Chapter 7

1620 Words
Present: Japan Hawak-hawak pa rin niya ang kanyang dibdib nang muling maalala niya ang mga panahon bago ang pagkawala ng kanyang ina. Tumingala siya mula sa langit. Pinahid niya ang luha mula sa mga mata niya matapos balikan ang nakaraan. Nasa ganoon na ayos siya nang may matanaw na naman siyang papalapit na pulis ng Japan. Tangka na siyang tatakbo nang sumagi mula sa isip niya ang payo at paalala ni Carlota sa kanya, isa sa naging malapit niyang kaibigan sa club. "Huwag na huwag kang tatakbo kapag may nakita kang pulis. Maging mahinahon ka lang. Simple ka lang ganyan. Dahil kapag tumakbo ka. Siguradong huli ka! Hindi mo sila matatakasan. Pero kapag pakiramdam mo at nahalata ka na nila o `di kaya naman ay alam na nilang kasapi ka namin ay roon mo na ilabas ang talent mo sa truck and field," tumatawang payo nito sa kanya. "Syempre nakasalalay ang kinabukasan ng pamilya natin sa ating balikat. Laban time na noon. Mahuli taya na lang," humalakhak pa ito. Hindi inaasahan na mangyayari pala talaga sa kanila. Walang nakapaghanda sa raid Ng police. Sa kasamaang palad ay kasama ito sa nahuli kanina. Hindi ito nakapagtago sa mas ligtas na lugar. Tulad niya ay isa rin itong TNT. Kaibahan nga lamang ay matagal na ito sa Japan. Kung dito ay TNT ito at kung ano-ano rin ang raket sa buhay. Sa Pilipinas naman ay maganda na ang buhay ng pamilya nito. May sarili ng negosyo ang pamilya bunga nang matagal nitong pakikipagsapalaran sa Japan. Nagkaroon na ito ng hapon na nobyo ngunit kalaunan ay hiniwalayan din nito. Hindi raw talaga nito gusto ang hapon kahit ano'ng pilit nito sa sarili. Nanatiling Pinoy ang nais nitong makatuluyan balang araw. Tanging siya lamang yata ang nakapagtago kanina nang maayos. Siguro ay dahil na rin sa sobrang takot niya na mapauwi at ma-ban na nang tuluyan sa Japan. Hindi na niya naisip ang peligro na maaari niyang kasuungin. Nang lumampas na ang mga pulis ay saka pa lamang siya nakahinga nang maluwag. Muli ay sumagi sa isip niya ang mga huling nangyari kanina bago sila i-raid sa kanilang inuukupa na silid. Kasalukuyan na nagsasaya ang lahat ng kasama niya sa silid na iyon. Sampu silang magkakasama at magkaka-share sa kwarto. May limang double deck na laman ang silid at isang banyo. May munting kusina at munting sala na kasalukuyan nga ay naroon sila at sama-sama. Birthday kasi ng isa sa mga ka-room mate niya na si Gillian. "Happy birthday, Gillian!" sabay-sabay na bati nila sa may kaarawan na si Gillian. Matapos na kantahan nila ito ng awitin tungkol sa masayang pagsilang nito. Sorpresa ang ginawa nilang paghahanda sa kaarawan nito. May kanya-kanyang niluto silang putahe ng pagkain para rito. Nakahapag na nga ang mga pagkain sa isang mahabang mesa nila. Kapag may okasyon ay sama-sama silang nagdiriwang ng kanyang mga kasama. Nagkakaroon ng sayawan at kantahan sa loob ng kanilang silid. "Make a wish na," wika naman ni Kakai. Ito ang kasalukuyan na may hawak sa cake ni Gillian. Pumikit muna si Gillian bago nito hinipan ang kandila sa cake. Nagpalakpakan ang lahat. "Maraming salamat sa inyo," Ani Gillian para sa lahat. "Hindi ko talaga ito inaasahan kaya pasensya na kung maiiyak ako ha," dagdag pa nito habang hawak ang dibdib. Nakatatlong taon na ito sa Japan bilang isang TNT din na tulad niya. "Nakaka-touch kasi. Kahit paano ay masaya ako ngayon na birthday ko dahil sa pagmamahal niyo. Parang kapiling ko na rin ang pamilya ko ngayon," nakangiting wika nito kahit na ramdam niya na may bahagi sa pagkatao nito ang nalulungkot. Iyon ang pinakakalaban nilang mga ofw. Ang pangungulila sa mahal sa buhay. Siya nga ay nakakawalong buwan pa lamang siya ay hirap na siya at miss ang pamilya. Ito pa kaya na matagal nang nagtitiis mabigyan lamang ng magandang kinabukasan ang pamilya nito. Siniko siya ni Carlota. "Tingnan mo si Gillian, Maya. Nagdadrama na naman," tumatawang wika nito sa kanya. "Huwag ka nga, riyan. Nami-miss na siguro niya ang pamilya niya sa Pilipinas," sagot niya. "Hmmmp… Bakit ako? Mas matagal pa nga ako sa kanya rito. Hindi naman ako nag-iiyak nang ganyan." Humalukipkip pa ito habang nakatingin sa birthday celebrant. "Pabayaan mo na lang siya," tugon na lamang niya rito. Kahit na Isa ito sa mabait sa kanya ay naiinis din siya minsan dito. Kasi ayaw nito ng madrama sa buhay. Palagi itong may komento sa mga kasamahan nila kapag nagkukwento ng buhay-buhay sa Pilipinas. Hindi niya ito maintindihan kung bakit ito ganoon. Mabuti na lamang talaga at iniiwasan niya ang magkwento ng buhay niya rito. Siguradong mahahanay siya sa mga binibigyan nito ng komento sa buhay kapag nalaman nito na mas malala pa ang drama ng buhay niya kaysa sa lahat ng mga kasamahan nila. "Basta ako ay hindi ako magiging malungkot. Maganda nga rito eh. Kung hindi ako lumayo ng bansa natin siguradong pangit ang kinalabasan ng buhay ko ngayon. Ano'ng nakakalungkot sa hindi mo kasama ang pamilya mo? Masaya nga eh. Dahil lumayo tayo ay siguradong mapapaganda natin ang buhay ng pamilya natin. Tiis lang talaga. Kahit na totoong mahirap ang buhay natin dito dahil lagi natin bitbit sa dibdib ang takot na bigla tayong mahuli at ma-deport. Tama naman ako hindi ba? Kaysa kasama mo nga ang pamilya mo kung sabay-sabay naman kayong magugutom at mamamatay nang dilat ang mga mata. Hindi na lang siya magpasalamat at nakarating siya ng Japan," umiiling na wika pa nito. Matapos itong magpasalamat sa kanila ay nagsimula na ang kainan. Nasa kalagitnaan pa lamang sila ng pagsasaya nang pagbabayuhin ang kanilang pintuan. Kinabahan at ninerbyos ang lahat. Senyales kasi iyon na may parating na pulis o `di kaya naman ay immigration. Lakas-loob na sumilip si Kakai sa labas ng pintuan at kinumpirma nito na may parating nga. Kasalukuyan nang nagkakagulo ang mga nasa labas. Nagkagulo ang lahat. Napakapit pa sa kanya si Carlota. "Maya, ano na ang gagawin natin?" nginig ang tinig na wika nito sa kanya. Ngunit hindi siya makakibo. Parang nalunok na niya ang dila niya. Iisa lang ang tumatakbo sa isip niya. Paano na ang pamilya niya kapag nahuli siya! Ayaw na niyang bumalik sa dati ang buhay nila. Napatingin siya sa mga kasama na makikita ang takot sa mga mukha. May mga nagpanic. May nakita siya na nagtago sa kabinet. Mayroon sa ilalim ng higaan at mayroon sa ilalim ng lababo. Natataranta na siya noon dahil hindi niya alam kung saan siya magtatago. Hindi na nga niya alam kung saan nagtungo ang kanina'y nakakapit na si Carlota sa braso niya. Labis na ang nararamdaman niyang nerbyos. Saan ba siya magtatago na hindi siya mahuhuli? Napatakbo siya sa may bintana. Naalala niya na may halamanan doon. May grills pero alam niyang nabubuksan iyon. Maaari siyang magtago roon. Naisip niya na pwede siyang maglambitin at hindi siya makikita ng mga pulis dahil matakpan siya ng mga halamanan. Delikado ang naiisip niya pero kung iyon na lamang ang paraan upang makaligtas siya ay susugal siya. Nalula siya sa ibaba nang silipin ang maaari niyang bagsakan kapag nahulog siya. Siguradong patay siya. Pero wala na siyang pagpipilian. Huminga muna siya nang malalim. Mamatay na lang siya kaysa umuwi kaya dali-dali niyang binuksan ang grills. Bahala na. Ingat na ingat siya sa paggalaw. Hanggang maibaba na niya ang sarili. Pilit niyang inabot ang mga nakalaylay na dahon ng mga halaman para maitakip sa bahagi na kita siya. Ilang saglit pa ay dinig na niya ang mga nagsisigawan mula sa kanilang silid. Halo-halong tinig ng kanyang mga kasamahan at Japan police. Nanalangin siya nang taimtim lalo na nang makita niya ang pag-inspection ng police sa bintana. Sinikap niyang kumapit hangga't kaya niya. Nang wala na ang mga sumisilip na police ay swerte na nag-offer ng tulong na makaalpas siya sa pagkakabitin niya ang nakatira na Japanese sa malapit na kwarto kung saan siya naglambitin. Kanina pa pala siya pinagmamasdan ng mga ito. Hindi lingid sa mga ito na isa rin siyang TNT. Naawa siguro ang mga ito sa kanya kaya hindi siya ini-report. Labis ang pasalamat niya bago nagpaalam na umalis sa mga ito. Ipinasya niyang silipin ang silid nila. Nakapad-lock na ito. Labis ang lungkot niya. Siguradong nahuli ang mga kasama niya. Naiyak siya. Paano na siya ngayon? Saan na siya pupunta? Siguradong pati ang club na pinapasukan niya ay nakasara. Safety precaution iyon ng kanilang club para makaiwas sa raid. Ganoon ang sinabi sa orientation nila bago pa siya nakarating ng Japan. Mga ilang araw o linggo ang palilipasin ng club bago ito muling magbubukas. Kasalukuyan na siyang nakaupo sa isang waiting shed matapos mahapo kanina. Kanina pa siya lakad nang lakad sa kahabaan ng lansangan ng Nagoya. Walang konkretong pupuntahan. Malaki ang pasasalamat niya na hindi siya nahuli. Pero ano kaya ang naghihintay sa kanya ngayon. Hanggang magdilim ay wala pa siyang nakikitang lugar na matutuluyan. Napaupo na siya sa gilid ng lansangan. Pinagtitinginan na nga siya. Naisip niya na humanap ng lugar na hindi siya pansinin. Nakaramdam siya ng gutom pero dahil biglaan ang lahat ng nangyari ay walang laman ang kanyang bulsa. Swerte nga lang niyang maituturing dahil nagkataon na suot niya ang jacket na ginagamit niya kapag papasok sa club. Hindi niya inaalis ang passport doon. Sa turo pa rin sa kanya ni Carlota. Para raw in case na magkaroon ng aberya sa kahit saan ay dala niya ang passport doon. Nakakita siya ng mahalaman na lugar kaya roon muna siya nagpalipas ng gabi. Lamig na lamig siya. Sa awa ng Diyos ay nakatulog pa rin naman siya. Kinabukasan nga lamang ay kumalam na talaga ang sikmura niya. Problema niya ay kung saan siya kukuha ng pera? Lumipas ang kalahating oras na nag-iisip siya ng bagong hakbang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD