EIDE
Matagumpay ang ngiti ko habang naglalakad sa pasilyo ng hotel patungong elevator. Ang sarap sa pakiramdam kapag tapos ko nang gawin ang assignment ko. Papunta na ako ngayon sa hideout ng grupo para ibigay ang mga nakuha ko.
Malapit na ako sa elevator nang makita kong may dalawang lalaki ang naghihintay roon. Malaki ang naging hakbang ko nang makita kong pumasok na ang dalawang lalaki sa loob ng elevator.
“Sandali!” sigaw ko para marinig ako ng taong pumasok. Tumakbo na rin ako para makasabay ako sa kanila. Kaagad kong pinindot ang hold button para hindi ito tuluyang magsara. “Thanks,” sabi ko. Pipindutin ko sana ang buton papunta sa basement, pero doon din pala ang punta ng dalawa, kaya pumuwesto na ako sa likod.
Sinandal ko ang likod sa malamig na pader ng elevator. Nagbuga ako ng hangin. Tumingin ako sa pader ng elevator at pinasadahan ko ng tingin ang repleksyon ko. Napangiwi ako nang makita ang suot ko. Hapit sa katawan ko ang dress na suot ko. May hati ito sa bandang gilid ng hita ko, kaya bahagyang nakalantad ang mahaba kong biyas. Mataas ang heels ng sandals ko, na kailangan kong tiisin isuot hanggang nasa party ako. Kailangan ay elegante akong tingnan sa harap ng mayayamang bisita. Pero dahil tapos na ang trabaho ko, tinanggal ko na ang suot kong sandals.
Parang guminhawa ang pakiramdam ko sa ginawa ko. Hindi ko rin napigilang umungol, kaya napalingon sa akin ang isang lalaki na kasama ko sa elevator. Alanganin akong ngumiti at pinakita ko ang sandals na hawak ko dahil baka kung ano ang naglalaro sa isip niya. Bumaba ang mata niya sa paa ko, pagkatapos ay walang emosyon lang niya akong tinitigan bago muling tumingin sa harap.
Tumunog ang call alert ng telepono ko. Tumatawag si Boss Dex, ang leader ng grupo na kinabibilangan ko.
“Nasaan ka na?” bungad na tanong niya nang sagutin ko ang tawag niya.
“Papunta na sa parking. Kayo?”
“Papunta na kami sa resthouse. Doon na lang tayo magkita. Ingat sa pagmamaneho, Eide.” Napangiti ako. Hindi ko maiwasang humanga sa kanya dahil sa pagiging maalalahanin niya. Pero alam kong pag-aalala lang iyon bilang isang katrabaho, kaya hindi ko binibigyan ng kahulugan.
“Thanks.”
Isang mahabang buntong-hininga ang pinakawalan ko pagkatapos kong makipag-usap sa boss ko. Kapag ganitong tapos na kami sa trabaho namin, isang linggo ang pahinga namin. Pagkatapos ng mahabang pahinga, kasunod nito ay isang linggo rin kaming magtatrabaho. Kaya kapag pahinga, sinusulit talaga namin.
Pasimple akong suminghot. Habang tumatagal ako sa loob ay nanunuot sa ilong ko ang amoy ng kasama ko sa elevator. Dalawa sila, pero hindi ko matukoy kung kanino galing ang masculine na amoy. Hindi kasi masakit sa ilong ang perfume nito.
Pinasadahan ko ng tingin ang katabi ng lalaking lumingon sa akin. Nakatalikod siya sa akin, kaya likod lang niya ang nakikita ko. Matangkad siyang lalaki. Malapad din ang balikat at likod niya. Kahit nakasuot siya ng coat, halatang pumuputok sa muscle ang biceps niya. Parang ang linis niyang tingnan. I wonder kung ano ang itsura ng lalaking nasa harap ko.
Bumaba pa ang mata ko. Nakasuksok ang isang kamay niya sa bulsa ng suot niyang pants. Parang kumislap ang mata ko nang makita ko ang relo na suot niya nang bahagya niyang inangat ang kamay at muli itong binalik sa bulsa. Mukhang mamahalin. Hanggang sa dumapo ang mata ko sa maumbok niyang pang-upo. Muntik na akong mapasipol kung hindi ko lang agad napigilan ang sarili ko.
Nice ass!
Pinilig ko ang ulo ko. Ang pilya na naman ng utak ko. Pero puwera biro, parang mas matambok pa ang pang-upo niya kaysa sa akin.
Makalipas ang ilang sandali, huminto na rin ang elevator sa basement. Pagbukas ng elevator, nakipag-unahan ako sa dalawang lalaki. Dahil sa ginawa ko, nabangga ko ang matangkad na lalaki. Saka ko lang napagtanto na siya ang nagmamay-ari ng mabangong amoy na halos umukopa sa loob ng elevator.
“I'm sorry, sir.” Hingi ko agad ng paumanhin, sabay dinaanan ko na lang siya. Ang hindi nito alam, mabilis na gumalaw ang kamay ko sa bulsa ng coat na suot niya. Nakuha ko agad ang wallet niya na mabilis kong itinago sa hawak kong sandals.
Matagumpay akong napangiti nang tinalikuran ko sila. Sa aming grupo, ako ang bihasa na mangdukot. Hindi rin namamalayan ng biktima ko na may kinuha ako sa kanila dahil sa bilis ng kamay ko.
Nakayapak kong tinungo ang naka-park kong motorsiklo. Malapit na ako nang hindi ko napansin na may tumatakbong lalaki, kaya nagkabanggaan kaming dalawa. Na-out of balance ako, kaya napaupo ako.
“I'm sorry, Miss,” sabi nito at inalalayan akong tumayo.
“It's okay,” sabi ko habang pinapagpagan ang kamay ko.
Pambihira, bakit kailangan tumakbo sa parking area? Napapailing na umalis ako sa daanan ng sasakyan. Umalis na rin ang lalaki. Pagdating sa harap ng motorsiklo ko, binuksan ko agad ang compartment at kinuha ang sneakers at jacket ko. Ngunit bigla akong natigilan nang nilagay ko na ang sandals sa loob ng compartment. Napansin ko kasing hindi ko na hawak ang wallet na dinukot ko roon sa matangkad na lalaki. Hindi ko matandaan kung nabitawan ko ba nang mabangga ako ng lalaki kanina.
Isang marahas na buntong-hininga na lang ang ginawa ko sa sobrang panghihinayang. “Pera na, naging bato pa,” nanghihinayang na sabi ko.
Pagkatapos kong magsuot ng helmet, sumampa na agad ako sa motorsiklo ko. “Let's go, Saviour," kausap ko sa motorsiklo ko.
Saviour ang pinangalan ko sa big bike ko. Ewan ko ba, basta sumagi lang sa utak ko ang salitang iyon, kaya ito na ang pinangalan ko sa motorsiklo ko.
Madaling araw na kaya nanunuot sa katawan ko ang lamig kahit may suot akong jacket. Lantad pa ang hita ko dahil sa suot kong dress. May nakasabayan pa nga akong sasakyan sa daan na sinadyang buksan ang bintana para makita ako. Hindi ko alam kung sa motorsiklo ko ba nakatingin o sa hita ko.
Makalipas ang ilang minuto, nakarating na ako sa resthouse. Mula dito sa labas, naririnig ko na ang ingay ng mga kasama ko. Mukhang nagce-celebrate na agad sila. Tinanggal ko muna ang helmet sa ulo ko bago pumasok sa loob. Pagpasok ko, lumiwanag agad ang mukha nila. Kaagad kong kinuha sa secret pocket na nasa ilalim ng dress ko ang mga card na nakuha ko.
Pinandilatan ko ng mata sina Jeck at Yano dahil nakatingin sila sa legs ko. Nagpatay-malisya lang ang dalawa, sabay napainom ng beer. Binigay ko ang mga card kay Boss Dex. Sila na ni Jeck ang bahala sa mga ito.
Sa grupo, si Jeck ang magaling mang-hack. Mabilis niyang napapasok ang account ng mga biktima namin at walang kahirap-hirap na nakukuha ang laman ng mga card ng hindi nati-trace kung sino ang kumuha. Si Yano naman ang katuwang ni Boss Dex sa pagpaplano. Minsan, kapag mahigpit ang seguridad sa event na target namin, kasama ko si Yano para tulungan ako. Luckily, wala pa ang nakakahuli sa amin.
Ang kalahati ng pera na makukuha namin, dino-donate namin sa orphanage at sa mga taong nangangailangan. Pumipili rin kami ng bibiktimahin. Ang binibiktima lang namin ay ang mga taong gahaman sa pera, kabilang ang mga politiko na alam naming pera ng taong bayan ang binubulsa. Medyo mali lang ako sa part na, dinukutan ko ‘yong lalaki na hindi naman kasama sa listahan. Mukhang mabilis ang naging karma ko dahil hindi ko naman napakinabangan ang kinuha ko sa lalaking iyon.
“Aalis na ako, boss,” sabi ko, pagkatapos kong ibigay ang mga card.
“Hindi ka man lang ba makiki-join muna sa amin?” tanong ni Yano.
“Hindi na. Inaantok na rin ako.”
Tumayo si Boss Dex. “Ihahatid ko lang si Eide sa labas.”
Hinatid ako ni Boss Dex sa labas ng resthouse. Kinuha niya ang helmet ko at siya na ang naglagay sa ulo ko. Pagdating sa akin, parang prinsesa niya ako ituring. Wala naman malisya sa akin ang ginagawa niya. Naiintindihan ko siya, lalo na at ako lang ang babae sa grupo. Isa pa, sobrang pormal niya makipag-usap sa akin, kaya hindi ko binibigyan ng kahulugan ang kilos niya sa harap ko?
“Thanks, Eide. Iti-text na lang kita kapag nahulog na sa account mo ang pera,” sabi nito pagkatapos ikabit ang buckle ng helmet ko.
“Sige, boss. Salamat din.”
“I'll see you in a week. Ingat,” pormal na sabi nito. Sumaludo lang ako at pinaharurot na ang motorsiklo ko paalis sa lugar.
Pagdating ko sa apartment na tinutuluyan ko, binuksan ko agad ang lahat ng ilaw. Nagpalit ako ng damit at naghilamos dahil kating-kati na ang mukha ko dahil sa makeup na nakalagay dito. Pagkatapos, humiga agad ako sa kama. Sa sobrang pagod ko, mabilis akong nakatulog.
Naalimpungatan ako nang marinig kong tumutunog ang telepono ko. Sinagot ko ito kahit nakapikit ako.
“Eide, may dinukutan ka ba kagabi na wala naman sa listahan natin?” bungad agad na tanong ni Boss Dex.
Parang tulog pa ang utak ko dahil hindi agad ako sumagot. Binabalikan ko pa ang mga nangyari kagabi.
“Eide!”
Nagising ang diwa ko nang tumaas ang boses ni Boss Dex. Hanggang sa naalala ko na may dinukutan akong lalaki na nakasabay ko sa elevator.
“Meron, Boss Dex.”
“Ano? Wala sa usapan natin ‘yon,” gulat na sabi nito. Halata sa boses nito ang pagkabahala.
“But I lost it, Boss. Hindi ko alam kung saan ko nahulog,” paliwanag ko. Mayamaya lang ay malulutong na nitong mura ang narinig ko sa kabilang linya. Parang frustrated ito na hindi ko maintindihan.
“Magpalamig ka muna. Pumunta ka sa malayong lugar. Tatawagan na lang kita kapag hindi na mainit ang sitwasyon,” sabi nito na nagpakunot ng noo ko.
“Bakit? May problema ba, Boss?” puno ng pagtataka na tanong ko.
“Yes, malaki. Alam mo bang pinapahanap ka ng dinukutan mo?”
Napabalikwas ako ng bangon sa higaan. Bigla akong nabahala dahil ito ang unang beses na nangyari ito.
“Pero wala naman sa akin, Boss,” katwiran ko pa.
“Kahit na. Malamang, hahanapin talaga niya ‘yon dahil nawala sa kanya. Handa raw siyang magbayad ng malaking halaga, makita lang ang kumuha ng wallet niya.”
Nakagat ko ang ibabang labi ko. Gaano ba kahalaga sa lalaking iyon ang wallet na nawala sa kanya? Halata namang mayaman siya, kaya mabilis na lang niya mapapalitan ang mga card sa wallet niya. Isa pa, hindi ko nga napakinabangan. Kung may iba ang nakakuha ng wallet niya, malamang, alam na rin ng kumuha nito na hinahanap na siya. Kaya bakit ako ang kailangan na magtago?
“Umalis ka na sa apartment mo ngayon, Eide. Huwag kang mag-iiwan ng bagay na pwede kang makilala.”
“Pero—”
“Hindi mo kilala kung sino ang dinukutan mo, Eide. Hindi ka niya titigilan hanggang hindi ka niya natatagpuan. Kaya kung ako sa ‘yo, umalis ka na riyan ngayon din!” mariing bilin nito sa akin. Tinatakot pa yata ako ng boss ko. “Huwag mong alalahanin ang gagastusin mo. Kalahati ng pera na nakuha natin kagabi, nilagay ko sa account mo. Huwag kang mag-alala, alam nina Jeck at Yano iyan. Sila pa nga ang nagpresenta na ibigay sa ‘yo para may magamit ka. Stay safe, Eide. We still need you.”
Wala akong nagawa kundi sundin si Boss Dex. Sa tagal ko sa trabahong ito, mukhang ngayon lang ako magkakaproblema.
Hindi ko na nagawang maligo. Pagkatapos kong mag-impake, umalis agad ako. Dala ang big bike ko ay hindi ko alam kung saan ako pupunta. Ilang oras na ako sa daan nang maisipan kong huminto sa gasoline station. Nagpa-full tank muna ako bago pumasok sa convenience store para bumili ng pagkain dahil biglang kumalam ang sikmura ko.
Umupo ako sa upuan at sinimulang kainin ang tinapay na nabili ko. Habang kumakain, nakatingin ako sa labas. Bigla akong napaisip sa sinabi ni Boss Dex. Sino ba ang dinukutan ko at parang ngayon ko lang nakitang kabado ang boss ko?
“Miss.” Napatingin ako sa nagsalita. Bumaba ang mata ko sa flyers na inabot niya sa akin. “Baka gusto mong puntahan. Magandang magbakasyon sa isla na iyan.”
Kinuha ko ang flyers. L‘Isola Della Morte. Mukhang maganda ang isla na ito. Dito na lang kaya ako magtago.
“Malayo ba ito?” tanong ko habang pinapasadahan ng tingin ang flyers.
“Medyo may kalayuan, pero worth it ang pagod mo kapag napuntahan mo na ang isla. Maganda riyan at tiyak na mag-eenjoy ka,” pang-eengganyo nito sa akin.
Nag-angat ako ng mukha at tinaasan ko siya ng kilay. “Baka scam ito, ha?”
Natawa ang lalaki sa sinabi ko. “Hindi, Miss. Kung gusto mo, tawagan mo ang numero na nakalagay riyan.”
Kinuha ko agad ang phone ko at tinawagan ang numera na nakalagay sa flyers. Mas mabuti na ang sigurado. Napatingin ako sa lalaki nang marinig ko na tumunog ang kabilang linya. Mayamaya lang ay may kausap na akong babae. Nagpa-book agad ako ng cabin para hindi na ako mahirapan pagdating ko sa isla.
Sinulyapan ko ang lalaki. “Salamat.”
Malawak na ngumiti ang lalaki. “Enjoy your vacation, Miss,” sabi nito bago lumabas ng convenience store.
Sinundan ko ng tingin ang lalaki. Nakita kong naglakad siya palapit sa itim na sasakyan. Bumukas ang bintana nito. Hindi makita ang sakay nito sa loob dahil bahagya lang nakabukas ang bintana. Parang may pinag-uusapan ang lalaki at ang sakay sa loob. Mayamaya lang ay gumawi ang tingin sa akin ng lalaki. Malawak ang ngiti niya nang makita niya akong nakatingin sa kanya. Kumaway siya sa akin bago pumunta sa isa pang sasakyan at pumasok sa loob. Ilang sandali pa ay magkasunod na umalis ang dalawang sasakyan.
Pagkatapos kong kumain, lumabas agad ako ng convenience store. Pero laking gulat ko nang makita kong flat ang gulong ng motorsiklo ko. Natampal ko na lang ang noo ko dahil sa panlulumo.
Nakiusap ako sa mga staff kung pwedeng iwan ang motorsiklo ko dahil ipapakuha ko na lang ito kina Yano at Jeck. Pumayag naman sila. Tinawagan ko agad si Jeck para kunin ang motorsiklo. Sinabi ko lang kung saan ko iniwan. Ang problema ko ngayon ay sasakyan papuntang isla.
Bumalik ako sa loob ng convenience store. Mayamaya lang ay may dalawang babae at isang lalaki ang pumasok sa loob. Hindi sinasadyang narinig ko ang sinabi ng isang babae.
“Excited na akong pumunta sa Della Morte.”
Bigla akong nabuhayan ng loob. Hindi na ako nag-aksaya ng oras, kaya nilapitan ko sila.
“Excuse me, Miss. ‘Yong isla na binanggit mo, doon din ako papunta. Nasiraan kasi ako. Baka pwedeng makisabay na lang ako sa inyo. Sagot ko na ang gas ninyo.” Kinapalan ko na ang mukha ko dahil walang kasiguraduhan kung may masasakyan ako papunta sa isla.
Sinulyapan niya ang mga kasama. Parehong tumango ang dalawa, kaya tumango na rin siya. Nagpasalamat agad ako sa kanila. May binili lang sila at lumabas na kami ng convenience store.
Habang nasa sasakyan, nakipagkwentuhan ako sa kanila. Makalipas ang ilang sandali, nakaramdam ako ng pamimigat ng talukap, kaya natulog muna ako.
Hindi ko alam kung ilang oras akong nakatulog. Paggising ko, napakunot ang noo ko dahil parang wala ako sa loob ng sasakyan. Nang nilibot ko ang paningin ko sa loob, saka ko lang napagtanto na nasa isang silid ako. Bumangon ako sa higaan at lumabas ng silid. Nagtanong agad ako sa babaeng nakasalubong ko.
“Miss, saan ang lugar na ito?”
“Nasa L‘Isola Della Morte ka, Miss.”
Hindi ako nakahuma sa sinabi ng babae. Paano ako nakarating dito ng hindi ko namamalayan?