“YOU DIDN’T tell me na aalis ka pala ng Pilipinas,” malambing na sita ni Rafy sa kanyang lolo. Nasa himig din niya ang pagtatampo. Kadarating lamang nito galing ng conference nang tumawag ito sa cellphone niya.
“Hindi ko na ipinaalam sa iyo, hija. Alam kong ipipilit mong lumuwas sa Maynila para pamahalaan ang kompanya kung nalaman mo ang pag-alis ko. Hindi ba at ang gusto ko nga ay magbakasyon ka riyan,” paliwanag ni Lolo Ed. “Kailan nga pala dumating si Timothy?” dugtong agad nito na mahahalatang nais ibahin ang usapan.
“Yesterday,” sagot niya.
“Mabuti naman. Kumusta na si Abby?”
“She’s very happy, of course, ” pagbabalita niya. “Mabuti na lang talaga at nakabalik na si Timothy dahil gusto na talaga niyang sundan ito sa Amerika. Hay, naku, Lolo, kung alam mo lang, pati ako ay natataranta na din lalo na nung mga panahong hindi tumatawag si Timothy. Kulang na lang ay maglupasay si Abby. At siyempre naaapektuhan din naman ako sa nakikita ko.”
“Well, ganyang nakabalik na si Timothy, wala nang rason para mag-alala. We should celebrate kung gayon.”
“When are you coming back here?” tanong niya. Dobleng excitement ang nararamdaman niya dahil kapag pumunta doon si Don Ed ay sasabay na rin siya dito kapag tinapos ang pagbisita. Nangangahulugan iyon ng pagbabalik niya sa trabaho.
“Kayo na muna ang bahala diyan pansamantala. I’ll be there next week,” sagot nito.
“KUMUSTA ang business trip mo, honey?” masiglang tanong ni Abby kay Timothy.
Nasa hapag sila at magkakasalo sa isang masaganang hapunan. Kahit maya’t maya ay sapo ni Abby ang tiyan ay hindi ito pumayag na hindi ito ang mag-asikaso sa paghahanda ng pagkain. Dalawa sila ng kusinera na pumipigil dito lalo at marunong na rin naman siyang magluto ng mga putahe. Pero mapilit ito. At gaya nang dati, naigiit na naman nito ang gusto.
“Ayos naman,” maikling sagot nito.
“Nahiyang ka yata sa ibang bansa,” ani Abby.
Napatingin si Rafy na tahimik lang na kumakain. Alam niyang sabik na sabik si Abby sa asawa nito at kung hindi lang parang kabastusan ay gusto sana niyang huwag nang sumalo sa hapag. Sa halip ay nanahimik na lang siya at nagmasid.
Bumaling siya ng tingin kay Timothy. Wala sa loob na napatango siya. Maging siya ay napatango rin. Talagang kapansin-pansin ang pagbabago ng pisikal na anyo nito.
“Hindi mo siguro ako na-miss. Ang dami kasing magandang babae roon. Matatangkad at mapuputi. Kabaligtaran ko na kinapos sa height at hindi rin naman kaputian.” Nasa tinig ni Abby ang pagtatampo rito.
Napailing siya. Kilala na niya ang kanyang pinsan. Bahagi lamang iyon ng paglalambing nito.
“Kahit gaano pa sila kaganda, hindi ko naman sila pinapansin. Marami lang talaga akong inasikaso roon kaya kaya hindi ako nakatawag bago ako umuwi,” sagot ni Timothy na sumulyap pa sa gawi niya.
“Talaga? Hindi ka nga nambabae roon?” muling tanong ni Abby.
“Maraming trabaho, Abby. Gustuhin ko man, hindi ko na iyon maisisingit,” ani Timothy na ginantihan na ang pangungulit ng asawa.
“At balak mo pa nga pala? Kumusta nga pala ang brother mo? Nagkita ba kayo?” pag-iiba na ni Abby ng paksa.
“Nagkausap lang kami. Hindi ko siya nakita.”
“Why? Hindi ba siya uuwi rito sa Pilipinas para naman mag-meet kami. Hindi na nga siya naka-attend sa kasal natin.”
“Nasa Europe siya. Nag-asawa na ro’n,” malamig na tugon ni Timothy. Base sa tono nito, wala itong ganang magkuwento tungkol sa kapatid nito.
Tumaas ang kilay ni Abby. “I thought wala sa bokabularyo ni Mac ang pag-aasawa? Hindi ba’t ayon pa sa kuwento mo ay mas mahal niya ang kalayaan niya?”
Hindi rin nakaligtas sa paningin niya ang bahagyang pagkunot ng noo ni Timothy.
“Hindi ba’t sabi mo ay playboy iyong kapatid mong `yon at hindi naniniwala sa kasal,” patuloy pa ni Abby.
Nagkibit-balikat lamang si Timothy. “Baka nagbago na siya ng paniniwala. Anyway, how’s the baby?” tila pag-iwas nito sa pinag-uusapan.
“Okay naman. Malusog daw sabi ni Doktora,” masayang pagbabalita ni Abby. “Mabuti na lang at nandito si Rafy habang wala ka, honey. Kahit paano ay nalibang ako. Siya ang kasa-kasama ko ‘pag nagpapa-check up.” Nakangiting sumulyap ito sa kanya.
“Masyado na palang naabala si Rafy. Mabuti at hindi nagagalit ang boyfriend niya,” sabi ni Timothy at bumaling sa kanya.
Napataas naman ang kilay niya sa tinuran nito.
“Honey, ano ka ba? Nakalimutan mo na ba agad? Alam mo namang walang boyfriend si Rafy. Di ba biruan pa natin dati na papasalubungan mo siya ng isang Amerikao para magka-boyfriend na sana?” Natatawang hinampas ni Abby ang asawa sa braso.
“Malay naman natin,” anang lalaki.
“I’m very sure na wala,” puno ng katiyakang wika ni Abby. “Dahil kung mayroon, kami ni Lolo ang unang-unang matutuwa for her. Wala naman kasing nasa isip si Rafy kundi trabaho. Saka hindi siguro tatagal dito si Rafy kung may boyfriend siya. Tiyak na mami-miss niya iyon.”
“Bakit ba bigla ako na ang topic nyo? Parang hindi ako nag-e-exist dito na kasama ninyo kung pagtsismisan ninyo ako, eh,” nakangiting singit niya. “Parehong-pareho kayo ni Lolo. Para bang gusto na talaga akong ipamigay.”
“Because you’re not getting any younger, pinsan. Sayang ang ganda mo at saka hindi ka ba naiinggit sa akin? Happy ang married life lalo ngayon na magkaka-baby na kami.” Hinimas pa ni Abby ang maumbok na tiyan.
“Nauna ka lang pero darating din ako sa ganyan. Magugulat na lang kayo.” Dinaan niya sa biro ang sagot.
Nang mapagawi ang tingin niya sa bayaw ay nahuli niyang nakatitig ito sa kanya. Bahagya pang nakakunot ang noo nito na tila hindi nagustuhan ang kanyang tinuran. Muli ay nakadama na naman siya ng pagkailang sa paraan ng pagkakatitig nito.