Tahimik na tahimik na sa buong mansyon. Ang lakas ng ulan sa labas, may kasamang kulog na parang dumadagundong sa bawat sulok ng bahay. Nasa sala pa rin ako, nakaluhod sa malamig na sahig, yakap ang throw pillow na basang-basa na sa luha ko.
Tumayo ako nang dahan-dahan, nanginginig pa rin, at naupo sa sofa. Hinila ko yung kumot sa gilid at nagbalot kahit malamig ang gabi—pero ang totoo, hindi malamig ang problema ko.
Galit pa rin sa akin si Boss Don. At bukas… wala na ako rito.
Napatingin ako sa bintana, sa dilim sa labas. Suminghot ako, pilit pinapakalma yung sarili ko. Pero sa utak ko, parang nagkakagulo ang mga boses ko.
“Aalis ka ba talaga, Mira? Tatanggapin mo nalang na ganito na lang? Na aalis ka na walang paalam kay Miko?”
Napapikit ako, hinaplos yung throw pillow, at mahina akong tumango na parang kinakausap yung sarili ko.
“Hindi puwede… hindi ko kayang iwan si Miko,” mahina kong bulong. “Kahit libre na lang ako, kahit walang sahod, basta kasama siya, okay lang…”
Huminga ako nang malalim at napahigpit ng yakap sa kumot.
Pero maya-maya, may isa pang boses sa utak ko, yung makulit kong side.
“Libre? Libre ka nalang? Mira, hello?! Wala kang pang-padala sa probinsya kung libre ka nalang! Paano ang pamilya mo?!”
Napahawak ako sa noo ko at umiling. “Oo nga…”
At isa pa, may isa pang masakit na katotohanan.
Napatingin ako sa taas, sa direksyon ng kwarto ni Boss Don. Dahan-dahan kong hinawakan yung dibdib ko.
“At kahit mag-stay ka pa… kahit magmakaawa ka pa… hindi ka pa rin magiging close sa kanya.”
Napangiti ako nang mapait, kahit luhaan. “Oo nga… delulu ko lang naman lahat ‘yon, ‘di ba?”
Naalala ko yung mga moment na kinikilig pa ako kapag napapagalitan niya ako, yung iniisip ko na parang may special meaning kapag binibigyan niya ako ng kahit isang sulyap, at lalo na yung sa mall—yung nagbuhat siya ng tsinelas ko at isinukbit sa paa ko. Feeling ko nga parang nag-propose siya noon, tanga ko talaga.
Napahawak ako sa mukha ko, pilit tinitigil ang luha.
“Hindi puwede, Mira… delulu lang ‘yon lahat. Hindi ka si Ma’am Lexi, hindi ikaw yung mahal niya. Wala kang laban sa alaala niya.”
Mas lalo akong napaiyak. “Kahit anong gawin mo, kahit anong pilit mong pakitang mabait ka… wala lang sa kanya ‘yon.”
Tumingin ako sa orasan sa dingding. 12:47 AM.
Bumuntong-hininga ako nang malalim, parang pinipilit kong tanggapin na yun na talaga ang ending ko rito.
“Bukas… aalis na lang ako. Hindi ko kayang ipilit pa. Ayokong makita niya ako rito at lalo siyang mainis.”
Humigpit ang hawak ko sa kumot habang nakatingin sa basang-basa na garden sa labas.
Pero bago ko tuluyang isara ang isip ko, tumingin ako sa taas, sa direksyon ng kwarto ni Miko.
Napakagat ako ng labi ko, pilit na tinatago yung sobrang bigat sa dibdib ko. “Miko…” bulong ko, mahina. “Sorry kung iiwan kita… pero baka ito nalang yung tama. Hindi naman ako parte ng pamilya niyo… kahit gusto ko.”
Umupo ako ng diretso at pinilit ngumiti kahit mag-isa lang ako. “Kaya mo ‘yan, Mira. Bukas, aalis ka na. Wala nang delulu, wala nang pangarap na balang araw… magiging close kayo ni Boss Don. Tapos na ‘yon.”
Huminga ako nang malalim, pinahid yung luha ko gamit ang palad ko.
“Basta… sana, kahit wala na ako… sana maging okay ka na, Miko.”
At tuluyan kong niyakap yung throw pillow, pumikit, habang sa labas ay bumubuhos pa rin ang malakas na ulan.
Nakahiga pa rin ako sa sofa, yakap ang kumot at nakatitig sa bagong phone na binili ni Boss Don kanina. Bukas ito, nakasilent lang, at paulit-ulit kong pinapanood yung video namin sa sasakyan.
Hindi kasi mawala sa isip ko ang mga nangyari eh.
Si Boss Don… seryoso pa rin pero halatang iritado nang konti habang binubuhat ako papunta sa elevator dahil takot akong sumakay.
Napangiti ako kahit papaano, kahit sobrang sakit ng puso ko. Ito na lang siguro yung last memory ko sa mansyon na ‘to.
“Boss Don…” bulong ko sa sarili ko habang hinihimas ko yung gilid ng phone. “Kung alam mo lang… kahit papaano… naging masaya ako rito. Kahit palpak ako lagi, kahit sigaw mo araw-araw yung alarm clock ko.”
Napangiti ako, pero may kasamang luha. “At least… naranasan kong ma-delulu na parang may chancing ako sa’yo, kahit sa isip ko lang.”
Napailing ako at pinatay na sana yung phone nang bigla akong napalingon.
Tok… tok…
May narinig akong marahang yabag sa hagdan. Mabagal, mahina, parang ayaw gumawa ng ingay.
Napataas yung kilay ko. “Sino ‘yon…?”
Nilingon ko yung dagdanan—at doon ko nakita si Miko.
Nakasuot pa siya ng pajama, medyo magulo ang buhok niya na parang kakabangon lang, pero gising na gising yung mga mata niya. Dahan-dahan siyang bumababa ng hagdan, nakatingin lang sa akin.
“Miko?” agad akong tumayo at lumapit sa kanya. “Oh, bakit gising ka pa? Dapat tulog ka na, ‘di ba?”
Tahimik lang siya, pero halata kong nakikinig siya. At doon ko na-realize… baka narinig niya ang lahat.
Tumigil siya sa harap ko, nakatayo lang siya at nakatingala sa akin. Tahimik pa rin. Pero iba yung itsura niya ngayon—parang malungkot, parang may gusto siyang sabihin pero hindi niya kaya.
“Miko…” bumaba ako ng konti para pantay kami ng tingin. “Pasensya ka na ha… sorry kung gising ka pa. Dapat nasa bed ka na eh…”
Pero hindi siya kumilos. Tumitig lang siya sa akin, tapos… dahan-dahan niyang hinawakan ang kamay ko.
Napahinto ako sa gulat. Hinawakan niya ako… siya mismo ang kusang humawak ng kamay ko.
“Miko…” bulong ko, halos mahulog ang puso ko sa ginagawa niya.
Hinawakan niya yung kamay ko nang mahigpit, parang ayaw niya akong pakawalan. Tumingin ako sa kanya, pero nakayuko siya ng konti, parang nahihiya pero… ramdam mo yung bigat ng ginagawa niya.
Alam niya. Narinig niya kanina. Alam niya na paaalisin ako ni Boss Don bukas.
“Hey…” ngumiti ako kahit nanginginig yung labi ko, pilit kong tinatago yung luha. “Don’t worrying, okay? Hindi ka magagalit kay Daddy mo ha… Boss Don lang talaga yun, galit lang siya sa akin.”
Pero mas hinigpitan niya yung hawak niya sa kamay ko, parang sinasabi niyang “Huwag kang umalis.”
Napaupo ako sa sofa habang hawak-hawak pa rin niya ako. Siya rin, umupo sa tabi ko, tahimik lang.
“Miko…” bulong ko, nilagay ko yung isa kong kamay sa buhok niya, hinimas ng dahan-dahan. “Sorry ha… sorry kung palagi kitang napapagalitan ni Boss Don dahil sa akin. Kung ako lang, hindi kita iiwan… kahit libre pa akong magtrabaho rito, kahit walang sahod, basta kasama kita.”
Tumango lang siya ng kaunti, pero hindi pa rin nagsalita.
Napayuko ako at nilapit yung noo ko sa kanya. “Pero… kailangan ko rin mag-isip para sa sarili ko, Miko. Kung hindi na ako gusto ni Boss Don dito, wala na akong magagawa…”
Pero nag-angat siya ng tingin, diretsong tumingin sa mga mata ko. Hindi siya nagsasalita, pero ramdam kong nasasaktan siya.
Napaluha na rin ako at napangiti kahit ang sakit-sakit. “Sige na, wag kang mag-alala… Kahit umalis ako, ipapangako ko sayo na magiging okay ka. Magiging masaya ka, okay?”
Pero hindi siya tumango. Tumitig lang siya sa akin, tapos mas hinigpitan pa niya yung hawak niya sa kamay ko.
At doon na ako tuluyang napaiyak.
Ni-yakap ko siya ng dahan-dahan, ramdam kong nakayakap na rin siya sa bewang ko kahit mahina lang. “Miko… kahit hindi ko sabihin kay Boss Don, alam kong ayaw mo rin akong umalis… Salamat ha… kahit ganito lang, naramdaman kong importante rin pala ako sa’yo.”
At doon kami nakaupo, magkahawak ang kamay, tahimik lang habang sa labas ay bumubuhos pa rin ang ulan. Hindi niya kailangan magsalita—ramdam ko na lahat.