INIHANDA ni Amara ang sarili. Iilan pa lamang ang mga tao sa gabi ng biyernes na iyon. Sabi ni Aling Farah, tatlong gabi siyang kakanta dahil tuwing sasapit ang weekend ay mas maraming dayo at mga turista sa plaza. Si Jace ang nagsalang ng kakantahin niya. Hinatid siya nito at mukhang hihintayin pa yata siya hanggang makauwi dahil hindi ito umaalis. Nakabantay ito sa kanya. Tinutukso na nga sila ng mga kakilala nito. Daig pa kasi nito ang isang nobyo. Sobra kung makabakod sa kanya. Kanina nga ay may nakikipagkilala sa kanyang mga kalalakihan pero agad nitong hinila siya palayo. "Mula nang makilala ka aking mahal... 'di ako mapalagay..." Nagtama ang kanilang paningin ni Jace. Ang kantang Bakit Labis Kitang Mahal na version ng Boyfriends musical group ang pinili nito para kantahin niya.

