The Encounter

3456 Words
Mag a-alas singko na pero hindi pa rin tumutunog ang bell sa paaralang pinapasukan ni Emmanuel Francisco o mas kilala sa tawag na Teman, sa paaralan ng San Sebastian sa bayan ng San Isidro. Naka halum-baba at nakatitig si Teman sa orasan na naka pwesto sa itaas ng kanilang pisara nang mapansin siya ng kanilang guro sa agham na si Miss. Roque. “Mr. Francsisco!” sigaw nito na agad ikinagulat ng lahat, lalong lalo na ni Teman. Agad namang napabalikwas si Teman at napaayos ng upo at nag-umpisang mag tawanan ang lahat. “Kanina pa kita napapansing hindi nakikinig sa klase ko, at palagi mo nalang ‘tong ginagawa! Ano ba?!” “Pasensya na ho ma’am, puyat lang kagabi” sagot naman ni Teman na halos namumutla sa takot. Matandang dalaga si Miss Roque na mga nasa edad singkwenta na. Halos lahat ng estudyante sa kanilang paaralan ay kinakatakutan siya. Kaya siguro gano’n na lamang siya kasungit ay dahil wala itong asawa’t anak, ika nga ng mga estudyante ng San Sebastian. Minsan na rin siya nitong napalabas ng sild aralan dahil palagi nga itong naka tunganga sa kaniyang klase. Hindi naman ito sinasadya ni Teman, sadyang nasasabik lang siyang umuwi dahil bukod sa nagugutom ay gusto niyang tulungan ang kaniyang nanay na marangal na nagtitinda ng iba’t-ibang klase ng gulay sa palengke na inaangkat pa nila sa ibang lugar. “At ano namang ikapupuyat mo aber?” muling pagtataray ni Ms. Roque sa kaniya na may pagtaas pa ng kilay. “Ano ba naman ‘tong matandang ‘to, napaka sungit!” sa loob loob ni Teman habang naka tingin sa guro. “Ah, kasi ma’am tinulungan ko si mama mag hakot ng paninda kagabi. Madaling araw na ho kasi dumating yung truck” “Weee???” parang isang choir na sigaw ng mga kaklase ni Teman dahil sa pagkaka sabay- sabay nito. “Kung ayaw niyo maniwala bahala kayo” sagot naman niya sa kaniyang mga kaklase na parang nang aasar. Kasabay no’n ang pag tunog ng bell ng kanilang paaralan. Hindi na nakapag salita pa si Ms. Roque o nakapag paalam dahil nagsi-tayuan na ang lahat at sabay-sabay na kinuha ang kani-kanilang mga gamit. Kasama na roon si Teman na habang nagmamadaling kinukuha ang kaniyang gamit ay hindi pa rin naaalis ang paningin sa kaniya ni Ms. Roque. “I’m not done with you Mr. Francisco!” Pahabol na sabat ng matandang guro sa kaniya habang siya ay nagmamadaling umalis ng kanilang silid aralan. Si Emmanuel “Teman” T. Francisco ay isang simpleng mag-aaral sa kolehiyo ng San Sebastian. Graduating student sa edad na dalawampung taong gulang at may kursong Bachelor of Science in Bussiness Management. Maputi at may hugis ‘almond’ na mga mata na bumagay sa kaniyang balintataw na kasing itim ng dilim. Makapal at may patuwid na hugis ang kaniyang kilay. Matangos at tuwid na ilong na nakuha niya sa kaniyang ina at maninipis na mga labi. Maayos ang tindig at may katamtamang pangangatawan. Hindi mataba, hindi rin mapayat. Lumaking may pagka masungit si Teman dahil namana niya raw ito sa kaniyang lolo ayon sa kanilang mga ka-barangay at hango rin sa pangalan ng kaniyang lolo Manuel ang kaniyang pangalang Emmanuel. Lumaking walang ama kaya gano’n na lamang ang pagmamahal niya sa kaniyang pamilya lalong lalo na sa kaniyang ina. Kaya sinsikap niyang makatapos ng pag-aaral para sa kaniyang pamilya kahit na bagot na bagot na ito. Habang naglalakad papalabas ng paaralan si Teman ay biglang sumulpot mula sa kaniyang likuran si Sherwin Bartolome o mas kilala sa tawag na ‘Bart’ at siya’y inakbayan. Kaklase niya ito at ang pinakamatalik niyang kaibigan simula pagkabata dahil nasa iisang barangay lamang sila nakatira at dalawang bahay lamang ang pagitan mula sa bahay nila Teman hanggang kila Bart. Magka-edad sila kaya madali silang nagkasundo simula noong sila’y mga batang gusgusin pa lamang. Matangkad ito sa kaniya ng dalawang talampakan kaya madaling naigagapos ni Bart ang kaniyang mga kamay sa leeg ni Teman. “Sinabon ka na naman kanina ng dyowa mo brader!” Pang aasar nito sa kaibigan na halos mamatay-matay sa katatawa. dyowa ang laging pang asar ni Bart kay Teman sa tuwing napapagalitan siya nito. “Sabi ko naman sa’yo, ligawan mo nalang si Ms. Roque para ‘di ka na sungitan palagi” “Siraulo! Ba’t di ikaw eh ikaw ang naka isip” sagot nito sabay tanggal ng kamay ni Bart sa kaniyang leeg. “Malala na tama ng matandang ‘yon. Masyadong mainitin ang ulo sa mga bagay-bagay” “Sinong ‘di iinit ang ulo sa’yo? Eh lagi kang nakatunganga sa kaniya. Muntik pa tumulo laway mo kanina” Pang aasar muli ni Bart na sinabayan pa ng mas malakas niyang tawa. “Napaka boring naman kasi ng subject niya! Tsaka gutom na ako” sagot ni Teman. “Tara sabay ka na sa’kin, angkas ka” pag-aya ni Bart kahit na palagi naman nila itong ginagawa sa halos araw-araw tuwing may pasok. Nasa highschool pa lamang sila ay may motorsiklo na si Bart dahil medyo may kaya ang pamumuhay nila. Nagtatrabaho sa ibang bansa ang kaniyang tatay at ang kaniyang nanay naman ay isang guro sa elementarya. At higit sa lahat, ay hindi marunong mag maneho ng motorsiklo si Teman. Nagkaroon siya ng takot mag maneho ng motorsiklo o ng bisikleta simula no’ng siya ay mabangga ng isang sasakyan, habang nag bibisikleta sa kanilang lugar noong siya’y nasa pitong taong gulang pa lamang. “Ulaga ka rin talaga eh no? Palagi naman ako sumasabay sa’yo tapos aayain mo pa ‘ko” pang aasar din ni Teman na sinabayan niya ng mahinang suntok sa kanang braso ni Bart. “Hanep! Nahawa ka na ng kasungitan kay Ms. Roque” muling pang aasar nito sa kaibigan. Ilang sandali pa ay narating na nila ang ‘parking area’ ng kanilang paaralan kung saan naka parada ang motorsiklo ni Bart. “Sa palengke mo nalang muna ako ihatid pare. Kay nanay” Pakisuyo ni Teman sa kaibigan. “At your service boss Tems!” masiglang sagot ni Bart na sinabayan niya ng saludo. At nagtatawanang sumakay ang dalawa sa motorsiklo saka umalis. Nang makarating si Teman sa pwesto ng kaniyang nanay sa palengke ay nakita niyang pawisan at abala sa pag eempake ng mga gulay ang kaniyang nanay na si Susie. May kutis porselana at medyo may katabaan ang kaniyang nanay kaya ganon na lamang ito pag pawisan na tila sinabuyan ng tubig ang damit sa sobrang basa nito. Maging ang panyo na nakasabit sa balikat nito ay basang basa na rin. Magsasara na rin kasi ang palengke kaya nagmamadali na itong mag empake ng kaniyang mga paninda. Nang makita ni Susie ang kaniyang anak ay tinawag niya ito kaagad. “Tulungan mo nga ako rito anak” wika niya habang abala pa rin sa pag eemapake ng mga paninda na agad namang sinunod ni Teman. Sa gitna ng kanilang pag eempake ay may lumapit sa kanilang isang lalaki at isang babae na may kasamang batang babae na mga nasa eded pito. Mahahalatang isa itong masayang pamilya dahil mababakas sa kanilang mga mukha ang kagalakan at kitang kita ni Teman kung gaano kalambing ang lalaki sa kaniyang batang anak at kung gaano kasaya ang babae sa kaniyang mag ama. Sa mga oras na iyon ay nakaramdam si Teman ng inggit, dahil buong buhay niya ay pinangarap niyang magkaroon ng isang ama na mag tatanggol at mag poprotekta sa kanilang mag ina sa oras ng pangangailangan. Hindi niya maiwasang maluha sa kaniyang nakikita na agad namang napansin ni Susie kaya napatigil ito sa kaniyang ginagawa. “Ale, puwede pa po bang bumili?” tanong ng lalaki kay Susie habang malungkot itong nakatingin sa kaniyang anak. “Ah, opo sir puwede pa. Ano po bang bibilihin niyo?” nauutal na sagot naman nito. “Apat na tali ho ng sitaw” nakangiting sagot namang ng lalaki. Matapos makapamili ng mag anak ay nagpatuloy muli sa kaniyang ginagawa si Susie. Alam ni Teman na nakita siya nitong napaluha kaya nakaramdam ito ng konting inis ng hindi man lamang siya nito pansinin. Pero sa halip na kuwestyunin ni Teman ang kaniyang ina, nagpatuloy na lamang din ito sa pag tulong sa kanilang munting gulayan. Matapos makapag ayos ng mga paninda ay sabay na lumabas ang mag ina sa palengke at nag abang ng masasakyang tricycle. Wala pa ring nariring na salita kay Teman simula kanina noong may bumili sa kanila na isang pamilya, kaya naman hindi rin mapakali si Susie at hindi mapigilang kamustahin ang anak. “Galit ka ba sa’kin anak? Naiinggit ka ba doon kanina?” nag aalalang tanong ni Susie ngunit hindi pa rin siya nililingon ng kaniyang anak. “Syempre hindi nay, nagtataka lang ako kung bakit hanggang ngayon eh ayaw niyo pa ring ikuwento kung sino ba talaga tatay ko” malumanay na sagot ni Teman na halos nangingilid ang mga luha sa mata. Sa sagot na iyon ni Teman ay hindi ito naka imik. Bagkos ay bumaling ito ng tingin sa iba at tinawag ang papadaang tricycle. “Ganyan kayo, kapag tinatanong ko kayo tungkol ‘don, wala kayong kibo. Ang tanda tanda ko na nay!” madiing sinabi ni Teman sa kaniyang inay. Kasabay noon ay ang pag dating ng tricycle sa kanilang harapan. “Halika na anak” pag aya ni Susie ngunit hindi siya pinansin ng kaniyang anak. “Maglalakad nalang ho ako” malumanay na sagot ni Teman sabay marahang naglakad papalayo. Malapit na rin naman doon ang kanilang bahay na kayang lakarin sa loob ng tatlong minuto. Palagi silang naka tricycle ng kaniyang inay pauwi sa tuwing tumutulong ito sa palengke dahil umaatake ang rayuma ni Susie sa tuwing naglalakad ito ng matagal. Pero sa mga oras na ‘yon, ay pagka dismaya ang naramdaman ni Teman sa kaniyang puso dahil sa kaniyang inay. Kaya sa halip na sumabay, ay pinili na lamang nitong mapag isa upang hindi na rin humaba ang usapan. Hindi pa nakakalayo si Teman mula sa palengke ay may narinig siyang babaeng sumisigaw sa ‘di kalayuan. Napatigil siya sa kaniyang paglalakad ng marinig niya ito. Nagdadalawang isip siya kung susundan ba niya ang boses o magpapatuloy sa paglalakad, ngunit napansin niya sa boses ng babae na parang humihingi ito ng tulong at nagmamakaawa kaya dali-dali nitong hinanap ang pinang gagalingan boses. At sa kaniyang pag hahanap ay nakarating siya sa isang eskenita na halos nagkalat ang mga basura at kung ano-anong mga dumi. Nakita niya sa eskenitang iyon ang dalawang malaking lalaki na pawang mga naka sandong itim kaya kitang-kita ang matipuno nilang katawan at sa tingin niya ay mga nasa edad trenta pataas ito. Ang isa ay may hawak na patalim at ang isa naman ay may hawak na bag na pula, na sa kaniyang palagay ay pagmamay ari ng isang babae. Tumambad din sa kaniya ang isang babae na hindi niya kaagad nakita dahil nahaharangan ng dalawang malaking lalaki. Walang malulusutan palabas kaya madaling na korner ng dalawa ang bababe. May maputing kutis at kulay gintong buhok ito. Naka suot ito ng pulang bestida na parang pang matanda at sandal na itim, at mapapansing natunaw na ang ‘eye liner’ sa ilalim ng kaniyang mga mata dahil sa mga luhang umaagos dito. Isa rin sa napansin ni Teman ay ang angking kagandahan ng babae. “Hoy! Anong ginagawa niyo?!” matapang na sigaw ni Teman na agad namang ikinalingon ng dalawang malaking lalaki. Alam niya sa kaniyang sarili na hindi siya uubra sa dalawa pero hindi iyon dahilan para matakot ito. Dahil ayaw ni Teman na may nakikita siyang nasasaktan at lalong lalo na babae. “Parang swerte tayo ngayon pare ah” wika ng isang lalake na may hawak na bag sa kaniyang kasama, habang naka ngisi at habang dahan-dahang humahakbang papalapit sa kinaroroonan ni Teman. Sa mga oras na iyon ay nakaramdam na siya ng kaba. Hindi niya alam ang kaniyang gagawin habang unti-unting lumalapit sa kaniya ang dalawa. Hindi siya puwedeng tumakbo dahil kapag ginawa niya iyon ay alam niyang mapapahamak ang babae at hindi iyon ikatatahimik ng kaniyang konsensya. Nagpalinga-linga si Teman sa kaniyang paligid para mag hanap ng kung anong pwedeng gamiting sandata laban sa dalawa ngunit ni kapirasong kahoy ay wala itong makita. Ang tanging paraan na naisip niya ay gamiting armas ang kaniyang ‘back pack’. Nang huhubarin na niya ang kaniyang bag ay mabilis din namang umatake sa kaniya ang lalaking may hawak na patalim at inundayan siya ng saksak pero nahampas kaagad ito ni Teman sa kamay gamit ang kaniyang bag. Malakas ang pagkaka hampas niya kaya naman tumilapon ang patalim sa sahig. Mabilis ding umatake ang isa pang lalake na may hawak na bag at sa pagkakataong iyon ay hindi ito naiwasan ni Teman dahil sa bilis at laking tao nito, kaya madaIi siya nitong nahawakan sa leeg at saka natuhod sa mukha na agad din naman niyang ikinaluhod at doon naramdaman niya ang sakit at hilo. May dugo ring umagos sa butas ng kaniyang ilong. Habang siya ay nakaluhod, nakaramdam siya ng buhangin sa kaniyang mga kamay na nakalapat sa sahig at hindi nag dalawang isip na damputin ito ng palihim. Mabilis ding napulot ng lalaki ang patalim at akmang uundayan ng saksak ang nakaluhod na si Teman ng sabuyan siya nito ng buhangin sa mukha gano’n din ang lalaking kasama nito. Napahawak naman ang dalawa sa kanilang mga mukha dahil nalagyan ng buhangin ang kanilang mga bunganga at mga mata. Ginawa itong pagkakataon ni Teman para makatakbo sa kinaroroonan ng babae at ng mahawakan niya ito sa kamay ay pilit niya itong hinila ngunit parang hindi ito natinag at hindi man lamang gumalaw kahit isang pulgada. Nang tingnan niya ang babae ay nakita niyang nakatitig ito sa kaniya. “Miss! Tara na!” malakas na pagkakasigaw ni Teman kaya agad na natauhan ang babae at tila bumalik sa ulirat. Tatakbo na sana ang dalawa ng muling humarang ang dalawang malaking lalaki. “Hayop kang bata ka! Bubulagin mo pa kami!” galit na bulyaw ng lalaking may hawak na patalim. Napaatras si Teman at ang babae naman ay humihikbing tumago sa kaniyang likuran. Dahan-dahan muling humakbang ang dalawa sa kanila ngunit natigil iyon ng makarinig sila ng malakas na putok ng baril na nanggagaling sa likuran ng dalawang lalake, at sa pag putok na iyon ay may isang lalaking sumigaw ng malakas. “Tigil! Walang kikilos ng masama at itaas niyo mga kamay niyo!” Namumutla at nangangatal na tinaas ng dalawa ang kanilang mga kamay at sabay na lumuhod na parang mga batang nangingiyak. Nabuhayan ng dugo si Teman ng makita ang isang lalaking nasa edad trenta pataas ang papalapit sa kanila. Nakasuot ng asul na unipormeng pang pulis habang naka tutok pa rin ang baril sa dalawang lalake. Pinadapa ng pulis ang dalawang lalake at saka pinosasan. Nakuha rin sa dalawa ang patalim, mga alahas, at mga pera at bag ng babae na agad niyang inabot kay Teman. “Ayos lang ba kayo?” tanong ng pulis kay Teman at sa babaeng may kulay gintong buhok. “Ah, . . Oho sir! Maraming salamat po sa pag sagip sa’min” marahang sagot ni Teman habang pinupunasan ang dugo sa kaniyang ilong at habang ginagawa niya iyon ay napabaling siya ng tingin sa babae. “Ikaw miss? Okay ka lang ba?” tanong niya. Nagatataka siyang tiningnan ng pulis na agad naman niyang napansin. “Ako? Oo ayos lang ako. Maraming maraming salamat sa’yo. At sa’yo rin po mamang pulis!” nakangiting sagot ng babae sabay bahagyang yumuko bilang pasasalamat. “Naku, wag ho kayo sa’kin mag pasalamat. Sa kapatid ko ho, siya ang nakarinig sa inyo. Mabuti na lamang eh malapit lang kami kasi naninigarilyo ako riyan sa gilid” paliwanag naman ng pulis habang pinapatayo ang dalawang lalake sa pagkakadapa sa sahig. “Kuya!, ano? Matagal pa ba ‘yan?” sigaw naman ng isang babae na nakasakay sa loob ng police mobile sa labas ng eskinita. Naisip ni Teman na ito na marahil ang sinasabing kapatid ng pulis na nakarinig sa kanila. Gustuhin niya mang magpasalamat ay hindi niya magawa dahil nahihiya siya. Hindi niya rin masyadong nakita ang mukha at itsura ng babae kaya hindi niya na lamang ito pinansin. “Sandali nalang to! Bilisan niyo maglakad!” sagot ng pulis sa kapatid sabay hampas sa likod ng dalawang lalake. “Habang tumatagal parami kayo ng paraming mga holdaper” at naglakad na sila papalabas ng eskenita. Nang makarating ang pulis sa sasakyan ay isinakay niya ang dalawang lalaki sa likudang bahagi ng police mobile. Nasilayan naman ni Temang ang mukha at itsura ng kapatid nitong babae nang bumaba ito ng sasakyan. May singkit na mga mata at maiksing buhok na kapareho ng sa lalake. Maliit ito kumpara sa kaniya at may mapayat na pangangatawan na halatang halata dahil sa malalaki niyang damit na pang lalaki. Naka suot kasi ito ng maluwag na t-shirt na kulay berde at shorts na itim na abot hanggang sa kaniyang tuhod. Napansin niya rin sa mukha ng babae na halos kaedaran niya lang ito. “Maganda rin sana, kaso mukhang tomboy” sa isip-isip ni Teman habang nakatingin sa papaalis na police mobile. “Mauna na ako sa’yo, maraming salamat ulit sa pag tulong sa’kin” biglang wika ng babaeng may kulay gintong buhok, na agad naman niyang nilingon. “Taga saan ka ba miss? Gusto mo ihatid nalang kita sa inyo?” tanong nito na may halong pag-aalala at pananabik. “Hindi na, kaya ko na ‘to” nakangiting tanggi naman ng babae sa kaniya “Malapit na rin naman dito ang bahay namin” “Sigurado ka ba? Oh siya sige, mag-iingat ka” paalam ni Teman sa babae bago ito umalis. Magkahalong pagka dismaya at saya ang nararamdaman ngayon ni Teman. Masaya siya dahil pareho silang ligtas ng babaeng sinagip niya, dismayado naman siya dahil hindi siya nagkaroon ng pagkakataong maihatid ang magandang dilag at lalong lalo na, hindi niya naitanong kung ano ang pangalan ng babae. Ang kagandahan kasi nito ang unang napansin ni Teman lalo na nang matitigan niya ito ngayon ng malapitan. Ngunit hindi maipagkakaila ang pagka misteryoso ng babae. Narinig niyang sinabi ng babae na malapit lang ang bahay nila kaya labis siyang nag taka dahil halos sa lugar na ‘yon na lumaki at nagka isip si Teman ngunit ni isang beses ay hindi niya pa nakita ang babaeng may kulay gintong buhok. Naisip niya na lang na baka ito ay bagong lipat kaya nangangapa pa sa lugar. Ang labis niyang ikinatataka ay ang pangyayari kanina nang mahawakan niya sa kamay ang babae upang tulungan sanang makaalis, ngunit parang may kakaibang lakas ang babae na hindi nagpatinag sa paghila niya, ni hindi man lamang ito gumalaw sa kinatatayuan habang nakatitig lamang sa kaniya. “Baka gutom lang ako” iyon nalang ang naisip ni Teman. Madilim na nang makarating si Teman sa kanilang bahay. Nadatnan niyang nag hahanda na ng pagkain ang kaniyang inay at ang kaniyang lolo ay nakahiga na sa ‘folding bed’ malapit sa lamesa dahil susubuan na ito ng kaniyang nanay ng pagkain. Paralisado na ang kaniyang lolo, halos buong katawan nito ay hindi na niya maigalaw at hindi na rin ito nakapag sasalita. Umuungol lang ito kapag may kailangan o kailangan ng tulong sa pag dumi o pag ihi. Naka pwesto na rin sa hapag kainan ang kaniyang tiyahing si Alice, tatlumpung taong gulang at nakababatang kapatid ni Susie, ito rin ang nag-aalaga at nagbabantay sa kaniyang lolo sa tuwing siya ay may pasok at sa tuwing nasa palengke naman ang kaniyang inay. Doon ay tahimik na kumain ng hapunan ang pamilya, ngunit binasag ni Teman ang katahimikang iyon ng mag salita siya at ikuwento ang tungkol sa pangyayari kanina. Paulit-ulit niyang tinanong ang kaniyang inay at tiya kung kilala ba nila ang babaeng may kulay gintong buhok na nakatira sa kanilang barangay, ngunit panay iling lamang ang sagot ng dalawa dahil hindi rin talaga nila alam kung sino ang tinutukoy ni Teman. Sinabi rin ng kaniyang tiya na walang bagong lipat sa kanilang barangay, dahil kung meron man ay mabilis nila iyong mababalitaan dahil sa dami ng tsismosa sa kanilang barangay. Hindi na nangulit pa si Teman at nagpatuloy nalang sa pag kain habang labis na nagtataka.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD