Episode 2 - Supplies

2340 Words
"Wow! Ang ganda naman ng prinsesa namin!" Bakas sa mukha ng ama ang paghanga sa mga mata. "Ano sa tingin mo, aking Amihan?" Nilingon nito ang asawang nakatitig din kay Ximena. "Oo naman. Hindi naman maitatanggi." Nginitian nito si Ximena bago bumaling sa asawa. Pinaghalo ang physical appearance ni Ximena sa parehong magulang. It was like all of their best assets were inherited by Ximena. "Dad, 'wag ka po masyado maingay. Baka marinig ka po ng mga kapitbahay." "Maganda ka, iha. Totoo 'yun. Hindi ko iyon sinasabi dahil anak kita, kundi dahil iyon ang katotohanan." Marahang kinurot ni Dario ang pisngi ng anak. Lumayo siya at tiningnan pa nang mabuti si Ximena. "Pahabain mo na itong bangs mo, ha? Pati na rin 'yang likod mo 'pag lumalakad ka. Dapat straight lang." Hinawakan ni Dario ang bahagyang nakabaluktot na likod ni Ximena at ang nakayuko nitong baba. Idiniretso niya ang katawan nito upang mas lalong mabistahan ang mukha ng anak. "You should be proud of your face." Mahinhing tumango si Ximena. "O, s'ya, male-late na tayo pare-pareho n'yan. Tara na?" yakag ni Amihan sa kanyang ama. "Opo, Mommy." Kinuha na niya ang kanyang bag at pa-diretso na sa sasakyan ng may maalala. "Teka po, ang lunchbox ko." Binalikan niya ang lagayan ng pagkain na itinago niya sa may ilalim ng isang silya. "Nagiging makakalimutin na ata ang Ximena namin?" biro ni Dario. "Dad naman, e." Inirapan pa niya kunwari ang ama na sinagot naman nito ng ngiti. She was on high spirit today. Basta masaya siya at alam niyang walang makasisira ng araw niya. Pagdating sa paaralan ay hinalikan niya at niyakap nang sabay si Dario at Amihan. "I love you both, sooo much!" "And we love you too, sooo much!" Pinisil pa ni Amihan ang tungki ng ilong ng anak. Bumaba si Ximena ng sasakyan at masayang naglakad papasok sa paaralan. Ibinigay sa kaniya ng ama kanina ang bago nitong biling bag at sapatos niya. May mga school supplies pa iyong kasama galing sa kanilang grocery store sa bayan. "Bago na naman ang gamit ni Giant," rinig ni Ximena nang nadaanan ang mga kaklase niya. Hindi naman n'ya iyon pinansin at pumasok na lang sa loob ng kanilang classroom. Maliit lang naman ang kanilang paaralan kung kaya't magkakakilala halos sila. Matangkad si Ximena sa pangkaraniwan sa kanyang mga kaedaran, kaya hindi sya lumalapit sa mga kaklase. Nahihiya kasi s'yang tumabi sa mga iyon. Taon-taon nga ay nag-iiba ang tawag ng mga ito sa kaniya. Tinawag na siyang Giraffe, Tikbalang, Ostrich at Dino. Ang latest nga ay Giant. Ramdam niya ang kaibahan niya sa mga kaklase at ayaw ng mga ito makipagkaibigan sa kanya. Inilibot ni Ximena ang paningin sa paligid at dahil nasa labas ang mga kaklase ay nasiyahan s'yang masdan ang mga gamit na naroroon. Matagal ding nagpaikot-ikot si Ximena sa paligid nang napapitlag sya sa pagtawag ng isang kaklase. "Y-yes?" she shouted back. "T-tara, laro tayo?" one of her classmates answered. It shocked her a bit dahil first time lang naman s'ya tinawag ng mga iyon. Pumasok pa iyon kaya nabigla s'yang itinago ang kanyang mga kamay at tumalikod dito. "S-sige, s-susunod na lang ako sa'yo," she nervously said. Tinungo niya ang ilalim ng kanyang upuan at binuksan ang kanyang lunchbox at may inilagay doon. Lumabas na rin siya pagkatapos. Mayamaya ay tumunog na ang school bell. Lahat ay nagsisipag-unahan sa pagpasok sa kani-kanilang silid. Hindi naman nakisabay si Ximena. May mga nakakabunggo pa nga sa kaniya ngunit ni hindi man lang nagsipag-sorry. Maayos na nakaupo sa kanilang classroom ang klase na kinabibilangan ni Ximena. Mataman silang naghihintay sa pagpasok ng kanilang adviser. "Okay, class, get a one whole sheet of paper. May quiz tayo ngayon." Ang instruction na iyon ay agad na lumikha ng ingay sa buong silid ng 10-Pearl. Ang mga batang may edad na labing-apat hanggang labing-pito ay nagmamadaling nagbukas ng kanilang bag. Kilala si Ma'm Santos na strikto kaya wala ni isa sa kanila ang gustong mapagalitan. "Number 1, anong uri ng kwento ang..." Napahinto saglit si Ma'm Santos. "Ano ba iyang pinagkakaguluhan n'yo d'yan sa likod ha!" Natahimik ang lahat. Nagulat sa biglaang pagsigaw ni Ma'm Santos. Pwede mo ngang marinig ang nakabibinging pagbagsak ng piso sa sahig, ganoong klaseng katahimikan. "Okay, uulitin ko, anong uri ng…?" Pak! Pak! Pak! Sunud-sunod na paghampas ni Ma'm Santos sa blackboard ang muling nagpatahimik sa paligid. Umupo ito at nakipagtitigan lamang sa mga batang mga nakayuko na sa kaba at takot. "Ano ang problema natin?" malumanay ngunit mariing tanong ni Ma'm Santos. Ang hawak na ruler ay nakaumang sa mga batang nakita n'yang nagbubulungan. "Ma'm, nawawala po ballpen ko. Parker po kasi iyon. Hiniram ko lang sa tatay ko,” ika ni Aris. "A-ako rin po, nawawala ballpen ko," malungkot na turan ni Maky. "Pwede po ba ang red ballpen, Ma'm?" tanong naman ni Bea. "Bakit naman red? Hindi pwede!" sagot ni Ma'm Santos. "K-kasi po nawala rin po ang black ballpen ko. A-andito lang po iyon kanina," pagpapaliwanag ni Bea. “Nakuuu! Ang dami ninyong mga rason! Gumagawa lang ata kayo ng alibi para hindi makapag-exam," naiinis ng wika ni Ma'm Santos. “Hindi po, Ma’m! Nawawala po talaga. Hiram ko lang nga po sa tatay ko. Malalagot po ako kung hindi ko maibalik,” paliwanag ni Aris. “Ako rin po, Ma’m. Andito lang po iyon sa table ko kanina, e,” sagot ni Maky “Nagsasabi rin po ako ng totoo,” Bea replied. "Sinong may extra ballpen? Pahiramin na lang muna ang mga iyan at makapag-exam na tayo.” Mayamaya ay natahimik na ang dalawang bata maliban kay Aris na nawalan ng Parker pen. “Ma’m, tulungan mo naman po ako. Kailangan ko po maibalik kay tatay yung Parker pen. Sige na po, Ma’m,” pagmamakaawa ni Aris. Nangunot ang noo ni Ma'm Santos sa pag-iisip. Tatlong bata ang magkakasunod na nagtaas ng kamay at nagsalita. Magkakaiba ang mga ito ng row kung saan nakaupo sa klase. Hindi niya malaman kung anong gagawin dahil kasisimula pa lang ng klase dalawang linggo pa lang ang nakararaan, ngunit ang mga bata sa klaseng iyon ay ang dami ng reklamo na nawawalang gamit. "Sino na naman ang may gawa nito? Hindi na ito biro ha! Kung sinuman ang kumuha niyon, naku talaga!" may pagtitimping wika ni Ma'm Santos habang tinitignan isa-isa ang mga estudyante. Noong mga nakaraang linggo ay nagsilapit lang sa kanya ang mga bata dahil nga isa-isang nawawalan ang mga ito. Pinagsabihan na lang n'ya na baka na-misplace, nahiram, o naiwan sa kung saan. Pare-pareho rin kadalasan ang mga gamit ng mga iyon. Baka nga sakaling nagkapalitan lang, ganun. Maliliit na bagay lang naman na madaling palitan o bilhin ang nawawala. Pero iba ngayon, medyo pricey na. Wala namang lumapit na sa kanya kung nakita na ang mga iyon. Wala tuloy siyang basehan kung may kaugnayan sa pagkawala ngayon ng mga ballpen. Tatlong mga bata ito, mahirap nang ipaliwanag. Ang mas mahirap pa roon, paano naman malalaman kung nanakaw ang mga gamit nito. Pare-pareho lang halos ng gamit na ballpen, maliban siguro sa Parker na sinasabi ng isa. Isa lang ang naisip niya ngayon. Halughugin ang mga bag ng mga bata. "Pakibuksan ang mga bag ninyo. Iisa-isahin ko kayo." Natapos na ang unang row ng may komosyon na namang nangyari. "Ano na naman ba iyan?" tanong ni Ma'm Santos. "Si Ximena po, Ma'm. Ang likot-likot ng mga binti. Nahihilo ako sa pagkukuyakoy niya," sumbong ng seatmate ni Ximena. Tiningnan naman ni Mrs. Santos ang magkatabi sa paraang pinagbabawalan ito. "C-can I go out, Ma'm?" tanong ni Ximena mayamaya. "Pagkatapos na lang na makita ko ang bag mo. Stay there." "P-pero Ma'm, naiihi na po ako." "Okay, dalhin mo bag mo rito para matignan ko muna." "P-po?" "Dalhin mo rito at…" "Hindi na po ako naiihi. M-mamya na lang." Saglit na tiningnan ni Ma'm Santos si Ximena at humarap na ulit sa klase. "Wala nang ibang magpapaalam ha! Walang lalabas hangga't hindi ko natatapos i-check lahat ng bag ninyo. Hayy naku! Ang mga batang ito talaga. Hindi pwedeng mapirmi sa pwesto. Palagi na lang may magpapaalam na pupunta sa banyo! Mga dalaga at binata na kayo, baka nakakalimutan ninyo.” Nang si Ximena na lang at ang katabi nito ang natitira ay biglang sumigaw ang katabi nito. "Umihi si Ximena!" kantiyaw pa nito. Yumuko na si Ximena dahil ayaw na niyang makita ang reaksiyon ng mga nasa paligid. Nagsimula na rin siyang humikbi. Tinapik ni Ma'm Santos ang binti ni Ximena upang sabihan itong huminto na sa pag-iyak. Nang mapansin na nakalma na ito kahit papaano ay itinuloy na ni Ma'm Santos ang inspeksiyon sa huling bag. Kumpleto ang gamit ni Ximena. Mula sa libro hanggang sa notebook pati na rin ang basic school materials. Ayaw man niyang patagalin ang pagsusuri sa gamit ni Ximena ay di-sinasadyang napatagal siya. Palibhasa kasi ay wala siyang nakitang kakaiba sa bag ng iba. Matatapos na sana siya nang mapatigil saglit. May nakita kasi siyang nakakuha ng atensiyon niya. "Wala akong nakitang Parker." Bumaling ito kay Aris. "Paki-double check na lang sa mga pinuntahan mo ngayong araw pati na rin sa bahay, hmm?" Matamlay na tumango si Aris. "May quiz pa tayo, Ma'm?" tanong ng isang estudyante na nakaupo sa harapan. Tiningnan ni Ma'm Santos ang kanyang relo. "Bukas na lang, wala nang natitirang oras. Sige na, mag-early snack na kayo." Sa narinig ay kanya-kanya nang nagbukas ng mga baong pagkain. Ang iba naman ay nagsitakbuhan na papunta sa canteen, maliban kay Ximena. "Can we call your parents, Ximena?" Kinakabahan namang tumango si Ximena. Humahangos namang pinuntahan nila Dario at Amihan ang nag-iisang anak. Pagkarating nila ay tinunton agad nila ang silid-aralan ng 10-Pearl. Rinig na rinig nila ang tawanan ng mga kaklase ni Ximena na patingin-tingin sa loob ng classroom. Sumiklab naman ang galit ni Dario kaya hinablot nito ang kuwelyo ng isang bata. "Anong sabi mo?" mahina ngunit mariing wika nito sa nagulantang na batang lalaki. "Anak ko ang pinagtatawanan ninyo." Pinukol pa nito ng tingin ang ibang kaklase nito na nakapalibot dito. "First time ba na may naihi sa salawal dito? Hmm?" "Tama na iyan, Dario, pakiusap. Mga bata lang din sila, mahal ko." Inawat ni Amihan ang asawa sa pamamagitan ng pagpigil sa mga kamay nito. Nahimasmasan naman si Dario kaya pinakawalan ang kwelyo ng bata at nanghingi rin ng paumanhin dito. Nahihintakutang nagpulasan ang mga iyon pagkatapos. "Mr. Mendez?" tawag ni Ma'm Santos kay Dario. Napalabas ang guro nang narinig nito ang pagtatakbuhan sa labas ng classroom. "Ano pong nangyayari?" Palipat-lipat ang tingin ng guro sa mag-asawa. Nanatili namang tahimik ang dalawa, hindi rin marahil maintindihan kung ano ang tamang sabihin. "O, sige po. Pasok na lang po muna tayo sa loob. Naghihintay po si Ximena sa kanyang extra jogging pants." Tumuloy na ang mga ito sa loob ng classroom at ibinigay kay Ximena ang jogging pants. Nagtungo ang estudyante sa loob ng restroom. "Mr. and Mrs. Mendez, baka po maaari ninyong kausapin si Ximena?" bungad ni Ma'm Santos. "Tungkol naman saan po?" naguguluhang tanong ni Dario. "May mga nawawala pong gamit sa loob ng classroom at baka.." Pinaglipat-lipat ni Ma'm Santos ang tingin sa mag-asawa. "At baka ano? Pakituloy po ang sinasabi ninyo, Ma'm," Dario insisted. "Baka s-sya ang k-kumukuha?" Lalong naguluhan ang mag-asawa sa sinabi ng guro. Ano ang tinutukoy ng guro? "H-hindi po namin naiintindihan ang sinasabi ninyo Ma'm," sambit ni Amihan. "M-maliliit lang naman pong mga bagay kaya ayaw ko rin naman pong palakihin ang usapan. May nakita lang po akong kakaiba sa bag niya kanina," patuloy ni Ma'm Santos. "Pinagbibintangan mo bang nagnanakaw ang anak ko?" usisa ni Dario. Sasagot na sana si Ma'm Santos nang lumabas na mula sa banyo si Ximena. "Amihan, Ximena, uuwi na tayo." "Mahal ko, kailangang malaman muna natin ang sinasabi ni Mrs. Santos," pigil nito sa asawa. "Hindi mo ba narinig ang sinabi nya kani-kanina lang? Pinagbibintangan niya ang anak mo." "T-teka po, Mr. Mendez. H-hindi ko po pinagbibintangan ang anak ninyo. G-gusto ko lang din po malaman. Takot na takot po kasi sya kanina at naihi pa nga. K-kung hindi po kasi sya, b-bakit po.." "Dahil naihi lang? Iyon lamang ba iyon Mrs. Santos!" Napapalakas nang sigaw ni Dario. Bumaling ito kay Ximena at Amihan. "Uuwi na tayo. Tapos ang usapan." "Mr. Mendez, maghinay-hinay po tayo. Wala po akong masamang hangarin dito," pangangalma ni Ma'm Santos. "Lilipat na lang kami ng school. Mga judgmental ang tao rito," may lamang turan ni Mr. Mendez. "Mr. Mendez, h-hindi naman po…" Nabitin sa ere ang susunod pang sasabihin nito nang pinukulan ito ni Mr. Mendez nang matalim na tingin. Tumayo na rin si Amihan nang hatakin ni Dario ang kamay ng anak. "D-Daddy?" untag ni Ximena kay Dario. "Okay lang iyon, Ximena. Marami namang eskwelahan ang tatanggap sa iyo." Nabitin na lang din sa ere ang mga gusto pang sabihin ni Ximena. Tumango na lamang si Amihan sa guro bilang paghingi ng paumanhin dito. Naiwang nakaawang ang bibig nito. Wala naman s'yang intensyong masama sa mga pangyayari. May gusto lang din s'yang malaman. And then the school bell rang again. Nagtakbuhan ang mga estudyante papasok sa loob ng kani-kanilang mga silid habang nagmamadaling nilalakad ng pamilya Mendez ang papunta sa labasan ng naturang paaralan. Mahigpit na hinawakan ni Ximena ang kanyang lunchbox habang hatak-hatak ni Dario ang kanyang isang braso. Tinatanaw ni Ma'm Santos ang pamilya nila Ximena nang nilapitan s'ya ni Aris. "Ma'm, s-sorry po sa abala. Nakita ko na po 'yung ballpen ko. Ito po, oh! Itinaas ni Aris ang ballpen. "Kinuha po pala ni ate kanina sa bag ko. Nakabili na raw s'ya ng bagong ballpen kaya binalik na sa akin ito. S-sorry po, Ma'm." "Sige, bumalik ka na sa upuan mo. Mag-start na ulit tayo." Muli ay tinanaw ni Ma'm Santos ang nilakaran ng pamilya Mendez. Naibalik man ang ballpen ni Aris pero hindi na niya kaya pang habulin si Ximena. Ayaw na niya iyong gawin. Dahil hindi nun maiaalis ang mga bagay na nakita niya sa bag ni Ximena.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD