Imaculate's POV:
"Nasaan ba tayo?” Tanong ko sa dalawang kasama ko.
"Hindi ko rin alam. Napakadami natin dito- tingnan niyo 'yon!" Sigaw ni Marcus.
Biglang sumigaw si Marcus kaya napatingin kami ni Fau sa itinuro niya. Napatingala naman kami sa langit.
"A-ano 'yan?" Utal na tanong ni Fau.
May pitong iba't ibang kulay ang bumaba sa langit. Unti-unting naghuhulmang tao ang liwanag hanggang sa makita na namin ang totoo nilang anyo.
Na nanaginip ba ako? Totoo ba talaga ang mga nangyayari? Baka naman nanuno na ako o napaglaruan ng engkanto kaya ganito?
"J-Jusko, mga demonyo." Hindi makapaniwalang sabi ko.
Totoo bang nangyayari talaga ito? Napakusot pa ako ng mata pero walang nagbago. Totoo nga!
"Greetings from us participants!" Sigaw ng isang babae sa kanila.
"We are the Seven Deadly Sins. Ikinagagalak kong makita ang mukha ng mga official participants." A-Ang boses na 'yon.
"I-Ima, si Ms. Spirit." Sabi ni Fau.
Hindi kami makapaniwala ni Fau sa nakikita namin. Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa mga iniisip ko.
Siya ba ang nagpadala ng sulat sa amin ni Fau? Kaya niya ba itinuro noon ang tungkol sa mga borrowers dahil alam niyang kasali kami? Paano nangyari iyon?
"K-Kung ganoon, patay na ba tayo?" Tanong ko.
"Marahil karamihan sa inyo ay nagtataka kung bakit kayo nandito. Kayo ay mga borrowers, mga nilalang na pinahiram o nanghiram ng kaluluwa sa mga demonyo. Dahil pagmamay-ari namin kayo, pwede naming gawin ang kahit ano." Nakangising sabi ni Ms. Spirit.
"Iyan ang tinuro sa atin ni Ms. Spirit kahapon, ‘di ba? Fau paano nangyari 'yon?" Tanong ko.
"Hindi ko alam, Ima. Ang mga magulang lang natin ang makakasagot." Tugon ni Fau sa 'kin.
Malungkot kaming nagkatitigan at naghawak kamay. Nanghihina ako sa mga rebelasyon. May mas titindi pa ba?
"Minsan din napapasama ang mga anak ng demonyo o mga anak namin na nasa Middle World, mundo ng mga mortal, sa larong ito. Kung may anak man kami rito sa laro, patunayan niyong malalakas kayo. Malugod namin kayong tatanggapin sa aming mundo." Huling sinabi ni Ms. Spirit bago dumilim ang langit.
"Lahat kayo ay papahiramin namin ng kapangyarihan. Tingnan niyo ang inyong palapulsuhan, may lalabas diyan na marka." Paliwanag niya ulit.
Itinaas ko ang aking pulso para tingnan ang markang lalabas. Humapdi ang palapulsuhan ko hanggang sa unti-unting may lumabas na simbolo. Isa itong scorpion. Ano naman kaya ang ibig sabihin nito?
"Anong lumabas sa 'yo Fau?" Tanong ko.
"Ahas ang sa 'kin. Sa 'yo Marcus?" Tanong ni Fau.
"Oso naman ang akin." Sagot ni Marcus.
"Totoo ba na nangyayari 'to? Hindi ako makapaniwalang hiram lang ang buhay ko at magagawa ni nanay na makipagkasundo sa demonyo. Pinalaki niya akong may takot sa Diyos at huwag gagawa ng kasalanan, siya naman pala ang makasalanan." Malungkot kong sabi.
"Huwag muna tayong magpadala sa emosyon. Kailangan natin makalabas dito, wala tayong magagawa dahil hawak nila tayo sa leeg, Ima. Maging matatag tayo at matapang para sa mga sarili natin." Sabi ni Fau.
"Isa pa mga demonyo sila, wala silang awa." Dagdag pa ni Marcus.
Para akong pumasok sa isang movie ngayon. Hindi ko akalaing makikita ko ang mga kagaya nila. Akala ko ay sa impyerno lamang makakakita ng mga demonyo. Hindi ko alam, nakakasalamuha ko na pala sila.
Nag-iiyakan din ang mga tao sa paligid. Iisa lang ang gusto naming lahat, ang makalabas dito ng buhay. Wala naman sanang mangyaring mas sasama pa rito, hindi ko na alam ang gagawin ko.
"My dear slaves, makinig kayo sa akin. Lahat kayo ay may marka, right? Those marks, inirerepresenta ng mga marka kung kaninong demonyo kayo nakipag-ugnayan. Scporpion for King Asmodeus, Boar for Lady Beelzebub, Fox for Lady Mammon, Bear for King Belphegor, Dragon for King Satan, Snake for Lady Leviathan and Lion for King Lucifer." Paliwanag ni Ms. Spirit.
"I can't believe this, si mama nakipagkasundo kay Leviathan? Oh my God. Papaano ba ito nangyari? Hindi ako makapaniwala." Hindi makapaniwalang sabi ni Fau.
Hindi na lang ako nagsasalita dahil nakakahiya ang nakuha kong marka. Napag-aralan ko ang Seven Deadly Sins, nakakahiyang kay Asmodeus na Sin of Lust pa si nanay nakipagkasundo.
Hindi sa gusto ko sa ibang demonyo, pero si Asmodeus talaga ang pinakaayaw ko sa Seven Deadly Sins.
"Okay, attention everyone! Ako naman ang magpapaliwanag. Each symbol represents a borrowed power." Panimula ni Leviathan.
Nagulat kaming lahat nang biglang may mga letrang gawa sa apoy ang lumutang sa hangin. Napatingin ako kay Satan na Sin of Wrath, siya ang may gawa ng apoy.
Nakakamangha kahit nakakatakot. Para silang mga salamangkero na may taglay na mahika. Pero ang totoo, mga demonyo silang may mapaminsalang kapangyarihan.
Kung tititigan silang maigi, kahit may mga pakpak at sungay sila magaganda pa rin silang nilalang. Napakaganda rin nang hubog ng katawan ni Leviathan, maskulado naman si Satan.
Napagawi ang tingin ko sa demonyong tahimik na nasa dulo. Siya lang ang walang sungay sa kanilang lahat. Napakagwapo rin niya.
Siya si Lucifer. Sin of pride, the fallen angel.
"Sa nakikita niyo nakalagay ang kaakibat na kapangyarihan sa tapat ng mga simbolo." Paliwanag muli ni Leviathan kaya bumalik na ako sa wisyo.
Lumutang ang mga letra sa langit para mas lalo namin itong makita. Hinanap ko naman ang simbolo ko, sana makatulong sa akin ang makukuha ko.
Lion - Pain Tolerance
Snake - Enhanced Senses
Dragon - Heat Generation
Bear - Creation of Force Fields
Fox - Healing
Boar - Telepathy
Scorpion - Power of Illusion
"Paano ko magagamit ang akin Fau?" Tanong ko kay Fau na nakatulala pa rin.
Illusion? Ibig sabihin kaya kong manlinlang ng kalaban? Magagamit ko naman ito, kaso hindi ko alam kung paano. Matutuwa sana ako dahil may taglay akong kapangyarihan, kaso mukhang alam ko na kung saan ito gagamitin. Mas gusto ko na lamang itong ibalik kung gagamitin ko ito para makapanakit.
"Hindi ko rin alam, Ima. Enhanced senses ang nakuha ko, e." Sagot ni Fau.
Inilibot ko ang aking paningin sa paligid. Karamihan sa amin ay umiikot ang edad mula 15 hanggang 30. Nakakalungkot isipin na unang nawala ang mga bata at matatanda gaya ni Lola Tina.
Nasa open field din kami ngayon. Nakalutang sa hangin ang Seven Deadly Sins kaya bahagya kaming nakatingala sa kanila. Bahagya na ring nag-iingay at nagbubulungan ang mga kasama namin.
Kinakabahan na ako, paniguradong may masamang mangyayari kahit hilingin kong sana ay wala.
"Katahimikan! Ngayong nakita niyo na, hindi na namin problema kung paano niyo 'yan gagamitin. Payo ko lang, use your ability to survive. Huwag kayong maging duwag at mahina."
Dumadagundong ang boses ni Leviathan sa lakas. Nakakatakot din ang boses niya kahit babae siya. Para siyang lalamon ng buhay.
"Makinig kayong lahat. Hahatiin namin kayo, 7 members each team. May kabuuang 70 teams kayong lahat na maglalaban-laban, at isang team lamang ang pwedeng manalo. May pitong stage ang Pawn Games, ang bawat isa ay sumisimbolo sa pitong nakamamatay na kasalanan.” Paliwanag ni Leviathan.
"Ang magiging miyembro ng bawat team ay magkakaiba ang abilidad. Magagamit niyo ang kapangyarihan ng mga kagrupo ninyo bilang opensa o depensa." Dagdag pa niya.
"Ima, hindi ko kakayanin kung hindi tayo magkateam. Hindi ko kayang pumatay ng kaibigan." Humihikbing sabi ni Fau.
"Ako rin Fau, kaibigan man o kahit hindi ko kakilala ayaw kong pumatay. Labag ito sa batas lalo na sa Diyos." Malungkot na sabi ko.
Gusto kong umiyak, humagulgol, at maglumpasay pero hindi ko dapat pairalin ang pagiging duwag ko. Kailangan kong maging matatag, kailangan kong mabuhay. Kailangan kong makaligtas mula sa masamang mundong ito.
"Ito ang patakaran sa laro, makinig kayong lahat. Unang patakaran, bawal pumatay at manakit ng kagrupo. Pangalawa, kung may mamatay man sa mga kagrupo ninyo, maging anim man kayo o dalawa sa grupo ay hindi na madadagdagan ang bilang niyo. At panghuli, kailangan niyong pumatay ng kalabang team depende sa magiging mechanics ng game. Walang pipigil sa inyo kahit magsumbong kayo sa pulis, hawak namin kayo sa leeg." Paliwanag ni Leviathan bago silang lahat naglaho.
"Teka nasaan na sila? Ano 'to? Magpapatayan tayong lahat?" Tanong ko kay Fau.
"Tingnan niyo!" Biglang may sumigaw at nagkagulo na ang lahat.
Nagtakbuhan na ang mga tao kaya nawala sa paningin ko si Fau at Marcus. May itim na usok ang pumalibot sa paligid kaya tumakbo na rin ako. Ang swerte naman oh!
"Fau! Marcus! Nasaan na kayo!" Sigaw ko habang tumatakbo kasabay ng mga tao.
"Ahh tulong!"
Napatingin ako sa likod ko nang makitang unting-unting nilalamon ang isang babae ng usok. Hindi na siya nakalabas pa matapos siyang abutan kaya nanlaki ang mata ko.
Mabilis akong tumakbo papalayo sa usok. Rinig na rinig ko ang pag-iyak, pagsigaw, at paghingi nang tulong ng mga tao. Lahat kami ay takot ngayon at gustong masagip ang aming buhay.
"Aray!" Inda ko.
Bigla akong nadapa dahil sa nakausling sanga kaya hindi agad ako nakatayo. Sinubukan kong tumayo pero parang namanhid na ang paa ko.
May naramdaman akong malamig na unting-unting bumabalot sa aking katawan. Huli na nang lumingon ako dahil nilamon na ako ng itim na usok at naging blangko na ang lahat.
–
"A-Aray."
Nagising akong nakadapa sa sahig. Masakit ang ulo ko at parang pinipiga.
Inikot ko ang aking paningin sa paligid. Nasa gubat pa rin ako, pero sa mas liblib na parte na. Iba na rin ang suot ko, nakasuot ako ng all-black na outfit. Para akong isang spy sa isang hollywood movie.
Nang mawala na ang sakit ng ulo ko ay dahan-dahan akong tumayo. Pinakiramdaman ko ang paligid, ako lang mag-isa rito.
"Attention participants, mag-uumpisa na ang unang stage ng laro. Stage 1: Find Your Mates." Anunsyo ni Leviathan, hindi ko pa rin alam kung saan nang gagaling ang boses niya.
"Be wrathful participants. Ipaghiganti niyo ang mga kaibigan niyong namatay. Ilabas niyo ang galit niyo sa dibdib at hayaan niyong sakupin kayo nito." Dagdag ni Leviathan.
"Tsk, nilalason niyo ang utak namin para sumunod sa gusto niyo." Mahinang bulong ko.
"Sa stage na ito, kailangan niyong mahanap ang team members niyo. Iilaw ang simbolong nasa palapulsuhan niyo kapag kateam niyo ang inyong nakaharap. Inuulit, bawal pumatay ng kamiyembro. Once you killed your own teammate, masusunog kayo at magiging abo."
Kinilabutan ako sa sinabi ni Leviathan. Paano na ito? Hindi ko masikmurang pumatay, sana ay madaan ko sa usapan kapag may nakaharap na ako. Nanginginig na ang aking mga kamay.
"Once again, welcome to the Pawn Games, participants. Let the game begins." Huling sinabi ni Leviathan bago naglaho ang boses niya sa paligid.
Umpisa na. Anong gagawin ko?