SAN VICENTE
Ako si Tiara, sa lugar namin dito sa San Vicente ako ang kakaiba, kakaiba dahil lahat sila dito ay aswang, maliban sa akin. Ang lahi ng mga kababayan ko ay hindi yung tipikal na aswang na nasa isip mo, hindi sila katulad ng mga napapanood mo sa telebisyon, sinehan o napapakinggan sa radio na kumakain nang laman-loob ng mga tao, 2020 na lahat ay nag-aupgrade maging sila. May mga moderno na silang pamamaraan kung paano maiibsan ang kalam ng kanilang sikmura at matugunan ang natutuyo nilang lalamunan. Hindi mo na rin silang makikita na nagiging halimaw katulad ng inaakala ng ilan, sa totoosin ang “KAGANDAHAN” ay isang mahalagang salita na talagang kanilang pinag-uusapan at pinaghahandaan. Sumusunod na sila sa uso; mula sa ayos, kulay at gupit ng buhok, pasyonista na rin sa mga damit na isinusuot, hindi rin pahuhuli sa mga lumalabas na bagong sapatos at maging sa mga gadgets na gamit dapat ay yung in. Huwag mo rin iisipin na porket sila ay aswang sila yung mga nakatira sa liblib na lugar, yung nasa gitna ng gubat o nasa tuktok ng bundok, wala ng ganoon, nakakalat na sila saanmang lugar dito sa atin, pwedeng nasa syudad, nasa mall, nasa opisina, sikat na paaralan, nasa telebisyon o baka mamaya ‘yang katabi mo. Mayroon na sa kanilang artista, politiko, doctor, abugado guro, enhinyero o anumang propesyon na mayroon tayo. Oo, tama nakikisalamuha na sila sa normal na tao na para bang walang kakaiba sa kanilang pagkatao. Nakikipaglwentuhan, nakikipag-inuman, nakikipaglaban at nakikipagkaibigan na minsan ay nagiging ka-ibigan ng isang normal na nilalang na dahilan kung bakit sila napaparusahan. Iyan kasi ang malupit na kautusan na hindi dapat baliin o sirain sapagkat kapag nangyari nakakalikha ito ng isang matinding pagyanig na tunay na nagbubunga ng kaguluhan sa bayan ng San Vicente.
UNTUSAN
Ang pamilya ko ay napapabilang sa pangkat ng Untusan. Ito ang pinakamababang pangkat sa lahi ng mga aswang dito sa San Vicente. Dating A-kong ang Lola Elena ko. A-kong ang tawag sa pinakapinuno ng mga aswang. Siya ang batas, ang hukom at pinakamakapangyarihan sa lahat. Walang sinuman ang maaaring sumuway sa kanyang mga salita, ang sino mang maglalakas loob na kumalaban sa kanya ay maaaring itakwil, ikulong at higit sa lahat ay kitlin ang buhay. Subalit nangyari ang hindi inaasahan, ang kaisa-isang anak na babae ni Lola Elena na si Maria ay umibig sa karaniwang tao at siya ang ama ko na si Macario. Labis na i***********l ang umibig ang aswang sa karaniwang tao, ito ay kalapastanganan sa aming lahi. Sa aming batas ang pag-ibig sa karaniwang tao ay maaaring magbunga ng kapahamakan at kapanganiban. Maaaring maisawalat ang kinukubling kapangyarihan ng mga aswang. Kapag nangyari ito ay maaaring maulit muli ang kasaysayan na kung saan ay pinapatay ng mga karaniwan ang mga aswang sa malulupit na pamamaraan. At ito ang ayaw mangyari ng aming mga kalahi kaya’t ang sinuman mahuli ay agad kinikitil ang buhay ng karaniwang nilalang at pinapatawan ng parusa ang kalahing aswang.
KONSEHO
Ayon sa akin lola, umuwi ang aking ina mula sa syudad na nagdadalang-tao. Nasa sinapupunan pa lamang ako ay naaamoy na ko ng mga konseho, mga matatalinong aswang na ang ama ko ay karaniwang tao. Tinutulan ito ng aking lola at sinabing naaamoy niya na ang ama ko ay mula rin sa kanilang lahi. Subalit hindi naniwala ang konseho at agad na nag-imbestiga hanggang sa mapatunayan na sila nga ay tama. Sa pangunguna ni Ka Itong, pinuno ng mga konseho, ay napababa sa pwesto ang aking lola at itinakwil sa pinakamababang pangkat ng aming lahi, ang Untusan. Nang malaman ng aking ina ang kaguluhang ito ay nagkita sila ng aking ama upang iligtas at ilayo ito sa panganib na naghihintay sa kanya, ang kamatayan. Subalit hinabol sila ng konseho kasama ang mga asbo, aswang na nagpapalit anyo na nagiging malalaking aso at Sigbin na nagiging halimaw na may matatalim na pangil, nalilisik na mata at makakapal na balahibo. Hindi pa man kabilugan ng bagong buwan ay napanganak na ako ng aking ina sa hindi inaasahan at dahil sa matinding pinagdaanan na pagtakbo at pakikipaglaban ay nakitil ang kanyang buhay. Sabi ni lola, hindi na nakita ang aking ama, walang anumang bakas niya sa lugar kung saan nakita ang aking ina at tanging ako lamang ang kanilang nasumpungan. Iniwan siguro ako ng aking ama gawa ng kanyang takot o karuwagan. Ang paglabas ko sa mundo ang lalong nagpatunay na ang lola ko ay dapat ngang parusahan dahil sa sinasabing pagtatakip nito sa kanyang anak. Gawa nang kanyang kabutihang puso sa mga nasasakupan nung siya ang pinuno at dahil sa angkan o lahi ng dugo na kanyang kinabibilangan ay ipinatapon na lamang siya sa pangkat ng Untusan, ang pangkat ng alipin ng mga aswang, walang karapatan at walang karangalan.
A-KONG
Mahirap makuha ang posisyon ng pagiging A-kong, upang makuha ito ay kailangan magmula ka sa maharlikang dugo ng mga aswang. Ito ang mga aswang na may kakayahang magpalit ng anyo sa tatlo o higit pang klase. May kakaibang taglay na lakas na hindi agad-agad nakikitil ang buhay. May malakas na pang-amoy na kaya kahit limang kilometro ang layo. Mabilis gumalaw na tila buhawi ang kilos. At higit sa lahat ay nagagawa nitong mapigilan ang sarili sa anumang tawag ng pagiging aswang, ang kumulo ang sikmura dahil sa kapangahasang kumain ng tao, magpalit ng anyo sa kabilugan ng buwan at hindi masindak sa anumang panlaban o panakot sa lahi naming tulad ng buntot pagi, langis, bawang, asin. tanso at palaspas dahil sa kanyang talino. Pero ewan ko ba na kahit ako ay mula sa lahing ito ay walang kakaiba sa akin. Ni hindi man lang ako nabahidan ng kaunting dugo ng aking lola at ina. Walang kakaiba sa akin kaya ako ang kakaiba sa lugar namin.
PANGKAT HUBUGAN
Sa San Vicente ay makakatagpo ka ng apat na pangkat na kung tawagin ay Pangkat Hubugan, una ay ang pangkat ng Sayentipiko, ito ay pangkat ng mga matatalinong aswang. Sila ang hinubog para maging abugado, inhenyero, sayantist, duktor, guro at iba pang propesyunal na trabaho. Ikalawa ay ang Awra Bonita, pangkat ng mga magaganda at gwapo, Sila ang mga nagiging artista, politiko, o anumang trabahong humarap at umaakit ng tao. Ikatlo ay ang mga Mandirigma, sila ang mga malalakas, matatapang at masisigasig. Karaniwan sa kanila ay nagiging sundalo, pulis at atleta. Ang pang-apat naman ay ang Kawanggawa, ang mababait, makamasa at simple ang pamumuhay. Sila ang sinanay upang makasama ang mga taong napapabilang sa mababang antas ng lipunan at mabuhay ng karaniwan.
Ang pangkat ng Untusan ay pangkat ng mga mahihina ang pangangatawan at utak, walang kakayahan o talento, at itinakwil at pinarusahan ng habambuhay gawa ng iba’t ibang uri ng pagkakasala. Kami ay mga alipin, utusan, at taga-gawa ng lahat sa aming lugar. Linis, laba, kumpuni, luto, tanim lahat-lahat. Kami ay may iisang lugar lamang. Isang malaking kamalig na mayroong isang daan at tatlopung double deck. Wala kaming karapatang lumabas ng San Vicente sa kahit anong dahilan. Ang mga damit namin ay mula lamang sa pinaglumaang ng apat na pangkat. Ang pagkain naming ay mula lamang sa tira-tirang pagkain nila. Hindi kami kabilang sa kapistahan ng bilog na buwan. Minsan may mga kasama kaming nagkakasakit dahil sa gutom at hindi nakakayanan ang kulo ng sikmura kaya ninanais na lamang mamatay sa pamamagitan ng pagsunog sa sarili. Masaklap, malungkot at masalimuot ang buhay ng Untusan, kulang na lamang ay pigilan pati ang hanging hinhingaan mo. Pero kailanman ay hindi ko nakitaan ng panghihina ang aking lola na tila hindi tumatanda. Sa kanya kumukuha ng lakas ng loob ang mga kapwa naming Untusan. Dahil sa mataas na antas ng dugo na kinabibilangan ng aking lola tila walang kahirap-hirap sa kanya ang mamuhay bilang Untusan. Ako naman, dahil karaniwang tao lamang ako, hindi ko nararanasan ang kumulo ang tiyan at maghangad kumain ng hilaw na karne ng mga hayop. Nilulutuan talaga ako ng lola ko. Ang tanging pangamba lamang ng lola ko minsan ay pinagnanasaan nila ako pero dahil sa lakas ng lola ko ay di nila magawa. Saka minsan, nariyan pa rin ang mga kaibigan ng Lola Elena ko na nasa apat na pangkat na palihim na nagbibigay tulong sa amin.
Ako naman bilang kakaiba sa aming lahi o lugar na aking ginagalawan, isa lamang ang pangarap ko, ang makalabas sa mundo ng mga karaniwang tao kung saan sa tingin ko ay nabibilang ako. Gusto ko makita ang labas ng San Vicente, gusto ko makita ang syudad, gusto kong kumilos katulad ng isang normal na tao at higit sa lahat gusto kong makita ang tatay ko. Pero hindi yata possible dahil nakatali ako sa lugar na ito at ang sabi ng lola ko hindi ligtas para sa akin ang malayo sa puder niya. Marami ang nagtatangka sa buhay ko, kung hindi ang kalahi ng nanay ko ay ang panganib naman sa kamay ng malulupit at masasamang tao. Buti na lamang ay nalilibang ako sa San Vicente kasama ang aking mga kaibigan. Sa kanila ko nakukuha ang lahat ng mga natutunan ko. Pakiramdam ko kasi lahat ng pangkat ay pwede ako. Hindi naman sa pagmamayabang, matalino, malakas, maganda at may busilak na puso ako… swak na swak sa apat na pangkat.
TROPA
Sina Marco, Jamaica, Brenda at Raj ang mga tropa ko. Hindi sila kabilang sa mga Untusan, ang mga pamilya nila ay mula sa Pangkat Hubugan. Kaedadan ko sila, at ilang buwan na lamang ay matatapos na sila sa pag-aaral ng sekondarya at kukuha na ng pagsusulit kung saan sila nararapat. Ang Pangkat Hubugan ay parang kurso sa kolehiyo na kung saan ay huhubugin ka sa iyong kinabibilangan. Lahat ay dumadaan sa mga matitinding pagsasanay mula sa paraan kang paano ka kumilos, kumain, at mag-isip kagaya ng karaniwang tao. Nakita ko ang lahat ng kanilang paghihirap. Kung paano nila pigilan ang pagkalam ng kanilang sikmura, pagtulo ng mga laway, pagbabago ng anyo at labanan ang lahat ng mga pangontra. Nariyan na halos dalawang Linggo silang kinadena sa bewang habang may bagong silang na sanggol na pinaaamoy sa kanila. Sabi ni Brenda nakakabaliw sa utak ang kanyang ginagawa. Para naman kay Raj, para raw sinsunog ung tiyan niya at tila gripong umaagos ang mga laway niya mula sa kanyang bibig. Hindi sila kinalagan hanggang hindi nilang magawang paglabanan ang kahayukang kainin ang sanggol. Hinubog din sila sa pagkontrol ng pagpapalit ng kanilang anyo. Si Marco at Jamaica naman ay tatlong araw ikinulong sa kulungang tanso na may nakapalibot na buntot pagi na sa tuwing biglaan magiging awok si Marco o baboy-ramu at kiwig si Jamaica isang malaking itim na pusa ay tila naagnas ang kanilang mga balat. Pagbalik nila sa anyong-tao ay makikita mo ang mga lapnos sa kani-kanilang mga balat. Nakakaawa man subalit minsan nasasabi ko sa sarili ko may maganda ding maidudulot na ako ay isang tao.
Si Marco ay bunsong anak ni A-kong Itong, ang dating pinuno ng mga konseho. Matangkad, gwapo, malambing at laging mabango. Pakiramdam ko, mapapabilang siya sa Awra Bonita, artistahin kasi ang mukha. Sina Raj at Jamaica naman ay magkapatid, parehas henyo hindi nakakapagtaka dahil ang mga magulang nila ay isang abugado at inhenyero. Samantalang si Brenda, kasinggulo ng kanyang pagkaaswang ang kanyang pagkatao. Ang ama niya ay mula sa kawanggawa at ang ina naman ay sa Awra Bonita. Nung huling kapistahan ng Kabilugan ng Buwan iba na ang kasama ng kanyang ina. Dahil isang sikat na artista si Ms. Minda nakatagpo ito ng gwapong politiko samantalang si Mang Mando na isang construction worker sa labas ay pinili na lamang manatili dito sa San Vicente at samahan ang kanyang anak. Ang mga kaibigan kong ito ang nagbibigay kulay sa buhay kong kakaiba dito sa San Vicente. Sa tuwing may makakakita sa amin at sisitahin sapagkat kasama nila ako iisa lagi ang kanilang sagot, “Si Tiara kasi ang paborito naming utusan, hala sige at ihanap mo kami ng makakakain!”. Pero sa totoosin ako ang palautos sa kanila dahil ako ang tumutulong sa kanila sa mga gawaing pampaaralan. Hindi man ako nakakapag-aral sa loob ng paaaralan, natututo naman ako ng dahil sa kanila. Matyaga akong tinuturuan ni Marco sa mga natututunan nya sa klase. Minsan pinapahiram nila ako ng mga aklat at lecture notes na para basahin. Ewan ko ba pero madali kong nauunawaan ang lahat, kaya minsan pa nga ako ang gumagawa ng homework nila lalo na ang kay Brenda. May pagkakataon minsan sa klase nila habang kinokolekta ko ang mga basura sa bawat silid, mayroong tanong sa Algebra na ewan ko ba bakit hindi masagot ng mga estudyante samantalang daling dali ako sa tanong. Sa inis ko ay napabulong na pasalita ko ang sagot at nagulat ang guro. Tinanong niya ako kung sigurado ba ako sa sagot? Ang lakas loob kong sumagot na opo. Dahil daw sa nagmamaganda at nagmamagaling ako ay ipakita ko raw ang sagot at sa laking gulat niya ay nasagot ko ito ng tama. Paano ko daw nalaman yun eh wala raw akong karapatan mag-aral kaya paano ko nakayanan sagutan ang kanyang tanong. Isa lang ang lagi kong panabla sa tuwing kwinekwestyun ang aking pagkatao, “Tinuturuan po ako ng lola ko”. Kapag ‘yun na ang sinagot ko ay wala na silang dahilan para ako ay tanungin dahil batid naman sa amin lugar na ang lola ko ay dating A-kong. Sa pangyayari yun ay lalong nainis sa akin si Guada, ang babaeng tunay namang maganda subalit nuknukan ang laki ng inggit sa akin dahil una maliban sa ako ang nakakahigit sa kagandahan niya ay hindi niya makuha ang atensyon ni Marco na matagal na niyang ninanais. Ano magagawa ko, kung ako ang nais na makasama ni Marco na isang mabait, simple, masipag, matalino as in all-in package na, yun nga lang hindi ako aswang na katulad nila.
PAGSUSULIT
Araw ng Sabado, dalawang linggo na lamang ay magaganap na ang pagsusulit na magdidikta sa buhay ng mga kaibigan ko. Naisipan naming magkita-kita at ma-ensayo ng pagtakbo sa burol. Siyempre katulad na naman ng dati, huli na naman si Brenda at laking gulat nila sapagkat kaunti na lamang ay mapapantayan ko na ang bilis sa pagtakbo ni Marco. Dahil doon nabuksan na naman ang aking pagkatao, si Marco isa sa mga aswang na naniniwalang kalahi niya ako kahit walang akong kakayahan na magbago ng anyo, makaamoy ng pagkakaiba ng tao at aswang, kumalam ang sikmura sa nilamnam ng amoy ng sariwang karne mapahayop o tao man at higit sa lahat magkaroon ng kakaibang lakas at kapangyarihan katulad ng mapagaling ang mga sugat agad. Natatawa na lamang ako kay Marco sa tuwing binubuksan niya ang usaping ito at ipagpapalitan na may lahi akong aswang. Paulit-ulit ko lang din sinasabi sa kanya na “Ano ba ang problema kung tao ako, kaya nga kapag lalabas na kayo dito sa San Vicente ay pipiliting nyong kumilos na tila isang normal na tao, pero ako wala ng problema taong-tao di kailangan magpanggap”, pero iisa lang lagi ang sagot nila sa akin kungdi “Ayun, kung makakalabas ka!’, sabay maghahalgapakan kami ng tawa. May isa kasing paniniwala na pinanghahawakan si Marco sa akin kaya buo ang paniniwala niya na ako ay aswang, at ito ay ang di niya ako maaamoy bilang isang tao o bilang isang aswang. Sa totoosin ito ang dahilan kung bakit bihira kaming mahuli na kasama nila ako. Sa tuwing may paparating at naaamoy ito ni Marco agad akong nakakapagtago at matagumpay nila akong hindi nakikita ni naaamoy. Palaisipan rin ito sa akin, at sa tuwing tatanungin ko ang lola ko, isa lang ang paulit-ulit niyang sagot, isa akong aswang na napapabilang sa pinakamataas na antas ng dugo ng lipi, in short royal blood. Sa tuwing naririnig ko ito, pakiramdam ko binobola lang ako ng lola ko para di ko maramdaman na ako ay kakaiba sa aming lugar.
Lunes, isang linggo na lamang ay magsisimula na ang pagsusulit. Gusto ni Marco mapabilang sa Awra Bonita dahil ibig niya ang maging politiko, may mga ninanais siya para sa aming lugar gayundin sa ating bansa. Nasa punto si Marco na gusto niyang tanggapin na ng mga tao na may mga aswang na may karapatang mabuhay na tila normal. Si Raj at Jamaica, kapwa gusto maging Mandirigma, gusto ni Raj maging atleta samantalang si Jamaica maging pulis at si Brenda gusto nya sumunod sa yapak ng nanay niya. Kaso, hindi niya nakuha ang alindog na taglay ni Ms. Minda. Simple subalit mabait at malambing na kaibigan si Brenda. Kailangan nilang pumasa dahil kung hindi maghihintay sila ng isang taon para makapagsulit ulit. Sa madaling salita hihinto sila ng pag-aaral at kung limang beses na hindi sila makapasa ay itatakwil sila at maaaring mapunta sa Untusan na kinakatakutan ng lahat. Dalawa ang uri ng pagsusulit, isang sa papel na ang magiging resulta ang siyang gagamitin kung anong pisikal na pagsusulit ang kanilang kukuhanin. Kasama nila akong nag gro-group study. Ako ang naghahanda sa kanila sa written exam habang si Marco naman ang sa pisikal. Mahirap subalit alam kong kakayanin nila. Natutuwa ako sa pagsusumikap nila subalit sa kabila nito nakakaramdam ako ng pag-aalala dahil papalapit na ng papalapit ang araw na lalabas na sila sa San Vicente at maiiwan akong mag-isa. Pero ayoko maging makasarili, yan ang kapalaran nila at ito naman ang akin. Habang abala kaming nag-aaral nagulat na lamang ako sa tanong ni Marco, “kumuha ka kaya ng pagsusulit, sa tingin ko makakapasa ka”, nagulat ako dahil alam na alam ni Marco ang nararamdaman ko, ang kagustuhan kumuha ng pagsusulit pero alam naming imposible kaya napangiti na lamang ako at sinabing “wag ninyo akong alalahanin, andito lang ako”.
TIARA ISANG ASWANG
Malamig ang gabi, maliwanag ang buwan, habang ako ay nagpapahangin ay nakita ko sa harap ng kamalig si A-kong Itong kasama ang mga alagad nitong asbo. Kausap nila ang aking lola at nakapalibot ang malalaking baboy-ramu sa kanya na sa isang maling pagkilos ay maaari nilang atakehin siya. Ramdam ko ang galit ng A-kong sa kilos at pagtayo nito, nababagabag ako kanilang pinag-uusapan. Pagkaalis nila ay agad akong nagtungo sa aking lola at inalam ang pakay ng A-kong. Tinanong ng aking lola kung humiling ba ako na makakuha ng pagsusulit at sinabi ko sa aking lola na hindi, si Marco lamang ang may gusto. Agad tumugon ang aking lola at sinabing hindi mo kailangan kumuha ng anumang pagsusulit dahil wala makahihigit sa taglay mong lakas at kapangyarihan. Sa mga sandaling iyun alam ko na di ako binobola o inaamo ng aking lola. Kitang kita ko sa kanyang mga mata ang katotohanan na ako nga ay mula sa mga lahi ng aswang. Nang gabing iyon, hindi ako makatulog paulit-ulit bumabalik sa aking isipan ang mata at ang pagkakasabi ng lola, subalit anumang pilit ko sa aking sarili, wala akong makitang anumang senyales na ako nga ay kabilang sa kanila. Maya-maya ay narinig ko ang boses ni Lola Elena, “Isa kang aswang dahil apo kita at anak ka ni Maria at Macario”. “Pero hindi aswang ang aking ama, baka sa kanya ako nagmana?” pabulong kong sagot kay lola. “Sino ba ang nagsabi hindi siya aswang?” agad niyang tugon sa akin at bigla akong niyakap. Lalong gumulo ang aking isip at muling nag-usisa, “Ibig sabihin lola aswang ang aking ama?”. “Balang-araw malalaman mo rin ang lahat, matulog ka na at maaga pa ang pag-aaral ninyo bukas.” Paalala niya sa akin. Sumilip na ang liwanag ng araw subalit hindi pa rin ako makatulog, madaming tanong sa aking isip na nahihirapan akong hanapan ng kasagutan.
Maaga akong dumating sa burol kung saan karaniwan kaming nagkikita. Putok na ang araw subalit wala pa sila. Nakakapagtaka, naisip ko tuloy baka may kaugnayan ito sa pagpunta sa amin ni A-kong Itong o baka abala lang silang nag-aaral. Maya-maya ay nakita kong humahangos si Marco. Hindi pa man kami ganap na nakakalapit naririnig ko na sa kanyang bibig ang salitang “sorry”. Naikwento sa akin ni Marco na kinausap niya raw ang kanyang ama at pinakiusapan na subukan akong pakuhain ng pagsusulit. Dahil sa ginawang ito ni Marco ay nagalit ang Akong at ipinagbawal na magkita-kita kami. Walang Untusan na nakakakuha ng pagsusulit, wala na rin daw pagkakataon na maiangat ko pa ang aking angkan sa pangkat na aking kinabibilangan. Masakit marinig ang mga ito, pero yun ang totoo, na dahil sa ginawa ng aking ina ay habambuhay kaming nasa talampakan ng aming lahi. Nakita ni Marco ang mga nangingilid kong luha sa aking mga mata at agad niyang sinabi, wag kang mag-alala, gagawa ako ng paraan para makakuha ka ng pagsusulit. Sinabi niya na gawin ko ito hindi para sa akin kundi para sa kanya. Gusto niyang patunayan sa kanyang ama na tama siya, na isa akong aswang.
RESULTA NG PAGSUSULIT
Araw ng pagsusulit. Bilin sa akin ni Marco na anumang mangyari ay maghintay lamang ako sa burol. Gamit ang kanyang pangalan at impluwensiya ay nakakuha siya ng papel ng pagsusulit. Matapos niyang makapagsagot ay agad siyang nagtungo sa aming tagpuan upang pasagutan sa akin ang papel. Wala pang 30 minuto ay natapos ko ito. Laging gulat ni Marco sapagkat siya ay inabot ng dalawang oras habang ang iba ay higit 4 na oras. Sabi ni Marco ay wag kong sulatan ng pangalan, ipapawasto nya ito at lalagyan nya na lamang ng palatandaan nang sa ganoon ay malaman niya na ito ang aking papel. Sabi niya ay isasama niya ito sa mga papel ng kumuha ng pagsusulit. Pinabayaan ko lamang si Marco sa diskarte niya, ang akin lang naman ay masukat ang aking kakayahan at malaman kung sakaling mapagbibigyan ng pagkakataon ay saang Hubugan ako mapapabilang. Kinabukasan ay nalaman na ang resulta ng pagsusulit, at mula doon ay nalaman na nila kung saang pisikal na pagsusulit sila susubukin. Si Marco ay sa pangkat ng Sayentipiko habang si Jamaica ay napunta sa Awra Bonita. Mapalad naman si Raj sapagkat natupad ang kagustuhan niya na mapunta sa Mandirigma habang si Brenda ay malungkot na napunta sa Kawanggawa. Inaabangan ni Marco ang aking papel. Ibig niya malaman kung nakapasa ba ako at kung saan ako mapupunta, subalit natapos nang matawag ang lahat ay wala man lang nabanggit ang taga anunsyo na may papel na nakaligtaan lagyan ng pangalan. Malungkot na lumabas ng silid si Marco, sapagkat hindi niya malaman kung saan napunta ang papel hanggang sa mapadaan siya sa grupo nila Guada. “Marco nabalitaan mo ba ang naging resulta ng pagsusulit ni Guada?”, tanong ng isa sa kaibigan ni Guada. Sabik na sumunod na nagkwento si Kathy, matalik na kaibigan ni Guada, “akalain mo sa unang pagkakataon ay may kumuha ng pagsusulit na napakahusay sa lahat ng anggulo, ni hindi mawari ng konseho kung saang pangkat siya ilalagay dahil sa matataas na puntos na kanyang nakuha.” Dahil sa naging resuta ng pagsusulit ni Guada binigyan siya ng kalayaan na makapamili ng pangkat na ibig niyang salihan, alam nya na siya ay nababagay sa Awra Bonita subalit pinili niya ang Sayentipiko at ito ay sa kadahilanang naroon si Marco at ibig niyang magkita sila araw-araw sa gusali ng kanilang magiging paaralan. Nagulat si Marco sa narinig na balita sapagkat alam niya ang kakayahan ni Guada, alam niya na hindi ganoon ang taglay nitong katalinuhan, at dahil sa pagdududa ay inagaw niya sa kamay ni Guada ang papel nitong hawak. Sa isip ni Marco, “hindi ako maaaring magkamali, ito ang papel ni Tiara.”, biglang hinatak ni Marco sa Guada papalayo sa kanyang mga kaibigan. Pinapaamin niya ito kung ito ba talaga ang kanyang papel. “Pangalan at lagda ng dugo ko ang nakikita mo, bakit mo pinagdududahan?’ galit na tugon ni Guada na agad namang sinagot ni Marco at sinabing “alam kong hindi mo papel iyan, dahil ako ang pumunit sa gilid ng papel na iyan at ang maliit na tuldok ng dugo na makikita sa kanang baba ng papel ay pinagsamang dugo namin ni…” hindi pa man nakakatapos si Marco ay pinutol na siya ni Guada at tinanong kung kaninong dugo? Napatahimik si Marco sapagkat alam niyang muli niya na naman akong mapapahamak. Hanggang sa marinig niya ang pagbabanta ni Guada, “Ano kaya ang maaaring mangyari kapag nalaman ni A-kong Itong na ang bunsong anak niya ang siyang sumususuway sa kanyang utos? Hindi ba’t malaki itong kalapastanagan sa inyong angkan, magagalit ang iyong mga kapatid at mapapahiya ang iyong ama sa San Vicente?”. Tila binuhusan ng malamig na tubig si Marco mula sa narinig niya kay Guada, at humakbang na lamang nang papalayo na mabigat ang balikat dahil sa kabiguan niyang mabawi ang papel ni Tiara.
PAGPAPANGKAT
Pagpapangkat, ito ang gabi na kung saan ay pinapaalam sa San Vicente ang kapalarang naghihintay sa bagong henerasyon na huhubugin at matapos nito ay palalabasin upang makipagsapalaran sa mga tao. Ang kanilang paglabas sa San Vicente ay hudyat ng panibagong pag-unlad, karagdagang yaman at paglakas ng kapangyarihan ng mga aswang. Matapos ianunsyo ay may magaganap na ritwal ng pagbabasbas. Bubuhusan ng itim na langis ang mga bagong mag-aaral ng Pangkat Hubugan at matapos nito ay sabay-sabay nilang ilalabas ang kanilang mga anyong halimaw at lilikha ng ingay na tunay na nakakapangilabot kapag iyong nakita at napakinggan. Ang pagpapabasbas ay pagpapahiwatig ng pagtanggap ng iyong kapalaran, na gagawin mo ang lahat upang maprotektahan, mangalagaan at mapagyaman ang lahi ng mga aswang. Subalit ng gabing iyon, gawa ng kaguluhan ng isip ni Marco ay hindi siya nakapagbago ng anyo. Isa itong malaking kahihiyan sa pamilya ni Marco sapagkat pagpapakita ito ng kahinaan lalo na’t anak siya ng A-kong na sinasabing sa mga liping naroon ay sila ang may pinakamataas na antas ng dugo ng mga aswang. Maging si Marco ay nagulat sa nangyari, ito ang dahilan kung bakit biglang hinila si Marco ng kanyang mga kapatid at agad binitbit pauwi ng bahay kahit hindi pa man tapos ang seremonyas ng pagbabasbas.
“Anong nangyari sa iyo Marco?”, galit na tanong ng ama nito. Hindi makapagsalita si Marco sapagkat maski siya ay hindi niya rin maipaliwanag ang nangyari sapagkat hindi naman siya dating ganoon. “Marahil dahil magulo ang aking isip.”, maikli niyang sambit. “Ano ba ang bumabagabag sa iyo, hindi mo ba gusto ang pangkat hubugan na iyong napuntahan, maaari kong ayusin yun at ilipat ka saan mo man ibig”, paliwanang ng ama. Subalit ang tunay na dahilan ay ang akingpapel ng pagsusulit. Kung makakarating man ito sa kanyang ama, ibig niya na sa kanya manggaling. “Ama hinggil sa pagsusulit ni Guada, hindi niya po papel iyon kundi papel ni Tiara, binigyan ko po siya ng pagsusulit.”, takot subalit lakas-loob na sinabi ni Marco. Sa laking kagulatan ng ama, ay nabigyan niya ng isang malakas na sampal ang anak. Pasigaw at galit nitong nasambit “Ikaw pa ba talaga ang susuway sa akin, ikaw na aking anak?”. Ngunit hindi ito sapat na dahilan para kay Marco kaya patuloy pa ring ipinilit ang iniisip niyang tama kaya’t agad siyang tumugon na “Ano ba ang dahilan bakit hindi ninyo siya mapagbigyan?”, at doon nalaman ni Marco na wala ng planong ang kanyang ama na bitawan ang kapangyarihan sa San Vicente. Hindi niya na pagbibigyan ng anumang kadahilanan upang muling mabawi ni Lola Elena ang posisyong hawak niya na. Mangyayari lamang ito kapag napatunayan na ako ay isa ngang aswang. Hindi nila ito mapipigilang mababawi sapagkat hindi maitatanggi na si Lola Elena ang may pinakamataas na antas ng dugo sa lahat ng aswang na naroroon at gayundin ang pinakamalakas na kapangyarihan. Sa galit ni A-kong sa ipinaglalaban ng kanyang anak ay agad niyang inutusan ang ilan sa mga asbo na nagiging malaking itim na aso at baboy-ramu na dalhin sa kanya ang dahilan ng pagkakapahiya ng kanilang angkan at magtatanggal sa kanyang kapangyarihan.
LOLA ELENA
Malamig ang gabi at nakakasilaw ang liwanang ng buwan. Mag-isa akong nasa ibabaw ng burol habang pinagmamasdan ang pagbabasbas na nagaganap. Tuwing nagaganap ang okasyong ito, pinanalalayo ako ng aking lola sapagkat kalakasan ng kapangyarihan ng mga aswang. Tila may kapangyarihang ibinubuga ang buwan na nagpapa-init at nagpapalakas sa bawat katawan ng aming lahi. Sa mga sandaling iyon ay nabulabog akong ng biglaang dumating si Raj na humahangos at sinabihan akong tumakbo na ako at magtago. Hindi ko alam kung bakit, ngunit sinabi niya na ginipit nila si Brenda kung kaya’t nasabi kung nasaan ako. Subalit huli na ang pagkadating ni Raj sapagkat kasunod niya lamang ay ang mga asbo. Nawalan na ako ng pagkakataon na makatakbo at makatago. Agad akong dinakip ng mga aswang, walang kakayahan makalaban o makapamiglas man lang.
Sa ilalim ng bahay ni A-kong Itong ay may isang bulwagan na tila isang kweba. Ang liwanag ay mula lamang sa mga sulo. Nakakasulasok ang amoy dahil sa mga katawan ng mga patay na hayop na tila naging imbakan. Naroon rin ang mga kagamitan na ginagamit sa mga pagsasanay at pagsubok. Naroon si A-kong Itong. Makikita sa kanyang mukha ang galit na tila anumang oras ay magpapalit ng anyo at agad akod sasagpangin. Hindi ko malaman ang aking gagawin? Takot na takot ako sa maaaring mangyari sa aking buhay. Maya-maya pa’y tinulak na ako sa talampakan ni A-kong Itong. “Ikaw na walang karapatan manirahan sa San Vicente, ikaw na maaaring magdulot ng kapahamakan at kapanganiban sa aming lipi dapat noon ka pa pinatay. Kayong mga aswang, sa pagkakataong ito pinahihintulutan ko kayong kumain ng tao. Sa aking utos lagpangin at kainin ang batang iyan.”, galit na utos ni A-kong Itong. Kitang-kita ko ang kanilang matatalim na ngipin, amoy na amoy ko ang kanilang hiningang hayok na kainin aking mga lamang-loob, wala pa man ay nararamdaman ko ang mga matutulis na kukong dahilan ng pagkakagulagulanit ng aking katawan. Ito ang kapalaran ko, ito ang aking tadhana. Subalit bago pa man makalapit ang isa sa kanila ay bigla kong nakita ang isang napakalaking Sigbin na nakipaglaban sa mga asbo. Isa laban sa higit dalawapung aswang. Kitang-kita ko ang mga talim na sumugat sa kanyang mga balat. Nagtatalsikan ang mga malalansang dugo. Ilang mga kiwig ang kumagat at kumalmot sa kanya subalit hindi siya natitinag, hindi siya napapagod at wari hindi siya nasasaktan. Ilang sandali lamang ay naihagis siya sa isang sulok, andun ay biglang nagbago ang kanyang anyo at biglang naging tao. Laking gulat ko nung siya ay aking makilala, si Lola Elena. Ito ang unang pagkakataong nakita ko siya na naging aswang. Tumingin siya sa akin na tila nagsasabing ‘wag akong matakot. Muling nagbago ang kanyang anyo. Biglang humaba ng humaba ang kanyang mga buhok, naging isang Kubot ang aking lola. Isa-isa niyang hinampas ng kanyang mga buhok ang aswang. Pinulupot niya rito ang mga Asbo at Awok hangggang sa mawalan ng hininga at mamatay. Marami sila subalit wala silang magawa laban sa aking lola. Ngunit isang malaking paghampas ang dumantal sa aking lola, dahilan kung bakit nakawala ang kanyang mga pinuluputan. Isa, dalawa, talo hindi mabilang na sunod-sunod na hampas ng buntot pagi ang sinalo ng aking lola. Hanggang siya ay manghina at dahan-dahan na bumabalik sa kanyang tunay na anyo. Awang-awa ako sa tuwing sumusugat ang buntot pagi na pinapalo ni A-kong Itong katuwang ang kanyang dalawang anak na lalaki. Sa bawat hampas sa kanyang mga balat ay sumasama pa ang balat at laman nito. Galit nag galit ako…. Nagsisigaw…. Nagagalit din sa aking sarili dahil wala akong magawa. Bakit sa kabila nito ay hindi ako maging aswang upang matulungan ko ang aking lola. Wala akong magawa, hindi ako makalaban. Subalit sa hindi inaasahan ay biglang humarang at sinalag ni Marco ang lahat ng palo na para sa aking lola. Nakita kong sa bawat palo ay tila nagliliyab ang kanyang mga balat at wari naaagnas. Hanggang biglang may bumitbit sa akin at isinakay sa likod na isang kiwig at asbo sa aking lola. Mabilis kaming itinakbo ng mga ito. Hanggang maya-maya’y narating na namin ang arko ng San Vicente. Nagbago ang anyo ng mga aswang at sila ay ang magkapatid na sina Jamaica at Raj. Sinabihan nila ang aking lola na gamitin ang lahat ng natitirang lakas upang makalayo ng tuluyan sa San Vicente at gamitin ang kapangyarihan nang hindi maamoy at masundan ng mga aswang. Ganoon nga ang ginawa ng aking lola. Muli siyang naging isang asbo, malaking asong itim ang aking lola at tumakbo na tila kami ay lumilipad. Sa aking paglingon dahan-dahan kong nakikita na lumiliit na ang arko hanggang sa hindi ko na matanaw ang nakatitik na San Vicente.
PAGLISAN SA SAN VICENTE
Sa gitna ng gubat kami napadpad ng aming lola. Ang liwanag ay nagmumula lamang sa buwan. Ilang sandali na lamang ay babati na ang haring araw. Wala akong maaninag ni iisang bahay na maaari naming silungan. “Apo, bigyan mo lamang ako ng tatlong araw at pagagalingin ko ang aking mga sugat na parang walang nangyari”, nanghihinang bulong ng aking lola. Muling nagsalita ang aking lola para sa ikapapanatag ng aking loob “Huwag kang ring mag-alala, makikita mo muli ang mga kaibigan mo at makakabawi sa kanila. Kapag lumabas na iyong pagiging aswang ay muli nating mababawi ang pagiging A-kong. Walang sinuman nararapat na maging A-kong kundi tayo, sapagkat sa ating lipi tayo na lamang ang may dugong maharlika ng mga aswang. Ngunit sa ngayon ay mananatili muna tayo sa syudad”
Nang marinig ko ito ay tila kasabay ng pagsikat ng araw ang bagong pag-asang naghihintay sa amin. Nakadama ako ng pananabik dahil sa wakas ay makakapiling ko na ang mga tulad kong tao. Kumabog ang aking puso at kinabahan dahil may magbubukas na pagkakataong maaari kong makita ang aking ama. Subalit sa kabila nito ay naroon pa rin ang takot at pangamba lalo na sa aking mga kaibigan na naiwan sa San Vicente. Ano kaya ang maaaring mangyari sa kanila dahil sa ginawa nilang pagtatanggol sa amin. Gaano ko kaya nagulo ang kanilang kapalaran at tadhana. At si Marco, si Marco na nagbuwis ng buhay para sa akin, ano kanya ang naghihintay sa kanya sapagkat pamilya niya ang kanyang kinalaban. Makikita ko pa kaya sila? Magkakasama pa kaya kami ni Marco?