CHAPTER 4

2409 Words
NAPAHAGULHOL lang si Camille hindi niya alam kung paano niya uumpisahang ipaliwanag sa kanyang mga magulang ang lahat. Binigo niya ang mga ito at ngayon ay tila malalagay pa ang mga ito sa kahihiyan nang dahil sa kanya. Mataas kasi ang expectation sa kanya ng mga magulang. Mula pagkabata niya ay palaging proud sa kanya ang mga magulang dahil bukod sa magaling siya sa klase ay mabait daw siya. Ngayon pa lamang niya bibiguin ang mga ito. “Dad, Mom, I..I’m so sorry. Hindi ko kasi alam kung paano ko sasabihin …pero…” Halos hindi lumilihis ng pagkakatitig sa kanya ang amang si Alfred, naghihintay talaga ito ng kanyang isasagot. “Pero totoong buntis nga ako…” napahikbi siya. Biglang napatakip ng bibig ang inang si Helen at humawak sa dibdib. “Diyos ko! Anak, bakit naman hindi namin nalaman? Hindi naman kami tutol kung sakaling lumagay na kayo sa tahimik nitong si Ivan. Pero sana anak dinaan ninyo naman sa tama. ‘Di ba dapat kasal muna bago ang mga bagay na iyan?” anang Ginang Helen. Hindi naman nakapagtataka dahil conservative ang kanyang mga magulang. Napatingin si Izaiah kay Camille at sa ginang na tila gulat na gulat dahil sa pagtawag sa kanyang Ivan. “At ikaw lalaki ka, sa tingin mo tama ba ang ginawa mo sa anak ko?! Dapat pinakasalan mo muna!” Mataas pa rin ang boses ni Alfred na ibinaling ang tingin sa nakatayong si Izaiah na halos hindi maibuka ang bibig para magpaliwanag. “Ahhh…Ano po kasi, Sir,” napakamot ito sa ulo. “Hindi po siya si Ivan, Dad. Hindi po siya ang ama nitong dinadala ko,” sa wakas ay nasabi ni Camille. “Ano?! At bakit hindi mo agad sinabi?” galit na turan ng ama. Tila nakahinga na nang maluwag si Izaiah at sa wakas ay nasabi na rin ni Camille. “Kung gano’n, gusto naming makausap ang Ivan na ‘yan. Nasaan ba siya? Tawagan mo ngayon din!” ma-awtoridad na sabi ng ama. Biglang nataranta si Camille sabay napatingin ito kay Grace na tila namumutla na rin. “Dad.. kasi…kasi..” hindi niya alam kung sasabihin na ba niya ang totoo. “Kasi ano?” naghihintay ng isasagot si Alfred. “Kasi, wala na po kami. Naghiwalay na po kami.” “Ano?!” magkasabay na tanong ng mag-asawa. Tumango lang si Camille na hindi alam ang idudugtong pa sa kanyang sasabihin. Ngayon ba ang tamang pagkakataon para sabihin niya sa mga magulang na ikinasal na ito sa ibang babae? “Diyos ko po! Anong wala na? Anong naghiwalay? Pagkatapos kang buntisin iniwan ka, ha, anak?!” biglang napahawak si Helen sa kanyang dibdib. “Mom…” Lalong napaiyak si Camille nang makita ang ina na napahawak sa dibdib. “Ma’am, huminahon po kayo,” anang si Grace na hinaplos-haplos ang likod ng ginang at binigyan ito ng tubig “Sabihin mo! Nasaan ang lalaking iyon at pupuntahan ko?!” galit na sabi ng ama. Sa pagkakatong ito ay hindi na siguro kailangan na tumagal pa ni Izaiah sa loob ng silid dahil tila personal na ang pinag-uusapan ng pamilya. “Ah, excuse me, Sir, Ma’am, aalis na po muna ako,” paalam ni Izaiah. Noon lang tila nawala ang galit ni Alfred nang tumingin ito kay Izaiah. “Pasensya ka na kung napagkamalan kita,” ani Alfred. “No, Sir, ako talaga dapat ang humingi ng pasensya dahil muntik ko nang masagasaan ang anak n’yo. Kaya ako po ang nagdala rito sa kanya. Pasensya na po talaga. Alam kong hindi sapat, pero kahit man lang sa hospital bills hayaan niyo pong ako na ang magbayad sa lahat. Sorry po talaga,” saad niya. Inaasahan niyang baka magalit din ito sa kanya. Pero tumango lang ang ginoo, tila mas mabigat ang kinakaharap nitong sitwasyon ngayong nalaman nito ang totoo sa anak. “Hindi mo kasalanan, Izaiah, ‘wag mo nang sagutin ang bills. Kasalanan ko naman dahil wala ako sa sariling naglalakad sa kalsada,” nahihiyang sabat ni Camille. “Huwag n’yo nang pagtalunan ‘yan let him be. Basta ang gusto ko sa ngayon ay ang makausap ang Ivan na ‘yan!” galit na sabi ni Alfred. Samantalang si Helen naman ay napapaluha sa sinapit ng anak. UMALIS na si Izaiah sa hospital. Habang nagda-drive siya pauwi ng kanyang unit ay hindi pa rin maalis sa kanyang isipan ang nangyari kanina. Sa maikling minuto na pananatili niya sa hospital kanina ay tila isang pasabog ang nalaman niya. Hindi niya akalain na buntis si Camille, at ang nakalulungkot pa ay nagkahiwalay ito ng lalaking nakabuntis. Wala naman siya sa lugar para husgahan ang pagkatao ng lalaki dahil hindi naman niya alam kung ano talaga ang nangyari sa dalawa. Pero kung siya ang nasa kalagayan ng lalaki ay hindi niya magagawang iwanan si Camille sa ganoong kalagayan. Napabuntong-hininga siya dahil naalala na naman niya si Amber. “I wish you’re here my love…” Kung alam lang ng lahat kung gaano siya nangungulila sa kanyang mag-ina. Hindi muna umuwi si Izaiah sa bahay ng mga magulang, may sarili kasi siyang condo unit at madalas doon siya umuuwi dahil mas malapit ito sa kanyang trabaho. Pagod na ibinagsak niya ang katawan sa sofa. Mariing napapikit siya dahil sa pagod na naramdaman niya ngayong araw. Pagkatapos niyang magpalit ng damit ay tinungo ang mini bar na malapit sa kitchen. Kumuha siya ng alak at nagsalin sa baso. Ganito siya palagi sa tuwing dito siya umuuwi sa kanyang unit. Pagkatapos ng maghapong pag-iisip at kaabalahan sa trabaho ay hindi pa rin niya maisantabi na isipin si Amber tuwing mag-isa na lang siya. “You’re so unfair…why did you leave me?” Nakatingin lang siya sa kanilang malaking wedding portrait na nakasabit sa may living area. Naalala pa niya, walang pagsidlan ang kanilang tuwa nang malaman na babae ang kanilang magiging anak. Hindi man nasunod ang gusto niyang magkaroon ng anak na lalaki, masayang-masaya pa rin siya dahil baby girl naman ang gusto ni Amber. Wala naman siyang reklamo sa gusto ng asawa, sa katunayan nga kung gaano ito ka full-support sa kanya ay ganoon din siya rito. “I love you, Sweetheart…I missed you...Bakit niyo ako iniwan? Sana magkakasama na lang tayo…” sabay inubos na niya ang natitirang alak na nasa bote. MASAKIT ang ulo na nagising si Izaiah sa ring ng kanyang cellphone. Nakapikit pa siya nang inabot ang kanyang cellphone malapit sa lampshade. “Hello!” Nakahiga pa rin siya. “Anak, bakit hindi ka umuwi? ‘Di ka man lang tumawag. Ano’ng nangyari? Sabi ni Julius sa akin may dinala raw kayong babae sa hospital?” Napadilat siya nang marinig ang tinig ng kanyang ina. Nakalimutan pala niyang tumawag sa mga ito. Pag-uwi naman niya kagabi ay alak lang ang kanyang inatupag at pagkatapos ay nakatulog na siya. “Uh! I’m sorry, Mom. Yes, muntik na akong makasagasa kahapon ‘tsaka medyo maselan iyon, kasi buntis pala ‘yong babae.” “Really? So, okay na ba siya?” nahimigan niya ang pag-aalala sa tinig ng ina. “Yah, don’t worry, Mom, she’s fine now. Makikibalita nga ako kung nakalabas na siya.” “Mabuti at hindi nagalit sa’yo ang asawa.” “Hindi mo aakalain, Mom, ang nangyari sa’kin kahapon. Unfortunately, muntik na akong mabugbog ng daddy no’ng babae.” “B-but why?!” pag-aalala ng ginang. “Hindi mo naman sinasadya ‘yong nangyari ‘tsaka hindi mo naman tinakasan. ‘Di ba?” “Yeah, pero napagkamalan kasi ako ng ama no’ng pasyente na ako ang boyfriend na nakabuntis sa kanilang anak. In short, noon lang din nalaman ng pamilya na buntis pala itong babae. Mabuti at agad namang nagkaliwanagan,” napangiti siya habang kinukuwento sa ina ang nangyari. “Eh, bakit naman natutuwa ka pa, mabuti nga at hindi ka nabugbog.” Ngumiti lang siya. “Hindi naman ako papayag na hindi makapagsalita bago pa ako mabugbog, Mom. I just feel pity with that woman. Kung ako ‘yon hindi ko iiwan ang babaeng mahal ko lalo na kapag buntis. Lalo ko tuloy naalala si Amber at ang anak namin.” Napabuntong-hininga ang ginang sa kabilang linya. “Well, ikaw ‘yon, anak, sadly nagiging normal na ‘yan sa panahon ngayon. You’re always like that, palagi mong iniuugnay sa iyong sarili ang mga bagay-bagay sa paligid. Hijo, I want you to be happy. Find a woman and get married again. Arabella is beautiful magugustuhan mo siya para naman hindi palaging si Amber ang nasa isip mo..” Napabuntong-hininga siya, “Yes, Mom, pero hindi ko alam kung handa na ba talaga ako but don’t worry I’ll be alright soon.” Ayaw din niya bigyan ng stress ang kanyang mga magulang lalong-lalo na ang kanyang ina. Kaya pinipilit niyang ipakita sa mga ito na masaya siya sa tuwing nagkikita-kita sila. NAPATINGIN si Camille sa may pintuan nang may kumatok at kasunod niyon ang pagpasok ni Izaiah. Nakangiti ito sa gawi nila ni Grace na siyang nagbabantay sa kanya. Maayos na naman ang lagay niya kung kaya’t pinauwi na niya ang kanyang mommy. Ang daddy naman niya ay may inaasikaso ring negosyo. Alam niyang masama ang loob nito at hindi niya alam kung hanggang kailan mawawala ang galit nito sa kanya. “Hi! Kumusta?” nakangiting bati ng lalaki. May dala pa itong mga prutas at pagkain na inilapag sa maliit na lamesita. “Ikaw pala. Salamat, nag-abala ka pa. Maayos na ang lagay ko,” tugon niya. Hindi maiwasang pagmasdan ng kasama niyang si Grace ang lalaki. Alam niyang crush na crush ito ni Grace kaya siguradong kilig na kilig na ito. Tumingin din ito kay Grace at binati ito sabay ngiti. “So, kailan ka raw p’wedeng lumabas dito?” tanong ni Izaiah. “Actually hinihintay ko lang ang doktor, tapos puwede na akong umuwi,” tugon niya. Tumango-tango lang ang lalaki. “Pasensya kana talaga, I mean…” halos hindi maituloy ni Izaiah ang sasabihin. “Ako dapat ang humingi ng pasensya sa’yo. Nakakahiya, hindi pa nga tayo magkakilala ng husto nalaman mo na agad ang kahihiyang ginawa ko. At muntik ka nang masuntok ni Daddy. Pasensya na talaga,” nahihiyang sabi niya. “It’s okay, magkakilala na rin naman tayo ‘tsaka hindi naman ako tsismoso kung ‘yan ang inaalala mo.” Tila napawi ang kanyang hiya ng ngumiti ito sa kanya na para bang sinasabi nitong nauunawaan nito ang lahat. “Thank you…” aniya. “Ikaw talaga. Stop worrying..narinig mo naman siguro ang sinabi ng doktor bawal daw sayo ma-stress. Kaya dapat lagi ka lang nakangiti. ‘Di ba, Grace?” bumaling ito sa katabing si Grace. “Ay, true ‘yan, Ma’am, tama si Fafa Izaiah. Kaya kung ako sayo kalimutan mo na ang Ivan na ‘yon. Move on na,” anitong nakangiting tumingin pa kay Izaiah na kilig na kilig. “Oh, by the way, kung ngayon ka pala lalabas, I’ll settle now the bills. Maiwan ko muna kayo, ha. Ako na ang maghahatid sayo pauwi.” “You don’t have to do that magta-taxi na lang kami ni Grace pauwi. ‘Di ba, Grace?” tumingin siya kay Grace para sumang-ayon sa kanyang sinabi. “Naku, Ma’am, feeling ko mas safe kapag si Fafa Izaiah ang maghahatid sa’yo. Isa pa mahirap maghanap ng taxi, ayan na nga nag-aalok na ng tulong si Izaiah, eh.” Ngumiti ang lalaki at tumango sa kanya na sumang-ayon sa sinabi ni Grace. Wala na siyang nagawa kundi ang pumayag. Nang lumabas ng silid ang lalaki ay pinandilatan niya ng mata si Grace na tuwang-tuwa naman. “Ikaw talaga, Grace, para-paraan ka din ano?” natatawang sabi niya, “Di ko lang masabi kanina na baka matunaw na si Izaiah sa mga titig mo sa kanya.” Nagtawanan sila ng malakas. Sandaling nakalimutan niyang may problema pala siya. Bigla siyang natahimik nang maalala si Ivan. Kung sakali kayang malaman nito na buntis siya, matutuwa kaya ito? Siguro naman kahit papaano ay minahal din siya ng lalaki. Napansin ni Grace na nalulungkot na naman siya. Kung kaya’t pilit siya nitong nililibang. Nang dumating ang doktor ay ibinilin sa kanya ang mga gamot na dapat niyang inumin at ang kanyang magiging monthly check-up. Mayamaya lang ay pumasok muli si Izaiah sa kanyang silid at nakita ulit ito ng doktor. Nakangiti ang doktor na binati si Izaiah. Alam ni Camille na hindi naman lingid sa doktor ang mga pagtatalo sa kanyang silid noong unang araw na nagkita ang kanyang pamilya at Izaiah kung kaya’t nahihiya talaga siya. “Puwede na ba talaga siya lumabas, Doc? I mean safe na bang umuwi siya?” may bahid ng pag-aalala sa tinig ni Izaiah. “Yes, Mr. De La Torre. Nakatutuwa ka naman, pati ako nagkamali ng akala. I thought you’re the husband of Camille. Daig mo pa kasi ang daddy sa pag-aalala sa pinagbubuntis nitong si Camille.” “Doc, pa’no namang hindi ako mag-aalala sa kalagayan niya, eh, muntik ko na siyang masagasaan ‘pag nagkataon madadamay pa baby niya. Hindi kaya ng konsensya ko kapag nangyari iyon, I was so afraid that time.” “Hay, naku! ‘Buti ka pa talaga, Izaiah, nag-aalala sa kalagayan nitong si Ma’am Camille samantalang ang walang hiyang si—“ natutop nito ang bibig ng tingnan ni Camille si Grace. SA passenger seat nakaupo si Camille samantalang si Grace ay nasa likuran. Nahihiya siya kaya wala halos siya maikuwento habang nasa loob sila ng sasakyan ni Izaiah. Mabuti na lang pala at kasama niya si Grace na siyang laging nakikipag-usap sa lalaki. Halos hindi ito maubusan ng tanong at tila gusto alamin ang lahat tungkol sa pagkatao ni Izaiah. Nalaman niyang panganay pala na anak si Izaiah, isang businessman at nagtapos sa kursong architecture at kasalukuyang nagpapatakbo ng isang architectural firm. Hindi rin nakaligtas sa tanong kung may asawa na ba ito o girlfriend, tila natigilan ito at nawala ang mga ngiti sa mukha. Kung katabi lang niya si Grace ay kinurot na niya ito sa kadaldalan. Pero mayamaya ay sumagot ang lalaki. Halos natigilan sila pareho ni Grace nang sabihin nitong biyudo na ito. Hindi na nag-usisa si Grace sa lalaki. Nakita ni Camille kung paano nalungkot si Izaiah nang sabihin nitong biyudo na ito. “Sorry to hear that..” ang tanging naidugtong niya. Nilinga siya ng lalaki at binigyan siya ng isang ngiti na tila nagsasabing ayos lang ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD