AVEL
Katatapos lang namin magtanghalian. As usual, masarap nanaman ang ulam. Isa ito sa gusto ko rito, masarap ang ulam. Sa mundo kasi ng tao, dahil mag-isa ako sa bahay at ang magulang ko ay nasa probinsya, hindi tuloy ako nakakain ng masarap.
Kung hindi ako bibili sa labas at kung hindi dahil sa mga delata ay baka hindi ako makakain kahit papaano ng maayos na pagkain.
Hindi ako mahilig magsiesta, dahil sa mundo ng tao, ganitong oras ay nasa University ako at buhay na buhay ang dugo. Pero dahil nasa ibang mundo naman ako at walang magawa, ay matutulog na lang siguro ako.
Tutal parang binugbog ang katawan ko ngayon ng isang sikat na boksingero. Ang sakit ng mga kasu-kasuan ko. Parang may pasa. Sino nga ba naman ang hindi sasakit ang katawan pagkatapos tumakbo ng ganoong katagal tapos tatlong burol pa. Eh wala naman akong exercise.
Humihikab ako na pumuntang terrace. Doon muna ako magpapahangin. Gusto kong makita ang magandang tanawin ng Ereve. May upuan at divan naman doon.
Huminga ako sa divan at pinuno ko ng hangin ang dibdib ko. Whew, siguro kung may ganitong kagandang lugar sa mundo ng tao ay napakaganda. Pero siguro rin ako na kung sakaling may ganito nga sa mundo ng tao, ang mga ganid na businessman at mga taong matataas ay pagkakaperahan lamang ang ganitong lugar. Hindi iingatan ng mga tao ito.
Wala sa sariling namasahe ko ang balikat at binti ko. Napakasakit kasi. Parang may pasa na hindi maintindihan. Kahitbl papaano naman ay nare-relax ako sa ginagawa ko. Bigla tuloy akong naantok.
Nasa ganito akong sitwasyon nang maramdaman ko ang mga yabag. Pagsinghap ko sa paligid ay alam kong si Aerith 'yon.
"Avel, anong ginagawa mo?" tanong nito na siguro'y nagtataka sa ginagawa.
Damn. Baka nawe-weirduhan siya sa akin?
Napangiwi ako. "Ahh... ehh... k-kasi ano--"
Nagkandabuhol ang kilay nito. "Kasi?"
Napakamot ako sa kilay ko. "Sumakit kasi ang katawan ko, Aerith. Alam mo na, hindi naman ako sanay sa ganitong activity eh. Isalang ba naman ako na wala man lang ehersisyo,"
Nagalala ang mukha nito. "Sobrang sakit ba?"
"Malayo naman sa bituka. Pero s'yempre, masakit. Parang ang hirap gumalaw ang ang bigat ng katawan ko,"
Nanatiling seryoso ang mukha nito. "Gusto mo bang masahiin kita, Avel?" alok nito.
Napasinghap ako sa narinig ko. Ano? Mamasahiin ako ni Aerith? Hindi ako papayag. Nakakahiya. Isa itong prinsesa. Ang prinsesa ng Ereve. Ang nagiisang anak ni Alcaster at Amoria. Ano na lamang ang sasabihin sa akin ng mga taga Ereve at ng magulang nito?
Tila nabasa naman ni Aerith ang nasa utak ko. "Huwag kang mag-alala, Avel. Hindi nila iisipin 'yun. Isa pa, hindi lang naman ikaw ang unang gagawan ng ganito. Minamasahe talaga ang mga mandirigma na sumasabak sa laban. At kaming mga kababaihan ay 'yon ang natutulong. Kaya huwag ka masyadong mag-isip d'yan,"
Napangiwi ako. "G-Ganoon ba? Sige bahala ka,"
Napangiti ito. "Isa pa, magaling ako magmasahe. Baka matulungan kita para bukas ay punong puno ka ng enerhiya. Malay mo, bukas malakas na malakas ka na ulit."
Wala na akong nagawa. Magiinarte pa ba ako, eh ang sakit sakit na nga ng katawan ko.
Ngumuso ito sa divan. "Humiga ka, Avel."
Natigilan ako. "B-Bakit ako hihiga?"
Napakunot ang noo nito. "Avel, tinatanong pa ba 'yan? S'yempre, mamasahiin nga kita. Pangit naman kung mamasahiin kita tapos may damit ka. Edi hindi mo rin naramdaman 'yon,"
Medyo napahiya naman ako kaya wala na akong nagawa pa kundi hubarin ang tshirt ko. Tutal naman ay nakashort naman ako kaya hindi ko s'yempre huhubarin 'yon.
Nagulat ako nang may kapangyarihan na lumabas sa palad ni Aerith at ilang sandali pa ay naging langis 'yon!
Napasinghap ako. Aliw na aliw naman si Aerith sa itsura ko na tila nakakatawa ang reaksyon ko. "Sige na, dapa na,"
Wala na nga akong nagawa kundi ang dumapa. Maya-maya pa'y naramdaman ko ang malambot na palad nito na humahagod sa muscles ng likod ko.
"Saan ang masakit, Avel?" tanong nito.
Hirap na hirap akong idilat ang mga mata ko. Ang sarap sa pakiramdam nang may nagmamasahe sayo. Hindi ko na kasi matandaan kung kailan ang huling nagpamasahe ako sa mga spa.
"Sa balikat, Aerith. Doon masakit. Parang nalamog na muscle na hindi maintindihan," namumungay ang mga matang sabi ko.
Tumango ito. "Ayos lang ba sayo kung didiinan ko?"
"Oo naman. Gusto ko nga 'yon para madurog mo lahat ng lamig ko sa katawan. Para bagong tao ako bukas sa training,"
Nagkatawanan kami ni Aerith sa sinabi ko. Grabe. Ang bawat hagod nito ay napakasarap. Tila natutunaw talaga ang mga masasakit kong parte. Hindi ko na nga namalayan na nakanganga na pala ako sa sarap.
Hindi ko akalain na sa kabila ng maliit nitong katawan, eh malakas pala ang pwersa nito.
Maya-maya pa ay humantong na ang mga palad at daliri nito sa binti ko. Partikular sa calves kong napakasakit.
Diniin nito ang bawat paghagod.
"Ahh... d'yan ang masakit, Aerith." daing ko.
Seryosong nagpahagod hagod naman ito. "Gaano kasakit?"
"Hindi ko maipaliwanag. Basta, masakit talaga. Alam mo 'yung feeling na nalamog na muscle tapos parang may matindi kang pasa? Ganoon," sabi ko.
Dinamihan ni Aerith ang langis sa binti ko. Napapangiwi ako tuwing natatamaan nito ang lamog na parte, sa kabilang banda naman ay napakasarap.
Nakakagaan ng pakiramdam. Talagang todo bigay si Aerith sa pagmasahe sa akin. Gusto nga siguro talaga niya akong tulungan para maging maayos ang training ko bukas.
Ang isang binti ko naman ang pinagdiskitahan niya. Parang galit na galit ito habang nagmamasahe. At bilib na bilib ako sakanya dahil hindi lang siya basta prinsesa. May mabuting puso ito at mapagkumbaba. Marunong tumulong.
Kaunti na lamang ay tatangayin na ako ng sobrang antok at sarap.
"A-Aerith... magagalit ka ba kung makakatulog ako?"
Natawa ito at bumulong sa likod ng tenga ko. "Hindi. Bakit naman ako magagalit, Avel?"
Unti-unting bumibigat ang talukap ng mata ko. "Ang sarap mo kasi magmasahe. Parang gusto ko matulog at magpahinga..."
"Rest well, Avel. Alam kong sobrang pagod ka ngayon. You deserve it," mahinang sabi nito na tuluyan nang nagpagupo sa antok na nararamdaman ko.