Chapter 3

2258 Words
Si Damien ang patunay na ang tagal ko nang hindi nakabalik sa mansyon ng mga Harvoc. Isang Linggo na pala ang dumaan. Ang bilis ng panahon. Magdadalawang Linggo na ngayon at pagkatapos no'ng mga nangyari sa gubat ay wala na sa plano namin nina Botyok ang bumalik pa sa gubat na 'yon. "Botyok..." Natigilan ako nang makitang iba na ang kasama ni Botyok ngayon. Lumabas na kami sa school at dapat magkasabay kami nila Tuto pero iba na ang kasabayan niya ngayon. Ako na lang ang nagpunta kay Tuto sa classroom niya imbes na kaming dalawa ni Botyok. Pero naabutan ko si Tuto na nakasakay na sa motor ng auntie niya. Natigilan na lang ako at nagkatinginan kami ni Tuto. Sa uri ng tingin niya parang nagso-sorry siya. Sinundan ko na lang siya ng tingin. Hanggang sa naglaho siya sa unahan. Napabuntong hininga ako. Napatingin ako sa maalikabok na daan. May mga naglalakad na mga kaedaran ko. Isa-isa silang sinundo ng mga magulang nila. Hanggang sa iilan na lang ang naglalakad, kasama na ako doon. Napayuko ako at nagtuloy na lang sa paglalakad. Ganito pala ang pakiramdam ng nag-iisa. Pangalawang araw nang ganito sina Botyok. Wala naman silang sinabing iniiwasan nila ako pero nararamdaman kong iniiwasan nga nila ako. Tiyak na alam na ng Mama nila ang nangyari sa amin. Si Mama na lang ang wala pang alam tungkol sa nangyari sa amin sa gubat. Abala kasi siya. Dumaan ulit ako sa poultry gaya ng nakagawian tapos ko sa eskwela. Kinolekta ko ang mga itlog na dadalhin ko sa mansyon. Inilagay ko iyon lahat sa basket at nagbihis. Naligo ako't nagsuot ng puting whole dress na kulay puti. Lampas tuhod iyon sa akin. Bigay lang din ng kapit-bahay. Halos lahat naman yata ng damit ko ay bigay lang din. Karamihan sa mga iyon ay galing kay Madam Saonna. Bigay lang iyon mula sa mayayaman niyang kaibigan. Kaya hindi na ako nagawang bilhan ni Mama ng bago. Inilugay ko ang kulot at light brown kong buhok. Isa sa nakapagtataka dahil hindi ganoon ang buhok nina Mama. Iniisip ko na lang baka namana ko sa Lola at Lolo ko. Kahit naman kasi tanungin ko sina Mama ay parang iniiwasan nilang pag-usap ang tungkol doon. Tiningnan ko ang sarili sa salamin. Namilog ang mata ko nang mapansin na parang may mga nagbago na sa sarili ko. Medyo tumangkad na pala ako. At mas lalong humaba ang buhok ko. Ilang araw na nga palang hindi ko nabisita ang salamin? Kaya ba naakapanibago nang tingnan ang sarili ko ngayon? Kinurap kurap ko ang bilog kong mga mata. Pinahid ko ang pisngi ko ng tela ng damit ko. Napanguso ako. Bakit ba ang pula ng pisngi ko? Iyan tuloy napagkakamalan akong nagme-make-up. Pati labi maasiyadong mapula. Kahit ang kulay ng balat ko maputi hindi katulad kina Botyok na kayumanggi. Ayokong napagkakamalang naka-make-up. Sinasabi nilang may pinapagandahan na raw ako, na may nagugustuhan na ako. E wala naman, at nakakaiskandalo sa parte ko. Gusto kong katulad kina Mama ang itsura ko. Katulad sa mga taga-rito. Iyong kahit papaano'y maramdaman kong normal ako. Kaya siguro wala akong kaibigan kasi sabi ng iba, anak daw ako ng engkanto. Kaya siguro sila Botyok lang ang nagtitiis sa akin. Tapos ngayon ayaw na rin akong kasama. Tuwing tinatanong ko sila Mama at ayaw nilang magsalita parang gusto ko na lang din maniwalang anak nga ako ng engkanto. Kinuha ko ang basket ng mga itlog at lumabas na ng bahay. Binagtas ko ang daan tungo sa mansyon. Dadaan ako ng ilog bago ko marating ang mansyon. Tapos tutuntunin ko na ang pampublikong daan tungo sa mansyon. Masiyadong malawak ang lupa nila, maging ang harden ng mansyon. Asahan nang matagal bago ko marating iyon kung hindi lang dahil sa kalabaw na may kariton na dumaan. Hindi na ako nagpaalam sa nagmamaneho ng kalabaw. Sumakay ako sa kariton niya sa likod na may laman na malalaking mga kahoy na alam kong para rin sa dirty kitchen ng mansyon ng mga Harvoc. May malaking pugon sa mansyon. Kasi mahilig sa pagbi-bake si Madam Saonna. At mas gusto nila ang luto na gamit ang panggatong. Pinagmasdan ko ang nagkukulay gintong sinag ng araw sa kanluran. Tinatangay ng mabining hangin ang alikabok sa sementadong daan ng Nieves. Mula sa public highway papasok sa lupain ng mga Harvoc ay sementado. Ang mansyon ng mga Harvoc ay ne-renovate noong magsimulang tumira rito ang pamilya. Iyan daw ay isa lang sa pinakamaliit na ari-arian ng pamilya. Balita ko ay may sarili pang isla ang pamilya Harvoc. Humiga ako sa kumpol ng dayami na siyang pinaglagyan ng mga panggatong na nagsisilbing sapin para hindi gumulong. Tinitigan ko ang langit. Napakapayapa nito. Walang bakas na uulan ngayon o mamayang gabi. Nang makapasok kami sa likuran tungo sa barn house ay naging alerto ako. Huminto ang kariton malapit sa lumang balon. Saka naman ako bumaba at kinuha ang basket ng itlog. “Salamat po!” ani ko kay Manong Tonyo ang tagahatid ng mga panggatong at kung anu-ano pang kailangan sa kusina ng mansyon. Tumango lang si Manong Tonyo at inaalisan na ng pisi ang kalabaw niya. Nakagat ko ang ibabang labi nang tingnan ko ang entrada sa likuran ng malaking bahay. Kakaiba ang kabang naramdaman ko sa mga oras na ito. Siguro dahil hindi pa alam ni Mama ang nangyari sa amin ng mga kaibigan ko sa gubat. At alam kong si Damien lang at ang mga kaibigan niya ang nakakaalam no'n. Baka ibuking ako kay Mama at pagalitan ako. Bumuntong hininga ako. Pero kapag natagalan ako ngayon mas mapapagalitan ako panigurado. Kaya walang choice. Nagmartsa na ako papasok sa bahay. Madadaanan ang bulwagan bago ko marating ang kusina. Napasulyap ako sa napakalaking family portrait sa bulwagan. Hindi ko alam kung bakit pero agad dumako ang mata ko kay Damien Harvoc. Matangkad na ito kahit noong mga panahong kaedad lang namin ito ni Diego. Baby pa lang si Diego sa portrait na ito nasa kandungan siya ni Madam Saonna habang nakatayo sa magkabilang side ni Madam si Senyor Ervien at Señorito Damien. Parehong malamig ang mga mata ng mag-amang Senyor Ervien at Damien habang nakangiti si Madam Saonna at ang baby na si Diego na nasa kandungan ng Ginang. Parang nakikita ko ang dalawang mukha ng pagkatao ng pamilya. Liwanag at dilim. “Nakita mo ba si Damien? Nakita mo?” Si Ate Detas pagkarating ko sa kusina. Mahina lang ang boses niya, halatang takot marinig ni Mama na pinag-uusapan namin ang panganay ng mga Harvoc. Umiling ako. Limang buwan na mananatili si Damien sa Nieves. Babalik ito ng ibang bansa sa susunod na taon. Ngayon ko lang din nakita si Ate Detas na ganito kasaya. Walang segundo na hindi namumula na parang kamatis ang pisngi niya. Ganoon na lang talaga kalaki ang pagkagusto ni Ate kay Damien. Kung pwede ko lang sabihin sa kaniya na maraming babae si Damien, e. Kaya lang ayokong sirain ang araw niya. “Hay naku! Bagay na bagay talaga sa kaniya kapag sumasakay siya ng kabayo. Ako kaya? Kailan niya sasakyan?” Pinagsiklop pa ang mga palad. Napakunot ang noo ko. Ano bang sinasabi ni Ate? Malaki si Damien, matangkad pa. Kapag sinakyan siya, tiyak, pirat siya! “Inneya, sa labas ka na maghintay sa akin. Heto,” ani Mama sabay abot ng dalawang piraso ng orange sa akin. “Para hindi ka mainip.” Hindi na natapos ang kwento ni Ate Detas tungkol kay Damien dahil kailangan ko nang umalis at tutungo na ako sa likod. Abala sa kusina, hindi ako pwede doon. Makakaabala lang ako. Atsaka, baka hindi ayusin ni Ate Detas ang trabaho dahil parati na lang siyang makikipagdaldalan sa akin. Hindi ko masiyadong gets ang ibang sinasabi niya pero pinakikinggan ko naman siya. Kaya gustong gusto niya akong kausap. Nagtungo na ako sa likod. Saktong pagkarating ko doon ay siya namang pagsulpot ni Diego. “Inneya!” Nakangiti niyang salubong. Nanlaki ang mata ko at nabitiwan ko pa ang dalawang orange na hawak. Agad ko namang hinabol ang orange ko at tsaka pinunasan ng tela ng damit na sout. “Mahal 'to. Ano ka ba, Diego?” Ngumuso ako. “20 pesos lang naman 'yan, e.” “Ang mahal na no'n!” Namilog ang mata ko sa kaniya. Kung makapagsalita siya parang ang liit-liit lang no'n. “Marami ako sa kwarto niyan. Tara tingnan mo sa kwarto ko.” aniya sabay hablot sa akin. Nagulat ako at nahintakutan sa balak niya. Hindi ako pwedeng umapak sa second floor ng mansyon. Pinagbabawal iyon ng ama ni Diego. Nasa taas ang silid ni Madam Saonna at ang mga silid nila atsaka guest room. Iyong mga nakatuka lang sa taas ang pwedeng umakyat sa taas. Kaming outsider at taga-kusina lang ay dapat manatili lang din sa baba. Lalo na ako. Anak lang ako ng katulong. Hindi nga dapat ako kumakain ng orange na nagmula sa bahay nila pero kumuha si Mama no'ng orange at pinapakaltas niya lang sa sahod niya para kahit papaano'y makatikim ako ng ganoong prutas minsan. Malayo ang bayan. Gustuhin man naming mamili ay wala kaming magagawa dahil wala naman kaming sasakyan. Mapapagastos pa kami dahil sa back and fort na pamasahe. Hinila ko ang kamay ko mula kay Diego nang makarating kami sa paanan ng hagdan. Ang hagdan ay may kulay maroon na carpet. Sobrang kintab ng hawakan ng hagdan. Ang marumi kong tsinelas ay hindi nababagay sa itsura ng carpeted na hagdan. Nakakahiyang magkaiba pa pala ng kulay ang tsinelas ko... at marumi pa. Umatras ako. “Inneya, tara na.” Nakangiti ngunit medyo alanganin iyon habang nakatitig siya sa akin. Kitang-kita na may pagtataka sa mga mata niya. Nagtaka siya kung bakit tumigil ako. Umiling ako. “Sa likod na lang kita hihintayin, Diego. Hindi ako pwedeng... ano... sumunod sa'yo sa taas.” Nilapitan niya ako. Akala ko hindi na siya tutuloy at tutungo na lang kami sa green house. Pero nagulat na lang ako nang balikan niya ako para hilahin paakyat. “Ano ba ang sinasabi mong hindi pwede? Sino ang nagsabi? Si Papa ba? Hindi seryoso iyon, e. Tiyak si Kuya lang din ang gumawa ng rule na 'yon. Masungit 'yon, e,” aniya habang tumatakbo paakyat. Tapos ay hila-hila niya ako. Nakita ko pa kung papaano namilog ang mata ng mga nakatuka sa taas nang makita nila akong hawak-hawak ni Diego habang binabagtas ang daan tungo sa silid nito. Hindi siguro nila inasahang dadalhin ako ni Diego doon. Patuloy niya lang akong hinihila tungo sa silid niya. Sabi naman ni Diego, ayos lang daw. Pero kahit ganoon kinakabahan pa rin ako. Syempre paniguradong aabot kay Mama ang tungkol dito. Isa rin siya sa nagsasabing bawal nga ako sa taas. Maliban sa likod ng bahay at harden wala akong ibang pwedeng puntahan sa loob ng teretoryo ng mga Harvoc. Mabuti na lang at wala dito ang masungit na Mama ni Ate Detas. Iyon pa man ang din ang mayordoma. Natigilan ako nang marating namin ang kwarto ni Diego. Iyong laki ng silid niya ay halos kasinglaki na ng buong bahay namin. May mini sala, sariling banyo, sariling study table at mga nakahelirang libro. Tulala na naglakad ako palapit sa teresa ng silid niya. Grabe! Ngayon lang ako nakaakyat sa silid ni Diego at hindi ko lubos akalaing ganito pala kalaki ang silid niya sa mansyon na 'to. Parang imposibleng magkaroon ng ganito kaganda at kalaking silid ang batang katulad ni Diego. Pero isa siyang Harvoc, at walang imposible sa mga Harvoc dahil isa sila sa makapangyarihang pamilya sa lugar namin. Para akong pumasok sa isang panaginip. Natigilan ako at hindi ko na naituloy ang paglapit sa teresa. Ngayon ko mas lalong napagtanto ang tungkol sa sinasabi ni Mama na 'agwat' sa pagitan namin ni Diego. Ito pala ang 'agwat' na iyon. "Inneya, 'di ba gusto mo ng chocolate icecream? Nagpadala ako sa mga kasambahay kahapon. Tara kainin na'tin." Wala sa sariling nilingon ko si Diego. Napakaganda ng mga nakikita ko pero hindi ko pinangarap ang mga gnitong bagay. Ayos na sa akin ang mamuhay ng ganito kasama sina Mama at hindi magmukhang werdo sa mata ng ibang tao. Ayos lang naman siguro na magkaroon ng kaibigan na tulad niya na iba sa mga batang nakakalaro ko. Mayaman siya, may malaking silid, mayroon siya lahat ng wala ako. Pero iba siya sa mga mayayamang kaibigan niya. Lalo na sa mga mayayamang kaibigan ng Kuya niya at mismong Kuya niya. Siya ay katulad ni Madam Saonna. Katulad ko lang din siya. Gusto lang din namin mamuhay ng normal na katulad ng iba. Na hindi namin iniisip ang kaibahan naming dalawa. Tumango ako at masayang sumunod ako sa kaniya sa mini sala niya. Doon kami kumain. Namamangha pa rin ako sa lasa ng chocolate ice cream na dala niya. Tiyak hindi rin basta-basta ang presyo pero paniguradong sisiw lang sa kanila iyon. "Alam mo? Mas malaki ang room ni Kuya." Biglang sabi niya. Namilog ang mata ko. "Seryoso?" "Oo. Tsaka, mas gusto ko ang kulay kaysa dito sa silid ko." Talagang may mas malaking silid pa kaysa sa silid ni Diego? Ang laki-laki na nitong kwarto ni Diego, e. Tapos maganda pa raw kaysa dito. Talaga bang may ganoon? E sa buong buhay ko, ito pa lang ang pinakamaganda at mas malaking silid na nakita ko. "Bilisan na'tin. Pupunta tayo doon." Muntik na akong mabilaukan sa kinakain ko nang sabihin iyon ni Diego. "Ayos lang naman kay Kuya na nagpupunta ako doon, e. Tsaka, paniguradong nasa gubat na naman iyon," aniya pa. Hindi yata magandang ideya iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD