ARAW ng Martes. Baon ang ilang impormasyon tungkol kay Mrs. Rosalia Rodriguez, ang mama ni Opah, at ang ilan pang sinabi sa kaniya ni Jane, ay lakas-loob siyang nagsimula sa paghahanap kinabukasan. Sinubukan niyang tawagan ang mama ng nobya, bago pa man siya sumakay ng barko, pero walang palatandaang tama ang numerong ibinigay nito sa kaniya. Hindi pumapasok ang tawag at ni hindi nag-ri-ring ang naturang numero. Mabuti na lang at kahit paano ay naitanong niya ang address nito na agad naman niyang nailista sa kapirasong papel. Ang nakapagtataka lang ay hindi existing ang numero ng bahay na bigay ni Mrs. Rodriguez. Ang sabi ng ibang napagtanungan niya ay baka luma na raw ang numero at kahit nagpalit na ay iyon pa rin ang ginagamit ng babae, pero malabo niya raw iyon makita, at kailangan ni

