CHAPTER 9

2180 Words
ITINUON ni Ivan ang kanyang atensiyon sa pagtatrabaho halos ayaw na niyang umuwi ng bahay. Kung hindi lang niya iniisip ang kalagayan ni Cassandra dahil sa pagbubuntis nito, mas gugustuhin niyang manatili na lang sa opisina at doon matulog. Kung puwede lang takasan ang responsibilidad niya gusto niyang magpakalayo-layo. Sa pagdaan ng araw ay mas lalong nagiging demanding si Cassandra. Hindi naman niya ito masisisi dahil alam naman niyang nagkukulang siya sa atensiyon na binibigay sa asawa. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa siya nakakapag-move on sa paghihiwalay nila ni Camille. Mahal na mahal niya si Camille pero wala na siyang magagawa dahil magkakaanak na siya kay Cassandra. Tanging iyon lamang ang nagbubuklod sa kanila sa mga panahong ito. Noong nakaraang buwan ay nagpasama ito sa kanya para mamili ng mga kagamitan ng baby, tumanggi siya dahil hindi pa naman nila alam ang gender ng bata. Pero hindi niya napigilan ang asawa. Namili na agad ito ng mga kagamitan bagay na ipinagkibit balikat na lang niya. Ngayong buwan ay baka malaman na nila kung anong gender ng baby. Aaminin niyang excited rin siya. Ito na lang siguro ang nagbibigay ng rason kung bakit siya dapat magpatuloy sa buhay dahil magiging daddy na siya. Napatingin siya sa maliit na litrato nila ni Cassandra na nakapatong sa kanyang mesa. Noong naging sila ni Cassandra ay pinakialaman nito ang mga kagamitan niya lalo na ang may kinalaman kay Camille. Pati ang mga litratong naka-upload niya sa social media ay hindi rin nakaligtas. Huli na ng makita niyang pinagpupunit nito ang kanilang mga litrato ni Camille. Tanging isang picture lang ang naitabi niya at ito ay lihim na itinabi niya sa pinakailalim ng kanyang drawer dito sa opisina. Binuksan niya ang drawer at kinuha ang nakabalot sa isang bubble wrap na maliit na picture frame. Pinagmasdan niyang mabuti ang litrato, kuha ito noong huling pasyal nila sa Tagaytay. Mabuti na lang at may nagmandang loob na kumuha sa kanila ng litrato noong mga sandaling iyon. Kitang-kita ang makapigil hiningang tanawin ng Taal Volcano na nasa kanilang likuran habang nakayakap siya mula sa likuran ni Camille. Marami silang kuha na mga litrato at mga videos noon, naka-saved ito sa kanyang laptop pero lahat iyon ay binura ni Cassandra. Napangiti siya habang pinunasan ng kanyang mga daliri ang picture frame. “I’m sorry, Camille, Sana mapatawad mo ako pagdating ng araw….I miss you..” usal niya. Biglang siyang napaigtad at muntik na niyang mabitiwan ang frame nang biglang bumukas ang pintuan. “Cassy?! A-anong ginagawa mo rito?!” Hindi niya inaasahan ang biglaang pagdating ni Cassandra, nagulat tuloy siya na animo’y nakakita ng multo. Kadalasan kasi kapag pumupunta ito sa kanyang opisina ay nagsasabi muna ito. Agad niyang inilagay sa drawer ang hawak na picture frame. Napansin iyon ni Cassandra at nakasunod ang tingin nito sa bagay na ipinasok niya sa drawer. “Anong ginagawa ko dito? Bakit hindi na ba ako puwedeng pumunta rito? May karapatan ako na pumunta kahit anong oras kong gustuhin!” biglang tumaas ang boses nito. “I know but that’s not what I meant. Nabigla lang naman ako, dati naman kasi nagsasabi ka kapag pupunta ka rito,” napakamot siya sa batok. “Bakit, may nakakagulat ba sa pagpunta ko? Magtapat ka nga sa’kin. Me’ron ba akong hindi alam?” Lalong gumuhit ang pagdududa sa mukha ng babae. “Ano bang itatago ko? You can check around if there’s someone hiding,” napasuklay sa buhok si Ivan gamit ang mga daliri. “Let’s go, pauwi na rin ako,” sabay hawak niya sa braso nito. “No!” mariing tanggi ng babae. “You’re hiding something else, Ivan!” Agad nitong binuksan ang kanyang drawer at bumulaga kay Cassandra ang litrato nila ni Camille. Tila namutla ito at nagdilim ang mukha sa nakita. “See? Tama ako ‘di ba? May tinatago ka sa’kin!” maluha-luhang nakatingin ito sa kanya. “That’s nothing! It’s just a photo, ‘tsaka matagal na ‘yan,” paliwanag niya. “Matagal na pala, bakit tinatago mo pa? Ivan, itinapon ko nang lahat ng mga alaala ng babaeng iyon sa’yo! Pero hindi mo pa rin makalimutan. At ito pinakaiingat-ingatan mo pa?!” Itinuon ito sa kanyang mukha at pagkatapos ay binagsak sa sahig dahilan para mabasag ito. “Cassandra!” tinangka pa niyang sana niyang agawin pero bumagsak na ito. “Bwisit talaga ang babaeng ‘yon!” nagtaas baba ito ng dibdib at pinaghahampas siya. “Please, Cassy, ‘wag kang mag eskandalo rito,” pakiusap niya sa mahinang boses. “Ako pa? Ako pa ang nag-eeskandalo samantalang ikaw ang gumagawa ng mga bagay na ikagagalit ko?!” Hinawakan niya ito sa kamay at hinatak palabas ng opisina. Hindi nito alintana ang mga kasamahang engineers niya na nakatingin lang sa kanila. “Let’s go home!” aniya habang papunta na sila sa parking area. “Bakit? Nahihiya ka na marinig ng mga tao mo kung pa’no mo ako tratuhin?! Ha, Ivan?” Pigil na pigil siya na huwag mapatulan ang asawa. Binitiwan niya ito nang makalabas na sila ng opisina at nakapameywang na naglanghap siya ng hangin. “Tell me, Cassandra. Ano bang ginagawa ko sa’yo? Maayos kitang pinakikisamahan bilang asawa, hindi kita ginugutom, binibigay ko lahat ng mga kailangan mo? Ano pa bang kulang? Nagwawala ka nang dahil lang sa isang litrato na ‘yon na alam na alam mo namang matagal na. Ano pa bang gusto mong gawin sa’kin? Gusto mo bang ikahon ako at huwag na akong lalabas ng bahay para walang ibang babaeng makakita sa’kin? Gano’n ba?!” Hindi niya mapigil ang inis sa asawa. Lumandas ang mga luha sa pisngi ni Cassanda. “Sinisigawan mo na ako, Ivan?” “Pinapaliwanag ko lang sa’yo dahil hindi ka tumitigil sa pagiging insecure mo kay Camille. Kailan ka ba titigil, ha?!” “Hindi ako titigil hangga’t nabubuhay ang babaeng iyon!” pinahid nito ang mga luha na lumandas sa pisngi, “Ivan… asawa mo ako pero ni halikan pagdating mo o bago ka umalis ‘di mo magawa. Kahit iyon lang, kahit kunwari lang…” Agad na tumalikod ito at pumunta sa minamaneho nitong kotse. “At talagang magda-drive ka pa?!” tanong niya pero hindi siya nito pinansin. “Cassandra!” tawag niya. Hindi na niya ito pinapayagan na magmaneho pero sadyang matigas talaga ang ulo nito. Agad siyang pumasok sa kanyang kotse at sinundan ang humarurot na sasakyan ng asawa. Hindi niya hinihiwalayan ang sasakyan ni Cassandra, nakabuntot lang siya rito. Nag-aalala rin siyang baka magdulot ng stress sa kanyang asawa ang galit nito sa kanya. Nang malapit na sila sa bahay ay tila nakahinga na siya ng maluwag. Hindi niya mapagalitan ng husto ang asawa dahil maselan ang pagbubuntis nito ayaw niyang may mangyaring hindi maganda sa kanilang anak. Kitang-kita niya ang padabog na pagsara ni Cassandra sa kotse. Agad naman niya itong sinundan papasok ng bahay. “Cassandra!” Hindi siya nito pinapansin bagkus ay mabilis itong umakyat ng hagdan. Tinungo nito ang kanilang kuwarto at malakas na isinara ang pintuan. Pinihit niya ang siradura ngunit naka-locked. Tila inuubos nito ang kanyang pasensya. “Cassandra! Open the door!” paulit-ulit siyang kumatok hanggang sa nagsawa at napatayo na lang siya sa may pasilyo. “Sir? Gusto niyo pong meryenda? Ipaghahanda ko po kayo ni Ma’am.” “Sige nga, Manang, pakigawa mo ng meryenda ang ma’am mo. Just give me a cup of tea dalhin mo sa library,” aniya. “Yes, Sir.” Pagkatapos nilang mag-usap ng kasambahay ay ‘tsaka naman ang paglabas ni Cassandra sa kanilang kuwarto bitbit nito ang isang malaking maleta. Nagulat siya at agad na nilapitan ang asawa. “Hey! Anong ibig sabihin nito, ha?! “Ano pa, eh, di uuwi na ako sa’min. Kung gusto mong balikan ang Camille na ‘yon go ahead pero hinding-hindi mo na kami makikita ng anak mo!” “Anong kalokohan to?” Kumunot ang kanyang noo sa hindi inasahang sinabi ni Cassandra. “Narinig mo ‘di ba? ‘Wag mo akong gawing tanga, Ivan, dahil matagal na akong nagpakatanga sayo. Masyado na akong nasasaktan!” umiiyak na sabi ni Cassandra. “Cassy, makinig ka…” biglang bumaba ang tono ng kanyang boses. Siguro kailangan niyang suyuin sa pagkakataong ito ang kanyang asawa alang-alang sa kanilang baby. Ngunit tuloy-tuloy itong bumaba sa hagdan. Halos tumigil ang kanyang mga paa para habulin ang asawa nang makita niya itong gumulong sa hagdan kasama ang maleta nito. “Cassandra!!!” Dali-dali siyang bumaba ng hagdan upang puntahan ang asawa. Namimilipit ito sa sakit habang hawa-hawak nito ang tiyan. Takot na takot siya hindi niya mapapatawad ang sarili kapag may nangyaring masama sa kanyang mag-ina. “Cassandra, ayos ka lang? Anong masakit? Dadalhin kita sa hospital!” Agad niyang inangat ang ulo nito na nakatitig lamang sa kanya at tila natulala bakas ang pag-aalala nito at takot. “Ang baby ko…Ivan, ang baby natin..” “Tumawag kayo ng ambulansya! Ngayon na!” sigaw niya sa mga kasambahay. “S-sir!” natatarantang pabalik-balik ang kasambahay na hindi malaman kung nasaan ang telepono at kung ano ang unang dadamputin. Namimilipit na si Cassandra sa sakit. Hindi na nakapaghintay si Ivan at agad na binuhat nito ang asawa para dalhin sa sasakyan. Halos paliparin na niya ang kanyang kotse. Nanginginig ang kanyang mga kamay habang tinitingnan sa rearview mirror si Cassandra na nakahiga habang nakaunan ito sa kasambahay nila. Mas lalo siyang nataranta nang sabihin ng kanilang kasambahay na dinudugo raw si Cassandra halos umuungol na lamang ito. “Cassy, malapit na tayo sa hospital, sandali na lang!” Malakas na binubusinahan niya ang mga sasakyan para mag-overtake. Mayamaya pa ay nakikita na niya ang hospital. Nangingilid ang kanyang mga luha na nakaalalay kay Cassandra habang nakahiga ito sa stretcher na mabilis namang itinutulak ng mga nurse papuntang emergency room. Natigilan siya sa may pintuan nang ipasok na si Cassandra. “Sir, kami na po ang bahala,” anang doktor na sumalubong sa may pintuan. “Please save my wife and my baby!” pagsusumamo niya. Tila nanginginig ang kanyang boses bakas ng takot at pag-aalala sa kanyang mag-ina. Tumango lang ang doktor at tuluyan nang isinara ang pintuan. Nanghihina siya na naupo sa bench sa pasilyo ‘di kalayuan sa emergency room. Kapag may nangyaring masama sa kanyang mag-ina wala siyang ibang sisisihin kundi ang kanyang sarili. Napasinghot siya sa napipintong luha na malapit ng tumulo sa mula sa kanyang mga mata. Hindi siya paladasal pero sa pagkakataong ito nagbakasakali siyang pakikinggan siya ng Diyos. Pumunta siya sa tahimik na sulok ng chapel at taimtim na nanalangin. “Iligtas Mo po ang mag-ina ko, pangako hindi ko na sasaktan ang kalooban ni Cassandra. Sisikapin kong mahalin siya at pagtuunan ng pansin. Iligtas Mo lang ang mag-ina ko please…..” lumandas ang mga luha sa kanyang pisngi. PAGKATAPOS niyang manalangin sa chapel ay agad na bumalik siya sa kaninang kinauupuan niya malapit sa pintuan ng emergecy room. Mayamaya ay dumating ang mga magulang ni Cassandra. Umiiyak ang mommy nito samantalang alalang-alala naman ang daddy nito. Walang alam ang mga magulang nito sa tunay na estado ng kanilang pagsasama. Sa kabila ng pagiging malamig niya kay Cassandra ay pinagtatakpan siya nito sa pamilya, kaya naman hanggang sa ngayon ay maganda pa rin ang kanyang imahe sa pamilya nito. Agad siyang napatayo nang bumukas ang pintuan ng emergency room. “Sino po ang kamag-anak ng pasyente?” “Ako po ang asawa niya,” mabilis niyang tugon, “Kumusta po ang pasyente?” Saglit na natigilan ang doktor at umiling. “Doc? Ligtas na po ba ang mag-ina ko?” ulit niyang tanong habang ang mga biyenan naman ay napatayo na rin at naghihintay sa isasagot ng doktor. “She’s safe now…” Nakahinga na sana sila ng maluwag ngunit kakaiba ang nakikita nilang lungkot sa mukha ng doktor. “Ano, Doc?” tanong niya. “I’m sorry. We tried our best para ilabas ang bata kahit na premature siya, kaya lang patay na ang bata noong nasa sinapupunan pa lang.” “Anong patay na? Dok, katatapos lang ng check-up ng asawa ko malusog naman ang baby. P-panong namatay?!” tumaas ang kanyang boses. “I’m sorry, pero lumalabas na ang pagkahulog niya sa hagdan ang naging sanhi. I’m sorry, Mr. Vlademir.” Tila hindi na niya pinakinggan ang mga sumunod pang sinabi ng doktor. Halos wala sa sarili na lumabas siya ng hospital at pumunta sa parking kung saan nakaparada ang kanyang sasakyan. Nagpakawala siya ng iyak at sinisi ang nangyari. Pinaghahampas niya ang manibela. “Ahhh!!!!” napasigaw siya sa galit kasunod ang pagyugyog ng kanyang mga balikat. Ang batang kinasabikan niyang makita ngayon ay wala na. Ang nag-iisang dahilan kung bakit siya nananatili sa tabi ni Cassandra. Hinding-hindi niya mapapatawad ang kanyang sarili. Kung naging responsable lang sana siyang asawa at ama hindi mangyayari ang ganito. Sana ay buhay pa ang kanilang anak. “Masyado ba talaga akong makasalanan kaya hindi Mo pinakinggan ang hiling ko? Ang nag-iisang kahilingan ko….” patuloy ang pag-iyak niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD