Ikaapat na Kabanata: Deianira

2991 Words
SINUSUNDAN ni Eloira ang bawat galaw ni Bellona. Hindi niya akalain na ito ay mahusay sa paghawak ng punyal, ganoon din sa paggamit ng sibat upang mangaso. Ang kakaibang liksi ng dalaga ay labis na nakamamangha. Sa sobrang bilis ay halos hindi na niya makita ang bawat galaw nito. Nakatitiyak siyang magiging maayos ang lagay ni Bellona kahit hindi siya manatili sa tabi nito. Batid ni Eloira na nakarating na ang balita sa kanyang ina, na siya ay narito sa Shieron. Dahil nabigo siyang ilayo si Bellona, tiyak niyang papaslangin siya ng kinikilalang ina. Subali’t hindi niya alam kung kailan, ang mahalaga para sa kanya ay mailayo si Bellona upang hindi ito madamay sa kung ano man ang kahihinatnan niya. “Tila malalim yata ang iyong iniisip at hindi mo napansin na ako’y nasa iyong harapan,” ani ni Bella na nakangisi habang nakatutok ang dulo ng punyal sa leeg ko. “Maaari bang lumayo ka sa akin at simulan mo ang pangangaso. Doon ka sa bahaging timog, maging maingat ka at agad na hihingi sa akin ng tulong sa oras na malagay ka sa kapahamakan.” Inikot niya ang kanyang mga mata ngunit sinunod din ang aking sinabi. Mabilis siyang tumakbo papasok sa kagubatan at ilang sandali lang ang lumipas ay tuluyan na siyang naglaho. Kahit ang kanyang presensya ay hindi ko maramdaman. Naging malamig ang buong paligid at unti-unting nagdidilim ang kalangitan. “Hindi si Bellona ang may gawa nito,” bulong ko sa aking sarili. Tuluyang naging madilim ang buong lugar at isa itong senyales na susugod ang mga Venous. “Hindi maaari! Si Bella!” Gamit ang aking kakayahang maglaho sa dilim ay nagmamadali kong hinanap kung saan naroon si Bellona. Nasa panganib ang kanyang buhay, dapat ko siyang iligtas. Ngunit hindi pa man ako nakakalayo ay biglang nagliwanag ang kalangitan at tumatama sa aking balat ang sinag ng araw. Nagmamadaling sumilong ako sa ilalim ng puno upang hindi masunog ang aking balat. Subali’t ganoon na lamang ang aking gulat ng makita ang aking ina na papalapit sa akin. Marahan ang bawat paghakbang niya at ang bawat tunog ng hawak niyang baston—na gawa sa ahas— na siyang tumatama sa lupa ay gumagawa ng nakakatakot na ingay. Nakakapangilabot, lalo na ang emosyon sa kanyang mukha. “Tama nga ang balitang dumating sa akin, narito na ang aking anak sa Shieron. Ako’y hindi natutuwa sapagkat hindi mo ako nagawang bisitahin,” may kalakasang sabi niya. Tumigil siya sa 'king tapat at binigyan ako ng isang mahigpit na yakap. “Saan ang babaeng pinababantayan ko sayo?” bulong niya habang lalo pang hinihigpitan ang pagkakayakap sa akin hanggang sa sumikip ang aking dibdib dahil hindi ako makahinga. “P-patay na siya!” may kalakasan kong sagot saka siya tinulak. Nakatitig lang siya sa akin at pinag-aaralan kung totoo ang sinabi kong patay na si Bellona. Hindi ko maaaring sabihin sa kanya na ang babaeng pinababantayan niya sa akin ay tinuring ko na sarili kong anak. Dahil tiyak akong papatayin niya si Bellona. “Nagsisinungaling ka, Eloira. Hindi kita kinupkop at pinalaki ng maayos upang pagtaksilan ako. Ako lang ang natitira mong pamilya. Ngunit alam kong may dahilan kaya ayaw mong sabihin kung saan ngayon ang dalaga, subali’t sa oras na siya ay aking makita… ako mismo ang papatay sa kanya.” Kahit hindi ko aminin, nakaramdam ako ng takot sa kanyang banta. Lalo na nang ngumiti siya at masuyong hinaplos ang aking pisngi. Poot ang nakikita ko sa mga mata niya, taliwas sa ngiti na kanyang iginawad sa akin. “Ingatan mo ang iyong sarili, Eloira,” aniya sa mababa ngunit nagbabantang tinig. Hinalikan niya ng halik ang aking noo at basta na lamang naglaho sa aking harapan. Naiwan akong mag-isa sa gitna ng gubat. Tuluyan akong napaluhod sa lupa at nag-uunahan sa pagpatak ang masaganang luha mula sa mga mata ko. Batid ko kung ano ang kanyang nais ipahiwatig, kamatayan. Paano niya nalaman na narito ako sa Shieron? Sino ang nagsabi sa kanya? Ngayon ay nanganganib muli ang aming buhay, lalo na si Bella. Dapat ko siyang ilayo muli sa lugar na ito. Wala akong pakialam kung magalit siya sa akin, ang mahalaga ay ang kaligtasan niya. “Anong ginagawa mo rito, Eloira? At bakit ka nanginginig?” Gulat akong napatingin kay Bellona na biglang sumulpot mula sa kung saan. May dala siyang patay na oso at tumutulo pa ang dugo mula sa kanyang sibat. “Sinundan kita,” tanging sagot ko. Kunot-noong iniwas niya ang tingin sa akin ngunit napansin ko ang pagkibot ng kanyang labi. “Bumalik na tayo sa kubo at ating pagsaluhan ang dala kong hapunan. Tumayo ka jan, Eloira.” Kahit nanginginig pa rin ay sinubukan kong tumayo ng tuwid subali’t biglang umikot ang aking paningin. “Ano ba ang nangyari at nanghihina ka?” tanong ni Bella saka tumalikod sa akin, tinapik niya ang kanyang braso. “Sumampa ka sa aking likuran at bubuhatin kita pauwi sa kubo.” Tututol sana ako ngunit sapilitan niya akong hinila at basta na lang binuhat. Ilang sandali ay narating namin ang kubo, maingat niya akong dinala sa aking silid at hiniga sa papag na gawa sa pira-pirasong puno. May balat ng hayop na siyang nagsisilbing higaan upang kahit papaano'y maging matiwasay ang aming pagpapahinga. Ang buong silid ay napapalibutan ng mga palamuting gawa sa mga inukit na kahoy, mga bato at ang ilan ay mga bungo ng iba’t ibang uri ng hayop na aming nahuli ng aking ina at ama, ang tunay kong pamilya. Hindi ko pa nasasalaysay kay Bellona ang tunay kong katauhan. Kung saan ako nagmula at paano ako napunta sa pangangalaga ni Alex. Hindi pa ito ang tamang panahon, marahil ay sasabihin ko sa kanya ang lahat sa oras na bumalik ang kanyang alaala. “Lumilipad nanaman ang iyong isipan. Kung ganoon ay maiiwan na muna kita at hindi na gagambalain pa. Tawagin mo lang ako kung may nais ka. Tatapusin ko muna ang aking pag-ensayo.” “Huwag kang dadayo sa kanluran,” bilin ko. “Nakatatak sa aking isipan ang iyong mga bilin kaya huwag mo akong alalahanin, magpahinga ka muna rito sa kubo. Babalik ako bago ang paglubog ng araw.” HINDI ko hinintay ang sagot ni Eloira, basta na lang ako naglaho at nagtungo sa b****a ng gubat sa dakong kanluran. Mahigpit niyang pinagbilin na huwag akong pupunta sa lugar na ito subali’t hindi ko maitago ang kagustuhan kong pumasok rito upang magkaroon ng kasagutan ang mga nasa aking isipan. Kung totoo nga ba naninirahan ang mga Venous. Kung ano ang dahilan bakit tinangka nila akong patayin. Kahit narito ako sa b****a ay naririnig ko ang mga alulong at ungol na nagmumula sa Venous. Madilim din ang buong lugar dahil sa mga nagtataasang puno, idagdag pa ang makapal na ulap. “Kung ano man ang binabalak mo ay huwag mo ituloy sapagkat malalagay lamang sa panganib ang iyong buhay.” Hinugot ko ang punyal mula sa aking pinagtataguan at tinutok sa nilalang na nagsalita sa aking likuran. Isang nilalang na nakasuot ng dilaw na balabal. “Sino ka?” malamig kong tanong. Humakbang ako paatras ng tatlong beses upang lumayo sa kanya. Hindi ko kilala ang nasa aking harapan subali’t ramdam ko ang panganib na maaari niyang idulot sa akin. “Hindi na mahalaga kung sino ako. Umalis ka na sa lugar na ito bago pa sila makatunog na mayroong estranghero rito.” “At sino ka para utusan ako?” Hindi siya sumagot bagkus ay sinugod niya ako at sa isang iglap ay nakita ko ang sarili kong nakadapa sa lupa habang siya ay nakaupo sa aking likuran at mahigpit na hawak ang aking mga kamay. Ang aking punyal ay tumilapon sa malayo pati na rin ang ilang sandata na tinatago ko sa loob ng aking damit. “Lisanin mo ang lugar na ito kung ayaw mo na ako mismo ang pumaslang sa iyo, binibini.” Mariin kong pinikit ang aking mata dahil sa pagbalik ng aking alaala ngunit kaagad din naputol dahil patulak niya akong binitawan. Ang pumaslang sa akin ay isang lalaki na may malaking balat sa braso. Tinapunan ko siya ng masamang tingin at tinangka na sugurin subali’t biglang dumating ang isang batang babae at niyakap siya. Nanigas ako sa aking kinatatayuan at pinagmasdan silang dalawa na nag-uusap. “Ama! Kanina pa kita hinahanap. Halika at ipapakita ko sa iyo ang nahuli kong usa.” Bakas sa tinig ng bata ang tuwa. Kumikinang ang mata niya at malapad ang ngiting nakapaskil sa kanyang labi. Ang alun-alon niyang buhok ay umabot hanggang sa kanyang bewang. “Sino siya?” tanong niya sa ama nang ako’y kanyang mapansin. “Isang binibini na sinubukan kong pigilan sa tangka niyang pagpasok sa lugar na iyan,” aniya at tinuro ang b****a ng gubat. Napalitan ng takot ang emosyon sa mata ng bata at nag-aalala niya akong nilapitan. “Kung sino ka man po, kung maaari ay 'wag niyo na ituloy ang balak niyong pumasok sa lugar ng mga Venous, dahil tiyak na hindi ka na makakaligtas… tulad ng aking ina,” aniya. Ramdam ko ang lumbay na kanyang nararamdaman. Wala sa sariling lumuhod ako sa lupa upang magpantay ang aming paningin. Masuyo kong hinaplos ang kanyang pisngi habang nakangiti, “hindi ko itutuloy ang aking plano, kaya sana ay huwag ka na maging malungkot.” “Salamat kung gano’n, kami ng aking ama ay lilisan na dahil malayo pa ang aming uuwian.” Magalang siyang yumuko habang hawak ang suot niyang pulang bestida. “Paalam, binibini,” sabi ng lalaki at sabay silang naglaho. Nang sila'y maglaho, pinulot ko ang aking punyal at nagpasyang umuwi. May iba pang pagkakataon upang pasukin ko ang kagubatan sa kanluran. Ilang linggo ang nakalipas, tahimik na naglalakad si Bellona patungo sa dakong kanluran. Walang alam si Eloira sa kanyang ginagawa dahil nananatili ito sa loob ng kubo at hindi lumalabas. Laging malalim ang iniisip nito na siyang pinagtataka ni Bellona. Hindi niya rin ito makausap ng matino, malakas ang loob niyang may tinatago nanaman ito sa kanya. Ilang beses niyang tinangkang pasukin ang gubat ngunit hindi nagiging matagumpay sapagkat laging may humahadlang. Pinabayaan na niya ang pag-eensayo at tinuon ang buong pansin sa pagbuo ng hakbang upang makamit ang kanyang hangarin. Sinasabay na rin ni Bellona ang pangangaso nang sa gayon ay hindi magduda si Eloira sa kanya. Sa kabilang banda naman ay naghahanda si Deianira sa gagawin niyang pagtakas. Nais niyang magtungo sa gitna ng kagubatan upang maghanap ng bagay na kakaiba sa kanyang paningin. Suot ang asul na balabal, nilakbay niyang mag-isa ang daan at kung saan-saan na siya napadpad hanggang sa makita niya ang isang malinis na batis. Ganoon na lamang ang kanyang tuwa sa batis na kanyang natuklasan. Walang pag-aatubiling inalis niya ang lahat ng suot bago lumusong sa malamig na tubig. Tuwang-tuwa siyang nagtampisaw sa tubig. Dahil sa pagiging magiliw niya ay kinatuwaan siya ng mga diwatang nagbabantay ng batis. Nakipaglaro sila kay Deianira at hindi nila napansing may isang nilalang na nakamasid sa kanila. Nanatili si Bellona sa taas ng matayog na puno at pinagmamasdan ang dalagang humahalakhak habang nagtatampisaw sa batis. Kahit hindi niya ito kilala ay natutuwa siya na makita itong masaya. Nang una ay nagtaka siya kung bakit ito naghuhubad at mukhang walang pakialam sa paligid. Hindi niya ito magawang iwan dahil baka mayroong masamang espíritu ang pagtangkaan ang dalaga. Kaya nanatili siyang nakakubli upang bantayan ito mula sa 'di kalayuan. Hindi nga siya nagkamali. Walang kamalay-malay ang dalaga at ang mga kasama nitong diwata na mayroong Venous na nagmamasid sa kanila. Hindi ito agad mapapansin dahil nagtatago ito sa likod ng malaking puno. Naglalaway ito at nanlilisik ang mga mata. Unang tingin pa lang, alam na ni Bellona na hindi maganda ang hangarin ng Venous sa dalaga. Bago pa sumugod ang Venous ay tumalon siya mula sa puno at mabilis na tumakbo palapit sa dalaga. Hindi niya alintana ang taas ng kanyang tinalon. Inalis niya ang suot na balabal at tinapon sa dalaga bago niya harapin ang Venous na ngayon ay tumatakbo rin palapit sa dalaga. Nilabas niya ang punyal na gawa sa kahoy at walang pagdadalawang isip na sinaksak ang puso ng Venous. Umikot siya at sinipa ang isa pa at sinaksak rin ito sa dibdib. Sabay na natumba ang dalawa ngunit humihinga pa. Upang tiyakin na magiging ligtas ang dalaga ay siniguro niyang patay na ang dalawang Venous, kaya naman pinugutan niya ang mga ito ng ulo bago gumawa ng apoy upang masunog niya ang katawan ng mga ito. Samantalang si Deianira ay hindi pa rin nakakagalaw dahil sa nasaksihan. Nalagay nanaman sa panganib ang buhay niya dahil sa pagiging pabaya. Napako siya sa kanyang kinatatayuan maging ang mga diwata at naglaho dahil sa takot. Nakatitig kang siya sa babaeng nagligtas sa kanya. Kakaiba ang taglay nitong liksi dahil nagawa nitong sunugin ang mga nagtangkang sumugod sa kanya sa loob lamang ng ilang sandali. Kung wala ito ay malamang napahamak siyang muli, at papagalitan nanaman siya ng kanyang mga kaibigan. Kahit may pag-aalinlangan ay lumapit siya sa babae upang pasalamatan ito. “Ahh… salamat,” bulong ni Deianira. Lumingon si Bellona sa dalaga at nagbigay galang, nakita niya ang kulay ng suot nitong balabal kaya sigurado siya na isang dugong bughaw ang kaharap. “Walang anuman, sa susunod ay huwag kang pupunta rito ng mag-isa. Masyadong mapanganib.” “Maraming salamat. Bilang gantimpala tanggapin mo ang aking ibibigay.” Mabilis niyang kinuha ang kanyang balabal at kinuha sa loob ng bulsa ang isang gintong papel at inabot sa babaeng kaharap niya. “Iyan ay isang papel na nagsasabing maaari kang magtungo sa Atiera upang mag-aral,” pagbibigay alam niya kay Bellona. Ang buong akala niya ay matutuwa ang huli dahil sa kanyang sinabi ngunit nagulat si Deianira ng ibalik ni Bellona ang papel sa kanya at muling yumuko. “Paumanhin ngunit wala akong balak na lisanin ang bayan ng Shieron. Kung inyong mamarapatin, kayo ay aking ihahatid na sa inyong mga kasama sa bayan at batid kong hinahanap ka nila.” Saka lang umayos ng tayo si Bellona matapos niyang magsalita. “Maaari ko ba malaman ang iyong pangalan?” tanong ni Deianira. “Bellona,” maikling sagot niya at nagsimulang maglakad. “Ako pala si Deianira, isa akong prinsesa.” Tumango lang si Bellona dahil inaasahan na niyang nagmula ito sa mataas na antas. Giniya niya si Deianira hanggang sa bayan ngunit hindi ang masayang bayan ang kanyang nakita. Isang malagim na pangyayari ang naganap, nagkalat ang mga bangkay, ang mga tindahan at mumunting kubo at nawasak, ang ilan ay umuusok pa at tinutupok ng nagbabagang apoy. “Oh hindi!” bulalas ni Deianira nang makita ang mga bangkay. Pati ang kanyang kawal ay natagpuan niyang walang buhay. Walang sinuman ang natirang buhay. “Tiyak akong Venous ang may kagagawan nito. Nilusob nila ang bayan!” galit na sigaw ni Deianira. Bakas ang poot sa mata ni Deianira habang tinatakpan ng puting tela ang namatay na kawal. “Hindi maaari, si Eloira!” Kahit malayo siya ay narinig niya ang sinabi ni Bellona. Binaling niya ang tingin sa dalaga at nang tumakbo ito palayo at sumunod siya. “Bellona! Saan ka tutungo!?” pasigaw niyang tanong ngunit hindi siya narinig ng dalaga. Patuloy lang ito sa pagtakbo palayo hanggang sa maglaho ito. “Hindi siya maaaring mawala sa aking paningin. Dapat ko siyang hanapin!” Sinubukan niyang hanapin kung saan nagtungo si Bellona ngunit iba ang kanyang nakita. Ang ibang mga Labhai na nagtatago sa madilim na bahagi ng gubat. Kahit paano ay naging maayos ang kanyang pakiramdam dahil may ilang nakaligtas. “Ano ang nangyari sa bayan?” “Sumugod ang mga Venous at isa-isa nilang pinaslang ang aming mga kasamahan at pamilya. Nakaligtas kami dahil sa tulong ng isang babae,” kwento ng isang batang lalaki. Siya lang ang humarap kay Deianira dahil ang iba ay natatakot pa. “Manatili kayo rito at may hahanapin ako, nauunawaan mo ba?” Sapat na ang pagtango ng bata upang ipagpatuloy ni Deianira ang paghahanap kay Bellona. HINDI ko maitago ang takot na naramdaman ko matapos makita ang mga nakahandusay na katawan ng mga Labhai sa bayan. Masama ang aking kutob ngunit sana ay ligtas si Eloira. Sapagkat hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung pati siya ay nadamay sa nangyaring paglusob. Naglaho ako patungo sa kubo ngunit wala roon si Eloira. Siguro ay nakatakas siya mula sa mga Venous. Sana nga ay nakaligtas siya. Inikot ko ang buong kubo at ang kagubatan ngunit natagpuan ko ang katawan niyang nakasabit sa sanga ng puno. Ang buong katawan niya ay may mga sugat at ang punyal na binili namin ay nakasaksak sa kanyang dibdib. Sandali akong natulala at hindi alam kung ano ang gagawin. Nanginginig ang katawan ko dahil sa poot at pighating nararamdaman ko. Kinuyom ko ang aking palad at wala sa sariling napasigaw. “Hindi! Hindi maaari!” paulit-ulit kong sigaw at naramdaman ko na lang ang pagtulo ng luha sa aking pisngi. Kahit nanlalabo ang paningin at nanghihina ay inalis ko ang tali sa katawan ni Eloira at maingat na niyakap. Sobrang bigat sa dibdib, kung sana ay hindi ako umalis, tiyak akong nailigtas ko si Eloira. Siya lang ang tanging meron ako. Siya lang nag natitira sa akin. Tuluyan na akong napahagulgol, kagat ko ang aking labi at ang aking mga palad ay nakakuyom dahil sa galit. Hindi ko matanggap ang biglaan niyang pagkawala. “Mananagot sila sa akin! Mananagot sila sa ginawa nila sayo! Patawad… patawarin mo ako. Hindi ko sinasadyang iwan ka.” Ilang sandali pa ang lumipas ngunit hindi pa rin ako tumitigil sa pagluha. Habang tumatagal ay napupuno ng poot ang aking dibdib hanggang sa hindi ko namalayang nagamit ko ang aking kakayahan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD