Eventually in life, we will all die. May nauuna nga lang pero lahat doon pa rin ang punta. Pero di kagaya ng sinasabi ng marami, pag nawala na, wala na ring balikan. Lingid sa kaalaman ng lahat, may isang araw sa isang taon ang mga nawala ay nabibigyan ng pagakakataon na makabalik. Pagkakataong humilom. Pagkakataong magbago. Pagkakataong magpatawad. Pagkakataong mabuhay. Pagkakataong magmahal at matuto.
October 30, sa loob ng isang madilim at malamig na banyo, mabibigat na hangos ang maririnig kasabay ng malalakas na ragasa ng tubig mula sa gripo at shower, sa labas naman ay sumasabog ang tugtog mula sa napakalaking speaker.
Mababakas rin sa naghahalong ingay ang mga hikbi na di naglaon ay naging hagulgol pero agad namang natigil.
“HA—NA!”
Hawak ang bagong bili na Swiss knife, mabilis na nabitawan ito ng isang dalaga sa gulat nang marinig ang boses ng kaniyang ina na tumatawag. Itinago niya ang Swiss knife sa palda ng uniform at pinatay ang gripo, shower, at speaker. Inayos pa niya ang buhok at pinahid ang mga luha saka tensiyonadong ngumiti ng mapait bago tumakbo palabas ng kwarto at nagtungo pababa sa kanilang engrandeng living area.
Grabe ang t***k ng dibdib niya sa takot habang binabagtas ang mahabang hagdan. Huminga siya ng malalim nang humakbang sa huling palapag ng hagdan dahil mula rito ay tanaw na niya ang nagngangalit na mukha ng kaniyang ina.
“Ah, here we go again!” kibit-balikat niyang bulong sa sarili saka nag-roll eyes bago naglakad palapit sa ina.
Nang tuluyang makarating sa living area, agad na nagsalita ang kaniyang ina, “What took you so long? I told you that whenever I call for you, you come immediately because I never call you when you are not being a disappointment!”
Nakita niya ang nakakatandang kapatid na si Angeline na nakaupo sa sofa sa kabilang bahagi ng sala. Tinaasan niya ito ng kilay at nag-roll eyes.
“Oh, whatever Ma! I ‘m here, what is it again this time?” walang buhay niyang sabi saka umupo sa sofa at dumekwatro, tinitingnan pa ang bagong polish na kuko.
“Bastos ka talagang bata ka!”
“You talk like this to Grandma, I’m just doing what you are doing?! Look, according to studies, almost ninety percent of kids, say ahm teens especially young adults often commit suicides because they cannot convey their true feelings. They kept it hidden because they value the word respect to their Elders who don’t even deserve it. So, yeah. I am just trying to be open as much as possible—”
Di na natapos ang sasabihin ni Hana nang sampalin siya ng ina. “Shut up! Shut up! Wala ka na ngang ginagawa na kahit anong maganda para sa pamilya ang kapal-kapal pa ng mukha mo.”
“MA!” awat ng kapatid niya.
Umatras ang kaniyang ina habang humihingal ng malala saka binato ang ilang mga papel sa glass center table.
Di naman niya inalintana ang sampal at pinulot ang mga papel, “I knew it. I’d ace the exams again!”
Napanganga ang kaniyang ina, maging ang kapatid ay napailing rin, “Seryoso ka ba?” sabi ni Angeline.
“Bakit? Anong problema? Di ba dapat maging proud kayo kasi perfect score ako!”
“Manahimik ka Hana! Perfect score pero ano? Usap-usapan na ngayon ang pagnanakaw mo ng answer sheet sa dean’s office!”
Nawala ang ngiti sa mukha ni Hana. “Ako? Nagnakaw?”
Napailing at napangisi si Hana.
Tumunog naman ang cellphone ng kaniyang ina at pagkatapos na sagutin ang maiksing tawag, mabilis siyang hinigit nito, halos kaladkarin na pasakay ng kotse.
“Teka lang!” sigaw ni Hana at pwersahang binawi ang kamay. “Di pa ako nag-uumagahan.”
“Aba at uunahin mo pa talaga! Mahiya ka naman sa president—”
“Ma! Sa loob ng apat na taon ko sa college, the president always comes at seven-thirty. Una na kayo. Susunod nalang ako, kausap ko si Abe,” sabi ni Hana at walang modong tumalikod sa kaniyang ina at kapatid.
Naglakad si Hana pabalik sa dining area at nang makita na meatballs at spaghetti na naman ang umagahan, sumigaw siya, “YAYA!”
Mula sa kusina ay may babaeng nagkukumahog na lumabas, halata agad ang takot sa mukha dahil sa boses ni Hana. “Ilabas mo ang twenty kilos ng karne at pakainin mo ang mga aso ko, at gusto ko, sumabay ka sa kanila habang kinakain ang walang kwentang umagahan na hinanda mo!”
“Po, Mam?” lunok-laway na tanong ng katulong.
“Bilisan mo o tatanggalin kita. Ilang araw ka nang nanghihina ang pandinig ah!” Banta ni Hana.
Di naglaon at naglakad sila papunta sa kaniyang sariling dog park. Isang napakalaking area na itinayo sa likuran ng bahay nila para sa mga alaga niyang aso. Di lang basta mga aso, mga mamahaling aso.
Habang abala sa pagtitext papunta sa likod ay nakasunod ang katulong na parang mamamatay na sa takot, nanginginig at tila ano mang segundo ay mawawalan na ng malay bitbit ang ilang kilo ng mga karne.
Nang makatuntong sa gitna ng malawak na lugar ay hinipan ni Hana ang pito para sa mga aso.
“AAHHHHHHH!” palahaw ng katulong at tinapon na ang mga karne saka kumaripas ng takbo palayo.
Paanong hindi ay dalawampung malalaki at nakakatakot na mga aso ang isa-isang nagsitakbuhan palapit kay Hana.
“SIIIIIITTT!” sigaw niya at mabilis na sumunod ang mga aso. “GOOD BOYS!”
Kinuha ni Hana ang mga karne at isa-isang binato sa mga aso at nagsimula na ang tila bangungot na paglalabanan ng mga aso para maangkin ang kani-kaniyang pagkain.
“Oh what a beauty! Useless shts! YAYA! Tubig nila ha! Aalis na ako. Yong spaghetti kung di mo kakainin, ipamigay mo sa mahihirap. Wag kang uuwi gat di nauubos!”
Kinuha ni Hana ang bag at saktong labas niya ng bahay nila ay may pumaradang Rolls-Royce Boat Tail sa harapan niya. Lulan nito si Abe, ang gwapong-gwapong driver ni Hana, este, kaisa-isang taong nakakatagal sa kaniyang magaspang na ugali.
“I heard you are being called to the president’s office again,” nakakunot ang noong tanong ni Abe habang naglalakad paikot sa passenger’s seat saka binuksan ang pinto para kay Hana.
“Not now Abe! Sawa na ako sa sermon. Spare me this time. I may not take it anymore ay sumunod ako kay Kuya,” matamlay na sabi ni Hana.
Nanahimik naman agad itong Abe saka inayos ang seatbelt ni Hana pagkatapos na maupo. Pagkatapos ay bumalik na ito sa driver’s seat.
“Tara na, malilate na ako.” Utos ni Hana, nakasimangot na naman.
“No, we are eating first saka iinom ka ng gamot pagkatapos. Inaapoy ka ng lagnat.” Matigas ang bigkas sa salita ni Abe.
Di naman na nanlaban si Hana dahil masama talaga ang pakiramdam niya.
“Saan gusto mo?” usisa ni Abe habang lumiliko sa kurbada mula porte cochere ng mansion nina Hana. Kinuha pa nito ang kamay ni Hana para imasahe habang ang kabilang kamay ay nagmamaneho. “Hana, something is wrong.”
“Nothing. Focus ka na lang sa pagdadrive. Sasabihin ko na lang mamaya kung saan tayo kakain, mag-iisip pa lang ako. Gusto ko ng mainit.” Sabi niya at nangalumbaba.
Pero sa dami ng nadaanang mga kainan at suhestiyon ni Abe, sa isang sikat na restaurant sila tumigil at kumain ng marami si Hana. “Enjoyed it?” tanong ni Abe pagtapos na magbayad.
“Malamang. Ang Mama mo ang paborito kong chef!” irap ni Hana. “It’s not everyday I can eat a homemade meal. A mother’s meal.”
Nagtungo sila sa university pagkagaling sa restaurant nina Abe. Pagkababa ng kotse ay walang pasa-pasalamat at nagtungo na sa president’s office si Hana.
“Welcome!” pahabol ni Abe.
Sa corridor papuntang president’s office, nagsisitabihan ang lahat ng mga estudyante sa takot kay Hana. Nang tumapat sa pinto ng office, pabagsak niya itong binuksan at pumasok. Walang bati-bati o ano mang aksiyon ng paggalang. Tumingin pa siya ng masama sa kaniyang Ate bago naupo, “So, am I being expelled?” banat agad niya di pa man nakakaupo.
“Hana!” nagpapanic na pigil kay Hana ng kaniyang ina matapos na biglang tumayo mula sa pagkakaupo sa sofa sa harapan sa parteng kanan ng desk ng president.
“Mrs. Sandres, ako na po ang bahala.” Malumanay na sabi ng president dahil sa loob ng apat na taon ay nasanay na ito sa ugali ni Hana. “Ok. Bagamat sa loob ng apat na taon ay dito ka na halos nanira sa office ko. Ang problema kasi ngayon ay mabigat na ang reklamo sayo. Kaya kung aamin ka sa kasalanan kagaya ng dati, pinakamabigat na pwede kong iparusa ay suspension, mag—”
“Give me a new set of exams right here, right now. I don’t care kung sa last part pa ng syllabus, sige lang.” Matapang na putol ni Hana sa president.
“Hana!” Inis at insultong sigaw ng president, pero agad na pingilan ang sarili. “Wag na natin pa-kumplikahin ito dahil sa pagtanggi mo mas lalo ka lang madidiin.”
Ngumisi si Hana saka itinaas ang mga paa sa table ng president bago nagsalita habang ginagalaw ang swivel chair ng kaliwa’t-kanan. “I am not denying it. Sabi niyo nga mas mabigat ito kumpara sa mga kasalanang ibintang niyo sa akin for four years na inaako ko na lang kasi di ko naman kawalan. So, what I am doing right now is presenting a damn proof that I am too smart to steal a worthless piece of shitty paper just to ace an exam that I can do even with my eyes close!”
Hindi na nakapagpigil si Mrs. Sandres at sinugod na si Hana. Hinigit nito ang paang nakatapatong sa table at pinaghahampas ng bag si Hana. “Wala ka nang dinulot kundi kahihiyan. Hinihingi lang naman ay umamin ka! Umamin ka lang!”
Di na rin nakapagpigil si Hana at tumayo, “MA! Wala akong hiningi sa inyo sa sitwasyon na ito kundi ang manahimik sa upuan niyo habang pinapatunayan ko na wala akong kasalanan! Ma! Nakakainsulto naman no sa matalino kong utak!”
“HANA! Puro ka kayabangan!”
“HA? Eh di ba mayayabang rin kayo? Buong pamilya natin mayabang, mapagmataas, so ano inexpect mo sakin, to-tropahin si Mama Mary? Ah...alam ko na, si Angeline nga pala, napapahiya dahil magkaiba kami! I want this f-cking thing to be fair! I want to prove you I do not cheat. O...sabihin ko na lang kung sino talaga kumuha?!”
Nagsilakihan ang mga mata ng lahat, maging si Angeline ay napatayo sa pagkakaupo nito.
Kinuha na ni Hana ang kaniyang bag at tumayo mula sa swivel chair, “Think about it Ms. President. Kasi kung uubusin niyo ang pasensiya ko, I can hack into the system at irepair ang mga footage na bigla na lang nawala nong araw na nanakaw ang answer sheet at marami pang kabulukan ng school na ito. Call me when you are ready to give me new set of exams. Bye!”
Lumabas si Hana, ang ngiti at matapang na awra nito ay napalitan ng lungkot. Nanginginig na ang kaniyang labi pero pilit pa ring pinigilan na maiyak ng tuluyan.
Nang makapasok sa room, maghapon lang na ginawa ni Hana ang usual niya, maging top of the class. Pagpatak ng alas-siete ng gabi, iilan na lang ang mga estudyanteng natira sa campus dahil iilan lang naman ang mga may night shifts.
Si Hana, naiwan na naman sa room dahil iniintay pa si Abe sa isang klase nito bukod rito ay wala ng pasok kinabukasan dahil araw na ng mga patay. Habang naghihintay ay gumagawa siya ng assignment nang biglang pumasok si Angeline at hinablot ang notebook niya saka itinapon.
“ANGELINE!” gigil na sigaw ni Hana, tumayo siya sa upuan pero malakas na sampal ang inabot niya mula sa kapatid.
“Napakayabang mong hayp ka!” nakaduro ang daliri nito kay Hana. “Gusto mo magpasikat ha? Oo na. Ikaw na ang matalino, ikaw na ang magaling! Oo na, di mo na kailangang mandaya para makapasa sa exams. Oo na, ikaw na ang matalino at ako ang tanga!”
Umirap si Hana, sinapo ang pisngi, at hinawi ang buhok bago binigyan ng malakas na sampal pabalik si Angeline. Nanlaki ang mga mata ni Angeline dahil di inaasahan ito. “Gulat ka? Tangna naman kasi nakailang sampal nako kanina pa. Aba, di mura ang pa-facial kung gagaspang lang kasasampal niyo. Eto lang, wag na wag mo isusumbat sakin ang pagiging matalino ko, dahil pinaghirapan ko yon! Our genes are too perfect, you just have to harness its full potential. Saka kumpara sayo, inuubos ko ang oras ko sa pag-aaral kesa magpamukhang anghel sa mata ng lahat ng tao kahit demonyo naman nasa loob mo. Aminin mo na ikaw ang nanguha ng answer sheets kaysa maubos pa ang pasensiya ko. Alam ko naman ang pressure na magmukhang kagusto-gusto sa mga tao dahil ikaw ang tagapagmana ng ating kumpanya pero kasi, kailangan pa rin ng utak no?!”
“AHHHHH!” palahaw ni Angeline. “Isa lang ang pakiusap ni Mama at yon ay akuin mo na! Ang talino mo nga pero napakamakasarili mo para hayaang masira ang reputasyaon natin! Akuin mo na dahil kumpara sa akin, wala ka namang kwenta! Walang mawawala sayo! Bakit ba kasi di ka pa namatay? Bakit ba kasi niligtas ka pa ni Kuya at siya ang namatay!”
“Well, I’m too perfect for heaven!” irap ni Hana saka pinulot ang notebook at dali-daling lumabas ng kwarto dahil kaya niyang tiisin lahat ng sama ng loob wag lang ang usapin tungkol sa kuya niya.
Paglabas ng room ay laking gulat niya na higitin siya ni Abe kaya di na natuloy ang luha niya, “I’m sorry. I was late!”