ZACHKARY
"Damn!" Ibinato ko ang remote control ng tv nang ibalita na mayroon na namang bagong biktima ang tinaguriang ''SPIDER" ng lahat. Spider ang tawag sa hindi kilalang serial killer dahil sa uri ng pagpatay nito sa mga biktima—partikular na sa mga kababaihan, sapagkat matapos nitong gahasain ang kanyang mga biktima ay ibinabalot nito ang buong katawan sa telang seda.
"Calm down, Zachk." Nilingon ko si August na kararating lang. "Nandito na ba sila May at April?" Tukoy n'ya sa kapatid namin na kambal. Umiling ako. "Follow me."
"Bakit tila hapong-hapo ka naman yata?" Pinatay ko na ang tv at sumunod sa kanya sa opisina. "Napakatahimik naman yata rito ngayon? Nasaan ba sila mommy at daddy?" Walang tugon mula sa kanya.
Naninibago ako ngayon kay August dahil sa pagiging tahimik n'ya. Itong bahay naman, masyado ring tahimik ngunit ipinagsawalang bahala ko na lang.
Ilang hakbang lang ang layo ko kay August kaya nang pumasok s'ya sa opisina ni daddy ay nagtaka pa ako nang makita kong hindi nakabukas ang ilaw ng opisina gayong alam naming lahat na ayaw ni daddy na madilim ang naturang lugar sa bahay.
Bahagya n'ya lang iniwang nakapinid ang pinto kaya kailangan ko pang itulak ito nang maayos upang mabuksan. Kasabay ng paghawak ko ng seradura ay humakbang ako papasok nang bigla ko na maramdaman ang tila may nakatutok sa akin na hindi ko matukoy dahil sa dilim ng silid.
Kikilos na sana ako upang manlaban nang bumukas ang ilaw at pumailanlang sa katahimikan ng bahay ang tunog ng tila pagsabog kasabay ng pagkalat sa ere ng piraso ng makukulay na papel.
"HAPPY BIRTHDAY!!!"
Mga masasayang mukha ang tumambad sa akin. Mga mukha na itinuring akong pamilya. Mga mukha na hindi iba ang tingin sa akin. Mga mukha na nag-aruga sa akin. At ang mga mukhang nagpakita sa akin ng pagmamahal.
"I don't know what to say." Tumingin ako kay August subalit nakangisi lang ito at inilahad ang dalawang kamay sabay kibit ng balikat. "I don't really know what to say, but, I—I, hmm, I'm grateful to be part of this family. Thank you for loving me and accepting me. Hindi ko alam kung sino ako ngayon kung hindi ako napunta sa pamilyang 'to."
"Oh, come on, kuya, kailangan ba na kada-birthday mo ay sasabihin mo ang ganyan? Pamilya tayo, hindi man sa dugo, kundi sa puso." Lumapit sa akin si May at humalik sa pisngi ko. "Happy birthday." Inabot n'ya sa akin ang kulay asul na shopping bag na galing sa isang sikat na brand ng kurbata.
"Salamat dito. Kunwari ay hindi ko alam ang laman." Ginulo ko ang buhok n'ya kaya ngumuso s'ya.
Nagtawanan kami.
"'Yong gift ko sa iyo, bro, nasa kwarto mo na. Hulaan mo kung ano?" Si April naman ngayon.
"Hmm, ano nga ba?" balik tanong ko sa kanya.
Bagama't magkambal ay magkaiba ang ugali ng dalawa.
Si May ay tipikal na teenager na babae. Mahilig sa make-up at kung anu-ano pa na kolorete sa mukha. Nakahiligan n'ya rin ang maiikling dress kahit tutol ang mga magulang namin at maging kami ni August at April ay pinagsasabihan din s'ya ukol sa pananamit n'ya.
Si April naman ay tila lalaki kung kumilos, ganoon din kung manamit. Kulay pula ang hanggang batok na buhok. Palaging nakakulay itim na damit, gayon din ang lipstick.
Sa edad nilang 17 ay mapapagkamalan na dalaga na dahil parehong malalaking bulas.
Matapos nilang ibigay ang mga regalo nila sa akin ay dumiretso na kami sa kusina.
Masaya namin na pinagsaluhan ang mga pagkain na si mommy mismo ang nagluto.
Ganito kami sa t'wing may nagdiriwang ng birthday sa pamilya. Hindi kami lumalabas upang magsaya. Hindi rin kami nag-iimbita ng kahit sino. Kami lang talaga na magpamilya.
11:00 p.m nang mapagpasyahan ng kambal na umakyat na sa silid nila.
"What?" tanong ko sa mga magulang namin at kay August. Nahahalata ko kasi ang maya't-mayang pagpapalitan nila ng tingin.
"Tell him, Dad. It's about time."
Ngumiti at tumango si mommy bilang pagsang-ayon sa sinabi ni August.
"Follow me, Zachkary,” utos sa akin ni dad.
Tinapik ako sa balikat ni August bago nagpaalam upang umakyat na rin sa silid n'ya.
Hinalikan naman ako ni mommy bago rin ito umalis.
Sa office ako dinala ni daddy.
"Happy birthday, son. Hindi na ikaw ang batang nakilala namin sampung taon na ang nakalilipas. Hindi na ikaw ang batang tumatakbo dahil sa takot sa mga maaaring makapanakit sa kanya. Bagkus, ngayon ay tumatakbo ka na upang habulin ang mga masasamang tao na maaaring makapanakit sa iba." Ngumiti sa akin ang lalaking hindi ko man kadugo, s'ya naman ang gumabay upang makatayo ako nang matatag sa gitna ng bawat unos na pinagdaanan ko. "Maybe, it's about time to give you this." He handed me a silver box.
Alam ko kung ano ang laman ng naturang kahon kaya kulang na lang ay mapangiti ako sa saya.
"Are you sure about this, dad?"
"Of course. Matagal ko itong pinag-isipan. Kumbinsido rin ang mommy mo at si August tungkol sa bagay na 'to. Open the box, son. It's our gift for you."
Binuksan ko ang naturang kahon at tumambad sa akin ang kulay pilak na baril, ang badge na may tatak ng sarili naming detective agency, at ang lisensiya ko.
Pagkakita ko sa mga bagay na 'to ay may apat na tao na pumasok sa balintataw ko—si Padre Antonio, si Anna Marie at ang mga kapatid ko.
Mahahanap ko na sila nang malaya.
"But son, please—"
"Yes, dad, I know. 'Wag ka pong mag-alala, hindi ko gagamitin sa pangsarili kong kapakanan ang mga bagay na 'to."
"Can you do me a favor, son?"
"What is it, dad?"
"Pursue your dream, man. Finish your course."
"Dad?" Sabay pa kaming nagtawanan.
Nasa huling taon ko na sa kolehiyo ngayong pasukan. Bukod sa pagsama-sama kay August sa mga kaso n'ya ay nag-aaral ako sa kursong Engineering.
"What's my first case, dad?"
"Go and get the Spider, son." Seryoso na ang boses n'ya ngayon. Bilang may tatlong babae sa pamilya namin, idagdag pa na pamilya kami ng alagad ng batas ay napakaseryosong usapan sa amin ang tungkol sa panggagahasa at pagpatay sa ilang kadalagahan sa bansa.
"I will, dad."
"And, ohh, bago ko pala makalimutan, may dadaluhan ka na pagtitipon sa Exudos Garden." Itinuro n'ya sa akin ang isang larawan na nasa chalkboard.
Si Manolo Saldana.
May ideya na kami kung ano talaga ang negosyo ng Don sa likod ng mga hospitals at hotels na pag-aari nito sa Pilipinas. Subalit hindi lang namin mabigyan ng kumpirmasyon ang naturang krimen na ginagawa ng lalaki kaya nanatiling haka-haka ang mga maruruming bagay na ikinakabit sa pangalan n'ya.
"Mag-iingat ka, Zachkary. Maraming mata at tainga ang buwaya na 'yan kaya bawat kilos mo ay bigyan mo ng ibayong pag-iingat."
"Tatandaan ko ang mga sinabi mo, dad. Good night. Magpahinga na rin po kayo."
Tumango ako bago lumabas ng opisina.