"Cha naman, hindi ka pa ba napapagod? Alam mo kung ako sa 'yo, nakipaghiwalay na 'ko. Hindi ko kaya magtiis sa ganyan," naiiling na sabi ni Samantha matapos marinig ang kwento ko sa nangyari sa amin ng asawa ko kanina. Ibinaling ko sa kanya ang tingin, kasalukuyan siyang kumakain.
"Mahal ko siya, Sam. Nangako ako. Nag bitaw ako ng salita. Saksi ang Diyos noong sinabi ko 'yon. Hindi ko iiwan si Van," sabi ko at ngumiti.
"At nagawa mo pang ngumiti pagkatapos ng nangyari? Aba'y ang lakas mo naman, Chastine!"
"Walang hindi kakayanin para sa kanya, Sam."
Inikutan niya lang ako ng mata. Sinuklian ko lamang ito ng ngiti. Iyon lang naman ang magagawa ko. Ang ngumiti. Ngumiti sa lahat ng sakit. Baka sakaling dumating din ‘yong araw na mapapalitan 'yon ng saya. Malay natin.
Naalala ko na naman tuloy kung ano ang nangyari kanina. Nagalit ko na naman ang asawa ko.
"Sabi ko naman sa'yo, 'di ba? 'Wag mo pakialaman ang mga gamit ko! Ano ba ang hindi mo maintindihan do’n? Paano ko maibabalik 'yon ngayon? Kailangan ko na ibigay kay Papa 'yon bukas!" sigaw niya sa akin. Napapapikit na lang ako sa bawat salitang binibitawan niya sa akin.
"Akala ko kasi basura na. Sabi ko sa 'yo doon sa box mo ilagay 'yong mga hindi na kailangan na papel, 'di ba? Eh doon ko nakita kaya akala ko itatapon na. Hindi ko naman sinasadya, Van," paliwanag ko sa kanya.
"At kasalanan ko pa?! Sana man lang tinignan mo muna bago itinapon. At saka pumayag ba ako do’n sa sinabi mong basurahan na 'yong box na 'yon? Ano bang tingin mo sa akin? Hindi marunong magtapon sa tamang lagayan? Ano, ha?!"
"Gagawan ko na lang ng paraan. Ipapaliwanag ko kay Papa 'yong nangyari. 'Wag ka mag alala. Ako na ang kakausap. Gusto mo bang pumunta ako mamaya sa opisina?" tanong ko sa kanya.
Binato niya ako nung box at hinagis ang ibang papel sa akin. Pinulot ko naman ito isa isa.
"Huwag na. Dito ka na lang. Hindi ka lalabas ng bahay. Ayusin mo 'yan. Ako na bahala mag paliwanag kay Papa. Baka lalo lang ako ma-bwiset sa 'yo," sabi niya at lumabas na. Malakas niyang isinara ang pinto ng kwarto.
Ipinagpatuloy ko ang pag aayos ng mga papel na inihagis niya kanina. Kinuha ko 'yong box na ibinato niya at saka ko lang napansin na may punit na litrato roon. Kinuha ko 'yon at tinignan. Hindi ko mapigilan maluha nang makitang litrato namin iyon noong high school. Talaga bang kinalimutan mo na ang lahat, Van?
"Aba ang loka natulala na. Huy, Cha! Nakikinig ka ba?" napatingin ako kay Samantha nang tapikin niya ako.
"Ha? May sinasabi ka ba?" tanong ko sa kanya.
"Tinatanong kita kung sasama ka ba manood ng sine."
Malungkot ko siyang tinignan, "Alam mo naman na hindi pwede. Galit pa si Van sa akin. Sa susunod na lang siguro," sagot ko.
"Ha Ha Ha. Sa susunod? Aba, 'yang susunod mo eh after 10 years pa," may bahid ng pagka asar sa boses niya.
"Pasensya ka na, Sam. Alam kong namimiss mo na 'yong mga ginagawa natin dati. Sorry kasi bihira na lang tayo makalabas. Bihira na natin magawa 'yong mga nakasanayan natin noon. Alam mo naman kung bakit, 'di ba?" hinawakan ko ang kamay niya.
"Oo. Simula noong nakasal ka diyan kay Van, nagbago na ang lahat."
Malungkot akong napangiti. Sa totoo lang, masaya ako dahil kinasal ako sa kanya. Hindi ko lang akalain na magiging ganito kahirap.
SA MGA SUMUNOD NA ARAW, tila wala pa rin nagbago sa pakikitungo ni Van sa akin. Malamig pa rin ang kanyang mga tingin. Mainit ang ulo sa tuwing susubukan kong kausapin.
"Hindi ako makakauwi mamaya," aniya.
Tumigil ako sa pagtutupi ng mga damit, "Bakit? Anong meron?" tanong ko. Tinapunan niya ako ng tingin.
"Sino nagsabi sa 'yo na pwede ka mag tanong?"
"Sorry. Hindi lang ako mapanatag kapag hindi ka umuuwi rito sa bahay," sagot ko sa kanya.
"Wala naman akong pake. Umalis ka nga diyan, hindi ako makakuha ng damit," sabi niya at tinulak ako sa tabi. Muntik na ako matumba kaya buti na lang at nakahawak pa ako.
"May gusto ka ba kainin?" pag iiba ko na lang ng usapan.
"Wala. Hindi na ako kakain dito. Sa office na lang," tipid niyang sagot.
Lumabas na ako ng kwarto dahil alam kong ayaw naman niya ako manatili roon. Dumiretso ako sa kusina at doon umupo. Hindi ko maiwasan maisip kung paano ba ako napasok sa sitwasyon na ito. Kung paano nagbago ang buhay ko.
"Umayos ka nga, ang bigat bigat mo," sabi ko kay Van. Lasing na kasi siya at hindi na makalakad nang maayos. Nahihirapan ako sa pag akyat ng hagdan dahil mabigat siya at baka bumagsak kami.
Nang makarating sa harap ng kanyang kwarto'y binuksan ko ang pinto at dahan dahan siyang inihiga sa kama.
"Kukuha lang ako ng pamalit mo," sabi ko sa kanya kahit alam kong hindi na niya ako gaano naiintindihan dahil sa kalasingan.
Bumaba ako para kumuha ng palanggana na may maligamgam na tubig. Kumuha na rin ako ng t-shirt sa cabinet niya. Umupo ako sa gilid ng kama at sinimulan hubarin ang kanyang damit.
"Ang dami mo kasing ininom. Hindi mo naman pala kaya," naiiling kong sabi.
Nag away kasi sila ni Yna, 'yong girlfriend niya. Ayun, nag aya uminom. Dahil ako naman ang bestfriend, sinamahan ko na. Iyon lang naman ang magagawa ko, ang samahan siya.
Pinupunasan ko siya nang bigla niyang hinawakan ang kamay ko, "Van, 'wag kang magulo. Pinupunasan na nga kita eh."
"Mahal na mahal kita, Yna..."
Napatigil ako sa pag punas at napatitig sa kanya. Hindi ko maiwasan hindi maisip na ang swerte talaga ni Yna . Napailing ako nang mapagtantong naiisip ko na namang kung ako na lang sana.
Ewan ko ba, sa dinami rami ng pwede kong mahalin, ‘yong taong may nagmamay ari pa. At higit sa lahat, bestfriend ko pa. Iilan na lang ba talaga 'yong magkaibigan na babae at lalaki na walang nararamdaman para sa isa't isa?
Minsan iniisip ko kung dapat bang hayaan ko na lang na laging ganito. Na lagi na lang siya nasasaktan ni Yna. Kaya ko naman siya iiwas sa sakit pero anong magagawa ko kung mismong ‘yong taong nakakasakit sa kanya ang siya ring dahilan ng kaligayahan niya? Ang tanging magagawa ko lang ay manatili at suportahan siya.
Hinaplos ko ang kanyang buhok at hinalikan siya sa noo, "Hinding hindi kita iiwan. Kahit na anong mangyari, hindi ako mawawala sa tabi mo," bulong ko.
Dumilat siya at inilapit ang mukha sa akin. Natigilan ako sa pagkabigla. Ni hindi ko magawang kumilos. Napapikit ako nang maramdaman ang labi niyang dumampi sa labi ko.
Muntik na may mangyari sa amin noon. Pero bago pa man mangyari 'yon, na-itulak ko na siya. Alam ko naman kasi na mali 'yon. Mahal ko siya ngunit nasa tamang pag iisip pa ako. Kaya naman itinuloy ko na lang ang pagpalit sa kanya ng damit. Tumabi ako sa kanya at natulog na. Pag gising ko kinabukasan, nandoon na si Yna at kinakausap siya ni Van.
"Paano mo ipaliliwanag sa akin 'yong nakita ko? Nag away lang tayo, may kasama ka ng iba? At sa bestfriend mo pa, ha? Ano, matagal na ba kayo? Matagal na bang may namamagitan sa inyo?" rinig kong sigaw ni Yna. Sumilip lang ako at nakita ko silang nagtatalo.
"Walang nangyari sa amin! Mahal kita, Yna. Kaya paano ko magagawa 'yon? At saka bestfriend ko lang si Chastine. Ang dumi lang ng isip mo!" sabi sa kanya ni Van.
"Marumi? Eh bakit niya suot ang t-shirt mo? At ikaw naman, bakit ka nakahubad, ha? Sige nga, ano tinamad na kayo mag ayos kaya nakahubad ka na lang at sinuot na lang niya ang t-shirt mo?!"
"Wala nga nangyari eh! May pruweba ka ba? Wala, 'di ba? At kung may nangyari man sa amin, e ‘di sana may dugo 'yong kama."
"Malay ko ba kung virgin pa 'yang bestfriend mo? Eh malandi 'yon! Marami ng lalaki ang nakasama niya sa kama!"
Lumabas na ako dahil hindi ko na kinaya ang mga narinig ko. Napatingin sila sa akin at sinugod ako ni Yna. Sinampal niya ako at sinabunutan.
"Napakalandi mo! Mang aagaw ka! Aminin mo nang naiinggit ka kasi ako ang mahal ni Van at ikaw bestfriend ka lang!" sigaw niya sa akin.
Inilalayo siya ni Van sa akin ngunit ayaw niya akong bitawan. Napalakas ang tulak ko sa kanya kaya tumama ang ulo niya sa sahig. Nanlaki ang mata ko nang makitang may dugo roon. Hindi ko intensyon ang masaktan siya, gusto ko lang ipagtanggol ang sarili ko.
"O My God! How dare you!" sigaw sa akin ni Yna habang hawak 'yong ulo niya. Tinignan ako ni Van ng masama at saka binuhat si Yna.
Nagalit sa akin si Van dahil nakipaghiwalay si Yna sa kanya. Kasalanan ko raw 'yon. Sinabi ko naman sa kanya na wala talagang nangyari sa amin. Hindi ko alam 'yong pinagsasabi nila. Oo, sinuot ko 'yong t-shirt ni Van dahil nasukahan niya 'yong damit ko. Wala naman akong dalang pamalit noong gabing iyon kaya wala akong ibang maisusuot kundi damit niya.
Nalaman ng magulang ko 'yong nangyari kaya naman pinilit nila si Van na ipakasal sa akin. Kailangan daw akong panagutan.
At doon na nagsimula ang lahat.