Bata pa lang ay pinangarap na ni Teresa ang magkaroon ng magandang buhay. Magkaroon ng pamilya at makapag-asawa ng mayaman.
Para sa isang batang lumaki sa hirap, katuparan ng pangarap ang makakilala ng isang lalaking mayaman. Higit pa doon ay ang mahalin siya nito, kahit ganoon lang ang estado niya sa buhay.
Mula ng makilala ni Teresa si William ay hindi na rin naman ito tumigil sa panliligaw sa kanya. Hanggang sa sagutin niya ito, at naging sila.
Tumagal din ng ilang taon ang kanilang relasyon hanggang sa mapagpasyahan nilang magsama ng totoo. Tinanggap ni Teresa ang alok na kasal ni William sa kanya.
Matapos ang proposal ni William kay Teresa ay ipinaalam kaagad nila sa mga magulang ni William ang plano nila. Wala namang naging tutol ang mga ito lalo na at tanggap ng mga ito si Teresa.
Higit pa doon ay parang anak na rin ang turing ng mommy at daddy ni William kay Teresa. Naging masaya pa ang mga magulang ng binata na sa tagal ng panahon na magkasintahan ang dalawa ay matutuloy din sa simbahan ang pagsasama nila.
"Daddy hindi mo ba talaga ako masasamahan sa pagsusukat ng trahe de boda ko? Ito pa naman ang araw na pinakahihintay ko. Tapos hindi ka naman pala makakasama," nakangusong saad ni Teresa.
Napatitig naman si William sa kasintahan. Mula sa pagkakaupo nito sa sofa sa kanyang tabi ay binuhat niya ito para iupo sa kanyang kandungan.
"Marami akong kailangang gawin pumpkin. Kailan kong matapos ang lahat ng kailangan kong tapusin sa kompanya para naman bago ang kasal natin ay sa iyo na ang buong atensyon ko hanggang sa maikasal tayo."
"Totoo?"
"Totoong-totoo. Hindi ko naman maaaring iasa iyon sa iba kahit sa sekretarya ko. Pero pangako, after kong maayos. Sa 'yong- sa 'yo na ako."
"Promise?"
"Yes pumpkin! I promise."
"I love you daddy."
"And I love you more pumpkin," sagot ni William at hinalikan pa niya si Teresa sa labi.
Wala namang pag-aalinlangan na tumugon si Teresa. Mahal na mahal niya si William. Ang lalaking perpekto na para sa kanya, at akala niya sa panaginip lang mayroon ay hindi lang pala doon. Dahil heto si William, minamahal niya habang minamahal siya. At makakakasama pa na niya ngayon habang buhay.
Nakayakap lang si Teresa kay William at ganoon din ang binata sa kasintahan habang hinahalikan ang tuktok ng ulo nito ng biglang may pumasok na mensahe sa cellphone ni Teresa.
"Who's that?"
"Maui," maikling sagot ni Teresa.
Napabuntong-hininga si William at tumingin sa kasintahan. "Matagal na ba talaga kayong magkakilala ng Maui na iyan? Don't get me wrong pumpkin, pero hindi ko talaga gusto ang kaibigan mo na iyan," may pag-aming saad ni William.
Mula ng makilala niya ang kaibigang iyon ng kasintahan ay may kakaiba na siyang pakiramdam. Pakiramdam na sa tingin niya ay hindi ito dapat pagkatiwalaan ng lubusan. Ngunit ayaw naman niyang pigilan ang kasintahan sa pakikipagkaibigan nito kay Maui. Lalo na at wala naman siyang maipakitang ebidensya na totoo ang kutob niya.
"Ikaw naman daddy huwag kang ganyan. Pareho lang kaming galing sa ampunan ni Maui. Di ba noon iniligtas mo pa nga siya sa mga nambastos sa kanya. Isa pa, mula ng magkakilala kami ay palagi na kaming magkasama. Kaya naman nalungkot ako noong sabihin niyang may boyfriend na siya at hindi na kami palagi magkakasama. Lalo na noong naiwan na ako sa ampunan ng mag-isa. Pero bigla kang dumating kaya naman sobrang saya ko. Lalo na noong niligawan mo ako." Hindi na napigilan ni Teresa ang labis na pagmamahal niya kay William kaya naman muli niya itong hinalikan.
"Aalis ka pa ba?" pag-iiba ni William ng maghiwalay ang kanilang mga labi. "Dahil kung hindi ka aalis, ikukulong muna kita dito sa silid natin at alam mo na." Nakatikim naman siya ng hampas kay Teresa na ikinatawa niya.
"Sira! Si Maui ang makakasama ko sa pagtingin ng damit pangkasal kung hindi mo ako masasamahan. Siya na ang isasama ko. Ito nga at nagtatanong na kung magpapasama pa nga ako sa kanya. Kaya wait lang magrereply lang akong busy ka talaga. Nasa baba na rin naman siya."
"Basta palagi kang mag-iingat pumpkin."
"Yes daddy. I love you po."
"And I love you more," sagot ni Teresa.
Nauna na siyang magpaalam kay William ng makatanggap ito ng tawag. Si Maui naman ay nasa harap na ng pintuan ng condo ng buksan niya ito. Kaya naman magkasabay pa silang kumaway kay William bago tuluyang sumara ang pintuan.
Magkasama sila ni Maui na naglibot sa mall matapos niyang makapagsukat ng damit pangkasal. Hanggang sa inabot na sila ng gabi. Inihatid pa siya ni Maui hanggang sa may harapan ng pintuan ng condo ni William. Pinapasok pa siya nito bago ito tuluyang nagpaalam.
Wala pa noon si William at isang oras na rin ang nakakalipas mula ng dumating siya ng biglang may nagdoorbell. Wala namang ibang nagtutungo doon kundi ang mga magulang ni William kaya naman hindi na niya tiningnan kung sino ang nasa labas. Hanggang sa bigla na lang may nagtakip ng kung ano sa kanyang ulo. At nawalan na siya ng malay.
Nagising si Teresa na masakit ang kalamnan. Pakiramdam niya ay nabugbog siya. Nakatali rin sa likuran niya ang mga kamay. May tali rin ang kanyang mga paa. Nasa isang madilim na silid lang siya at ang malamlam na ilaw lang na tumatanglaw. Hanggang sa biglang bumukas ang pintuan. Doon tumambad sa kanya ang mukha ng babaeng nakangisi at nakatingin ng mapang-uyam sa kanya.
"Anong ibig sabihin nito Maui?" galit niyang tanong. Ngunit nginisian lang siya ng kaharap.
"Tanga ka ba o talagang nagtatanga-tangahan ka! Bakit palagi na lang ikaw? Ikaw ang matalino. Ikaw ang mabait. Ikaw na lang ang may mayamang kasintahan! Ikaw ang bida. Bakit ang lahat ng swerte sa buhay ay sa iyo na lang napupunta? Pareho lang tayong galing sa ampunan Teresa. Iniwan ng magulang at hindi minahal. Pero bakit sa iyo nakakapit ang swerte? Tapos ano? Ako iyong malas!" sigaw ni Maui.
Hindi naman maintindihan ni Teresa kung ano ang nais palabasin ng kaibigan. Alam niyang mahal nila ang isa't isa. Sa pagkakaalam din niya at wala itong problema. Higit sa lahat kahit kailan ay hindi ito nagtanim ng inggit sa kanya. Iyon ang alam niya. Pero bakit ngayon ay parang hindi niya kilala ang kaibigan? Parang ibang tao ito at hindi ang Maui na para na niyang tunay na kapatid.
"Hindi ka makapagsalita! Maang-maangan ka pa! Iyan ang hirap sa iyo, Teresa. Palagi ka na lang painosente at mahina. Kaya naman nasa iyo lahat ang simpatya ng mga tao. Kahit sina sister sa ampunan, palagi na lang pabor sa iyo. Kahit ikaw ang nakabasag noon ng pinggan ako ang pinagagalitan. Kahit kasalanan mo, sa akin pa ibinabato. Dahil hindi sila naniniwala na magagawa mo iyon. Oo hindi sila nagagalit pagmagkakaharap tayo. Pero pagwala ka na sa tabi ko, pinapaluhod nila ako sa monggo para raw magtanda ako at hindi na maging sakit ng ulo. Pero wala akong kasalanan. Ikaw ang nakabitaw ng pinggan at dahil tinulungan lang kitang linisin iyon ay ako ang sinisi nila. Kahit kasalanan mo, nagiging kasalanan ko. Anong kasalanan ko? Para sa lahat ng dapat na parusa mo, ako ang tumatanggap. Dahil mabait ka at pasaway ako! Pero mali sila. Dahil kahit hindi ako ang mali. Ako pa rin ang tatanggap ng parusa. Dahil malikot ako at ikaw nagbabasa lang sa isang sulok," umiiyak na saad ni Maui.
Kahit si Teresa ay hindi na nagawang pigilin ang kanyang mga luhang nag-uunahan sa pagbagsak. Hindi niya alam na pinagdaanan iyon ni Maui. Akala niya ay maayos lang sila.
"Maui hindi ko alam. Kaya ko namang tumanggap ng parusa sa pagkakamali ko. Pero totoong wala akong alam."
"Ayan kasi tayo eh. Palagi ka na lang walang alam! Hindi mo nakikitang nasasaktan ako, dahil pag tumatanggap na ako ng parusa, inilalayo ka na nila. Hindi mo nakikita ang mga paghihirap ko dahil wala ka sa tabi ko. Sarili mo lang ang alam mo."
"Hindi ganoon Maui. Bakit hindi mo sinasabi iyan sa akin noon? Bakit mo kinimkim? Bakit mo hinayaang mapuno ka ng galit, gayong ipinaparamdam mong ayos lang ang lahat. Mahal kita Maui, dahil kaibigan kita. Huwag ka namang ganito. Hindi ikaw iyan. Naguguluhan ka lang," pakiusap pa ni Teresa.
"Hindi ako sa naguguluhan lang Teresa, at alam ko ang ginagawa ko. Hindi na ako makakapayag na maging masaya ka at ako ay maiiwang talunan. Aagawin ko ang lahat ng sa iyo. Kukunin ko pati ang pinakamamahal mo."
"Maui, mag-usap tayo. Huwag kang ganyan. Hindi ka ganyan Maui. Pag-usapan natin ito," pakiusap niya, ngunit patuloy lang sa pag-iling si Maui.
"Hindi na ako madadala sa bait-baitan mo. Oo at totoong mabait ka, ngunit tanga ka para hindi mapansing nasasaktan mo na ako. Aagawin ko sa iyo ang kasintahan mo. Ako ang unang nakakita sa kanya. Iniligtas niya ako noon ng may mambastos sa akin. Tapos dumating ka. Hanggang sa ikaw na lang ang nakita niya. At ako, nakalimutan agad niya. Ilang beses ko pang narinig sa kanya, kung matagal na ba tayong magkakilala? Matagal na, mas nauna pa nga ako sa kanya. Pero bakit ikaw pa rin?" galit na saad ni Maui at dinuro-duro pa siya.
"Pero wala naman akong alam. Wala akong ginawang masama. Lalo na pagtinatanong kita kung anong problema. Pero sinasabi mo lang na wala naman at maayos lang ang lahat. Paano ko malalaman kung wala akong alam. At ang tungkol kay William, hindi ko hawak ang puso niya. Hindi ko siya pwedeng ipagtulakan dahil lang nauna ka. Ako ang minahal niya. Kahit nagtatanong siya, ni minsan ay wala siyang sinabing layuan kita. Dahil alam niyang kaibigan kita, at mas nauna kitang nakilala kaysa kanya."
"Tama na. Tapos na at nakapagdesisyon na ako. Ako ay magiging ikaw mula sa araw na ito. Tandaan mong magiging isang kwento ka na lang at ako. Ako na ang magiging si Teresa ng pinakamamahal mong si William. Ako ang mamahalin ni William, at magpapakasal kami. Bubuo ng masayang pamilya at magkakaroon ng mga anak."
"Anong ibig mong sabihin? Nababaliw ka na ba Maui? Paano mo gagawin ang bagay na iyan? Papatayin mo ako? Makikilala ako ni William. Malalaman niyang hindi ako ang kasama niya." Lalo lang napaiyak si Teresa nang ngumisi si Maui.
"Hindi ko yan naisip kanina na patayin ka. Pero binigyan mo ako ng magandang idea. Isa pa hindi ko ibenenta ang katawan ko sa kung kani-kaninong mayaman para lang sa wala. Papapalitan ko ang mukha ko at ako ay magiging ikaw. Habang ikaw," duro pa ni Maui kay Teresa. "Magiging pataba ka na lang sa lupa," tumatawang saad ni Maui sa kanya. Para na itong nababaliw.
"Baliw ka na Maui. Paano mo ipapaliwanag kay William kung matagal kang mawawala? Hindi mo ba naisip na matagal ang proseso ng iniisip mo!" nagngangalit na saad ni Teresa. Sa isip niya ay sana ay magbago pa ang isipan ni Maui.
"Well, akala mo ba hindi ko naisip ang bagay na iyan? Syempre sasabihin kong may dumukot sa akin at ikinulong ako. Para saan ang utak Teresa kung hindi gagamitin," mapang-uyam pa nitong saad.
"Malala na ang tama mo sa utak Maui. Malala ka na?"
"Sinabi ko bang hindi? Aminado nga akong baliw na ako. Nagpapasalamat na lang akong halos magkahawig tayo. Isa pa iisa ang hubog ng katawan natin. Halos katulad ng katawan mo ang katawan ko. Walang magdududa na nawawala ka. Dahil pagbalik ko sa mahal mo. Si Teresa na ako at hindi na si Maui. At si Maui na kaibigan mo, mula sa gabing ito ay patay na siya," wika pa ni Maui at sinabayan pa ng malakas na tawa.
Lalo lang napaiyak si Teresa sa mga narinig. Wala siyang kalaban-laban sa babaeng itinuring niyang kaibigan. Ang akala niyang kaibigan ay siya pa pala mismong magpapahamak at mananakit sa kanya.
Mula sa bungad ng pinto ay pumasok ang isang lalaking may dalang bakal na baseball bat. Sa tunog pa lang noon habang tumatama sa sahig ay napupuno na ng takot ang puso ni Teresa. Ilang beses siyang napadasal na sana ay malaman ni William na nawawala siya at sana ay mahanap siya nito. Hanggang sa makalapit ang lalaking may dala ng baseball bat kay Maui. Kitang-kita pa niya kung paano maghalikan ang dalawa.
Hanggang sa bitawan ng dalawa ang labi ng isa't isa, at lumapit ang lalaki sa kanya.
"Bitawan mo ako! Pakiusap! Maui huwag namang ganito."
"Pwe! Nakakairita ka na Teresa! Hindi na ako papayag na maging pangalawa sa iyo. Nakakasawa na. Salamat nga pala at gwapong mayaman ang nabingwit mo. Kaya sa pagbabalik ko sa kanya, sa akin lang ang pagmamahal niya. At sa akin lang iikot ang mundo niya."
"Baliw ka na Maui! Baliw ka!"
Walang patid ang mga luhang bumabagsak sa mga mata ni Teresa. Hanggang sa bigla na lang siyang itayo ng lalaking may hawak sa kanya. Hindi pa naglilipat ang segundo ng bigla na lang may tumamang matigas na bagay sa likod ng kanyang ulo.
Naramdaman ni Teresa ang pag-agos ng mainit na likido mula sa kanyang ulo. Sa sobrang bilis ng mga pangyayari ay bigla na lang siyang bumagsak. Doon bigla niyang naalala ang lahat ng maaari niyang maalala. Mula ng magkaisip siya sa bahay-ampunan. Noong makilala niya si Maui. Hanggang sa makilala niya si William at sa huling oras na magkasama sila sa condo at nang magpaalam siya dito para magsukat ng kanyang traje de boda, para sa kanilang kasal.
Ang mga imahe ng alaala na dumaan sa mga mata at isipan ni Teresa ay unti-unting lumalabo at naglalaho. Hanggang sa maging kulay puti, abo, at tuluyan ng nagdilim ang kanyang paningin.