KABANATA 17

3445 Words
KABANATA 17  Lost Memories  AGAD NA pinaalam namin kina Sir. Etienne at sa Elementalists ang pag-gising ni Xynos. Pinatawag niya ulit si Ate Faye at Kuya Jacob upang tingnan ang kalagayan nito.  Nasa loob pa'rin ng ICU si Kuya Jacob at Sir. Paulo habang kinakausap naman kami ni Ate Faye. "Sa totoo lang ay hindi namin inaasahan 'to. Base kasi sa lagay niya kanina ay wala na siyang pag-asang mabuhay, pero gaya ng sabi niyo ay mukhang espesyal nga ang batang ito. Himala at nagising siya," Mahabang sabi ni Ate Faye.  "Espesyal o baka naman na-ingayan lang kila Astra?" Natatawang sabat ni Echo.  "Delikado siya para sa'tin lalo pa't gising na siya. He can kill with just a stare!" Bulalas ni Paige.  Bumuntong hininga si Sir. Etienne, "He can't harm anyone as long as he's here. Mas marami tayo kumpara sakanya." "Don't tell me that you'll really keep that stupid totoy here?" Nanliit ang mga mata ni Azriel at bakas ang inis. Mukhang siya ang pinakamalaking hater ni Xynos. "Of course, we must keep him. Lalo pa't delikado ang kakayahan niya," Sabi ni Sir. Etienne sakanya at inis na napasinghap si Azriel.  "Eh, paano kung tumakas siya sa Ezea High at bumalik sa Alkirvia?" Tanong ni Dara.  Oo nga. May posibiladad na maaari siyang tumakas o kaya naman ay sumama kay Chelle lalo pa't gagawin ng babaeng 'yon ang lahat mabawi lang si Xynos. "Sa tingin ko ay imposible 'yon," Napatingin kaming lahat kay Ate Faye sa sinabi niya. Nakangiti siya sa'min habang yakap-yakap ang kanyang healing book. Binigyan namin siya nang nagtatanong na tingin. "Ni-check namin ang vital signs niya and no wonder na okay na talaga siya. Pero nagkaroon nang epekto ang nangyari sakanya."  Azriel snorted, "So you're telling us that he lost his memory?" Mukhang hindi siya nagtatanong dahil parang statement na 'yon. Mas lumawak ang ngiti ni Ate Faye, "Tama. Nawala ang alaala niya. Hindi niya alam kung sino siya at kung saan siya galing. Kaya nand'on sa loob sila Sir. Etienne at Jacob para pakalmahin ito." Lahat sila ay natuwa maliban sa'kin at kay Azriel. Buti nalang daw at nawala alaala ni Xynos dahil hindi siya makukuha ng Alkirvia, pero... "Kung gan'on ay wala tayong makukuhang impormasyon sakanya," Bigla 'kong sabi kaya napatingin sila sa'kin. Yung tuwa nila ay napalitan nang panlulumo. Mukhang ngayon lang nila naisip 'yon. "I told you, walang silbi ang totoy na 'yon," Nangingisi na ani Azriel na mukhang tuwang-tuwa pa. Narinig namin ang malakas na pagsinghap ni Fauna sa hangin, "Oo nga. But, he can help us by decreasing our difficulties." "What do you mean?" Kunot noong tanong ni Paige. Si Sir. Etienne ang sumagot, "Fauna's right. Mas lalakas ang laban natin sa mga Alkirvia, lalo pa't sobrang importante ng batang 'yon sakanila. Kailangan natin makuha ang loob niya at pakisamahan. Mas mabuti kung hindi nalang rin bumalik ang alaala niya." Napakagat ako sa ibabang labi ko at sumimangot, "Kung hindi babalik ang alaala niya ay mas mahihirapan pa kami sa paghahanap kay Keya." Naramdaman ko ang isang kamay sa balikat ko. Kamay ni Echo. Nang lingunin ko siya ay nakangiti siya sa'kin. "Wag ka magalala, Astra. Tuloy ang misyon natin sa paghahanap sa kaibigan mo. Whatever it takes." Sabay kaming napalingon sa bumukas na pintuan sa kwarto ni Xynos sa ICU. Lumabas roon si Kuya Jacob na nakakunot ang noo. Mukhang hindi naging maganda ang nangyari sa loob. "Hindi rin niya alam ang ability niya. Siguro magandang balita 'yon sa ngayon, pero sa mga susunod na araw ay baka bigla niya itong hindi makontrol at makapatay pa siya," Mahabang litanya ni Kuya Jacob at bumuntong hininga. Napa-isip naman kami sa sinabi niya.  Oo nga, pag nagkataon na may isang taong pinagbuntungan nang galit si Xynos ay baka mapatay pa niya ito. Idagdag mo pa na nandito siya sa Ezea High kung saan marami ang estudyante ang mahilig mambuyo.  "Ano nangyari sa loob? Nakausap niyo ba siya nang ayos?" Tanong ni Sir. Etienne. Biglang nabaling ang tingin sa'kin ni Kuya Jacob. Binigyan ko siya nang nagtatakang tingin dahil nakatitig lang siya sa'kin. Maya-maya lang ay ngumiti siya at tumingin sa katabi 'kong yelo. "Pinapapasok kayong dalawa ni Sir. Paulo sa loob. Gusto ata kayo makita ng batang 'yon," Ani Kuya Jacob na mas lalong ipinagtaka ko.  At bakit naman kami gugustuhin makita ni Xynos? Don't tell me he's just pretending to have an amnesia, at gusto niya kaming patayin? Napailing ako sa naisip ko. Masyado akong nega. "Tss. Why would I go and see that kid? Ayoko siya makita!" Parang batang singhal ni Azriel at sumimangot kasabay nang kanyang pag-nguso. Batang-bata amp. "Sige na, Azriel. Pumasok na kayo," Ma-awtoridad na utos ni Sir. Etienne. "Eh, kami Sir? Bawal kami pumasok? Nang makatikim naman sa'kin nang flying kick yung kupal na 'yon!" Tila naghahamon at maangas na ani Echo. Nginiwian siya ni Dara, "Baka tigok ka na bago mo pa siya mabigyan nang flying kick?" Sarkastikong sabi ni Dara na ikinatawa ni Fauna at Sir. Etienne. "Minamaliit mo ba ako, witch?" Taas noong sabi ni Echo at nagpalabas nang halaman sa kanyang kamay. "Stop that. Si Azriel at Astra lang ang papasok. Bumalik na muna kayo sa mga dorm niyo."  Wala kaming nagawa kun'di ang bumuntong hininga at bagsak balikat na sumunod sa sinabi ni Sir. Etienne. Nagkadanggihan pa kami nang braso ni Azriel sa pagpasok sa loob. Sinamaan niya ako nang tingin at nanguna.  Nakita namin na kinakausap ni Sir. Paulo si Xynos na nakasimangot. Mukhang masinsinan ang kanilang pinaguusapan, pero natigilan sila nang makita kami. Mas lalong sumimangot si Xynos, "Bakit nandito 'yang mga maingay na 'yan?" Aba! Diba gusto niya daw kami makita? O baka naman si Sir. Paulo lang ang may gusto na pumasok kami dito? Dinig ko ang pagsinghal ni Azriel, "At bakit nabuhay ka 'pang totoy ka?" "Ano sabi mo? Totoy?!" Nanlaki sa gulat ang mga mata ni Xynos. Gulat siyang napatingin kay Sir. Paulo. "Totoy ba ang pangalan ko? Bakit ang panget?!" "Oo, totoy ang pangalan mo. Kasing panget mo," Nangingising sabat ni Azriel.  Napairap ako at bumuntong hininga, "Xynos. Xynos ang pangalan mo," Sabi ko kaya naman nabaling ang tingin niya sa'kin. Saglit pa niya akong tinitigan bago ngumiwi. "Ikaw ba ang nanay ko? Ang bata mo naman masyado?"  Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Nagpipigil naman nang tawa ang yelo sa tabi ko habang si Sir. Paulo ay napapailing nalang. "Mukha ba akong nanay?" Pigil ang inis na sabi ko.  Nakita kong tumayo si Sir. Paulo kaya napatingin ako sakanya, "Kayo muna ang bahala sakanya dahil may gagawin pa ako."  A-angal pa sana ako pero mabilis na umalis si Sir. Paulo at naiwan ako dito kasama ang dalawang 'to na sakit sa ulo. Pinatawag niya ba kami para bantayan ang batang 'to?! At bakit kailangang kami pa'ng dalawa ni Azriel, gayong alam naman nila kung ga'no kainit ang dugo ng yelong 'to kay Xynos? "You!" Bigla akong tinuro ni Xynos. Tinaasan ko siya nang kilay. "Nauuhaw ako. Bigyan mo ako nang tubig." Nalaglag ang panga ko sa sinabi niya. At ang lakas nang loob niyang utusan ako?  "Hoy bata. Hindi ako katulong, ah." Mataray 'kong sagot sakanya. "Hindi mo ba nakikita sitwasyon ko? Kita mong nakaratay pa ako dito, oh! Faster!"  Napapikit ako sa inis at walang nagawa kun'di ang kumuha nang tubig sa despenser at ibinigay sakanya. Hindi man lang siya nagpasalamat. Bwiset na killer machine. "Pfft!" Napatingin ako bigla kay Azriel nang marinig ko siyang bumungisngis. Lumawak ang ngisi niya nang tingnan niya ako pabalik at inirapan ko lang siya. "Kayong dalawa. Tell me, sino ba talaga ako? Hindi kasi ako sinasagot nang matino nung feeling scientist na 'yon," Biglang sabi ni Xynos habang umiinom sa kanyang tubig. Nanatili kaming tahimik at hindi siya sinagot. Blangko ang ekspresyon ng mukha ni Azriel habang ako naman ay nabo-bored. "Hoy! Ano na?!" Dagdag pa niya na mukhang naiinip na. Wala akong nagawa kun'di ang bumuntong hininga at sagutin siya. Baka mapatay pa kami nito nang wala sa oras. Hindi ko naman alam kung sino ba talaga siya kaya kinakailangan ko 'pang mag-imbento. "Ikaw si Xynos. Xynos....Xynos Guevarra. Kapatid mo 'to," Itinuro ko ang katabi 'kong yelo na ngayon lang ata na-realize ang sinabi ko. "What the fvck? Kapatid ko 'yang ulupong na 'yan?" React ni Xynos habang nakaturo kay Azriel. Nanliit ang mga mata ni Azriel, "What did you just call me? Hoy totoy! Hindi kita kapatid! At wala akong kapatid na Al---" Tinakpan ko na agad ang bibig niya bago pa niya sabihin na galing Alkirvia si Xynos. Malilintikan kami pag nagkataon. Inis na tinanggal ni Azriel ang palad ko sa bibig niya at sinamaan ako nang tingin. Nagkibit balikat si Xynos, "Mukhang kailangan ko nalang tanggapin ang nakakasukang katotohanan. Teka, alam niyo ba ang kapangyarihan ko?" Nagkatinginan kami ni Azriel at nangapa nang sasabihin. Lintek. Bakit ba kasi ang daldal nang batang 'to? "Di mo pa alam ability mo kasi weak ka," Sagot sakanya ni Azriel at nginisian ito. "Talaga?!" Nanlaki ang mga mata ni Xynos sa gulat. "f**k! Ang loser ko naman!" "Sinabi mo pa," Ani Azriel.  Ngumuso si Xynos, "Eh, ikaw? Kuya ba talaga kita? Bakit ang panget mo?"  Muntikan nang sugurin ni Azriel si Xynos kaya naman pinigilan ko agad siya. Nagmukha pa akong referee ng dalawang 'to. Magkaiba sila pero parang magkapareho din. Tanda ko pa ang unang tingin ko kay Xynos kung saan nakita ko ka-agad sakanya si Azriel. "Do you really want to die?" Gigil na banta ni Azriel at nagpalabas nang matulis na yelo sa kanyang kamay. Tila ba namangha si Xynos sa kanyang nakita. "Woah! Yelo ang ability mo?" "Yup, and he's an Elementalist," Sabat ko sakanilang dalawa na mas lalong ikinamangha ni Xynos. "Woah! Ipinagmamalaki na kita ulupong!" Sabi niya kay Azriel. "Pero panget ka pa'din," Biglang tumawa nang napakalakas si Xynos. Di ko akalain na ganito ang personality niya. "Die you, stupid!" Inihagis ni Azriel ang kanyang yelo papunta sa direksyon ni Xynos. Hindi ko siya napigilan pero buti nalang at mabilis na nakaiwas si Xynos pero natatawa pa'rin. Tumama ito sa vase na nasa side table. Napapailing nalang ako at face palm. Lintek. Mas gugustuhin ko 'pang marinig ang pagbubunganga nila Echo kaysa makasama ang dalawang 'to. ===== INABOT DIN kami nang gabi sa pagbabantay sa bwiset na batang 'yon. Wala akong ibang nagawa kun'di ang marindi at mainis sa kanilang dalawa nung yelo kaya naman ay umalis nalang ako at hinanap sila Echo. Napagalaman ko na nasa dorm nila sila kaya naman dumeretso ako d'on. Binuksan ko na sana yung pinto nang may marinig akong boses. "Sabi ni Sir. Etienne ay walang kasiguraduhan kung makakabalik pa tayo nang buhay kaya susulitin ko na yung pamamalagi ko dito sa Ezea High." Boses ni Echo ang narinig ko. Batid kong sina Fauna at Dara ang kausap niya, pero ang mas nakaagaw nang pansin ko ay ang sinabi niya. Walang kasiguraduhan na babalik kami nang buhay? Ang tanga mo naman, Astra. At kailan pa naging ligtas ang pagpasok sa lugar ng Alkirvia? Ngayon ko lamang napagisip isip ang bagay na 'to dahil masyadong sarado ang isip ko sa kagustuhang mailigtas si Keya. "Ang nega mo, bruha! Kaya nga kayo yung Elementalists diba? Pero sabagay, pangalan palang ng Alkirvia ay delikado na," Dinig kong sabi ni Dara. "Then why did you come? Alam mo naman palang delikado," Boses naman ni Fauna 'yon. "Duh? Chance ko na 'to para matanggal yung sumpa sa mga Kuya Ozus ko, 'no!" "Lol. As if naman na magagawa mo 'yon. Sa pagkakaalam ko ay ang Dark Lady ang sumumpa sakanila," Mataray na sagot ni Echo. "Well, atleast tinry ko, 'no! Bruha 'to panira nang moment. Oh, eh kayo? Bakit kayo pumayag sa misyon na 'to?" "Actually, wala na talaga kaming magagawa kasi a mission is a mission. Sabi nga ni Sir. Etienne, there's no word safe when it comes to missions. Kailangan mo lang maging malakas at tatagan ang sarili mo. After all, It'll be a help to alot of people, so it's worth a risk," Dinig kong mahabang sabi ni Fauna.  Sunod na narinig ko ay ang boses ni Echo, "And aside from that, nakita ko ang determinasyon ni Astra na mahanap ang kaibigan niya, kaya nasabi ko sa sarili ko, may ganun pala talaga 'no? Yung kaibigan na pamilya ang turing sayo at handang ibuwis ang buhay para sa'yo. Kaya ayon, I really want to help Astra. Kahit healer lang siya, masasabi ko na sobrang tapang niya, and I'm really really proud of her ngayon palang." D'on ako natigilan sa sinabi ni Echo. Hindi ko namalayan ang pangingilid nang mga luha ko at kusang tumulo ang mga ito. Mabilis ko itong pinahid at nilisan ang lugar na 'yon. Hindi ko namalayan na dinala ako nang mga paa ko sa library. Patay na ang mga ilaw sa loob at wala na ang librarian. Gabi na rin kasi at wala ng mga estudyante na nagpapakalat kalat sa hallway.  Napagdesisyunan 'kong magbasa. Gamit ang flashlight na nakita ko sa isang table ay ginamit ko ito upang magbigay liwanag sa'kin. Maghahanap ako nang libro na maaaring makatulong sa'kin. Sa paghahanap kay Keya lalong lalo na sa kung paano mawawala ang halimaw na si Zed sa loob ng katawan ko.  Naghanap ako sa isang bookshelf at isa-isang tiningnan ang mga libro. How to control your power. History of Azmar. The Lost City Wait, Lost City? Ngayon ko lamang narinig 'yon. May gan'ong lugar ba?Hindi ko na lamang pinansin 'yon at nagtuloy na lang sa paghahanap. The Great Amarine. The Lost Princess of Ezea. "What are you doing here?" Napatalon ako sa gulat nang may lalaking nagsalita sa likod ko. Nilingon ko ito at nakita si Azriel. Nakahinga ako nang malalim dahil literal na nagulat ako at pakiramdam ko ay muntikan pa akong atakihin sa puso. Mamamatay talaga ako kapag nakakita ako ng multo. "Naghahanap nang libro. Halata naman, diba?" Hindi ko naiwasan ang pagiging sarkastika ko. "Teka, anong ginagawa mo dito? Sinong nagbabantay kay Xynos?" "He's annoying that's why I left him," Nagkibit balikat pa siya. Bigla ko siyang nahampas sa braso at sininghalan. "Gago ka ba? Paano kapag tumakas 'yon?"  Isang masamang tingin ang pinukol niya sa'kin kaya naitikom ko ang bibig ko, "Minura kita? Tss. Sir. Paulo's there, wag kang magalala," Aniya at suminghap. "Sadista," Bulong niya pa.  Napairap nalang ako sa kawalan at hindi siya pinansin. Nagpatuloy ako sa paghahanap nang librong 'yon. Tsk, imposibleng walang gan'ong klaseng libro. "Ano hinahanap mo?" Dinig kong tanong niya. Hindi ko siya nilingon, "Kung paano mawawala sa katawan ko si Zed."  Saglit siyang natigilan bago bumuntong hininga, "You can't find that kind of book. Ginawa ko na 'yon dati, but I didn't find anything. There's no solution aside from death." Aniya na ikinatigil ko. Walang gan'ong libro? Paano na 'to? Eto ba talaga ang kapalaran ko? Ang mabuhay kasa-kasama ang halimaw sa loob ko? Wala na ba talagang paraan para maalis ito? Hindi ako mabubuhay nang payapa hangga't hindi nawawala si Zed. "It's almost midnight," Dinig 'kong sabi niya. Alam ko na ang pinupunto niya kaya binigay ko na sakanya ang magkaparehong kamay ko. Sinimulan na niya itong lagyan nang ice cuffs. Ayun nanaman yung pakiramdam na parang nanigas ako. Ang lamig. Lumabas na rin kami ng library dahil ayoko namang manggulo d'on kapag lumabas na si Zed. Sa Vershia Forest kami pumunta. Delikado, pero may tiwala ako kay Azriel. "By the way, how did you do that?"  Napatingin ako sakanya nang bigla siyang nagsalita. Kumunot pa ang noo ko at sandaling inisip kung ano ang tinutukoy niya.  "Ang alin?" Tanong ko nang walang pumasok sa isip ko. "Umilaw yung dibdib mo last time nung nasa Queznowland tayo at lumabas si Zed," Sabi niya na ikinahinto ko. "Is it part of being a healer?" He asked. Para akong binuhusan nang malamig na tubig sa kinatatayuan ko. Wala akong makapa na maaaring isagot sakanya dahil maski ako ay hindi alam kung s'an galing 'yon. "I guess, it's part of it," Nagkibit balikat siya at umupo sa lupa bago sumandal sa isang puno. Umupo rin ako sa may tapat niya ilang metro ang layo sakanya at sumandal din sa puno.  Hindi siya parte ng pagiging healer ko, Azriel. Hindi ko alam kung anong meron sa'kin pero ang kakayahan na iyon ang naging dahilan kung bakit nabubuhay pa ako sa mundong ito. Ang kakayahang hindi ko mawari kung ano.  Namutawi ang katahimikan sa pagitan namin. Minsan lang magsalita si Azriel kapag trip niya, at ako naman ay likas na talaga sa'kin na mabilis ma-bored sa isang bagay at mas gugustuhin nalang na tumahimik sa isang tabi. Nakalusot kami palabas sa Ezea High sa tulong ni Azriel dahil halata namang sanay siya sa pagpupuslit. Hindi ko nalang siya tinanong tungkol d'on. "Dito kita nakita dati."  Natigilan ako at napaangat ang tingin kay Azriel. Bahagyang kumunot ang noo ko sa sinabi niya. Seryoso lang siyang nakatingin sa'kin. "Ano?" Pagpapaulit ko sakanya. "Two years ago. Pumuslit ako dati para iligtas yung kaibigan ko sa Lifarshia, tapos nakita kita dito sa Vershia Forest. You we're hopelessly sleeping on a tree trunk kahit pa sobrang lakas nang ulan," Aniya.  Natatandaan ko ang sinabi niya. 'Yon yung araw kung saan pinalayas ako ng matanda naming amo at hindi ako pinagbuksan nang pintuan. Walang nagawa si Keya dahil pag nangielam siya ay pati siya ay madadamay.  Tanda ko pa na may lagnat ako nung araw na 'yon tas dumagdag pa sa sama nang loob ko ang ulan. Tas pag-gising ko... "Ikaw yung nagdala sa'kin sa Vershia? Ikaw yung nag-iwan sa'kin d'on sa may kubo at kinumutan ako?" Hindi makapaniwalang sunod-sunod 'kong tanong. Hindi ako pwedeng magkamali. Napatitig siya sa'kin bago niya inilabas ang mapangasar na ngisi niya at isang tango, "Yep. Thanks to you, nahuli ako nila Sir. Etienne at hindi na ako nakapuslit muli," Bigla siyang ngumiwi. Hindi na ako nakapagsalita n'on dahil hindi ako makapaniwala na nagkita na kami ni Azriel dati, though siya lang nakakita sa'kin. Kung hindi siguro niya ako dinala sa kubo ay baka matagal na akong pinaglalamayan.  "It's already midnight," Dinig 'kong sabi niya. Bumilis ang t***k nang puso ko sa kaba dahil maya-maya lang ay mararamdaman ko nanaman ang pinakamasakit na torture sa lahat.  Pinakiramdaman ko ang sarili ko. Kinapa ko kung saan ba ang masakit, pero ilang minuto na ang nakalipas ay wala akong naramdaman. Anong nangyayari? Napansin 'yon ni Azriel kaya naman ay bigla siyang napatayo, "Nothing happened?" Gulat pa niyang sambit. "B-baka nadelay lang hehe," Pilit ang tawang sabi ko. Seriously? Pwede ba yun? Pero sa kabilang banda, mas gugustuhin ko nalang na wag na siyang lumabas. Pinagmasdan ni Azriel ang mukha ko at medyo nailang ako kaya naman nagiwas ako nang tingin.  "Let's stay for about five minutes more...let's see," Nakahalukipkip siyang sumandal ulit sa puno. Lumipas ang higit limang minuto pero wala pa'ring lumalabas na Zed sa katawan ko. Wala pa'rin akong nararamdamang sakit di tulad nung nasa Queznowland kami.  Di ko alam kung matutuwa ba ako o ano. Dapat ba ako matuwa dahil mukhang hindi na muli magpapakita si Zed, o dapat ba ako matakot dahil hindi ko alam kung ano ang ginagawa niya sa loob ng katawan ko? "Mukhang hindi niya trip ngayon lumabas. Let's go," Bigla siyang tumalikod at naglakad paalis. Agad ko naman siyang sinundan mula sa kanyang likod. "Sigurado ka?" Habol ko sakanya habang tinatahak namin ang daan palabas ng Vershia Forest. Isang kibit-balikat lang ang tugon niya. Natigilan ako sa paglalakad nang maramdaman ko ang sakit sa tagiliran ko na parang tinamaan nang bala. Nagsunod-sunod ito hanggang sa mapasigaw ako sa sakit na animo'y hinahampas nang makakapal na dos por dos ang katawan ko. Ito yung akala 'kong sakit na hindi ko na mararamdaman pa. s**t! Masyado akong nagpakampante! "A-aahhhh!" I cried in pain. Napahiga ako sa lupa at namilipit sa sakit. Higit pa sa sampung saksak nang dagger sa dibdib ang sakit na nararamdaman ko ngayon.  Agad na naalerto si Azriel at lumapit sa'kin pabalik, "s**t!" I heard him cursed. Napuno nang sigaw at iyak ko ang Vershia Forest. Nagkamali ako nang akala ko'y wala na siya. Ngayon, nararamdaman ko nanaman ang pakiramdam na parang humihiwalay ang katawan ko at binabalatan ng buhay. Bago ko pa malaman, bigla na lang lumutang ang katawan ko sa ere at binalot ako nang puting liwanag. Hindi ko alam ang sumunod na nangyari dahil matapos n'on ay napunta na naman ako sa madilim na lugar na 'yon, ngunit di katulad nung dati ay hindi nagpakita sa'kin ang babae sa Magic Mirror. Nilamon ako nang takot nung mga oras na 'yon. Ito ang kahuli-hulihang lugar na gugustuhin 'kong puntahan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD