SUNOD-SUNOD NA napabuntong-hininga si Brix pagkalapag niya ng cell phone niya sa kama. Gustuhin man niyang mayamot ay wala na siyang magagawa kundi ang maghintay sa pagdating ng kausap niya. Cancelled kasi ang dapat sana ay meeting niya nang umagang iyon.
Pabagsak na napahiga siya sa kama.
“Anong gagawin ko ng dalawang araw dito?” sabi niya na ang sarili ang kausap habang nakatingala sa kisame.
Ilang minuto pa siyang nakahiga lang at nag-iisip nang mapagdesisyunan niyang lumabas muna bago sumabak sa trabaho. Paminsan-minsan lang naman dumarating ang pagkakataon na makapag-relax siya mula nang siya ang namahala sa kanilang kompanya.
“Hmmm, makapasyal na nga muna. Kaysa magkulong lang ako rito ng dalawang araw,” sabi niya sa sarili at mabilis na pumasok sa banyo para maligo.
Dahil mainit ang klima sa Macau ay isang short at fitted na polo shirt ang isinuot niya na tinernuhan ng isang rubber shoes. Nagsuot din siya ng sumbrero at sunglasses para may protection siya sa mainit na sikat ng araw.
Sumakay siya sa free shuttle service na may nakalagay na karatula ng isang malaking hotel na naghahatid ng mga turista na gustong mamasyal. Gusto niyang mamasyal sa isa sa mga pinakamalaking hotel sa bansang iyon, balita niya ay palaging may palabas daw ang hotel doon kaya gusto niyang mapanood.
“Brad, anong oras ang palabas dito?” tanong niya sa isang pinoy na staff na nakasalubong niya sa hallway nang makapasok na siya sa loob.
“Nagsimula na po, Sir,” sagot ng lalaki.
“Okay, brad, salamat,” anya rito saka nagpaalam.
Binilisan niyang maglakad para mahabol pa niya ang palabas.
Tuwang-tuwa at aliw na aliw siya sa panonood. Hindi niya tuloy mapigilan ang mapahanga dahilan para mapangiti siya ng bahagya. Nang hindi sinasadyang may masagi siya sa likod niya.
“Opps! I’m sorry, Miss,” agad na paghingi niya ng dispensa sa babaeng naatrasan niya. Ngunit napakunot-noo siya nang masilayan ang mukha ng babae dahil nakita na niya ang babaeng iyon kahapon sa kabilang hotel na una niyang pinuntahan.
Hinding-hindi niya makakalimutan ang babaeng kaharap dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay iyon ang unang beses na may pumukaw sa atensyon niya. Nabighani siya sa taglay nitong ganda, dagdag pa ang magandang tindig at maganda nitong pananamit. Halatang mayaman at sosyal ang dating.
Ngunit hindi niya napigilan ang matawa nang makita niya ang ginawa nito kahapon. Halos lahat yata ng pantry ay kinuhanan nito ng tinapay at tubig na inilalagay sa bag nito.
Nakanganga at naglalakihan ang mga mata ng babae na mabilis siyang tinalikuran. Hinuha niya ay namukhaan siya nito kaya mabilis itong tumalikod at kumaripas ng alis ang babae ngunit agad niya itong pinigilan.
“P-Pilipino ka?” gulat na tanong nito.
“Yap,” sagot niya. “Narinig kitang nakipag-usap sa staff kahapon kaya nalaman kong Pinoy ka rin pala,” mabilis na paliwanag niya ngunit hindi pa rin ito nagsasalita habang nakatingin sa mukha niya.
“By the way, ako nga pala si Brix,” pagpapakilala niya agad sa sarili.
Ngunit napansin niya ang pag-aatubili sa mukha nito na waring nahihiya. Biglang sumagi sa isip niya ang nangyari kahapon, naisip niyang baka iyon ang dahilan kaya gusto nitong iwasan siya kaagad kanina.
“Kung iniisip mo iyong nakita ko kahapon, ‘wag kang mag-alala. Walang kaso iyon sa akin at kalimutan mo na,” pilit na pagpapagaan niya sa loob nito para maging komportable ito sa presensya niya.
Napayuko ang babae at tinakpan ng kamay ang mukha nito. “Nakakahiya,” wika nito.
Napangiti siya. “Forget it. Pasensya ka na. Hindi ko lang mapigilan kasi ang sarili ko—” Napatigil siya sa pagsasalita dahil hindi pa man niya natatapos ang sasabihin ay mabilis na tinalikuran na naman siya ng babae kaya hinabol niya ito at pinigilan sa braso.
“Wait! I’m sorry,” paghingi niya ng paumanhin sa babae. Namumula ang pisngi nitong humarap sa kanya. “Gusto ko lang makipagkilala. Wala naman akong ibang intension na anu pa man.”
“I’m Brix ang you are?” pagpapakilala niya ulit sa sarili.
“A-Ahm, a-ako si K-Kiara,” nauutal na turan nito. Lihim na natuwa siya.
“Nice meeting you, Kiara.” Inilahad niya ang kanyang kamay dito. Pero tinititigan lang nito ang kamay niya. Ilang segundo rin na hinintay niyang tanggapin nito ang pakikipagkilala niya hanggang kalaunan ay tinanggap din nito sa wakas ang pakikipagkamay niya.
“N-nice meeting you, too,” kiming wika nito.
“Anyway, may kasama ka ba?” panimulang usisa niya rito.
“W-wala. Ako lang mag-isa. Bakit?” namamanghang tanong nito sa kanya.
“Ah, gano’n ba? Gusto mo bang maglakad-lakad muna? Pasyal muna tayo…Iyon ay kung papayag ka.” Tumingala ito sa kanya nang may pagtataka at nagtatanong na mga mata.
Napakamot siya sa ulo dahil alam niya kung ano ang tumatakbo sa isipan ng babae.
“Don’t worry, you can trust me. Harmless ako,” agad na paglilinaw niya kung iyon man ang ikinababahala nito sa tinging ipinukol nito sa kanya. “Gusto ko lang na may kasabay mamasyal na kapwa pinoy sa bansang ito,” paliwanag niya sa intension niyang pagyaya dito.
Napayuko ulit ito na parang nahihiya.
“Hindi naman sa gano’n ang ibig kong sabihin…Ahm, n-nahihiya lang kasi ako lalo na ‘yong n-nakita mo kahapon,” saad nito na hindi maiwasan ang hindi mapayuko sa harap niya.
“Ah, ‘yon? Kalimutan mo na ‘yon. Tulad ng sinabi ko kanina ay walang kaso iyon sa akin. Saka isa pa, para sa mga guest naman ng hotel ang tubig at pagkain sa mga pantry nila, ‘di ba?” mahabang litanya niya para alisin na nito ang hiyang nararamdaman at para mawala na ang ilang nito sa kanya. “At isa kang guest kaya nararapat lang na kumuha ka,” dagdag pa niya.
Ngumiti ito ng tipid. “Ang totoo niyan, ginagawa ko ‘yon para makatipid ako. Malaking tulong ‘yon sa akin habang naghahanap ako ng trabaho.”
Gumuhit ang gitla sa noo niya sa sinabi nito.
“Naghahanap ka ng trabaho rito?” manghang tanong niya. Ang buong akala niya ay turista ito roon.
“Oo. Pumunta ako rito para maghanap ng trabaho,” sagot nito.
Nang mga sandaling iyon ay kagyat na nakaramdam siya ng pagkahabag para sa babaeng nasa harapan niya. Ngayon niya naintindihan kung bakit ito dumampot ng ganoon kadaming tubig at sandwich kahapon.
“Ikaw ba? Aplikante ka rin ba rito?” tanong nito sa kanya. Napatigil siya. Nagdadalawang-isip siya kung sasabihin niya ba ang totoong rason kung bakit siya nasa bansang iyon. Nag-aalangan siya na baka tuluyan nang mailang ito sa kanya o ‘di kaya’y baka sabihin nito na mayabang siya.
“Marami ka na bang na-apply-an?” tanong ulit nito na mas ikinatahimik niya lalo dahil hindi niya masagot-sagot ang tanong nito.
Sa huli ay mas minabuti na lang niyang hindi na umimik bagkus ay iniba niya ang usapan tutal naman ay walang tigil ito sa pagsasalita.
“Nagmeryenda ka na ba? Tara, kumain tayo,” yaya niya rito ngunit nakita niya sa mga mata nito ang pag-aatubili sa sumang-ayon sa panyaya niya. “’Wag kang mag-aalala, libre ko.”
“Ha? Hindi ba nakakahiya sa’yo?” tanong ng babae. Napangiti siya.
“Not at all. So, let’s go?” Nagpatiuna na siya sa paglalakad. Naghanap siya sa paligid ng puwede nilang makainan na restaurant. Pero pinakiramdaman niya muna ang babae kung sumunod ba ito sa kanya o hindi. Kaya napangiti siya nang makitang sumunod ito sa kanya kahit pa mabagal ito sa paglalakad. Tumigil siya sandali saka hinintay ito.
“Halika, sa banda ro’n tayo kumain,” anya rito nang makatapat na ito sa tabi niya. Nahihiya naman na napatango lang ito sa kanya.
“S-sige,” pagsang-ayon ng babae sa kanya.
Naghanap siya ng mauupuan nilang dalawa.
“Um-order ka na,” anya rito. Ngunit napansin niya na ang pinakamurang pagkain sa menu ang in-order nito. Gusto niya sanang pansinin ngunit nagbago siya ng isip dahil baka iyon naman talaga ang gusto nitong kainin. Kaya hinayaan na lang niya ito hanggang sa i-serve ang mga order nila.
“Ilang linggo ka na rito?” kapagkuwan ay tanong nito sa kalagitnaan ng pagkain nila.
Habang dumadaan ang mga minuto na kasama niya ito ay napapansin niya na nakapag-adjust na ito sa presensya niya dahil palakuwento na ito. Napansin din niyang masayahin ito habang nagkukuwento ng mga naging karanasan nito sa unang tapak nito sa Macau.
“Kararating ko lang dito kahapon,” sagot niya.
“Ah, mabuti ka pa. Marami ka pang oras maghanap ng trabaho. Ako dalawang linggo na ako pero hindi pa dumating ang suwerte ko,” paglalahad nito kahit hindi niya masyadong maintindihan ang sinasabi nito.
Halos hindi na siya makapagsalita dahil ito na lang ang palaging nagkukuwento.
Sabagay, kalimitan sa abroad kapag nakakakita ng kapwa pinoy ay parang matagal nang magkakilala kahit kakikilala palang naman nila, iyon ang na-obserbahan niya sa palaging pangingibang-bansa niya.
“May kasama ka na bang mag-drop box bukas? Gusto mo ba sumabay sa amin para makarami tayo at makapagsimula ka na ring mag-apply?” yaya nito sa kanya.
Mas lalong hindi na siya makapagsalita dahil hindi niya alam kung ano ang dapat niyang isagot dahil iba naman ang ipinunta niya kung bakit siya nandoon sa bansang iyon.
“Kunin ko ang cell phone mo para matawagan kita bukas,” patuloy pa rin na pagsasalita nito. Namamangha na lang siya sa babaeng nasa harapan niya dahil kahit hindi siya sumasagot sa mga tanong o sinasabi nito ay patuloy lang ito sa pagsasalita.
“Ah… Ako na lang ang kukuha ng number mo, ako na lang ang tatawag sa’yo bukas,” sabi na lang niya rito.
“O, sige. Akin na ang cell phone mo. Ise-save ko ang cell phone number ko,” anito na inilahad ang kamay nito sa kanya na waring hinihintay na ibigay niya ang kanyang cell phone sa palad nito. Napilitan tuloy siyang ilabas ang kanyang cell phone at ibigay dito.
“Eto ang number ko, i-save mo na,” saad nito na iniabot pabalik sa kanya ang cell phone niya. Lihim siyang napangiti. Natutuwa talaga siya sa babaeng ito.
“May lakad ka pa ba pagkatapos nito?” kapagkuwan ay tanong niya habang ibinabalik ang cell phone niya sa kanyang bulsa.
“Wala na. Uuwi na muna ako. Kasi maglalaba ako,” sagot nito habang sinisipat ang mukha sa compact mirror na hawak nito.
“Ikaw ba?” balik-tanong nito sa kanya. “Okay lang ba? Dito na ako mag-retouch? Tinatamad na kasi ako pumunta sa banyo, eh. Malayo.”
“Sure. No problem. Uuwi na rin ako. Mainit na rin masyado sa labas,” saad niya habang pinagmamasdan itong naglalagay ng lipgloss sa mga labi.
“Oo nga. Napakainit talaga rito. Hindi ko nga akalain na ganito rin pala katindi ang init dito akala ko sa atin lang ang mainit,” segunda nito sa sinabi niya. “O, paano, salamat sa meryenda, ha? Mauuna na ako sa’yo.”
“You’re welcome,” nakatunghay lang siya rito na sagot niya.
Tumayo na ito sa kinauupuan at inayos ang sarili.
“Tawagan mo ako bukas para sabihin ko sa’yo kung saan tayo puwedeng magkita. Alam mo na ba kung paano pumunta sa San Malo?”
Kumunot ang noo niya. Hindi niya alam kung saan banda iyon. “H-hindi, eh.”
“Ah gano’n ba? ‘Di bale, tingnan natin kung saan tayo pupuwede magkita bukas,” saad ulit nito habang isinusukbit sa balikat ang bag nito.
“Ahm, tatawagan kita bukas kung makakasama ako.”
“Ha? O, sige. Walang problema,” wika nito. Ngunit parang nabanaag niya ang kaunting pagkadismaya sa tinig nito dahil sa sagot niya.
“Tawagan mo na lang ako bukas pero dapat maaga, ah? Mga bago alas diyes ganyan, sabihan mo ako sakaling gusto mo sumabay,” mariing habilin nito sa kanya.
“Okay. Thanks for your time,” sagot niya.
Ngiti na lang ang itinugon nito sa kanya bago ito tumalikod. Nangingiti siya habang pinagmamasdan itong naglalakad palabas ng hotel na kinaroroonan nila. She’s one of a kind, he thought.
Napatayo na rin siya sa kinauupuan niya saka lumabas sa hotel na iyon pabalik sa tinutuluyan niyang hotel.