Chapter 46

1023 Words
PAKIRAMDAM ni Amere ay tinakasan rin siya ng ganang mabuhay dahil sa nangyari kay Opah. Nakabalita na sa lahat ng pahayagan at national news ang tungkol sa paglubog ng barkong sinasakyan nito ang MV Express. Hindi pa natatagpuan ang mga labi ng dalaga pero dahil nakita ang mga identifications nito na lumulutang sa dagat at mahigit dalawang araw na buhat nang mangyari ang insidente ay hindi pa rin ito nakikita, kaya sa ikatlong araw ay napasama na rin ito sa bilang ng mga nasawi. Tatlong araw na ring wala sa sarili si Amere at sa mga panahong iyon ay iginalang ni Red ang pananahimik niya. Hindi ito nangulit, at ni hindi nagparamdam sa mga sumunod na araw. Ang mga kasamahan niya sa trabaho, kabilang na ang mga kaibigan ni Opah, mga boss, gayundin si Rona ay halata nang nagtataka kung bakit ganoon na lang ang pagtanggap niya sa nangyari kay Opah. Gayon man ay walang naglakas ng loob na magtanong sa kaniya tungkol sa bagay na iyon. Iginalang ng lahat ang pananahimik niya. Maging si Boss Perry ay hindi na rin tinangkang magtanong tungkol sa desisyon niya sa pakikipag-coordinate sa Eych. Nakausap na rin niya ang mommy ni Opah nang magpunta ito sa CEN nang araw ring iyon. Tinanong niya kung nakapag-usap ang mga ito bago ang insidente at tumango naman ang ginang. Bukod raw sa mga bilin na mag-ingat at wala na diumanong ibang nabanggit ang dalaga nang huli itong makausap. Nagpakilala siya bilang nobyo ni Opah, kaya naman hindi na nangimi ang ina nitong si Rosalia Rodriguez na ibigay ang contact number nito sa kaniya. Once a day ay tinatawagan niya ito. Pakiramdam niya ay kasama pa rin niya si Opah at bahagyang gumagaan ang loob niya sa tuwing gagawin niya iyon. Gayon man ay ipinagtataka ni Amere na wala siyang ibang kamag-anak ni Opah na nakausap bukod rito. Nag-iisa raw itong lumuwas ng Maynila. Hindi niya alam kung paranoid lang siya o ano, pero tila napansin niyang nagiging mailap ang mga mata ni Rosalia at halatang umiiwas ito sa tuwing magtatanong siya tungkol sa mga relatives ng nobya. Pili lang ang mga salita nitong isinagot sa mga tanong niya. Pauwi raw si Opah sa probinsiya ng mga ito nang mangyari ang insidente. Nakalulungkot lang na hindi man lang ito nagpaalam sa kaniya. Ang plano niya ay tanggapin rin ang bakasyong iniaalok ni Perry para sana magkasama sila nito, pero alam naman niyang hindi iyon ang gustong mangyari ni Opah. Para rito ay kailangan niyang tanggapin ang proyektong inaalok ni Perry at handa itong lumayo sa kaniya para maisakatuparan niya iyon. Hindi niya alam kung alibi lang iyon ni Opah o may mga lihim talaga ito sa kaniya. Sa mga nalaman niya buhat kay Red ay noon niya na-realize na hindi pa nila lubos na kilala ang isa’t-isa. Magkagayon man ay wala siyang kahit kapirasong hinanakit sa dalaga. Handa siyang unawain ang ano mang dahilan nito dahil ganoon kalaki ang pagmamahal at tiwala niya rito. Sayang nga lamang at hindi na nagkaroon ng katuparan ang pangarap nilang magkasama nito. “Amere...” Napalingon siya sa tawag na iyon buhat sa kaniyang likuran. Sina Chiqui at Becka. Sinikap niyang ngumiti sa mga ito, bago muling ipinagpatuloy ang ginagawang pagsasalansan ng mga files sa table niya. “Ayos ka lang ba?” tanong ni Chiqui na may simpatya sa mga mata. Saglit na hindi niya malaman ang isasagot sa tanong na iyon at marahil ay naramdaman iyon ng kaharap. “Ramdam namin ang pinagdaraanan mo. Hindi naglihim sa amin si Opah at alam naming may unawaan kayong dalawa. Of course, you both need to be careful kaya hindi niyo pa masabi sa iba.” Si Becka. “But I’m afraid na hindi na ito maililihim sa mga kasamahan natin ngayon, Amere. Kay Mrs. Rodriguez mismo nanggaling na nobyo ka ni Opah. Sinabi niya iyon sa mga pulis na nandito kanina nang magpunta siya, at marami ang nakarinig.” Hindi siya nagkomento sa puntong iyon. Kung siya lang ang tatanungin ay wala siyang dahilan para itanggi si Opah. Pagbabang-pagbaba nila ng Sinugban ay iyon naman talaga ang pinakaunang bagay na gusto niyang gawin. Kaya lamang ay kumontra si Opah. Humingi ito ng panahon sa kaniya dahil sa ilang personal nitong dahilan na agad naman niyang inunawa. Huminga muna siya nang malalim, bago nag-angat ng tingin. Hindi niya maiwasang mabasag ang boses nang magsalita. “Pakiramdam ko ay kasalanan ko ang nangyari sa kaibigan niyo. Kung hindi dahil sa akin ay narito pa sana siya. Kasalanan ko ang lahat. Na-expose tayo sa Sinugban nang dahil sa akin...” “Huwag mong isipin iyan dahil hindi iyan totoo, Amere. Naunahan mo lang si Opah, pero may ginagawa rin siyang proposal noon para sa Sinugban. Nagkataon lang na nauna kang mag-submit ng proposal. Either way, it was already her time to leave. Masakit man ay iyon na lang ang isipin nating lahat,” sabi naman ni Becka. “Salamat,” maikling tugon niya, bagaman hindi naibsan ng sinabi nito ang dalahin ng konsensiya niya. “Nakapagpasabi ba siya sa inyo bago siya...bago siya lumulan sa barko papuntang Mindanao?” Nagkatinginan ang dalawa bago muling bumaling sa kaniya. “Mindanao? Wait...hindi ba at sa Cebu ang sabi niya sa ating pupuntahan niya, girl?” tanong ni Becka kay Chiqui na agad namang sinang-ayunan ng huli. “Doon nga rin ang alam kong province niya at nabanggit niya na uuwi muna siya para magbakasyon ng isang buwan doon.” “Kung taga-Cebu si Opah at iyon ang sinabi niyang destinasyon niya, bakit pa-Zamboanga ang sinakyan niyang barko?” nagtataka niyang tanong. Tama ang mga ito. Iyon nga rin ang sinabi ng mama ni Opah sa kaniya nang makausap ito at ngayon lang niya iyon napagtuunan ng pansin. “Baka naman may kaibigang papasyalan at doon na siya manggagaling pauwi sa kanila.” “Well,” sabi naman ni Becka kasabay ng pagkikibit ng balikat. Hindi na siya kumibo, hanggang iwan na siya ng mga ito. Gayon man ay napapaisip pa rin siya. Hanggang sa mga huling sandali ng buhay ng nobya ay nababalot pa rin ito ng maraming katanungan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD