AVEL
Sinabi sa akin ni Theo na hindi raw ito matutulog ngayong gabi. Magmo-movie marathon daw kami. Pero heto ang kaibigan, humihilik pa habang nakanganga matulog.
Napailing na lang ako. Hindi na nito natapos ang movie na pinapanood namin. Alam ko rin naman kasing pagod si Theo. Marami kaming ginagawa sa University. Hinayaan ko na ito, kasi baka pagod talaga.
Tinapos ko na lang ang movie at kinain ang natitirang pizza sa box. Nagligpit na ako at naglatag ng sapin sa sahig. Ayaw ko sa kwarto matulog, dahil tiyak, baka mapanaginipan ko nanaman ang nakakatakot at weirdong panaginip na ‘yon. Tutal, nakatulog naman na si Theo sa sofa. Ako na lang sa sahig. Nilagyan ko siya ng kumot at tinapat sa kanya ang electricfan. Wala sana akong balak matulog, pero tulog na si Theo at medyo naantok na rin ako.
Nang masigurong ayos na ang posisyon ni Theo, humilata na ako sa sahig at ipinikit ang mga mata. Itinaas ko ang isang binti ko at pinatong sa binti ni Theo para masiguro kong may kasama ako.
Pinikit ko ang mata ko at nakakapagtakang hindi ako dalawin ng antok.
Napabuntong-hininga ako. Kinuha ko ‘yung cellphone ko at nanood ako ng mga nakakaantok na videos tulad ng mga massage videos. Minsan, gawain ko talaga ito kapag gusto kong marelax pero hindi naman ako makapagpamasahe.
Hindi nagtagal, bumigat na ang mata ko at sinasabi nitong naantok na ito.
Tuluyan nang bumigay ang diwa ko at una’y mahimbing at masarap ang tulog ko.
Ngunit, sa isang iglap lamang ay napunta ako sa isang mahiwagang lugar. Napakaliwanag nito. Nasisilaw ako sa liwanag. Kaya naman tumakbo ako ng tumakbo upang marating ang pinakadulo n’yon.
Nang marating ko ang dulo ay napasigaw ako dahil nakalutang ako sa ere!
Kitang-kita ko mula sa posisyon ko ang buong kaharian ng kakaibang lugar na ito. Naniniwala akong hindi sa mundo ito ng tao. Napakamagical ng paligid, may mga lumilipad, at ang kagandahang nakikita ng mata ko ngayon ay hinding hindi makikita sa lugar ng tao.
Napasinghap ako. Nasaan ako?
Pero mukhang hindi naman ako nasa panganib. Napakaganda at napakapayapa ng paligid. Masasaya ang mukha ng mga tao. May nakikita pa akong mga bata na nagtatakbuhan.
May narinig akong mga yabag palapit sa akin. Hinanap ko ito at napatili pa ako nang may makatabi akong babaeng kumikinang sa liwanag. Mukha itong Diyosa! Napakaganda nito. Napakadivine ng itsura. Pero dahil alam kong nasa panaginip lang ako, sinubukan kong tanungin ito, ngunit naunahan niya ako magsalita.
“Ang ganda ng lugar na ito, tama ba?” ang buong tingin nito ay nasa lugar na nasa ibaba naming.
Wala sa sariling napatango ako dahil maganda naman talaga. “Napakaganda at payapa ang lugar na ito. Sagana sa lahat ng yaman at mabubuti ang mga puso ng taong nakatira rito,”
Nakikita ko ‘yon. Kahit hindi ko pa nakakasalamuha ang mga taong nasa ibaba naming, alam kong mabubuting tao ang mga ito. Nakangiti, magaan ang itsura at mukhang nagtutulungan
“Pero sa isang iglap lamang ay pwedeng mawala ang lahat ng ngiti sa mukha nila. Sa isang iglap ang asul na dagat na nakikita mo ay magiging kulay pula. Ang mga lupa… wala kang ibang makikita r’yan kundi patay na mga katawan…” sa isang isang kisap mata lamang lahat ng sinabi nito ay nangyari.
Ang kaninang kalmado at asul na dagat ay naging pula. Ang mga lupa ay puno ng mga patay na katawan. Maraming mga usok. Mga nagsisigawan at mga sira at umaapoy na mga kabahayan. Maririnig ang mga iyak ng mga bata at kababaihan.
Napasinghap ako sa nakita ko. “Anong nangyari?! Bakit naging ganito? Ikaw ba ang may kagagawan nito?!”
Muli ay naging maayos ang paligid. Bumalik sa normal na kaninang masaya. What the heck, ano ba ang nangyayari sa akin?! Hindi pa naman ako baliw, hindi ba?
“Ganyan ang mangyayari sa hinaharap, Avel. Ang payapang lugar na ito at ang mundo ng mga tao ay magiging ganyan sa hinaharap…”
Nagtagis ang mga ngipin ko. “Anong kailangan mo? Bakit gusto mong maging ganito ang lugar na ito at ang mundo ng mga tao? Anong agenda mo?”
Tumingin sa akin ang magandang diwata at bumuntong-hininga. “Nagkakamali ka, Avel,” Napakunot noo ako. Avel. Paano nito nalaman ang pangalan ko? Wala naman akong natatandaan sinabi. Pero sabagay, nasa panaginip nga lang pala ako. Hindi impossible na hindi nito malaman ang pangalan ko. Wala naming impossible sa panaginip eh.
“Hindi ako nagpakana nitong lahat. Kahit sa hinagap ko, hindi ko nanaisin na mangyari ito sa lahat. Gusto ko ng kapayapaan, ng kasaganaan. Ngunit, paano mangyayari ‘yon kung sa hinaharap ay magiging ganyan ang kinabukasan ng lahat? Walang matitirang buhay sa mundong ito, Avel. Lahat ay pupuksain nila,”
Napakunot-noo ulit ako. “Sila? Sino bang sila?”
“Isang grupo na napakamakapangyarihan. Iisa lamang ang layunin nila, ang puksain ang mundong ito. Gusto nilang tapusin ang paghihirap ng mga tao sa maling paraan. Gusto nilang gumamit ng dahas at madugong labanan,”
Bigla akong napuno ng kalungkutan. Parang hindi kaya ng puso ko na makita ang mga batang pinagkaitan na makita kung gaano kaganda at kasaya ang mundo. Hindi kaya ng puso ko na may mga matatandang walang kalaban-laban na mamamatay. At ang mga inosenteng tulad ko na marami pang pangarap sa kinabukasan.
“Napakasama nila… kaya ng konsensya nila ‘yon?” tanong ko.
“Wala silang konsensya, Avel. Kung ‘yan ang gusto mong tukuyin…”
“Baka may paraan pa para mailigtas ang nakatakdang mangyari…”
Tumingin ito sa akin. “Gusto mo ba silang tulungan?”
Nagkibit-balikat ako. “Syempre, bukod para sa sarili ko, gusto ko silang tulungan. Pero ano ba ang magagawa ko? Tao lang naman ako. Hindi ko nga alam bakit naririto ako,”
Ngumiti ito kaya naman mas gumanda ito sa paningin ko. “Hindi mo alam ang sinasabi mo. Hindi mo alam kung gaano kalaking tulong ang magagawa mo, Avel. Kaya naman ang tanong ko sayo, handa ka ba?”
“Handa saan?”
“Handa ka bang tumulong at lumaban?”
Muli kong nagkibit-balikat. Nasa panaginip lang naman ako, so, walang kaso sa akin. “Hindi ka nasa panaginip mo, Avel. Totoo ang lahat nang nakikita ng mata mo ngayon. Ako ang gumagawa ng panaginip mo, Avel,”
Napasinghap ako at bigla, nilukob ako ng kakaibang takot na kahit kalian ay hindi ko pa nararamdaman sa buong buhay ko. “I-Ikaw… ikaw ang dahilan kung bakit lagi ako nagkakaroon ng ganitong panaginip! Ikaw! Kasalanan mong lahat ito!” Gigil na utas ko. Hindi ako bayolenteng tao, at mas lalong hindi ko kayang manakit ng babae. Pero, talagang nanggigigil ako ngayon.
“Paumanhin, Avel. Hindi ko gustong takutin ka o bigyan ng problema. Pero wala na akong ibang paraan…”
Ngayon, alam ko na kung bakit alam nito ang pangalan ko kahit hindi ko pa tinatanong. Alam kong makapangyarihan siya.
“Bakit kailangan mong gawin sa akin ‘to?” pinipigilan ko na huwag magalit.
“Dahil ikaw ang pag-asa, Avel. Kailangan kong ipakita sa’yo ang magiging hinaharap. Dahil ikaw ang kailangan ng mundong ito…”
Napailig ako. Nababaliw na yata itong babaeng ito.
“Ako ang kailangan ng mundong ito? Bakit, sino ba ako? Tao lang ako. Ano naman ang magagawa ko? Ikaw ang makapangyarihan diba? Kaya mong manipulahin at pasukin ang panaginip ko. Bakit hindi ikaw ang magligtas para sa hinaharap?” Galit kong angil.
Nalungkot ang mukha nito. “Gustuhin ko man, Avel, pero hindi ako ang taong sinasabi sa propesiya. Ang kapangyarihan ko ay limitado lamang sa panghuhula at panaginip. Hindi ko kayang magligtas ng sanlibutan,”
“At ako, kaya ko? Isang hamak na tao lang ako. Ano naman ang magagawa ng isang mortal na gaya ng iniisip mo, Avel. Higit ka pa sa inaakala mo. Manalig at magtiwala ka lamang sa sarili mo. Ikaw… ikaw ang lalaking magliligtas sa sanlibutan. Ikaw ang pag-asa ng lahat, Avel. Pakinggan mo kung ano ang sinasabi ng puso mo. Malapit na ang pagdating ng araw na ‘yon, Avel. Maghihintay ako. Maghihintay ako kung saan kaya mo nang tanggapin na ikaw ang tagapagligtas ng mundo,”
Napailing ako. “Bakit ko kailangan tanggapin eh kung isang hamak na panaginip lamang ito? Kung kayo nga na mukhang hindi naman tao at parang may kapangyarihan, hindi niyo magawang pigilan ang mangyayari at ang masasamang nilalang na sinasabi mo, ako pa kaya? Sino ba ako? Ni wala nga ako alam sa pakikipaglaban,”
“Hindi pa sa ngayon, pero darating ang araw na ‘yon, Avel. Dapat mo munang matutunan matanggap mismo sa sarili mo ang responsibilidad na ito. Sayo nakasalalay ang buhay ng lahat at ng sanlibutan na ito,”
Muli itong tumingin sa payapang lugar sa ibaba namin. “Tignan mo silang lahat, Avel. Kaya ba talaga ng konsensya mo na lahat sila ay mamatay? Ang mga bata… ang mga matatanda… ang pangarap mo… lahat ay mawawala ‘yon kung hindi mo kayang tanggapin sa sarili mo na ikaw ang lalaki sa propesiya. Ikaw ang lalaking tutulong sa amin at magliligtas ng mundong ito,”
Napahinga ako nang malalim. “G-Gusto ko munang ma-absorb kong hindi lang ito panaginip. Hayaan mo muna akong makapagisip. This is too much. Hindi ko kayang intindihin sa isang iglap lamang…”
Tumango naman ito. Mukhang naintindihan ang point ko.
“Walang problema, Avel. Ibabalik na kita ngayon din sa kamalayan mo…”
Napalunok ako. Totoo ba talaga ito o isang panaginip lang?
“A-Anong pangalan mo…?”
Tumingin siya sa akin at nagsalita. “Ako si Cygnus…”