Hemira III 21 - Magnanakaw
~Hemira~
Patungo na ako sa silid ni ginoong Sueret at patago-tago ako sa mga pader na aking nadadaanan.
Tinitingnan ko muna ang paligid kung masasalubong ko ba ang isa sa aking mga kaibigan. Wala pa naman akong nasasalubong sa kanila.
Ginagawa ko ito dahil hindi ko muna nais ipakita ang aking sarili sa kanila.
Nahihiya ako dahil paniguradong pinag-alala ko silang muli.
At isa pa, hindi nila nanaisin na makitang lumabas na kaagad ako ng aking silid gayong kagagaling ko lamang sa isang linggong pagkahimbing dahil sa nangyari sa akin sa aking pagsasanay.
Naglakad na ako paalis sa pader na aking tinataguan at pababa na ako ng hagdan ngunit napatigil ako dahil narinig ko ang isang pamilyar na tinig.
"Serafina, ano iyang benda sa iyong braso?" tinig iyon ni Eugene kaya napabalik ako sa aking pinagtataguang pader.
Muntik nang masalubong ko sila!
"Kanina ko pa nga rin iyan napapansin," sabi naman ni Aria.
Mabuti na lamang at hindi ako tuluyang bumaba. Nariyan pa naman si Aria. Paniguradong hindi niya ako titigilang sermunan dahil sa aking ginawang paglabas na ito kaagad.
"Ahhh... Ito? Wala naman ito. Maliit lamang na sugat ito." Si Serafina iyon at batid kong siya'y nakangiti.
"Eh bakit hindi mo gamutin? Maliit na sugat lang naman pala eh." Si Yohan naman iyon.
Mukhang tapos na siya sa kanyang pagsasanay.
Nasa ibaba lamang sila at tila wala silang balak umakyat.
"Kailangan ko kasi ang aking mahika upang patuloy akong makagawa ng makagagamot na sa mata ni Kirion. Ang ginawa kong gamot kanina ay hindi na naman umepekto kaya gagawa muli ako ng panibago... at sisiguraduhin kong gagana na iyon."
Napangiti ako sa determinasyon ni Serafina.
Siguradong isang araw, hindi na ako magugulat na malaman kong nakakakita na si Kirion dahil sa kanyang tulong.
"Ano ang ginagawa mo rito, prinsesa?" tanong ng isang tao sa aking likuran kaya naman ako'y napapitlag sa gulat at mabilis na napalingon doon.
"Ginoong Sueret?!" nabigla kong tawag sa kanya. Napatakip pa ako ng aking bibig dahil napalakas ang tawag ko sa kanya.
Hindi ko inaasahan na makikita ko siya rito.
Sumilip siya sa pader na sinisilipan ko kanina at muli ay tumingin na sa akin. "Nasa ibaba ang iyong mga kasamahan ngunit tila sila'y iyong pinagtataguan? May problema ba kayo ng iyong mga kaibigan?" takang tanong niya nang marinig ang tinig nila Aria sa ibaba.
Umiling naman ako. "Wala naman po ginoo." Ngumiti ako ngunit ngiwi panigurado ang kinalabasan niyon.
Napatango-tango lamang siya. "Bakit ka naririto? Nalaman ko sa mga kawal na nagising ka na. Hindi ko inaakalang makikita agad kita rito sa labas matapos na muntik mong mabura ang iyong sarili at pati na ako."
Doon ko naalala na iyon ang bagay na nais kong pag-usapan naming dalawa.
"Iyon po ang dahilan kung bakit ako'y lumabas agad. Nais kong talakayin sa inyo ang bagay na iyon at nais ko na rin pong kamustahin kung kayo'y maayos na ang lagay."
Ngumiti naman siya. "Laking pasasalamat ko at nagawa kong makaligtas mula sa napakalakas mong mahika. Ito at nagagawa ko pa rin naman ang mga bagay na nagagawa ko noon. Kung nais mong makipag-usap sa akin ay nakabubuting sa isang tahimik na silid natin iyon talakayin."
Tumango-tango naman ako at sabay na sana naming tutunguhin ang kanyang silid nang pagpihit ko ng aking katawan ay apat na tao kaagad ang bumungad sa akin.
"Hemira..." Nakataas ang kilay na tawag sa akin ni Aria at nagbabadya ang kanyang tinig ng mahabang sermon.
Nang-uusig naman ang tingin sa akin ni Yohan.
Bigla naman akong niyakap ni Eugene. "Tunay nga ang usapan ng mga tagapagsilbi. Na nakita ka nilang naglalakad lamang sa isang pasilyo. Akala ko'y mali lamang ang aking dinig." Humiwalay na siya sa akin at hinawakan ang aking pisngi nang may pag-aalala. "Dapat ay hindi ka muna lumabas ng iyong silid. Hindi ka pa lubusang—"
Ihiniwalay naman siya sa akin ni Yohan. "Ano Eugene? Para-paraan natin ah."
Nakangiti lamang si Eugene sa akin at hindi pinansin ang sinabi ni Yohan sa kanya.
May humawak sa aking kamay at si Serafina iyon. "Mabuti at nakabawi na ng lakas ang iyong pangangatawan, Hemira. Labis talaga kaming natakot para sa iyong kalagayan nang marinig namin na napasabog mo ang iyong sarili sa silid sanayan kasama ang iyong tagapagturo. Akala namin ay kung ano na ang nangyari sa inyo. Mabuti at nadatnan pa rin namin kayo na buhay at buo."
"'Yun na nga eh. Kakagising lang sa grabeng pangyayaring 'yon, naglakwatsa na agad. Gawin na lang kaya nating Dora pangalan mo imbis na Hemira." Nakataas ang kilay at humalukipkip pa si Yohan. Batid ko na hindi niya talaga nagustuhan ang ginawa kong ito.
Sigurado ko rin na labis silang nagimbal nang malaman nila ang pagsabog na naganap sa silid sanayan kung nasaan kami ni ginoong Sueret.
Ganoon ang nangyari noon sa akin sa Abellon dahil sa paggising ng Yin mula sa akin at paniguradong naalala nila ang hindi kanais-nais na alaalang iyon dahil sa nangyari.
"May nais lamang akong itanong kay ginoong Sueret kaya agad akong lumabas ng aking silid. Paumanhin kung labis ko na naman kayong napag-alala." hinging paumanhin ko.
Sabay-sabay naman silang napatingin sa ginoo.
~Sa isang abandonadong silid~
"Mabuti naman at nandito na rin ang iyong mga kaibigan. Mababatid nila ang limitasyon ng iyong mahika upang sila ang pumigil sa iyo kung saka-sakaling subukan mong gamitin iyon nang padalos-dalos," wika ni Ginoong Sueret.
Nagkaroon ng pagtataka sa mukha ni Aria. "Ano ang ibig mong sabihin? Ipaliwanag mo iyon nang maayos at iyong maiintindihan namin." walang galang na sabi niya sa ginoo.
Wala naman itong reaksyon at kalmado lamang. "Maaaring mapahamak si Hemira kung hindi magiging tama ang paggamit niya ng kanyang mahika. Pati na kayo ay maaaring malagay rin sa alanganin katulad ng nangyari sa amin sa aming pagsasanay. Nakagawa lamang ako ng malakas na mahika upang pumrotekta sa aming dalawa kaya sa aking tingin ay nakaligtas kami. Hindi rin naman mapanakit ang mahikang Yang ngunit masyadong malakas iyon na kapag mali ang gamit, maaari pa ring sa kapahamakan mauwi."
"Naaalala ko na ganoon din ang nangyari noon sa iyo sa Abellon, Hemira. Hindi nga lamang ganoon kalakas na pagsabog ang nagawa mo ngayon dahil isang silid lamang ang iyong nasira ngunit noon ay buong palasyo ng Abellon ang iyong nabura," sabi ni Eugene.
Tumango naman sa pagsang-ayon si Serafina.
"Kung gano'n, ano ba ang dapat gawin ni Hemira para magamit niya nang tama ang mahika niya?" tanong naman ni Yohan.
Iyon din ang tanong na nasa aking isipan.
"Wala." maikling sagot ni ginoong Sueret.
"Wala?" sabay-sabay na tanong namin.
"Ganoon na nga. Wala kang gagawin, Hemira. Hindi mo iyon gagamitin kung saan-saan dahil hindi pa ganoon kahinog ang kakayahan mo sa paggamit ng puting mahika. Ibig sabihin ay hindi ka pa handa upang makontrol ang napakalakas na Yang. Makagagawa ka ng mga maliliit na mahika ngunit batid mong hindi lamang doon ang kakayahan ng mahikang iyon."
"Ngunit paano siya magiging handa kung hindi niya iyon gagamitin? Mas nababagay nga na gamitin niya na kaagad iyon upang siya'y masanay." Kunot na kunot ang noo ni Aria dahil hindi niya naiintindihan ang kanyang mga nalalaman.
"Ang Yang ay hindi isang mahika na kailangan ng pagsasanay. Ang puhunan sa mahikang iyon ay ang kabutihang tinataglay ng nagmamay-ari niyon at ang intensyon nito. Mabuti at malinis ang intensyon ni Hemira para sa lahat ngunit batid ng dragong Yang kung kailan ito nararapat na lumabas mula kay Hemira. Ang mga dragon naman ng regnum ay mga sariling pag-iisip din."
"Ngunit bakit nagawang mapalabas ni Hemira ang dragong Yin noon sa Abellon? Hindi naman siya isang masamang tao." tanong naman ni Serafina.
"Dahil napuno ako ng poot at paghihiganti noon dahil sa ginawa sa inyo ni Abellona." sagot ko.
Sa akin na sila napatinging lahat.
"Nang kumawala si Aria sa libro at nawalan ng buhay, nang buhusan ng mabagsik na posyon sa mga mata si Kirion na nagsanhi ng pagkabulag nito, at nang akala ko'y nawalan ng buhay si Yohan na kagagawan din ni Abellona, labis-labis na galit at poot ang aking naramdaman. Hindi lamang ang mga iyon. Ikaw rin Eugene at Serafina, pati na si Euvan ay ginawaan niya ng masama nang kulamin niya tayo gamit ang kanyang mga manika. Buong buhay ko ay roon ko lamang sa mga oras na iyon naramdaman ang ganoong kasidhing galit. Ang lubos kong pagnanais na makapaghiganti ay nagpawala na rin sa akin sa katinuan kaya batid ko kung bakit nagawang magising ng Yin sa akin noon." Kuyom na kuyom ko ang aking mga kamao.
"Ngunit nararapat na kalimutan mo na iyon Hemira. Hindi maganda na maramdaman mo ulit ang mga bagay na iyon dahil napakalaki ng tsansa na mabahiran ng kasamaan ang Yang na nasa iyo. Iyon pa ang isang bagay na iyong pagkakaingat-ingatan. Hindi maaaring pati ang Yang ay madumihan at tuluyan nang maging parte ng Yin." babala ng ginoo.
Natigilan ako dahil sa kanyang sinabi.
Ngayon ko lamang nalaman ang tungkol sa bagay na iyon.
"Hanggang nasa iyo ang Yang, pilitin mong kabutihan ang iyong maging nais at intensyon. Kahit gaano ka pa hamakin at gawaan ng masama ng mga kalaban, pati na ang iyong mga kaibigan ay pagpoprotekta lamang sa nakararami ang dapat pumuno sa iyong isipan, hindi ang paghihiganti at iba pang masasamang damdamin na batid mong makadudungis sa puti mong puso."
Napahawak ako sa aking dibdib kung nasaan ang aking puso.
Kabutihan lamang ang lagi kong dapat hangad?
Kung gagawin ni Handro sa aking mga kaibigan ang mga ginawa ni Abellona noon sa mga ito, kaya ko pa rin bang hindi makadama ng poot at hindi magnais na maghiganti?
"Makakaasa tayo kay Hemira kung gano'n pala ang kailangan."
Napatingin ako kay Yohan dahil sa kanyang sinabi.
Ngiting-ngiti siya at bakas sa kanya na buong-buo ang tiwala niya sa akin.
"Si Hemira pa ba ang tatanungin tungkol sa pagpoprotekta?" Si Aria naman iyon na kanina ay nakahalukipkip ngunit ngayon ay unti-unti nang ngumiti.
"Hindi ako humihinga ngayon kung hindi sa kanyang tulong. Ilang beses na bang inilagay ni Hemira sa panganib ang kanyang buhay para sa akin?" Si Serafina naman iyon.
Tumango-tango naman si Eugene. "Mas patatalasin ko pa ang aking talim upang tuluyan nang mawakasan ng napakagandang binibining ito ang buhay ng Handrong iyon sa aking espadang anyo."
Napangiti si Ginoong Sueret sa kanila. "Batid ko na kung bakit kayo ang napili ni haring Herman na mapabilang sa mga nabubuhay na makatutulong kay Hemira."
Napatingin ako sa kanilang lahat at sila'y mga nakangiti. Buo ang tiwala sa akin at sinserong umaasa na magampanan ko ang aking tungkulin bilang may hawak ng Yang.
Nawala ang agam-agam ko sa aking sarili at ngumiti na rin ako. "Hindi ko bibiguin ang inyong tiwala sa akin."
~Tagapagsalaysay~
Nagsibalik na ang mga mandirigma ng Gemuria sa palasyo. Pagod na pagod sila sa paghahanap kay Ceres sa kung saan-saan. Ang iba'y mula pa sa ibang kontinente matagpuan lamang ito.
Ang ibang mga mandirigma naman na hindi pa nakakapag-ikot ang pinaghanap sa prinsesa kapalit ng mga ito.
Nasa napakalaking silid kainan ng mga mandirigma ang mga ito at halos mabilaukan sa labis na pagkain dahil sa gutom.
"Zetes! Saan ka nakakuha niyang inihaw na baboy?! Bakit hindi ko iyan nakita kanina?!" naiinggit na tanong ni Piero (David sa moderno) kay Zetes.
Seryoso lamang ito at puno ang bibig kaya itinuro na lang ang direksyon na kuhaan ng pagkain. "Kalalagay lamang nito..." pinilit nitong malinaw na sabihin.
Napatingin naman doon si Piero.
Nakita niya ang abalang-abalang si Seth sa pagluluto ng pagkain at gumagamit din ito ng mahika nito upang pasarapin ang mga luto. May katulong din itong mga lalaking tagapagsilbi ng palasyo.
Puro lalaki lamang sila roon at nangangalingasaw ang amoy ng pawis mula sa kanila na hindi naman alintana ng bawat isa.
"Kaasar naman si pinuno Seth! Wala n'yan kanina!"
~Sa pwesto ni Seth~
"Tsk. Masyado silang marami ngunit kaya ko naman ito. Hindi ako magiging isang bihasang Fulop(maheya ng pagkain) kung hindi ko kayang paglutuan ang ganito karaming mga tao." kausap ni Seth sa kanyang sarili na kalmado lamang.
Kababalik lamang nila mula sa paghahanap kay prinsesa Ceres at pagluluto na kaagad ang kanyang inasikaso. Mabuti na lamang at kumain muna siya bago magsimula sa kanyang trabaho dahil baka siya'y takasan ng malay dahil sa labis na paggamit ng kanyang mahika.
"Pinunong tagapagluto! Marami pa po ang mga bagong dating na hindi pa kumakain!" sabi sa kanya ng isang tagapaglutong kanyang katulong.
Napatingin siya rito. "Sige. Ako nang bahala." Ngumiti siya rito.
Bumakas naman ang paghanga sa mga mata nito dahil hindi siya nakararamdam ng pagkagulumi kahit na napakarami pa ang dapat nilang paglutuan.
Ang bilis ng kanyang mga galaw. Sa paggayat, paghiwa at paghahalo sa lutuan ng kanyang mga niluluto. Nagliliparan ang mga gamit at pagkain dahil sa kanyang kagagawan upang mas mapabilis pa ang lahat.
Hinugasan niya ang isang mansanas para sa isa niyang putahe at inilapag iyon sa isang lamesa sa kanyang likuran.
Kinuha niya ang kanyang kutsilyong panghiwa na nakasabit sa pader kung saan malapit ang malalaking kawang kanilang nilulutuan at ipinihit niya nang muli ang kanyang katawan paharap sa lamesa ngunit wala na roon ang mansanas na hihiwain niya sana.
Natigilan siya at nagtaka. Tiningnan niya ang kanyang mga kasamang tagapagluto ngunit wala namang may hawak na mansanas sa mga ito. Dahil kailangan nang magmadali ay kumuha na lamang siya ng bago at inalis ang pagtatakang kanyang nararamdaman.
Hinugasan niyang muli iyon at hiniwa na nang maninipis.
Inilagay niya iyon sa isang plato at pinatong muli sa lamesa sa kanyang likuran.
Sandali lamang niyang hinalo ang kanyang niluluto at kukunin na sana ang pinaghihiwa niyang mansanas upang isahog doon ngunit wala na rin iyon doon.
Nangunot na ang kanyang noo sa labis na pagtataka.
Dahil gustong malaman kung sino ba ang naglalaro sa kanya ay nagpatong siya ng panibagong pagkain doon.
Isang tinapay.
Saglit lamang siyang tumalikod at lumingon kaagad upang mahuli kung sino ang nangunguha ay nakita niya ang isang kamay mula sa ilalim ng mesang iyon na kumakapa doon.
Nang mahawakan ang tinapay ay kinuha iyon at natabingan na ulit ng telang nakatabing doon ang kung sinuman ang nagtatago sa ilalim niyon.
"Aha! Huli ka." mahina niyang sabi.
Paniguradong isa iyang mandirigma na hindi makapaghintay na makakain kaya siya nariyan, sabi niya sa kanyang isip.
Lumapit siya roon at umupo saka binulatlat ang tabing ng ilalim ng lamesa.
"Bulaga!" sigaw niya sa taong nagtatago roon.
Bigla siyang nabugahan ng taong iyon ng nginunguya nito sa gulat kaya siya'y napapikit.
Narinig niya ang pagubo-ubo nito sa pagkasamid ngunit tila sa binibini nagmumula ang tunog na iyon.
Pinunasan niya ang kanyang mukha gamit ang telang nakasampay sa kanyang balikat at iminulat na ang kanyang mga mata.
Ilang sandali na makita ang taong iyon ay nanlaki ang kanyang mga mata.
Ang inaakala niyang isang mandirigma na kanyang madaratnan...
Ay isa palang napakagandang binibini...
Na nagpabilis ng t***k ng kanyang puso.