiel, galit na galit. "Ang kapal ng mukha mo para saktan ang kaibigan ko! Babae lang ang kaya mo kasi duwag ka, para kang isang tuta na nagtatago sa likod ng isang leon. Ganoon ka lang Ezekiel sa paningin ko dahil babae lang ang kaya mo!" Malakas na sigaw ni Genevieve. Biglang isang malakas na sampal ang dumapo sa kanyang pisngi na ikinatigagal niya. Halos tumabingi ang mukha niya at nahulog pa ang kanyang salamin. Lumuhod siya upang damputin ito at muling sinuot kahit nagkalamat na. Halos manlabo ang salamin niya sa mga luha na dumadaloy mula sa kanyang mga mata. Napatingin siya kay Ezekiel at nakita niya ang pagkabigla at tila pagsisisi sa mga mata nito. Hinawakan siya ni Thamia at naglakad silang palayo sa karamihan ng estudyanteng hindi makakibo sa kanilang nasaksihan. "Ge-Genevieve." Tawag ni Ezekiel, ngunit hindi siya pinansin ni Genevieve. 'Oo na, pangit na ako, mataba na kami ni Thamia, pero hindi iyon sapat para tratuhin kami ng ganoon.' Isinisigaw ng isipan ni Genevieve. "Genevieve!" Tawag muli ni Ezekiel, ngunit binale-wala niya ito at sumakay na sila sa sasakyan ng na sumundo sa kanila nang pumarada ito sa harapan nila. Pagkasakay nila ay nagyakap sila ng mahigpit ng kanyang kaibigan dahil sa kahihiyan at sakit na naranasan nila sa school. Kung noon ay pagka-inis lamang ang nararamdaman ni Genevieve para kay Ezekiel, ngayon ay namumuhi na siya rito. "Senyorita Genevieve, ano po ang nangyari sa inyo at putok ang labi n'yo?" Nag-aalalang tanong ng kanilang driver kaya nagsinungaling na lamang si Genevieve at sinabing nadapa siya. Siguro oras na para tanggapin niya ang kagustuhan ng kanyang mga magulang na mag-transfer na lang siya sa America. Pagkahatid kay Thamia, dumiretso na rin si Genevieve at ang kanyang driver pauwi sa kanila. Pagkarating pa lang ng bahay ay umakyat na siya sa kanyang silid at nagkulong. Umiyak siya ng umiyak dahil sa nangyari kanina sa school. Ayaw na niyang pumasok muli, ayaw na rin niyang makita pa si Ezekiel. Kaya naman, nagdesisyon siyang tawagan ang kanyang ina upang ihanda na ang kanyang ticket papuntang US. Tuwang-tuwa ang kanyang mga magulang nang malaman nilang pumapayag na siya sa kagustuhan nila. Maging ang kuya niya na nasa opisina ay tinawagan siya dahil sa sobrang tuwa nang malamang pumapayag na siya. Kaya naman mabilis silang nakabili ng ticket nila at bukas ng tanghali ang flight ni Genevieve kasama ang kanyang Kuya Kayden. Maiiwan sa Pilipinas ang panganay nilang kapatid na si Kuya Caleb dahil siya ang mamamahala sa mga negosyo nila roon. ╰┈➤ Maaga siyang nagising kinabukasan at agad na tinawagan ang kanyang best friend na si Thamia. Hindi pa nito alam na paalis na si Genevieve kaya pinapunta niya ito sa bahay nila para magkaroon sila ng oras upang magpaalam sa isa’t isa. "Grabe ka naman bestie. Bakit ka naman nanggugulat ng ganyan, dahil ba ito sa nangyari kahapon? Kasalanan ko ‘to eh, dapat talaga tumahimik na lang ako para hindi ka nasaktan ng hayop na lalaking ‘yon!" Naiiyak na sabi ni Thamia habang magkayakap sila. Kahit si Genevieve ay naiiyak na rin dahil hindi niya alam kung kailan sila muling magkikita. "Bibig mo bestie, baka marinig tayo ni Kuya Kayden, magulpi niya pa ng wala sa oras ang lalaking ‘yon. Baka hindi pa kami makaalis niyan, sige ka." Pabirong sabi ni Genevieve habang napabuntong-hininga na lamang si Thamia. Hindi rin alam ni Genevieve kung kailan sila makakabalik sa Pilipinas, lalo pa't mas gusto ng kanyang ina na doon sila manirahan sa America, kung saan halos lahat ng kanilang mga negosyo ay naroroon. Sumama sa paghatid kay Genevieve sa airport si Thamia at ang gwapo nitong Kuya na si Mathew. Crush din ni Genevieve si Kuya Mathew, katulad ng pagkaka-crush niya kay Enzo. Ay naku, napaka-salawahan talaga ng puso ko! Bulong ng isipan niya. "Lagi tayong mag-uusap sa video chat ha, huwag kang makakalimot sa akin. Mamimiss kita, bestie." Umiiyak na ani Thamia habang mahigpit silang nagyakap. Hindi rin sila tumigil sa pag-iyak dahil mula pagkabata, hindi sila kailanman nagkahiwalay. "Genevieve, unang gawin mo duon ang magpapayat ha. Ang taba-taba mo na lalo, tama na ang kakakain mo ng ice cream at cake." Pang-aasar naman ng kuya ni Thamia na si Mathew, pero nginusuan lang ito ni Genevieve. Natawa lang si Kayden sa tinuran ng kanyang kaibigang si Mathew. Pero nagulat si Genevieve ng bigla na lang siyang hinila ni Mathew at saka siya niyakap. "Mag-iingat ka, mamimiss ka namin." Bulong nito. Para namang napako si Genevieve sa kinatatayuan niya, parang tanga na hindi makakilos, nang biglang hinila siya ni Kayden palayo kay Mathew. "Gago ka, pare. Walang yakapan ng kapatid." Sabi ni Kayden habang hinahampas ng bag ang braso ni Mathew. Natawa naman si Mathew at kinindatan pa si Genevieve, kaya napabungisngis siya ng bahagya. Matagal pa ang naging pag-uusap nila Kayden at Mathew, habang sila namang mag-best friend ay pumasok saglit sa duty free shop at bumili ng tig-iisang silver bracelet. Pinagpalit nila ito bilang tanda ng kanilang pagkakaibigan... ang friendship nila na hindi basta-basta kayang tibagin ng kahit na sino. Tinawag na ang mga pasahero ng eroplanong sasakyan nila kaya’t nagpaalam na rin sila at naghiwa-hiwalay na, habang walang patid pa rin ang pag-iyak ni Thamia. Ayaw na siyang bitawan ni Thamia ngunit kailangan na nilang umalis bago pa sila maiwanan ng eroplano. Lumipas ang maraming oras sa biyahe, hanggang sa tuluyan na silang nakarating sa California. Paglapag nila sa LAX Los Angeles International Airport ay masayang sinalubong sila ng kanilang mga magulang. Mahigpit na yakap ang sumalubong kay Genevieve mula sa kanyang mga magulang. "Finally! Anong nakain mo at pumayag ka na ring manirahan dito, ha anak? Kami ay natutuwa dahil magkakasama-sama na tayo dito." masayang sabi ng kanyang ina habang yakap siya. "Namimiss ko na po kasi kayo." Tugon ni Genevieve. Masaya naman siyang iginiya ng kanyang ina sa parking lot kung saan ay naghihintay na ang kanilang sasakyan. Napabuntong-hininga si Genevieve habang nakatingin sa bintana. Ngayon pa lang, pakiramdam niya ay may kulang na agad. Hindi siya sanay na hindi niya nakakasama ang kanyang matalik na kaibigan. "Okay ka lang ba anak?" Tanong ng kanyang ina kaya napatingin siya rito. Isang matamis na ngiti ang isinagot niya upang hindi mahalata ang lungkot sa kanyang mukha. "Namimiss ko lang po agad si Thamia. Alam n'yo naman pong bata pa lang kami ay sabay na kaming lumaking magkaibigan. Ngayon lang po kami nagkahiwalay. Nakakapanibago lang po." Nauunawaan naman siya ng kanyang pamilya. Totoo naman ang lahat ng sinabi niya. Ngayon pa lang, lungkot na lungkot na siya. "Masasanay ka din anak. Magugustuhan mo dito sa California. Marami kang magiging kaibigan sa new school mo. Fifteen years old ka pa lang naman anak, kaya I'm sure na marami ka ring makikilala na bagong kaibigan dito." Ani ng kanyang ina. Ikinibit-balikat na lang ni Genevieve ang sinabi ng kanyang ina. Mukhang matatagalan sila sa America, o baka hindi na talaga sila babalik pa ng Pilipinas. Mamimiss niya ang best friend niya at sana ay madalaw siya nito minsan. Napapunas siya ng kanyang mga mata nang maramdaman niya ang pagpatak ng luha, kaya muli siyang tumingin sa bintana upang maibsan ang lungkot. Nakarating sila sa malaking bahay nila sa California ay nagulat siya sa nakita niya. Huling punta kasi ni Genevieve roon ay noong sampong taong gulang pa lamang siya. Malaki na ang pinagbago ng bahay... mas lalo itong lumaki at gumanda. Pagbaba ng sasakyan ay masiglang sinalubong sila ng kanilang mga Pinay na kasambahay. "Welcome back, Senyorita Genevieve!" Pagbati ng mga ito, bagaman hindi niya na maalala ang mga mukha nila ay ngumiti na lang din siya. "Ang ganda naman ng nag-iisang prinsesa ng mga Madden." Boses ng kanyang lola kaya't dali-daling tumakbo si Genevieve upang yakapin ito. "Lola!" Sigaw niya ng may galak at mahigpit siyang niyakap ng kanyang lola. Hindi napigilan ni Genevieve ang mapaluha dahil sa sobrang pananabik sa mga ito. "Dalagita na ang apo ko at ang ganda-ganda kahit medyo malusog." Mapang-asar na sabi ng lola niya kaya't iningusan niya ito. Tawa ng tawa ang Mommy at Daddy niya sa kanilang kulitan. "I'm not chubby, Lola." Reklamo niya habang nanunulis ang kanyang nguso kaya't lalo silang nagtawanan. "Tamang-tama, nandito ang pinsan mo. Patuturuan kita kung paano ang tamang diet, para ka kasing napabayaan sa kusina apo." Pagbibiro pa ng kanyang lola. Hindi naman siya na-offend dahil sanay siya sa ganitong biruan sa pamilya nila. Dati rin namang naging tampulan ng tukso ang Kuya Caleb niya dahil mataba ito noon, pero ngayon ay super fit na ito... may six-pack abs pa. Sabi nga ni Thamia sa kanya, yummylicious daw ang Kuya Caleb niya. Pagkapasok sa loob ng bahay ay dumiretso agad sila sa kusina. Nagulat si Genevieve sa sobrang dami ng pagkaing nakahain sa mahabang mesa. "Jusko! Paano ako papayat nito kapag ganyan naman ang salubong ninyo sa akin?" Sabi niya. Umugong ang malakas na tawanan sa buong paligid ng bahay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD