PAAKYAT pa lang ng hagdan si Arwena, pero ngiti niya, abot hanggang tainga na.
Alam niya kasi kung ano ang sasalubong sa kanya sa tuwing uuwi siya galing trabaho.
“Mommy…”
Ayon na nga. Lambing, halik, at mahigpit na yakap ang agad sumalubong sa kanya.
“How’s your day, Mommy?” tanong ni Nathan—ang bibo at cute na cute niyang anak.
Ngumiti siya at pinindot ang ilong nito. “My day was good, how about you?” tanong niya sabay yapos naman sa anak na humahagihik habang yakap-yakap niya.
“Awesome!" sagot nito na may kasamang matamis na ngiti.
Limang taon na ang lumipas matapos ang masamang karanasan sa buhay ni Arwena. At heto na nga, ang akala niyang sisira ng tuluyan sa buhay niya ay siya palang naging dahilan upang magpatuloy sa buhay at maging masaya.
Kahit ba, lagi pa rin niyang naalala si Mr. Tan—ang papa ng anak niya. Paano namang hindi niya maalala ang lalaking ‘yon?Binigyan ba naman siya ng anak na kamukhang-kamukha niya. Para na rin niyang nakikita ang mukha ni Mr. Tan dahil sa anak nila.
“Where’s Daddy?” tanong niya matapos yakapin ang anak.
“In the kitchen,” sagot naman nito at hinila siya papunta roon.
“Hi, Arc,” halik sa pisngi ang kasabay ng sinabi niya.
“Tamang-tama ang dating mo, ready na ang dinner,” nakangiting nilagay ni Archie ang steak sa lamesa, saka naman siya nito hinalikan sa pisngi.
Tinupad nga ni Archie ang pangako niya kay Arwena, siya ang tumayong daddy ni Nathan. Siya ang naging karamay ni Arwena sa lahat ng panahon, at siya ang naging katuwang ni Arwena sa pagpapalaki ng anak niya. Pero alam ng bata na hindi niya tunay na daddy ni Archie. Ayaw kasi nilang ilihim dito ang totoo, lalo’t hindi nga tunay na lalaki si Archie.
Magkaharap na sila sa hapag at masayang kumakain.
“Wena, mabuti naman at na-contact mo na pala ang parents mo. Okay na kayo.” biglang sabi ni Archie, na nagpahinto sa pagsubo ni Arwena.
Kunot-noo din siyang napatitig sa kaibigan. “Pinagsasabi mo, Arch? Anong okay na kami?” nagtatakang tanong ni Arwena, sabay lingon kay Nathan na mabuti na lang at busy naman sa pagkain niya. Kahit kasi, sa Maine isinilang si Nathan at lumaki, tinuturuan pa rin nila ito na magsalita ng tagalog.
“Ano ka ba naman, Wena. Mga ganyang bagay, hindi mo na kailangan itago sa akin. Happy nga ako dahil okay na kayo ng parents mo,” nakangiting sabi nito na lalo lang nagpakunot sa noo ko.
“Saan mo ba nakuha ang tsismis na ‘yan, Arc?” pabulong na namang tanong ni Arwena.
Hindi pa nga kasi alam ni Nathan na may lola at lolo pa siya. At hindi rin alam ng parents niya na may baby na siya.
Limang taon na rin nga siyang walang contact sa parents niya. Ang alam niya, galit pa rin ito sa kanya dahil sa biglang pag-alis niya.
“Tsismis? Kung hindi totoo, bakit tumawag ang mommy mo kanina. Kinakamusta ka nga? Nag-iwan pa nga siya ng number; tawagan mo raw siya kapag may time ka.”
Kaagad tumayo si Arwena matapos marinig ang sinabi ni Archie. Hindi na nga niya nagawang tapusin ang pagkain.
Si Archie naman ay nakagat na lang ang kutsara. Akala kasi talaga niya ay okay na sila Arwena at magulang niya.
Sandaling tumayo si Arwena, malapit sa phone at ilang minuto tinitigan ang number na nakasulat sa sticky note, saka siya umupo at kinuha iyon.
Mabagal ang pag-dial niya sa mga numero. Napigil niya rin ang paghinga habang hinihintay na sumagot ang nasa kabilang linya.
“Hello…” sagot mula sa kabilang linya.
Hindi kaagad siya nagsalita.
Pinipigil niya rin ang mapaiyak. Ngayong naririnig na niya ang boses ng mama niya. Ramdam na rin niya kung gaano na niya ka-miss ang mga magulang.
“Sino ‘to?” tanong ng mama niya. “Arwena? Ikaw ba ‘to?” tanong ng mama niya na halatang nagpipigil na ring mapaiyak. “Anak…”
“Mama…” sagot niya, kasabay na ang pagpatak ng luha na hindi na niya nagawang pigilin. “Kumusta na po kayo. Nasaan po si Papa?” tanong niya.
Pinahid niya ang mga luha na para bang kaharap niya ang mama niya. Pinilit niya ring pinapasigla at pinapasaya ang boses.
“Hindi kami okay, Anak, simula no’ng umalis ka…”
Natiim ni Arwena ang mga mata. Nakaramdam na naman siya guilt.
“Sorry po, iniwan ko po kayo…” sagot niya.
Parang kinuyumos ang puso niya, habang naririnig ang mahinang paghikbi ng mama niya.
“Anak, kami ang dapat mag-sorry sa’yo. Umabot pa ng limang taon, bago ka namin nahanap?"
"Paano n'yo po pala nukuha ang number ko?" tanong ko, sa medyo kalmado na boses.
"Nakita namin ang pangalan at number mo sa business magazine ng isang sikat na real estate company d'yan sa Maine."
Napangiti naman si Arwena. Isa na nga kasi siyang best real estate agent sa company pinagtatrabahuan niya. Kaya hindi nakapagtataka kung makikita ang pangalan at number niya sa mga business magazine.
"Anak, sorry ha—"
"Ako po ang may maling nagawa, Ma, kaya kung mayro’n mang dapat mag-sorry, ako po ‘yon.”
Sinusubukan na naman niyang pasayahin ang boses, pero kahit anong pilit niya, bumabakas pa rin ang lungkot.
Rinig na rinig rin kasi niya ang mahinang paghikbi ng mama niya sa kabilang linya.
“Anak, umuwi ka na. Miss ka na namin ng Papa mo.”
"Miss ko na rin po kayo, Ma,” sagot niya na kahit umiiyak ay may ngiti naman sa labi.
“Please come home, Anak. Dahil ang totoo, kailangan ka namin ng papa mo. ”
Hindi agad sumagot si Arwena. Hindi niya kasi alam kung kaya na ba niyang harapin ang mga taong nanakit sa kanya noon.