Hindi pa sana ako magigising kung hindi dahil sa tilaok ng manok ni Itay. Minsan ay inisip kong gawing adobo iyon pero baka maitak ako ni Itay kaya hindi ko magawa.
Inayos ko ang aking kama bago lumabas. Naamoy ko kaagad ang Sinigang na Hipon ni Inay. Alam niya talaga na paborito kong kainin iyon matapos ng sayawan.
Si Nena ay nanonood ng telebisyon. Halos maihi ito ng makita si Patrick Garcia sa isang komersyal. Napasapo na lang ako sa aking noo ng maalala ang estranghero.
Nang mapansin ako ni Nena na nakatayo sa likuran niya ay sumenyas siyang umupo ako sa tabi nito.
Inayos niya ang mahaba nitong bestida dahil nakaharang iyon sa aking uupuan. Inabutan niya ko ng suklay saka inayos ang buhok ko upang ipusod.
"Nakita ka nina Agnes at Sherly kagabi", panimula nitong wika.
Sina Agnes at Sherly ay mga kaklase niya na malapit sa akin noon. Dati kong kalaro ang mga iyon sa patintero at madalas ko silang talunin sa tumbang-preso.
"Hindi ko sila nakita kagabi. Pero alam ko nakita nila na may kasayaw ako!"
Kumamot siya ulo. "Talaga? Sino naman?"
"Hindi ko nga alam ang pangalan niya pero gwapo siya!" Pagmamalaki ko.
Ngumuso ang aking pinsan para bang ayaw maniwala sa sinabi ko. Inalog ko ang magkabila niyang braso.
"Gwapo siya, Nena. Sumama ka sa akin sa isang linggo sa plaza. May sayawan ulit na magaganap!"
Hindi siya mahilig sumayaw dahil wala kasing nag-aaya sa kanyang lalaki para isayaw siya. Pakiramdam niya ay hindi siya maganda. Ilang beses namin siyang pinilit ni Tonyo pero matigas ang pagtanggi niya.
"Alam mo naman na ayaw ko ng sayawan. Hindi ba't ilang beses kong sinabi sa'yo ang tungkol don?"
Binaling niya ang atensyon sa telebisyon pero inalog ko ang buong katawan nito.
"Pakiusap, Nena!" Ngumuso ako.
"Oo na. Basta isang beses lang at hindi na ako uulit"
Huminga siya ng malalim ng niyakap ko siya.
"Mga bata pa kayo! Saka na 'yung mga gano'ng bagay. Kayo muna ay mag-aral"
Basang-basa ang apron ni Inay pero ganu'n pa man ay yumakap ako mula sa likod niya. "Inay, hindi naman pag-aasawa ang nasa isip namin. Wala namang masama na mamangha sa gwapong lalaki"
"Susmiyo kang bata!"
Tumawa na lang ako sa reaksyon ni Inay.
"Sumunod na kayo rito at kakainin na"
Kalhating oras kami kumain. Dumating ang inaanak ni Inay na hindi ko matandaan ang pangalan kaya natagalan kami sa pagkain.
Habang naglilinis ako ng pinggan ay hindi ko maiwasan ang kumanta habang kumekendeng.
"Alam mo napapaisip ako kung sino kaya ang lalaking iyon", aniya Nena. Nakatukod ang kamay niya sa kahoy na mesa.
"Baka si Abinido ang tinutukoy mo!"
Kilala ang lalaking iyon dahil sa angkin nitong ka-gwapuhan pero hindi ko siya tipo. Masama ang ugali nito. Kamag-aral ko siya nu'ng nakaraang taon kaya alam ko kung anong klase siyang tao.
"Hindi!" Mariin kong tanggi.
"Alam mo naman kung gaano kaitim ang budhi niya kaya hindi ko siya magugustuhan"
Iba't-ibang pangalan ang binanggit niya at halos lahat ay kilala ko kaya nanahimik siya ng tila napagod sa panghuhula.
"Sa palagay ko sa ibang eskwelahan siya napasok kaya hindi natin siya kilala", aniya.
Nakahalumbaba siya sa mesa habang nakikipagkwentuhan sa akin.
"Tinanong mo ba kung saan siya nakatira?"
Umikot ang mga mata ko habang inaalala kung anong pangalan ng barangay ang binanggit niya.
"Sa may barangay ng Kues ang sabi niya"
Nagtagpo ang manipis niyang kilay habang kagat ang makapal nitong labi.
"Ha? Parang ngayon ko lang narinig na may gano'ng barangay"
Tumayo ako kaya't sumunod siya. Alam niyang alas-dos ng hapon ay oras ng aming paliligo kaya hinanda namin ang mga gamit papunta sa batis.
"Malalaman natin iyon sa susunod", ang sabi ko para matapos ang usapan tungkol sa estranghero.
Si Inay na mahimbing na natutulog sa duyan ay hindi na namin nagawang gisingin sapagkat baka mahampas kami ng mahaba nitong kahoy.
Alam niya naman na ganitong oras ay nasa batis kami ni Nena.
Malapit lang naman iyon kaya hindi niya kailangang mag-alala.
Nang makarating kami sa batis ay nagbasaan muna kami ng tubig hanggang sa magsawa kami. Pansin ko ay may naunang naligo sa amin dahil may naiwan na panlalaking damit sa pinakamalaking bato ng batis.
"Nena, sandali lang!" Hindi siya natinag sa ginagawa niya kaya tumango lang siya ng nagpaalam ako.
Kinuha ko ang damit. Ang amoy nitong panlalaki ay pamilyar.
"Pasensya na Binibini kukuhanin ko sana ang damit ko"
Lumingon ako sa aking likuran kung saan nanggaling boses. Gano'n na lamang ang buka ng bibig ko ng makitang walang saplot ang itaas na bahagi ng kanyang katawan.
Parang nilagyan ng pandesal ang katawan nito. Mala-adonis ang maganda niyang katawan. Umiwas ako ng tingin ng iniabot ko sa kanya ang damit.
"Dito ka rin pala naliligo", sabi niya.
"Oo. Masarap kasi ang tubig dito saka tahimik", sagot ko ng hindi pa rin tumitingin sa kanya. Kinakabahan ako at hindi ko alam ang dahilan.
Iba ang epekto niya.
"Uuna na ko, Binibini." Pero bago siya lumakad palayo ay inunahan ko ang aking kaba.
Hindi sinadyang nahawakan ko ang braso niya. Agad ko namang tinanggal ang kamay ko ng tinitignan niya iyon.
"Ano nga palang pangalan mo?"
Ilang segundo niya ko tinitigan. Nakakatunaw iyon na tila hinihimotismo ako.
Napaatras ako dahil sa aking nararamdaman kaya't muntik akong madulas dahil sa batong nakaharang sa likuran ng aking paa.
"Karlos Avera, Binibini." Umalon ang tatagukan nito.
Tinulungan niya kong umayos ng tayo.
"Mag-ingat ka may matatalas na bato rito"
Lumuhod siya upang tignan ang paa ko. Namula ang pisngi ko at nag-init ng hinawakan niya iyon. Tinuon ko ang parehas kong kamay sa magkabila niyang braso ng tinignan niya ang talpakan ng paa ko.
Tumayo siya matapos niyang gawin iyon.
"Buti hindi ka nasugutan"
Pakiramdam ko ay lumulutang ako sa ere dahil ang ingat niya sa akin.
"Sige na, Binibini. Maiwan na kita"
Ilang minuto akong nakapako sa aking kinatatayuan. Hindi pa ako magbabalik sa wisyo kung hindi iwinagayway ni Nena ang palad niya sa harap ng aking mukha.
"Maayos ba ang pakiramdam mo, Rowena?"
"Oo naman!" masaya kong sambit.
Kailan kaya ulit kami magkikita?