Hemira III 25 - Napakataas na Pader
~Hemira~
Nagsimula na naming tawirin ang dulo ng karagatang Syierian sakay sa napakalaking pagi na tinawag ni Neb upang marating namin ang kontinente ng Notos na kadugtong nito.
Ang mga kabayong aming sinakyan ay kusa nang umalis sa dalampasigan kung saan namin sila iniwan at dahil sa mahikang inilagay sa kanila ay magagawa nilang makabalik sa palasyo ng Gemuria.
Tirik na tirik ang araw at nakaupo lamang kami sa likuran ng pagi. Maaari rin kaming humiga rito na hindi nagsisiksikan dahil sa lapad nito. Hindi rin kami nababasa ng tubig dahil sa ibabaw lamang ito ng tubig lumalangoy. Ang kamangha-mangha pa'y hindi ito malansa at tila malambot na higaan lamang ang likod ng nabubuhay na ito.
Nakatingin lamang ako sa malayo.
"Yohan, mukhang mayroong kang dinadamdam base sa haba ng iyong pagnguso. Tungkol ba sa akin iyon? Mayroon ba akong hindi magandang ginawa?" narinig kong tanong ni Euphemia kay Yohan kaya napatingin ako sa kanila.
Hindi ko naman inaasahan na nakatingin sa akin si Yohan at masama ang kanyang titig. Mukhang sa akin siya may ikinagagalit.
"Wala. 'Wag mo 'kong pansinin. Naiinis lang ako dahil 'yung isa d'yan, kung makayakap sa iba, akala niya ayos lang sa 'kin. Tss! Kita ng malapit na kaming ikasal..." Inirapan niya ako at padabog na humiga.
"OOHHHHH!" ungol ng pagi dahil mukhang nasaktan ito sa kanyang ginawa at gumewang nang kaunti ang paglangoy nito.
"Yohan!" sigaw ng natakot na si Aria sa kanya. Napakapit pa ito sa aking damit.
Si Serafina naman na kanina'y abala sa paggawa ng mga lunas ay halatang natakot din sa nangyari.
Hindi naman siya bumangon at nanatiling nagmukmok.
Napailing-iling naman ako. Mukhang dadamdamin niyang mabuti ang pagyakap ko na iyon kay Neb. Hindi ko naman iyon sinasadya. Sa sobrang tuwa ko ay iyon ang ikinilos ng aking katawan.
"Tsk! Tsk! Tsk!" pagpalatak ni Eugene na tumabi sa akin kaya napatingin ako sa kanya. "May oras ka pa upang baguhin ang iyong desisyon tungkol sa pagpapakasal sa kanya Hemira. Nandito naman ako at naghihintay lamang na mangyari iyon."
Natawa naman ako sa kanyang biro. Tumawa na rin siya ngunit napatikom kami nang makita ang nakamamatay na tingin sa amin ng nagtatampo pa ring si Yohan.
Sinimulan na naman siyang kulitin ni Euphemia kaya nawala sa amin ang kanyang atensyon.
Narinig ko ang malalim na paghinga ni Eugene kaya napatinging muli ako sa kanya. Nakatingin siya sa malayo.
"Hemira... Maaari ba akong magtanong?" tanong niya na sa malayo pa rin ang titig.
"Ano iyon?"
Huminga muli siya nang malalim. "Naging mabuti ba talaga ang trato sa iyo ni Euvan noong nawalan ka ng alaala?"
Hindi ko naman inaasahan na iyon ang kanyang magiging tanong.
Kailanma'y hindi siya naging interesado sa kanyang kakambal ngunit mukhang nahihiya lamang siyang magtanong.
Ngumiti ako at tumango. "Oo... Labis-labis ang naging kabutihan niya Eugene na nagresulta ng kanyang kawalan ng buhay para sa akin. Kung hindi dahil sa kanya, nawalan na ako ng buhay noon sa kamay ng maheyang may mahikang kalawang. Hindi lamang doon. Simula nang mapasakamay ako ni Handro ay ginawa niya ang lahat upang mapanatili akong ligtas at buhay."
Napatango-tango siya saka bumaling na ng tingin sa akin. "Ganoon ba? Ngayon ay naiintindihan ko na." Humiga na siya at iniunan ang kanyang dalawang braso saka ipinikit ang mga mata. "Kailanma'y hindi kami nagkaroon ng oras sa isa't isa simula bata pa at masama rin ang tingin ko sa kanya dahil lumaki siya sa pugad ng mga masasama ngunit nararamdaman ko na ako'y nagsisisi dahil hindi ko man lamang sinubukang kilalanin ang tunay na siya. Na kahit ngiti ko na laging namang nasa aking labi ay naipagdamot ko sa kanya. Ni hindi ko rin nais na napagkakamalang ako siya. Ngayon ay nagdududa tuloy ako sa aking sarili kung ako ba talaga ang mabuti sa aming dalawa."
"Huwag mong pagdudahan ang iyong kabutihan Eugene dahil kaming iyong mga kaibigan ang makapagpapatunay niyan." pagtatanggol ko sa kanya.
"May isa pa ring tanong na matagal nang gumugulo sa akin ngunit hindi ko lamang binibigyan ng pansin."
Nanatili akong nakikinig sa kanya.
"Bakit kami kailangang dalhin ng aming ina sa kaharian ng mga higante at paghiwalayin na dalawa? Hindi ko naman pinagsisisihan na lumaki ako sa Nemos ngunit nagtataka lamang ako kung bakit pinaghirapang gawin iyon ng aming ina. Ano ang kanyang naging dahilan?" Mahina ang kanyang tinig na pandinig ko lamang ang maaabot.
Natigilan ako sa kanyang naging tanong.
"I-ipakita mo iyan kay... Eugene... Iyan ang... alaala ng aming ina..." Sumagi sa aking isipan ang boses na iyon ni Euvan nang ibigay niya sa akin ang alaala ng kanilang ina ni Eugene.
Nanlaki ang aking mga mata at agad kong hinalungkat ang lagan ko na aking laging sakbit.
"Anong hinahalungkat mo sa iyong lagan Hemira?" tanong ni Aria sa akin.
Hindi ako sumagot.
Maingat kong inilabas ang bote ni Kirion na aking unang nahawakan. Nakabilot ito sa tela upang hindi ito mabasag. Ipinatong ko muna iyon sa aking mga binti saka patuloy na hinalungkat muli ang laman ng aking lagan.
Batid kong naririto lamang iyon.
Tanda ko na noon pa'y rito sa lagan kong ito itinago ang bagay na iyon at dahil sa napakaraming mga suliranin sa kaharian ay nakalimutan ko nang ibigay kay Eugene.
Nang makapa ko na ay agad kong inilabas ang aking kamay hawak ang bilog na babasaging bagay.
"Eugene! Tingnan mo ito!" natutuwa kong sabi kay Eugene.
Bumangon naman siya at umupo saka tiningnan ang aking hawak.
"Ano iyan?" nagtataka niyang tanong.
Nausisa naman si Aria at lumapit sa amin si Euphemia. Napatingin lamang sa amin sila Yohan at Serafina.
"Bago mawalan ng buhay si Euvan, ibinilin niya ito sa akin na ibigay sa iyo. Ang sabi niya'y ito ang alaala ng inyong ina. Marahil ito na ang sagot sa tanong mo kanina!" tuwang-tuwa kong sabi.
Nanlaki naman ang kanyang mga mata at napatitig sa alaalang hawak ko. "A-alaala ng aming ina?..."
Natutuwa pa rin akong tumango-tango.
Akmang kukunin na niya iyon sa akin ngunit bigla siyang natigilan. Tila mayroong siyang iniisip na malalim sapagkatapos ay ibinaba niya na ang kanyang kamay at napahinga nang malalim.
"Itago mo muna iyan Hemira."
Nangunot naman ang aking noo sa kanyang winika. "Bakit Eugene? Ano ang problema?"
Umiling-iling siya. "Sa aking tingin ay hindi pa ito ang panahon upang malinawan na ang mga tanong ko na gumugulo sa akin. Sa aking tingin din ay wala pa akong karapatan na malaman ang lahat ng iyon." Nakayuko siya at lungkot ang bumalot sa kanya na kapani-panibago.
"Ngunit bakit?" hindi napigilang tanong ni Euphemia sa kanya.
"Siguro ay parusa ko dahil sa mga ginawa ko kay Euvan." Inangat niya na ang kanyang mukha at ngumiti ngunit sumisilay pa rin ang kalungkutan sa kanyang mga mata. "Hahayaan ko muna ang aking sarili na magdusa sa pagkausisa sa dahilan ng aming ina kung bakit niya kami pinaghiwalay ni Euvan. Rason ko rin ay gusto kong danasin ang pagdurusang dinanas ni Euvan nang bintangan namin siyang kakampi nila Handro na tumatrato sa iyo nang masama nang sa ganoon ay maipakita ko talaga sa aking kakambal na nagsisisi ako sa mga ginawa ko sa kanya."
"Subalit siguradong hindi naman iyon ang nais ni Euvan." pagpilit ko pa rin sa kanya.
"Patawad Hemira ngunit hahayaan ko muna iyan sa iyong pangangalaga. Kapag sa aking tingin ay karapat-dapat ko na talagang tanggapin iyan ay ako na mismo ang hihingi sa iyo niyan." Humiga na siyang muli at pumikit. Halatang hindi na siya magpapapilit pa kaya naman napatingin na lamang ako sa alaalang aking hawak.
Paniguradong napakaraming taon na itong naghihintay na mapunta sa kamay ni Eugene.
Nararamdaman ko rin na mayroon itong mahikang nagpepreserba rito kaya nananatili ito sa mundo. Dito ko nalaman na matagal nang pumanaw ang ina nilang dalawa ni Euvan.
Tiningnan kong muli si Eugene.
Desidido na siya sa kanyang desisyon kaya naman ibinalik ko na muli sa loob ng lagan ang alaala. Pangangalagaan ko ito hanggang sa araw na siya na mismo ang maghanap nito sa akin. Sana ay dumating na kaagad ang araw na iyon.
Napatingin ako kay Euphemia na nakatingin lamang sa nakapikit na siya. Pakikisimpatya ang mababasa sa mga mata nito para sa kanya.
Napahinga na lamang ako nang malalim.
Ilang araw ang lumipas sa aming paglalakbay sakay sa pagi. Sa loob ng mga araw na iyon ay mayroong oras na tumitigil sa paglangoy ang pagi upang mamahinga at kapag nakontento na ay nagsisimula na rin itong lumangoy muli.
Si Yohan naman ay pinanindigan ang pagtatampo sa akin. Kapag sinusubukan ko siyang kausapin ay iniiwasan niya ako o kaya nama'y hindi pinapansin. Hindi naman ako nagagalit sa kanya dahil batid ko na ako ang may kasalanan kaya naman napagdesisyonan ko na bigyan muna siya ng panahon upang paalwasin ang pagtatampo niyang iyon.
Sa kasalukuyang nagaganap, napakadilim ng paligid dahil gabi na at kagagaling lamang sa pamamahinga ng pagi. Ngayon ay nagsisimula muli ito na lumangoy.
Nahihimbing na ang lahat ngunit ako'y hindi makatulog kahit na kanina pa ako nakahiga. Nakatingin lamang ako sa napakaraming mga bituin na kumikislap sa kalangitan.
May apat na butuin ang kumikintab nang mas maliwanag kaysa sa iba.
Napangiti ako at itinuro ang isa sa mga iyon. "Lola Thelia..." sunod naman ang isa. " Iyon si Euvan..." at ang isa. "Si Prinsesa Aerin..." saka ang huli. "At paniguradong iyon si Melba..." Nanatili akong nakatitig sa mga iyon at hindi ko namalayan na ako'y lumuluha na.
Mahina akong suminghot-singhot. "Mga taong sobrang laki ng tulong sa sapagkatao ko at sa kung sino ako ngayon. Kung may paraan lamang na makita ko kayong muli at mapasalamatan... Gagawin ko..." Hindi nagpapaawat ang aking mga luha sa pagkawala ng mga iyon sa aking mga mata.
"Bakit isa ang nanay ko sa pinapasalamatan mo?" biglang tanong ng katabi ko na ikinabigla ko.
Agad-agad akong nagpunas ng aking mga luha at tumingin sa katabi ko.
Si Yohan iyon at nakaharap siya ng higa sa akin. Nakapikit siya ngunit iminulat niya na ang kanyang mga mata.
Nakatingin siya nang deretso sa akin. Naghihintay ng sagot sa kanyang tanong.
Humarap din ako ng higa sa kanya. "Dahil isinilang ka niya at pinrotektahan sa abot ng kanyang makakaya kaya naman tayo'y nagkakilala at nagkatagpo. Nagka-ibigan at ngayo'y malapit nang ikasal." Ngumiti ako sa kanya.
"Tss!" Inirapan niya ako. "Alam mo naman pala na ikakasal ka na sa 'kin, nangyayakap ka pa rin ng iba." Nagsisimula na naman siyang magtampo. Tatalikuran niya sana ako ngunit pinigilan ko siya sa paghawak sa kanyang bisig.
Napatitig siya sa akin at ganoon din ako sa kanya.
Dahan-dahan kong inilapit ang aking mukha sa kanya at idinampi ang aking labi sa kanyang noo.
Alam kong hindi niya inaasahan iyon.
Lumayo na ako nang kaunti sa kanya. "Patawad Yohan..." hingi ko ng kapatawaran sa kanya na napakasinsero.
Nangunot naman ang kanyang noo at tila nauusig. "Hindi mo naman kailangang humingi ng tawad nang ganyan. Nagtatampo lang ako kasi ano... Basta! Tsk! Ngayon, narerealize ko na, na naging isip bata ako para magtampo sa 'yo nang ganoon katagal. Ako pala ang dapat magsorry sa 'yo... Patawad..." Nahihiya at hindi siya makatingin sa akin.
Napangiti ako dahil nakakaaliw ang kanyang reaksyon.
"Ngayon ba'y hindi ka na nagtatampo?" paninigurado ko.
Tumingin na siya sa akin at tumango habang nakangiti. Ipinaunan niya sa akin ang kanyang braso at ako'y niyakap kaya nakasandal ako sa kanyang dibdib. Naririnig ko ang malakas na pagtibok ng kanyang puso katulad ng sa akin.
"Haaayyy... Paano pa ako magtatampo niyan kung ganyan kaganda ang nasabi ng sorry sa 'kin. Tsk. Pasalamat ka, hindi kita kayang tiisin." Hinaplos niya ang aking buhok nang marahan.
Napatawa naman ako nang mahina sa kanyang sinabi.
Ilang sandali lamang ay hindi na siya nagsalita. Base sa kanyang paghinga ay nahihimbing na siya. Ako rin ay nakaramdam na ng antok kaya naman ipinikit ko na ang aking mga mata.
Doon ay nahimbing na kami sa piling ng isa't isa.
"Hemira... Gising na. Mukhang nandito na tayo sa patag ng Notos." panggigising sa akin ni Yohan kaya naman iminulat ko na ang aking mga mata. Sikat ng araw kaagad ang bumungad sa akin.
Bumangon na ako at saka kinusot-kusot ang aking mga mata.
Napatingin ako sa aking mga kasamahan dahil nakatayo sila at nakatingin sa malayo.
Napatingin din ako kung saan sila nakatingin. Nasa karagatan pa rin kami ngunit natatanaw ko na ang isang napakataas na pader.
Napatayo na ako dahil doon.
"Tunay nga ang winika ni Neb. May napakataas na pader nga ang naghahati sa Notos at dulo ng karagatang Syierian," sabi ni Serafina habang nakatanaw rin sa napakataas na pader na iyon.
*—-***—-*
Ipinagaspas ko ang pakpak kong si Serafina habang yakap ko sa isang braso ko si Aria at sa kabilang kamay ko naman ay hawak ko ang anyong espadang si Eugene upang maihatid sila sa dalampasigan kung saan may patag na bato.
Kasabay ko si Yohan at inililipad niya si Euphemia na nakayakap din sa kanya.
Hindi na nais ng pagi na ihatid kami sa dalampasigan dahil nag-uusok na ang tubig doon. Umalis na rin kaagad iyon nang magpasalamat kami sa kanyang paghahatid sa amin at lumipad na kami papuntang dalampasigan.
Nang marating na namin ang mabatong dalampasigan ng Notos ay ibinaba ko na roon sila Aria at si Eugene na bumalik sa anyo niyang tao. Humiwalay na rin sa akin si Serafina.
Lumapag na rin malapit sa amin sila Yohan at Euphemia.
"Buti na lamang at hindi mainit ang mga batong ating tinatapakan." Nakahinga nang maluwag si Aria.
"Ngunit paano natin aakyatin ang pader na napakataas na iyan?" nakatingala sa pader na tanong ni Euphemia.
"Maaari naman na lumipad na lamang tayong muli." suhestiyon ni Serafina.
"Tama. Gano'n na nga lang para hindi tayo mahirapan." sang-ayon ni Yohan.
"Hindi maaari."
Napatingin kami kay Aria sa kanyang sinabi.
"Bakit hindi maaari Aria?" nagtatakang tanong ko sa kanya.
Tumingala siya sa napakataas na pader. "Dahil nararamdaman ko na masusunog ang pakpak mong si Serafina kapag ipinagaspas mo siya sa taas niyon. Miski kayo Yohan sa iyong hanging mahika na hihiramin mo kay Aella dahil pumapaikot sa iyo ang hangin na nakakapagsilab ng apoy." nakasisigurong saad niya.
"Kung gayon ay kailangan talaga nating akyatin ang pader na iyan?" hindi makapaniwalang tanong ni Eugene.
"Kung iyon lamang ang paraan upang makaakyat tayo ng ligtas lahat," sabi ko naman.
*—-***—-*
"Kumapit ka nang mabut sa akin Aria! Bibilisan ko ang aking pag-akyat." mabigat ang paghinga na sabi ko kay Aria. Ramdam na ramdam ko ang tagaktak ko ng pawis.
"Ngunit pagod ka na Hemira..." nag-aalalang sabi niya. Nakapasan siya sa akin at upang hindi siya malaglag ay tinalian ko ng tela ang kanyang katawan na nakatali rin sa akin.
Ikinapit ko sa isang nakausling bato sa itaas na pader ang aking kamay at ipinuwersa ang aking katawan paakyat. "A-ayos lamang ako... Kaya ko ito..." Patuloy akong umakyat at habang pataas nang pataas ang aking nararating ay painit nang painit ang temperatura.
Tumigil ako sa pag-akyat at tumingin sa ibaba ko.
Nakita ko roon sila Yohan na pasan si Euphemia at si Eugene na si Serafina naman ang pasan. Kapareho ko ay hirap na hirap na rin sila sa pag-akyat.
"Kaya natin ito! Malapit na tayo sa tuktok ng pader!" pagpapalakas ko ng loob nila.
"T-tama!" nagawa nilang maisagot sa pagitan ng mabigat na paghinga.
Ipinagpatuloy ko na muli ang aking pag-akyat.
"Kung malakas lamang ang aking mahika, hinding-hindi sana ako nagiging pabigat sa iyo nang ganito Hemira." mahinang sabi ni Aria at humigpit ang pagkakakapit niya sa akin.
"H-hindi ka pabigat sa akin Aria... K-kailanma'y hindi kita nakitang... isang pabigat." Itinapak ko ang isang paa ko sa isang maliit na batong nakausli ngunit bigla akong nadulas dahil doon.
"Aaaaah!" tili ni Aria sa nangyari ngunit hindi ko hinayaang mapabitiw ako sa aking kinakapitang malalaking batong nakausli kaya hindi kami nahulog. Ang lakas ng kabog ng aking dibdib at ang bigat din ng paghinga ni Aria sa takot.
"Ayos lamang ba kayo?" nag-aalalang tanong ni Serafina sa amin mula sa ibaba.
Humanap ako ng maaapakan kong muli at nang makahanap ng matibay-tibay na bato ay doon na ako tumapak.
Habol na habol ko ang aking hininga. "A-ayos lamang kami!" sagot ko upang hindi sila pag-alalahanin.
Ipinagpatuloy ko nang muli ang pag-akyat at lubos na pag-iingat na ang ginawa ko upang hindi na matakot muli si Aria.
Nang tumingin ako sa itaas ay labis ang sapagkatuwa ko dahil natatanaw ko na ang tuktok ng pader.
Dahil doon ay hindi ko na ininda ang labis na pagkapagod na aking nadarama at buong lakas na inakyat iyon hanggang sa tuluyan ko nang marating iyon.
Nang maiakyat ko na ang aking sarili sa tuktok ay tinanggal ko na ang tali ni Aria sa akin at nang makababa na siya ay napahiga ako sa labis na kapaguran.
"Hemira!" nag-aalalang dinaluhan niya ako at kinuha sa aking lagan ang bote ng tubig saka ipaainom na iyon sa akin ngunit tinanggihan ko iyon.
Pinilit kong makaupo.
"Bakit ayaw mong uminom ng tubig Hemira. Kailangan mo ito upang ibsan ang pagod na iyong dinanas." Ipinilit niya sa akin ang bote ng tubig ngunit tumayo na ako at dinungaw sila Eugene sa ibaba.
"Iinumin ko iyan kapag naririto na tayong lahat Aria." Pilit ko pa ring hinahanap sila Eugene sa ibaba.
"Yohan! Eugene! Nasaan na kayo?!" malakas na sigaw ko.
"H-hemira... H-hindi ko na kaya..." mahina ngunit narinig kong sabi ni Yohan.
Nanlaki ang aking mga mata nang tumili si Euphemia at pagdausdos sa mga bato ang aking narinig.
"YOHAAAAAAAAN!"