Pagkapasok pa lang ni William sa opisina niya ay mabilis siyang nilapitan ni Maria. Doon inisa-isa ng sekretarya ang kanyang schedule sa araw na iyon.
Habang nakikinig ay tumutuktok ang kanyang mga daliri sa lamesa. Wari mo ay naiinip. Lalo na ng marinig ang lunch nila ng mga magulang.
"That's it?"
"Yes sir. At iyon pong lunch po ninyo kasama po ang mga magulang po ninyo sa Restaurant Cafuego. Ilang beses na akong tinawagan ni Ma'am Welona."
"Okay. Ngunit bago ko makalimutan, ipaalala mo na lang ulit mamaya," patamad pa niyang sagot.
Kitang-kita ni William ang paghaba ng ngunso ng sekretarya niya. Alam nitong wala talaga siyang kagana-gana sa sinasabing lunch na iyon ng mommy niya. Wala lang siyang magawa. Gusto na rin niyang sabihin sa mga ito ang tungkol kay Atasha.
"Noted sir," naisagot na lang ni Maria bago ito tuluyang lumabas.
Ang buong oras ni William ay ginugol niya sa trabaho. At tulad ng inaasahan, muntikan na talaga niyang makalimutan ang mga magulang.
"Sir it's already twelve noon."
"Sabi ko naman sa iyo ipaalala mo sa akin eh."
"Kaya nga po pinuntahan ko na kayo. Talagang nakalimutan po ninyo?" Mangha pa nitong tanong na ipinagkibit-balikat pa niya.
"Oo eh."
"Ang makakalimutin naman ninyo. Pero sa trabaho, ni isang detalye wala kayong makalimutan." Nginisian lang niya ang sekretarya.
"Sige na. Maglunch ka na. Aalis na ako," nasabi na lang niya at hindi na lang sinagot ang sinabi ng sekretarya niya.
Nasa byahe pa lang siya patungong Restaurant Cafuego ng matanggap niya ang tawag ng mommy niya. Napilitan na rin naman siyang alisin sa block list ang numero nito.
"Yes mom!"
"Where are you hijo?"
"I'm on my way mom. Malapit na ako."
"Okay, take care son."
Ipinagkibit balikat na lang ni William ang kakaibang awra ng mommy niya. Parang napakabait nito sa mga oras na iyon. Higit sa lahat ay parang wala itong balak na kakaiba pag nagkita sila.
Nasa kalahating oras din ang naging byahe ni William bago niya narating ang restaurant. Pagkapasok pa lang niya ay sinalubong na kaagad siya ng isang staff ng restaurant na wari mo ay talagang inaabangan na siya.
Mula sa pinakaloob ng restaurant ay nagtungo pa sila sa isang maliit na pasilyo, hanggang sa makarating sila sa isang silid. Ilang beses na kumatok ang kasama niya hanggang sa binuksan na nito ang pintuan at pinapasok na siya.
Walang ibang tao sa silid na iyon. Kung titingnan ay para itong vip room ng restaurant na iyon. Para sa mga lunch meeting in private matter. Mas maganda para sa mga taong gusto na may privacy sila.
Napatingin siya sa mga magulang. Akala niya ay mabubungaran niya doon ang mga magulang kasama ang babaeng nais nitong ireto sa kanya. Ngunit nagkamali yata siya sa mga oras na iyon. Dahil walang ibang kasama ang mga magulang kundi ang mga ito lang talaga.
"Hi mommy, hi daddy," aniya at humalik sa pisngi ng mommy niya. Habang tapik naman sa balikat ang ginawa niya sa daddy niya. Umupo na rin siya sa bakanteng upuan sa harapan ng mga ito.
"Akala ko ay hindi ka na darating anak. Malapit ng mag-ala una."
"I'm sorry dad, mom. Medyo nakalimutan ko talaga," sagot niya.
Napatingin na lang si William sa may pintuan ng bumukas iyon at pumasok ang waiter na siyang may dala ng kanilang pagkain. Medyo madami rin ang inihayin ng mga ito. Matapos sa ginagawang paghahayin ay nagpaalam na rin ang waiter at lumabas na.
"Sige na, kumain na muna tayo. Alam namin ng mommy mo na busy ka. Kaya hindi ka na namin gaanong aabalahin. After nito, pwede ka na ulit bumalik sa opisina."
Salitan namang tinitigan ni William ang mga magulang. Parang may kakaiba talaga sa mga ito na hindi niya maunawaan kung ano.
"Para saan ang mga titig mo anak?" hindi na mapigilang tanong ng mommy niya.
"Hindi po ba kaya ninyo ako pinapunta dito ay para ipakilala na naman sa akin ang anak ng business partner ninyo? O babaeng anak ng isa sa mga kaibigan ninyo? Medyo naninibago po talaga ako. Na kaya lang ninyo ako pinapunta dito ay para lang talaga kumain tayo ng lunch ng sabay-sabay?" Hindi pa rin makapaniwala si William sa ikinikilos ng mga magulang.
"At iyon lang naman talaga ang katotohanan anak. Gusto ka lang naming makasabay na kumain ng daddy mo."
"Bakit parang hindi ako makapaniwala. Bakit parang kinakabahan ako sa pwedeng mangyari? Isa pa parang natatakot ako sa susunod na sasabihin ninyo."
"Kumain na muna tayo. William mamaya na nating pag-usapan kung ano man iyan."
"Pero mukhang mas lalo akong hindi makakakain, kung hindi ninyo sasabihin ang nais ninyong sabihin."
Ibinaba ni William ang hawak na kutsara at tinidor. Parang nawalan siya ng gana. Oo nga at wala naman ngang babaeng iniharap ang mga magulang sa kanya. Ngunit parang mas kinakahabahan pa siya sa sasabihin ng mga ito.
"Okay, gusto lang naming malaman kung totoo ang balitang nakarating sa amin na may babae kang ibinabahay sa condo mo."
Napalunok si William. Hindi totoong may ibinabahay siya. Dahil ang totoo ay nakatira at hindi niya basta ibinabahay si Atasha. Higit pa doon, hindi lang basta ibinabahay ang papel ni Atasha sa buhay niya. Una ay ito ang ina ng kanyang anak. Pangalawa ay ayaw na lang niyang basta na lang ito maging ina ng anak niya. Mas higit pa doon ang nais niya.
"Kanino ninyo nalaman?"
"We have our own ways son. Hindi na kailangang may magsabi pa sa amin bago namin malaman," paliwanag ng daddy niya.
"Pero hindi ko naman basta ibinabahay ang babaeng sinasabi ninyo."
"Because she's the surrogate mother you mentioned before? For pete sake William! Hindi mo kailangan ng isang babaeng palahian para lang magkaanak!" sikmat ng mommy niya na saglit nagpapanting sa tainga niya. Hindi niya nagustuhan ang sinabi nitong babaeng palahian. Matinong babae si Atasha at hindi tulad ng nasa isip ng mga magulang.
"Watch your words mom. Hindi mo alam ang sinasabi mo!" asik pa niya.
"At ano ang ibig mong sabihin anak? Sinong matinong babae ang papayag sa gusto mo na basta ka na lang bigyan ng anak ng walang kapalit? Okay may perang kapalit. Sabagay nga naman, ganyan naman talaga ang mga babaeng gagawin ang lahat para sa pera. Para may maipantustos sa luho ay kahit ang pagbebenta ng anak ay gagawin!" dagdag pa ng mommy niya.
"Hindi ako pumunta dito para bastusin ninyo ang babaeng ina ng anak ko. Pumunta ako dito para makausap kayo, para sa babaeng sinasabihan ninyo ng hindi maganda kahit walang ginagawang masama sa inyo. Akala ko nagbago na kayo. Noon kay Teresa mula ng nawala siya dahil may kumuha sa kanya ay palagi na lang masasamang salita ang lumalabas sa bibig ninyo. Tapos ngayon, hindi pa ninyo nakikilala ang babaeng sinasabihan ninyo ng kung anu-ano ay akala naman ninyo buong buhay niya ay kilala na ninyo!"
Hindi na mapigilan ni William ang sarili. Wala siyang balak sagot-sagutin lang ang mga magulang. Ngunit mukhang gustong ubusin ng mommy niya ang respetong inilalan niya sa mga ito.
"Dahil lang sa isang babae William Del Vechio!" Napatingin siya sa daddy niya ng magsalita ito. Alam niyang galit ito sa pagsagot niya sa mommy niya. Ngunit sino naman bang hindi sasagot kung puro pang-iinsulto lang ang maririnig niya mula sa mga magulang.
"Bakit daddy? Mali ba ako? Bakit naging mapanghusga kayo? Hindi pa naman ninyo nakikilala iyong tao."
"Bakit? Si Teresa ba hindi namin kilala bago ka niya niloko? Naging mabuti kami kay Teresa. Dahil wala na siyang pamilya kaya minahal namin siya at itinuring nang parang tunay na anak. Pero anong ginawa naming mali para saktan ka niya, para lokohin? Nakita namin ng daddy mo ang paghihirap mo noong nawala siya. Pero noong bumalik siya, parang ibang tao na siya. Bukod pa sa totoong nakita namin siya bago siya bumalik na may kasama siyang iba. Wala kaming ibang iniisip kundi ikaw. Ayaw naming masaktan kang muli. Kaya ang nais namin ng mommy mo ay mapunta ka sa isang matinong babae na totoong mamahalin ka at hindi lolokohin."
Saglit na natigilan si William. Sa kabilang banda ay tama ang mommy niya. Nauunawaan niya ang pinupunto nito dahil sa ginawang panloloko sa kanila ni Teresa. At totoong nasaktan talaga ang mga magulang niya, dahil anak na talaga ang turing ng mga ito sa dati niyang kasintahan.
"Pero hindi naman ako iyong basta na lang magpapaloko sa manloloko. Hindi ganoong klaseng babae ang ina ng anak ko."
"Ina ng anak mo! Nagdadalangtao na ang babaeng iyon!" bulalas pa ng mommy niya.
"Yes mommy. Isa pa huwag ninyong ikumpara si Atasha ay Teresa dahil magkaibang tao sila."
"So Atasha pala ang pangalan niya. Pwede ba namin siyang makilala ng daddy mo."
"Kung kanina bago ako pumunta dito ay iyan ang balak ko. Pero sa ngayon ay nagbago na ang isipan ko. Ipapakilala ko sa inyo si Atasha sa tamang panahon. Pero hindi ngayon. Kung wala na kayong ibang sasabihin ay aalis na ako," aniya at mabilis na tumayo sa kinauupuan.
"William hindi ka namin tinuruan ng mommy mo na maging bastos sa harapan ng pagkain. Maupo ka at tapusin mo ang pagkain mo!" singhal ng daddy niya.
"Nawalan na ako ng gana daddy. Salamat po sa pag-iimbita ngayon. Ngunit hindi ko naman sinasadyang maging bastos. Totoong hindi ko na kayang kumain sa mga oras na ito."
"Anong ibig mong sabihin!" galit nitong saad. Akmang tatayo ang daddy niya at nakaangat na ang kamay nito habang nakakuyom ang kamao ng pigilan ito ng asawa.
"Wally!"
"Pagsabihan mo iyang anak mo Welona! Dahil lang sa babae ay hindi na makontrol ang sarili sa pagiging palasagot. Hindi ko yan pinalaki para lang maging bastos!"
"Daddy, I'm not a thirteen year old boy na palaging yuyuko lang dahil sa napagsabihan. I'm already thirty daddy! May sarili ng desisyon at nasa tamang pag-iisip."
"Nasa tamang pag-iisip? Naririnig mo ba ang sarili mo William! Sinong matinong lalaki ang hahanap ng surrogate mother para lang magkaanak? Gayong binata ka at pwedeng-pwede kang mag-asawa at magkaanak ng normal!"
"Ngayon aminado akong baka nga nagkamali ako sa unang naging desisyon ko. Pero kung hindi ko iyon ginawa, siguradong iisa pa rin ang plano ko. Iyon at iyon pa rin. Ang maghanap ng babaeng papayag para mabigyan ako ng anak. Ngunit ngayon hayaan muna ninyo ako sa plano ko. Darating ang panahon na mag-aasawa ako. At sisiguraduhin ko sa inyong ang magiging asawa ko ay siyang nag-iisang ina ng mga anak ko."
Hindi na hinintay pang magsalita ni William ang mga magulang at mabilis na hinayon ang pintuan ng vip room ng restaurant na kinalalagyan nila. Totoong naiinis siya, ngunit ayaw na rin niyang mas humaba pa ang diskusyon nila ng mga magulang at baka kung saan pa sila makarating.
Pagdating sa hallway, ay narinig pa niya ang pagbati ng ilang staff ng restaurant na nakakasalubong niya. Ngunit sa nararamdaman niyang iyon ay hindi na niya nagawang bumati sa mga ito.
Pagkalabas niya ng restaurant at tinungo niya kaagad ang kotse niya at mabilis na pinaharurot paalis ang sasakyan sa lugar na iyon.