Carel Rain
ANG bilis lumipas ng araw. Isang buwan na mula magtrabaho ako sa Venus at hindi ko talaga pinagsisihan ‘yon. Sobra akong nag-enjoy at naramdaman ko ang kalayaan. Walang kumokontrol sa kung ano ang dapat kong gawin.
“Rain!” Napalingon ako kay Mama Imee nang marinig ko ang pagtawag niya. Kapapasok ko lang sa silid kung saan kami magbibihis. Kalahating oras na lang kasi ay magbubukas na ang club.
“Bakit ho?” tanong ko saka ako humarap sa kanya. Hanggang ngayon ay natutuwa pa rin ako sa kanyang outfit kaya naman si Nyll ay sobrang tawang-tawa rin. Ako naman ay walang paghuhusga lalo at marunong siya magdala, sira lang talaga ang ulo ni Nyll.
“Pwede ba kita makausap?”
“Oo naman ho. Tungkol ho ba saan?” Magalang kong tanong. Bakas ang iritasyon sa kanyang mukha na para bang may problema.
“Kailangan ko ng isang dancer. Na-injure si Kiana at hindi makakapasok ngayon. Hindi pwedeng kulang sila at darating ang big boss natin. Baka naman pwede ka muna mag-sideline na dancer—”
“Pero hindi—”
“Hindi tatalab sa akin ‘yan. Nakita kita noong minsan pasara na tayo at ikaw na lang yata natitira waitress dito. Nakita ko sumayaw ka saka hindi lang ‘yon ang unang beses na nakita kita, madalas din kita nakikita sumasabay sa mga dancer kaya sige na,” kahit hindi halata ay nahihimigan ko ang pakiusap sa tono ng boses niya.
Napakurap-kurap ako dahil hindi ko naman alam kung kaya ko ba makipagsabayan sa mga dancer ng Venus. Sigurado ako na magagaling sila. Oo, marunong akong sumayaw dahil dancer din ako sa dating club na pinagtatrabahuan ko… Pero magkaibang mundo ito. Masyado malalaki ang mga customer namin dito tapos darating pa ang big boss. My gosh!
“Mama Imee, ibang usapan naman po kasi ‘yon saka baka ako lang magpagulo sa performance nila,” pagdadahilan ko pa rin at baka makumbinse ko siya pero ang hindi ko maintindihan ay may isang bahagi ng utak ko ang gusto subukan.
Huminga ng malalim si Mama Imee saka ako seryosong tiningnan. “Subukan mo lang. Pang-last naman kayo kapag hindi mo nakuha ang step hindi na kita pipilitin. Kapag naman sumayaw ka mamaya, doble ang sahod mo ngayon at ibibigay ko agad sa ‘yo.” Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Malaking pera na kasi ‘yon. “At iba pa ang tip na makukuha mo kapag nag-solo dance ka na. Alam ko na alam mo ‘yon.” Ang sinasabi niya ay ‘yong maghahagis ng pera ang mga customer sa mga mananayaw na magpe-perform ng solo at alam ko ay part ‘yon ng huling grupong sasayaw.
“Sige po, susubukan ko po,” pagpayag ko. Wala naman masama kung susubukan ko at kung hindi ko kaya at least I try. Napangiti ako dahil sa pumasok sa isip ko.
“Ay perfect. Reginaldo!” Malakas na tawag ni Mama Imee sa kanyang assistant na agad din naman nakalapit.
“It's Regine, mamu. Ilang ulit ko bang sasabihin sa ‘yo. Kinikilabutan ako sa tawag mo,” maarteng wika niya.
“Wala akong pakialam. Hanapan mo siya ng magandang outfit at isa siya sa mga huling performer. Ihatid mo rin siya sa grupo nina Rowena para maturo ang basic step, dali na!”
“Ito na nga, Mamu. Ano ba ‘yan siya. Halikan na nga, Rain, at baka bigla may magwalang aso rito.” Natawa ako sa sinabi ni Regine raw pero nawala rin nang makita ko ang panlalaki ng mata ni Mama Imee. Napasunod na lang ako kay Regine nang hilahin niya ako palabas. “Nakakaloka talaga si Mamu, last minute, sigurado ka ba na kaya mo? Baka mamaya magkalat ka lang do’n. Ay jusko!” litanya niya habang hila-hila ako patungo sa kung saan.
“Rain, bakit nandito ka?” salubong na tanong ni Rowena. Siya ang nagsisilbing pinaka-leader ng huling grupo. Parang napasubo yata ako? Hindi ba pwedeng umatras?
“Turuan mo ‘yan si Rain at siya muna ang papalit kay Lyka. Basic step lang daw sabi ni Mamu at mukhang marunong naman siyang sumayaw.” Pinasadahan pa ako ng tingin ni Regine saka tuluyan binitawan ang braso kong hinila-hila niya kanina. “Sige na at hahanap pa ako nang isusuot ng babae na ‘yan.” Tinalikuran na niya kami at tuluyan lumabas ng kwarto na ‘yon.
“Talaga? Mabuti naman, at alam ko na marunong ka sumayaw. ‘Yong mga simpleng kembot mo, ay kitang-kita ko,” masiglang saad ni Lyka. Nakaramdam naman ako ng hiya, hindi ko akalain na napapansin nila ‘yon.
“Simulan na natin magpraktis. Rain, Lyka, punta na kayo rito,” tawag sa amin ni Rowena. Lima lamang kami at hindi ko talaga alam kung ano gagawin.
“Huwag ka mahiya, Rain. Basta sundin mo lang ‘yong step, basic lang naman ‘yan dahil ‘yong solo dance talaga ang hinihintay nila at doon bahala na tayo,” pampalakas ng loob naman ni Nina. Ngumiti ako saka huminga ng malalim. Yes, kaya ko ‘to.
Dahil pang-huli pa naman kami ay mahaba ang oras namin para magpraktis. At hindi naman sa pagmamayabang pero nakuha ko ang basic step at tuwang-tuwa sila sa ‘kin. Lalo na si Mamu na pumasok at nanood sa amin para daw makita kung nakuha ko. Masaya naman ako dahil talaga bakas sa mukha niya na nagustuhan niya ang nakita.
“Okay, girls, isang oras na lang at susunod na kayo. At ikaw, Rain, sumunod ka sa akin.” Kaagad naman ako tumayo para sumunod nga kay Regine. Lumabas kami ng silid saka pumasok naman sa kabilang silid. Namangha ako sa dami ng damit na naroon. Hindi ko napigilan lumapit saka hinaplos-haplos ‘yon.
“Ang dami naman damit dito,” komento ko saka ko iginala ang aking mga mata.
“Hindi kasi tayo pipitsugin na club kaya masanay ka na. Pumili ka ng gusto mong isuot mamaya. Pwede ka mamili ng kahit ano dahil lahat ‘yan ay para sa mga dancer. Tinamad ako hanapan ka kaya ikaw na lang. Bilisan mo at aayusan pa kita,” sabi ni Regine. Mabilis ko naman tiningnan ang mga damit na nasa harapan ko at humanap ng nababagay sa akin. Naalala ko ang sinusuot namin sa dating club na pinagtrabahuan ko. Malayong-malayo sa mga damit na nakikita ko ngayon. Halatang mga matitibay at magaganda.
Napahinto ako sa paglipat-lipat nang bumungad sa akin ang isang ternong underwear. Halos naman lahat ng naroon ay ganoon pero ang nakakuha ng atensyon ko ay ang kulang nito. Royal Blue. Gusto ko ang kulay lalo na at hindi naman kasi ako kaputian.
“Ay bet. Bagay sa ‘yo ‘yan. Suotin mo na at siguradong maraming mga mata ang luluwa ngayon.” Hindi na ako nakakontra nang hilahin ako ni Regine patungo sa banyo.
Halos hindi ako makapaniwala sa nakikita ko habang nakaharap sa malaking salamin dito sa banyo. Para kasing sinukat ang damit.
“Rain, lumabas ka na at malapit na kayo mag-perform,” sigaw ni Regine ang nagpabalik sa akin sa sarili. Mabilis kong inayos ang hinubad kong damit at lumabas. “Oh my G! Sabi ko na at bagay sa ‘yo ang outfit na ‘yan. Ang kinis mo pala. O siya halika na at lalagyan kita ng make up at need ko kapalan dahil wala naman kayong maskara dito.” Iginiya na niya ako paupo at ngayon ay nakaharap ako sa salamin habang siya ay nagsimula nang ayusan ako. Hawak-hawak ko pa nga ang damit na hinubad ko dahil ang bag ko ay nasa kabilang silid.
“Bakit ho bawal magsuot ng maskara?” Hindi ko napigilan itanong.
“Para saan? Ayaw niyo ba makilala? Saka sabi ko nga, girl, hindi basta-basta ang club natin. Malay mo may mga producer diyan o director tapos kunin ka artista.” Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. Anong konek ng pagsasayaw sa pagiging artista? Baka dancer ibig niya sabihin. “Huwag mo na isipin ‘yon at mag-focus ka mamaya, bawal pumalpak at nandiyan ang big boss natin.” Doon ako natahimik, bigla akong kinabahan. Paano kung magkamali ako? Baka alisin ako kahit sa pagiging waitress.
Hindi ko alam kung ilang minuto ang ginugol ni Regine sa paglalagay ng kolorete sa mukha ko. Narinig ko na lang ang pagpasok ng mga kasamahan ko na nakasuot na rin ng kanilang mga custume. Talaga ngang revealing ang mga suot namin. Ternong underwear lang kasi ‘yon na may mga kumikinang na design. Pero sa ibaba namin ay may parang palda na nakaharang, kanina sinabi ni Regine na ‘yon ang madalas na pasabog, ang alisin ito at tuluyan malantad ang kinasasabikan ng mga kalalakihan.
“Ay si Rain ba ‘yan? Akala ko dyosa,” nakangiting wika ni Lyka. Inikot kasi ni Regine ang upuan at ngayon ay nakaharap na ako sa kanila.
Hinila naman ako patayo ni Nina at pinaikot-ikot pa. “Ganda, bagay sa ‘yo ah, mas lalong tumingkad ang ganda mo. Ang galing mo rin talaga, Regine,” puri din niya.
“Ako pa ba?” maarteng sagot ni Regine na may pagpilatik pa ng kamay sabay palakpak niya. “Sige na, be ready. Rowena, ibigay mo Kay Rain ang heels na isusuot niya.” Matapos magbilin ay lumabas na siya.
“Ito ang isuot mo.” Kinuha ko agad ang inabot niya na heels, mabuti at sanay rin naman ako magsuot no’n. Matapos ko isuot ay huminga pa ako nang malalim nang maalala ko ang damit na hinubad ko, naipatong ko na kasi ‘yon sa upuan.
“Ilalagay ko lang sa bag ko ‘to,” paalam ko sa kanila at nang tumango naman sila ay naglakad na ako palabas. Dahil nga sanay naman ako ay wala ako maramdaman na ilang. Taas noo akong naglakad patungo sa kabilang silid, pagkapasok ko ay hinanap ko agad ang aking bag. Nakapatong ‘yon sa isang upuan. Agad ko kinuha ‘yon at inilagay ang damit ko.
Umupo muna ako sa upuan saka pumikit. Isang beses lang naman. Pagbibigyan ko lang si Mama Imee at naging mabait siya sa akin at sayang ang pera. Sa totoo lang, pinag-iipunan ko ‘yong pera na kinuha ko para kung sakali man magkita kami ay may pambayad ako.
“Rain, tara na!” Naimulat ko ang mga mata ko nang marinig ang boses ni Rowena. Nasa may bungad siya ng pintuan at kunot ang noo na nakatingin sa akin. “Ayos ka lang?”
Agad akong tumayo. “Oo,” sagot ko at naglakad na palapit sa kanya. Nakita ko ang mga kasama ko na naghihintay na rin pala sa labas. Sabay-sabay kaming naglakad patungo sa backstage kung saan kami sasayaw. Mas lalo yata ako kinabahan, hindi naman ito ang una kong pagsayaw. Siguro, dahil iba nga ito sa dating club na pinagtrabahuan ko.
“Ready, girls? Any moment ay tatawagin na tayo. Let's make it hot!” Ganadong wika ni Rowena na ikinangiti ko kahit kabado bente na ako. Bukod sa magaling siya magturo ay sadyang mabait pa.
Ilang minuto nga lang ang hinintay namin at tinawag na ang aming mga pangalan. Tumugtog ang malamyos na musika kasabay ng pag-angat ng pulang kurtina kung nasaan kami nakapwesto ngayon. Isa-isa kaming humakbang at pang-huli ako. Rinig na rinig ko ang malakas na hiyawan na tumalo sa lakas ng kabog ng aking dibdib. Ang aming mga kamay ay nakaharang sa aming mukha habang dahan-dahan kaming humahakbang palabas.
Kasabay ng malamyos na musika ay ang sabay-sabay namin pag-alis ng aming mga kamay sa aming mukha saka itinaas ‘yon kasabay ng pagtingala rin namin. Dahan-dahan namin ibinababa ang aming kaliwang kamay habang humahaplos ito sa kanang kamay naman namin, sinabayan din namin nang pasimpleng paggalaw ng aming mga baywang na mas lalo yata kinaingay ng mga manonood. At nang idipa namin ang aming mga kamay kasabay ng pagharap ng aming ulo sa kanan ay ang pagtatagpo ng aming mga mata. Nanlaki ang aking mga mata at para ako tinuklaw ng ahas sa akin nakikita. Bakit ngayon pa?