"Mommy, Tito William, hindi pa po ba kayo gigising? Anong oras na po?" reklamo ni Juaquim habang nakaabang sa paggising nina William at Atasha.
Sabay namang napabalikwas ng bangon sina Atasha at William ng marinig nila ang boses ni Juaquim. Wala naman silang ginagawang masama maliban sa talagang natulog lang sila at hindi kaagad nagising.
Nagmamadali pang bumaba si Atasha na muntik ng ikinalaglag nito nito sa kama.
"Careful love," halos pahiyaw na sigaw ni William sa labis na pagkabigla at pag-aalala.
"I'm okay," ani Atasha na medyo naghahabol din ng paghinga dahil takot at gulat na rin ng muntikan na siyang mahulog sa kama.
Nagkatinginan pa sila ni William, habang kinakalma ang sarili.
"Pasensya na. Nagulat lang ako sa pagtawag ng anak ko. Nawala rin naman sa isipan kong dito ako nakatulog sa kwarto mo," pag-amin ni Atasha.
"Ako man ay nakatulog ng mahimbing. Siguro dahil sa katabi kita ngayon," nakangiting saad pa ni William na ikinapula ng magkabilang pisngi ni Atasha.
"Mommy magtititigan na lang po ba kayo ni Tito William?" agaw atensyon sa kanila ni Juaquim kaya naman mabilis silang naghiwalay. Bumaba kaagad ng kama si William at naiwang nakaupo doon si Atasha.
"Dito ka po natulog." Hindi mawari ni Atasha kung tanong iyon ni Juaquim o naninigurado ang kanyang anak na doon talaga siya natulog.
"Ah, kasi anak----."
"Okay lang po mommy. Nagising po kasi ako kaninang madaling araw pero wala ka naman sa tabi ko. Akala ko po nasa banyo ka pero wala naman. Tapos hinanap kita at dito po kita nakita sa silid ni Tito William. Kaya po bumalik na lang po ako sa silid natin at natulog muli. Pero mommy, gutom na po ako."
Nagulat naman si Atasha sa sinabi ng kanyang anak. Alam naman niyang walang malisya kay Juaquim ang nakita nito. Ngunit hindi niya maipaliwanag sa sarili ang nararamdaman niyang hiya dahil sa nakita ng kanyang anak na magkasama sila ni William sa iisang silid. Higit pa doon ay nasa iisa silang kama at mahimbing na natutulog.
"Pasensya ka na anak, medyo nahimbing lang ako ng pagtulog."
"Ako man Juaquim, pasensya na. Bilang pagbawi ako na lang ang magluluto," presenta pa ni William na akmang lalampasan si Juaquim ng hawakan ng bata ang kanyang kamay. "Bakit?"
"Hindi ko po alam kung ano ang ibig sabihin kung bakit magkasama kayo ng mommy ko sa iisang higaan. Ngunit alam ko pong di ba dapat po mag-asawa lamang ang gumagawa ng ganoon. Or katulad ko po at kay mommy, dahil anak po niya ako. Pero kayo po? Bakit po magkayakap pa kayo?" inosenteng tanong ni Juaquim.
Napalunok naman si William. Alam naman niyang wala pang sila ni Atasha at hindi pa sinasagot ng dalaga ang panliligaw niya. Hindi rin naman niya inaasahan na maaabutan sila ni Juaquim na magkatabi sa pagtulog. Ang nasa isip lang niya kanina ng mahiga sila ni Atasha ay magigising sila ng mas maaga. Ngunit mas maagap yatang magising si Juaquim.
"Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag. Ngunit sa ngayon wala kaming relasyon ng mommy mo. Pero totoong hindi ako makatulog, pero ng sinabi ng mommy mo na tatabihan niya ako dahil na rin sa pakiusap ko. Nakatulog ako ng mahimbing at hindi namin pareho namalayan ang oras. Pasensya ka na kung naiwan kang mag-isa sa silid ninyo ng mommy mo. Gumaan lang ang pakiramdam ko ng samahan ako ng mommy mo sa pagtulog. Kaya nahimbing na rin ang tulog ko."
Tinitigan naman ni Juaquim si William sa mata. Totoo naman kasi ang sinabi ni William at walang malisya kahit naabutan sila ng bata na nakahiga sa kama at magkayakap na natutulog. Ilang sandali pa ay tumango naman si Juaquim.
"Ganoon din po ako. Pag hindi po ako makatulog kaagad, kailangan ko lang na nasa tabi ko si mommy at kaagad pong gumagaan ang pakiramdam ko, kaya po nakakatulog ako kaagad. Kaya po salamat po at kahit po katulong ninyo dito si mommy ay isinama rin po ninyo ako."
Ginulo naman ni William ang buhok ni Juaquim. Napangiti naman ang bata sa kanyang ginawa. Kahit si Atasha at masayang-masaya sa pag-uusap ng dalawa. Simpleng palitan lang iyon ng salita, ngunit alam niyang masaya ang kanyang anak sa sandaling iyon.
"May gusto ka bang breakfast?" tanong ni William na ikinailing ni Juaquim.
"Naggatas na po ako at cookies kaninang umaga. Gusto ko na pong kumain ng kanin at ulam."
"Ha?" Sabay pang bulalas nina William at Atasha. Pareho silang naguguluhan sa naging sagot ni Juaquim.
"Mommy, Tito William, it's twelve thirty na po. Lampas tanghalian na. Kaya po gutom na po talaga ako. Iyong cellphone po ni Tito William ay kanina pa po tumutunog. Kaya lang po ay nadrain na po yata ang battery kaya po ni-charge ko na lang po muna. Pwede po bang kumain po tayo ng pork barbeque. Nagwawala na po talaga mga alaga ko sa tiyan," nakangusong saad ni Juaquim ng sabay pa silang napatingin ni Atasha sa orasang nasa loob ng silid ni William.
Sabay din silang napasinghap ng mabatid na mag-aala una na pala talaga ng hapon. Wala silang kamalay-malay na sobrang haba ng itinulog nila. Ganoon silang kakomportable na magkatabing matulog. Parang nawalan sila ng pakialam sa paligid.
"I'm sorry anak. Magluluto na ako."
"Mag-order ka na lang Atasha. Matatagalan kung magluluto ka pa. Maliligo lang ako at magtutungo sa opisina."
"Hindi ka ba muna kakain?"
"Thank you. Pero kailangan ko ng magmadali. I have a meeting at one thirty. Alam kong aabot pa ako, kung magmamadali na ako ngayon."
Hindi na nakasagot pa si Atasha ng mabilis na tumalikod si William at tinungo ang banyo nito sa silid na iyon. Magkaakay naman lumabas ang mag-ina.
Pagdating sa kusina ay wala na rin namang kalat. Alam ni Atasha na si Juaquim na ang nag-ayos ng mga pinagkainan nito at kahit bata pa ay marunong na rin naman itong magdayag, lalo na kung baso, pinggan, tasa, kutsara at tinidor lang din naman.
"Ano pa ang gusto mo anak? Magpadeliver na lang tayo ng pagkain. Pasensya ka na anak at napasarap ang tulog ni mommy. Napabayaan kita."
"Wala ka naman pong kasalanan mommy. Masaya pa nga po akong nakapagpahinga ka ng maayos. Kaya lang po talaga nagugutom na po ako. Hindi naman po ako marunong magluto. Kung kasama po sana natin si Lola Rosing hindi ko po sana aabalahin ang pagtulog mo po."
"Pero salamat pa rin Juaquim. May trabaho pa rin naman ako," sabat ni William. Nakaligo na ito kaagad at suot ang suit na pang opisina nito.
Nasundan ng tingin ni Atasha si William ng sumaboy sa kanyang ilong ang bango ng bagong paligong si William. Kung mabango na ito kahit walang ligo. Lalo na ngayong, bagong paligo. Lumapit pa ito sa kanyang tabi.
"Maiwan ko muna kayo dito love. Huwag ka ng magpakapagod sa pagluluto. Mag-order na lang kayo ni Juaquim at kumain kayo ng maayos," bulong ni William kay Atasha habang nagsasalin ng tubig sa baso mula sa pitchel.
Matapos maubos ang laman ng baso ay mabilis ang kilos ni William at dinampian ng halik ang pisngi ni Atasha. "Bye love, message me, pag may gusto kang ipabili," aniya at tinalikuran na si Atasha, pagkatapos ay binalingan si Juaquim. "Pag may kailangan ka at gusto kang ipabili magsabi ka lang sa mommy mo at ipasabi mo sa akin ha," nakangiti pa niyang saad.
"Thank you po Tito William," naging sagot na lang ni Juaquim. "Ingat po," bilin pa ng bata bago tuluyang nagpaalam si William.
Ilang minuto pa mula ng makaalis si William ng biglang tumunog ang doorbell. Masayang bumaba ng upuan si Juaquim at nilapitan ang mommy niya.
"Mommy iyong pagkain na po ba natin iyan?" tanong ni Juaquim na ipinagkibit balikat ni Atasha.
"Hindi ko pa sigurado anak, pero baka naman," sagot ni Atasha at sabay pa silang mag-ina na tinungo ang pintuan.
Sinilip muna ni Atasha kung sino ang nasa labas. Hanggang sa nakita nga niyang food delivery rider nga ang nasa likod ng pintuan.
Nakangiti pang binuksan ni Atasha ang pintuan. Excited din kasi si Juaquim, lalo na at gutom na rin ang kanyang anak.
Bigla namang nagulat ang food delivery rider pagkakita kay Atasha. Nabitawan nito ang order nilang pagkain na biglang ipinagtaka ni Atasha.
"May problema ba?"
Mabilis namang pinulot ng food delivery rider ang bumagsak na pagkain. Mabuti na lang at maganda ang pagkakabalot noon at nakalagay sa isang matibay na food container. Maliban sa kumalat na sauce sa loob ng lalagyan ay maayos pa rin namang makakain iyon.
"P-pasensya na po kayo maam. T-tama po ba ang address? Tenth floor, condo unit twenty four. M-mr. W-William Del Vechio," nauutal pang saad nito na ikinatango ni Atasha.
Naguguluhan si Atasha ng ilang beses niyang napansin ang paglunok ng food delivery rider at napansin din niyang namumutla ito.
"Maayos ka lang ba?"
"Opo maam."
"Mommy hindi po siya ayos, nanginginig po siya," sabat ni Juaquim, ng mapansin ni Atasha ang kamay nitong walang tigil panginginig.
"Pumasok ka muna." Walang nagawa ang kaharap ng hilahin na ito ni Atasha. Si Juaquim na ang nagsarado ng pintuan.
Pinaupo muna ni Atasha ang delivery rider at kusa niyang inalis ang suot nitong sumbrero. Tumambad dito ang itim na itim at mahaba nitong buhok. Gulat man ay mas pinili ni Atasha na iwan ito saglit at ikuha muna ito ng malamig na tubig.
"Ayos ka lang?" nag-aalalang tanong ni Atasha matapos nitong maubos ang laman ng baso.
"Salamat, pasensya na maam."
"Ano bang nangyari sa iyo at bigla ka na lang nagkaganyan? Isa pa babae ka pala."
Bahaw na ngiti naman ang naging sagot ng babae. Magsasalita pa sana itong muli ng tumawag si Juaquim mula sa kusina.
"Sandali lang pakakainin ko lang ang anak ko. Kanina pa kasi itong nagugutom eh. Sandali lang ha," ani Atasha at iniwan muna ang babae para puntahan ang anak.
Napahugot naman ng hininga ang babae at inilibot ang paningin sa kabuuan ng condo na kanyang kinalalagyan. Ilang beses pa siyang napatingin sa taas para lang pigilin ang pagpatak ng mga luha sa kanyang mga mata. Hindi niya alam kung gaano na kalaki ang ipinagbago ng mga pangyayari buhat ng mawala siya sa lugar na iyon.
Sinilip pa ng babae ang kusina at napansing abala pa rin doon ang mag-ina. Mag-inang hindi niya inaasahan kung bakit nasa lugar na iyon. Mag-inang hindi niya alam kung ano ang papel sa condo na iyon. At mag-inang hindi niya alam kung ano ang kaugnayan sa tunay na nagmamay-ari ng condo na iyon na pagmamay-ari ng isang William Del Vechio.
Nagbuga siya ng hangin at muling pinasadahan ang paligid.
"Gaano na bang katagal mula ng huli akong nakarating sa lugar na ito? Limang taon? Limang taong ipinagkait sa akin ang buhay ko," aniya at hindi na napigilan ang paghikbi.
Bago pa mapansin ng mag-ina ang pag-iyak niya ay mabilis niyang tinungo ang pintuan at mabilis na lumabas doon.
Nagulat na lang si Atasha ng marinig ang pagbukas at pagsara ng pintuan. Nagtataka pa siya ng bigla na lang lumabas ang babae gayong nagsabi naman siyang pakakainin lang niya ang anak.
"Umalis na po s'ya?" inosenteng tanong ni Juaquim na ikinatango niya.
"Baka marami pang trabaho iyon anak."
"Okay po. Kain na po tayo, kumain ka na rin mommy."
"Sige lang anak," ani Atasha.
Ilang beses pang napalingon si Atasha sa sofa na kinaupuan ng babae kanina. Naroon pa rin ang pag-aalala niya dito. Lalo na at hindi man lang niya natanong kung bumuti na ba ang kalagayan nito bago ito tuluyang umalis.