Xandro's POV
Pagkatapos ng mga salitang binitawan ni Hannah, pakiramdam ko'y may tinik na bumaon sa puso ko. Ang bawat katagang "mahal ko si Sanjoe" ay paulit-ulit na umuugong sa isip ko. Pero… may mali. Kilala ko si Hannah. Hindi ganon magsinungaling ang mga mata niya. May sinasabi ‘yung titig niya na kabaligtaran ng kanyang mga salita.
Gusto kong maniwala. Pero paano kung tama siya? Paano kung totoo nga na minahal na niya si Sanjoe?
Dumiretso ako sa garden ng ospital, naghahanap ng katahimikan, pagkatapos kong marinig ang mga sinabi ni Mildred kay Hannah hindi na ako tumuloy sa pagpasok.
Parang binugbog ang dibdib ko. Pinanindigan ko ang katotohanan noon, hindi ko anak ‘yon. Alam ko sa sarili kong may proteksyon kami, at para masigurado, nagpaternity test ako noon—negatibo ang resulta. Hindi ko anak. Pero hindi ko na pinatulan ang issue noon. Hindi ko na nilinaw, lalo na't naglayas din ang babae at hindi na nagpakita.
Ngayon naiintindihan ko. Baka ‘yon ang dahilan kung bakit bigla na lang akong tinaboy ni Hannah. Baka naniwala siya sa sabi-sabi. Baka takot siyang masaktan tulad ng nasaktan ng pinsan ni Mildred.
Pero mali ‘yon. At hindi ko hahayaan na basta na lang mawala sa akin dahil sa kawalanghiya ko noon.
Hannah's POV
Kahit sinabi ko nang tapos na kami, hindi pa rin tumigil si Xandro. Araw-araw pa rin siyang dumadalaw sa ospital. Tahimik lang, pero palaging andiyan—may dalang pagkain, bulaklak, minsan simpleng tubig lang. Hindi siya nagsasalita. Hindi siya nagpapaliwanag. Pero naroon siya. At sa katahimikang ‘yon, mas lalo kong nakita kung gaano siya nagbago.
“Ma’am, may nagpadala po ng lunch,” sabi ng nurse isang araw. Pagbukas ko ng takip, paborito kong sinigang na baboy, may note lang sa gilid: “Kumain ka, please. –X”
Hindi ko mapigilang mapangiti kahit pa pilit kong sinasabing wala na kami. Gusto kong paniwalain ang sarili kong hindi na ako aasa. Pero bawat kilos niya, bawat tahimik na presensya, unti-unting binabasag ang mga pader na itinayo ko.
At dun ko na-realize, kahit anong itago ko, kahit gaano ko siya iwasan, mahal ko pa rin siya. Hindi ito tungkol sa kasiguraduhan o takot na masaktan. Kasi kahit pigilan ko ang sarili ko, nasasaktan pa rin ako. So bakit hindi ko nalang subukan ulit? Kung masasaktan man ako, at least alam kong lumaban ako.
Minsan sa gabi, kinakausap ko si Mama kahit wala siyang malay. Umuupo ako sa tabi niya, hinahawakan ang kamay niya, at pilit na pinapakalma ang puso ko.
"Ma, kung naririnig mo ako... sana magising ka na. Kailangan kita, Ma. Hindi ko alam kung tama ba ‘tong mga desisyon ko, pero sinusubukan ko lang pong maging matatag. Gusto ko lang ulit maging buo ang pamilya natin."
Tumulo ang luha ko habang tinititigan ang mukha niya. Napakakalma niya, parang natutulog lang. Pero ang bigat sa puso ko, lalo’t kailangan ko siya ngayon higit kailanman.
Ilang araw pa ang lumipas at habang nasa ospital ako, dumating si Arlene, hingal na hingal.
"Hannah!"
Napalingon ako. "Arlene?"
"Galing ako sa university. Pinatawag tayo ng professor. Binigyan ka niya ng one week para bumalik sa klase. Kung hindi, considered dropped ka na."
Napabuntong-hininga ako. Hindi na ako nagulat.
"Hindi na ako babalik," sagot ko, mahina pero buo ang loob. "Maghahanap ako ng trabaho. Kailangan ako ni Mama. Wala kaming ibang aasahan."
"Pero, Hannah…"
"Ayos lang, Arlene. Hindi ko naman isinusuko ang mga pangarap ko. Inaantala ko lang. Pero si Mama… hindi ko kayang ipagpalit siya."
Tahimik si Arlene. Sa mga mata niya, nakita ko ang pag-unawa kahit may bahid ng lungkot.
Naisip kong umuwi sandali sa bahay para kumuha ng mga gamit. Wala si Xandro sa ospital noon, kaya dali-dali akong lumabas. Kasama sa plano kong harapin siya, sabihin ang totoo, humingi ng tawad, at ipaglaban ang nararamdaman ko.
Pagdating ko sa bahay, laking gulat ko nang bumungad si Sanjoe sa pintuan.
“Sanjoe?”
“Pasensya ka na, bigla akong dumating. Gusto lang kitang makita.”
Tumango ako. “Pasok ka.”
Umupo kami sa sala. Tahimik siya sandali bago nagsalita.
“Narinig ko ‘yung usapan niyo ni Xandro sa ospital.”
Napatingin ako sa kanya. “Anong usapan?”
“Yung sinabi mong ako ang mahal mo. Akala ko wala na akong pag-asa. Pero nung narinig ko ‘yon… Hannah, napangiti ako. Kasi matagal na akong umaasa.”
Tumulo ang luha ko. “Sanjoe… I’m sorry.”
Napatigil siya. “Ano'ng ibig mong sabihin?”
“Sinabi ko lang ‘yon para mapalayas si Xandro. Ginamit ko pangalan mo para maniwala siyang wala na talaga siya sa puso ko. Pero hindi ‘yon totoo. Hindi kita ginamit para saktan ka… gusto ko lang protektahan ang sarili ko.”
Tahimik si Sanjoe. Kita sa mukha niya ang sakit. “So… mahal mo pa rin siya?”
Tumango ako, humahagulhol. “Oo. At gusto kong bigyan ng chance si Xandro. Alam kong risky. Alam kong pwedeng masaktan ulit. Pero gusto ko nang ipaglaban ‘yung nararamdaman ko.”
“Paano ako?” mahina niyang tanong.
“I’m sorry,” bulong ko. “You’ve been nothing but kind and patient… pero hindi ko kayang lokohin ka.”
Maya-maya, lumapit si Sanjoe. “Hindi mo alam kung gaano mo ako sinaktan ngayon,” sabi niya. At bago pa ako makaiwas, hinalikan niya ako. Hindi ko siya itinulak agad, nagulat ako, natigilan. Isang segundo lang, pero sapat na para makita ng iba.
At sa mismong sandaling ‘yon, isang pamilyar na presensya ang naramdaman ko sa likod.
Paglingon ko, nandoon si Xandro. Nakatingin lang siya, nanlalamig ang mga mata. Walang salita, walang galaw—hanggang sa tumalikod siya at mabilis na lumakad palayo.
“Xandro!” sigaw ko, pero hindi siya lumingon.
Hinabol ko siya palabas. Pagdating ko sa kalsada, sakto nang pumasok siya sa loob ng kotse. “Xandro, wait!”
Pero pinaandar na niya ang sasakyan. Mabilis. Parang gusto niyang takasan ang lahat.
Naiwan ako sa kalsada, umiiyak. “Xandro…”
At dun ko lang lalong naunawaan. Ang pagmamahal, kapag hindi ipinaglaban, nawawala. Pero ang totoo—handa akong ipaglaban siya. Sana hindi pa huli ang lahat.