Hindi ako komportable sa kinauupuan ko, pakiramdam ko ay may mga matang nakakatitig sa'kin. Pakiramdam ko ay napapaso ako kaya tumayo ako para pumunta sa kusina dahil nauuhaw ako at hindi ako nakainom kanina dahil sa pagtawag nila sa'kin.
Tinanong pa 'ko ni Bri kung saan ako pupunta at tumuro na lang ako sa gawi ng kusina. Nakahinga naman ako nang maluwag nang makaalis ako sa sala. Binuksan ko ang ref at nagsalin ng tubig sa baso. Sumandal pa 'ko sa may sink tsaka pumikit.
Halos mapatalon ako sa gulat nang makita si Sage na nasa harap ko, masyadong mapungay na ang mga mata niyang derechong nakakatitig sa'kin. Inilagay niya pa ang mga kamay niya sa magkabilang side ko at itinuon niya sa may sink.
"S..Sage"
Naghuhuramentado ang puso ko. Pakiramdam ko ay nanghihina ako sa pamamagitan lang ng pagtitig niya. Inilapit niya ang bibig niya sa tenga ko.
"I got addicted, I'm helpless," bulong niya tsaka umalis. Napahawak ako sa dibdib ko. Sobrang bilis nang pagtibok ng puso ko na parang may nagkakarera sa loob. Nanghihina akong napatuon sa sink.
Anong ibig sabihin niya? Anong gusto niyang iparating?
Ilang beses pa 'kong huminga nang malalim bago nagpasya na umakyat na lang. Nang madaanan ko sila sa sala ay nagtanong pa sila kung bakit aakyat na ako at sinabi ko na lang na inaantok na ulit ako. Nakita ko pa ang pagtitig sakin ni Sage at nag-iwas na lang ako ng tingin.
Halos ilang oras lang ang tulog ko, hindi ako pinatulog ng pag-iisip sa kung ano ba ang ibig-sabihin ni Sage. Siguro ay pinagtitripan ako ng isang 'yon, pwes wala akong panahon sakyan ang mga trip niya.
Alas sais ang pasok ko ngayon sa Swiftea habang day off naman ni Ate Kim. Tulog pa sila pag-alis ko dahil anong oras na ata sila natapos sa inuman nila.
Mabilis kong narating ang Swiftea dahil wala namang traffic kapag ganitong oras, dumerecho na ako sa crew room para magpalit.
Si Lora ang partner ko ngayon, panay naman ang reklamo niya na masyadong feeling amo si Michelle gayong kabit lang naman siya.
"Hayaan mo na, Lora. Ganoon naman talaga ang mga kabit, kung sino pa ang kabit siya pa ang makapal ang mukha!" matabang na sabi ko nang maalala ang kabit ni Papa.
"Sinabi mo pa!" sabi niya sabay ngumuso.
Hindi ko na siya pinansin at nagfocus na lang sa trabaho. Masyadong madaming customers ngayon dahil may pasok na ang isang State University na katapat lang ng Swiftea.
"Diba siya 'yon? Ang ganda niya sobra!" Naghahagikhikan ang dalawang studyanteng babae sa harap ko at panay ang kaway at ngiti sa'kin. Nginitian ko na lang din sila.
"Miss, diba ikaw 'to?"
Ipinakita niya pa ang phone niya na mayroong picture ko na nakapink na sports b*a at itim na leggings. Ito 'yong photoshoot ko para sa isang gym. Tumango naman ako at lalong lumaki ang ngisi nila.
"Miss, pwedeng papicture?"
Pinagbigyan ko sila kahit na humahaba na ang pila ko, ayoko naman maging rude sa kanila. Kaya sa mga sumunod na customers ay binilisan ko na lang ang pagkuha sa order nila.
"Nakakapagod!" daing ni Lora nang humupa na ang dami ng mga customers. "Mabuti na lang at wala si Michelle ngayon kung hindi ay mas doble pa ang pagod. Bathroom break lang," dagdag niya pa tsaka nagpaalam na pupuntang restroom. Tumango naman ako sa kanya.
Naisipan kong ilabas ang cell phone ko na nasa bulsa ko lang. Naglog-in ako sa f*******: account ko. Ang daming pictures na nakatag sa'kin at halos lahat ay iyong mga photoshoots ko. Napukaw ang atensyon ko sa isang notification.
Sage Wainwright commented on the photo you were tagged in
Sage Wainwright:
Sana ay hindi ka na lang nagdamit, tss.
Ito 'yong photoshoot ko para sa isang swimwear kaya naka-maroon akong two piece. Nagngitngit ang kalooban ko.
Anong gusto niya swimwear pero nakapull over at jogging pants ako?
"Excuse me, Miss!"
Napaangat ako ng tingin. Hindi ko namalayan na may pumasok na customer dahil sa pagiging abala ko sa pagcecellphone.
Nakatayo sa harap ko ang isang babae na nakakrus ang mga braso at nakataas ang isang kilay.
"Good morning, Ma'am!"
Inirapan niya lang ako.
"Kung magcecellphone ka lang naman pala, sana ay hindi ka na nagtrabaho!" inis na sabi niya. Humingi na lang ako ng sorry at yumuko.
"Sinasayang mo ang oras ko-"
Naputol ang sinasabi niya.
"Hey, what's happening here?"
Nanigas ako sa kinatatayuan ko nang makilala kung kaninong boses iyon.
"This girl is so annoying, babe! Nagcecellphone siya kaya hindi agad ako nakaorder."
Nag-angat ako ng tingin at kita ko ang pagkagulat ni Sage.
"It's okay, Coleen, ako na lang ang oorder." Tumango naman ang babae at inirapan pa 'ko. Isinabit niya ang kamay niya sa braso ni Sage, napaangat naman ang kilay ko.
Humarap naman sakin si Sage. Mabuti na lang at dumating na si Lora. Siya muna ang pinagtake ko ng order tsaka ako pumunta sa restroom. Hindi ko alam kung ano ba ang pinagngingitngit ko. Nagtagal pa 'ko ng ilang minuto tsaka naisipang lumabas.
Tanaw na tanaw dito sa counter ang pwesto nila Sage. Nakatalikod dito iyong maarteng babae habang si Sage ay nakatingin sa'kin. Inirapan ko na lang siya. Nakita ko pa na sumilay ang mapaglarong ngiti sa labi niya. Nag-iwas na lang ako ng tingin.
Dumami ulit ang tao nang mga alas dose na ng tanghali. Mabuti nga iyon para bumilis ang oras. Dahil sa pagdami ng mga customers ay hindi ko namalayan na nakaalis na pala sila Sage.
Sumalampak ako sa upuan sa loob ng crew room pagkatapos ng duty ko.
"Ang ngalay ng binti ko dahil sa kakatayo." Reklamo ko pa kay Lora. Tumabi naman siya sakin.
"Sinabi mo pa! Tuwang tuwa nanaman yan si Michelle dahil magkakapera nanaman siya."
Napailing na lang ako. Nauna na rin umuwi si Lora dahil may pasok pa siya sa school.
Next week na pala ang pasukan namin kaya magiging doble pa ang pagod ko. Hay!
Nagpalit na ako ng isang puting sleeveless at denim shorts. Nagulat ako nang makita si Sage sa labas ng Swiftea, nakakrus ang mga braso niya at nakasandal siya sa unahan ng itim na Mazda niya.
Lalampasan ko na sana siya nang tawagin niya 'ko.
"I'll take you home," sabi niya.
Agad naman akong umiling.
"Hindi na, salamat na lang," malamig na sabi ko.
"Doon din naman ako pupunta, nandoon sila Brixel," matigas na sabi niya. Mukha namang hindi magpapatalo ang isang ito kaya pumayag na lang ako.
Pumasok ako sa may front seat at inilagay ang earphones ko sa magkabilang tenga.
May inilahad sa'kin si Sage. Tinaasan ko lang siya ng kilay. Nagulat ako nang hablutin niya ang earphones ko dahilan para matanggal sa tenga ko.
"Makakatulong 'yan para gumaling agad ang pasa mo," sabi niya at pilit ibinibigay sa'kin ang ointment.
"Thanks," malamig na sabi ko tsaka kinuha ang ointment.
"Coleen is just a friend of mine," sabi niya bigla kaya kumunot naman ang noo ko.
"And so? I don't care," iritadong sabi ko tsaka nag-iwas ng tingin.
"You sound jealous." Ngumisi siya.
"I'm not!" depensa ko. Lalo naman lumaki ang ngisi niya.
"At bakit naman ako magseselos? You're not even my type."
Tumaas ang sulok ng bibig niya at matalim akong tinignan.
"I will make you fall for me, you'll see," sabi niya tsaka sumilay ang mapaglarong ngiti sa labi niya. Kumalabog naman ang dibdib ko.
"Asa!" ani ko tsaka tumingin sa labas. Narinig ko pa ang munting halakhak niya.
Pagdating namin sa bahay ay bumaba na agad ako sa saksakyan niya at pumasok sa loob.
"Nandito ka na pala-O, Hi, Sage!"
Nalaglag ang panga ni Bri nang makitang magkasunuran lang kami ni Sage.
Dumerecho na ako sa kwarto ko. Napapagod ako at gusto kong matulog.
"I will make you fall for me, you'll see."
Tss. Umasa ka hanggang sa pumuti na ang uwak.
Nagising ako dahil may kumakatok sa pinto ko. Pinagbuksan ko naman at nakita ang malawak na ngiti ni Andrea.
"Kakain na, Vera!"
Tumango ako tsaka sumama sa kanya. Alas otso na pala ng gabi. Mabuti na lang at nakaalis na sila Sage.
"Kumusta sa Swiftea, Vera?" tanong ni ate Kim habang kumakain kami.
"Ang daming customers kanina palibhasa ay pasukan na ng university na katapat ng Swiftea." Tumango naman si ate Kim.
"E, kumusta naman kayo ni Sage?"
Halos mabilaukan naman ako sa tanong ni Bri.
"Seriously, Bri? Kung anong iniisip mo ay walang katotohanan," sabi ko at hindi maitago ang inis ko sa tanong niya.
"Bakit lagi ka niyang hinahatid?" nanunukso pa na tanong ni Andrea.
"Nagkataon lang na dito rin siya pupunta kaya sinabay niya 'ko. Kayo masyado kayong malisyosa ang dudumi ng utak niyo, alam niyo 'yon?" Nagtawanan naman sila.
"Hindi naman imposible na magustuhan mo si Sage," seryosong sabi ni Kyril.
"Para sa'kin ay imposible. Kilala ko ang sarili ko, Ky," seryoso ring sagot ko. Nagkibit balikat lang si Kyril. Bahala sila kung ayaw nilang maniwala.
Pagkatapos kumain ay napagdesisyunan namin magmovie marathon.
"Ang sakit naman sa puso!" sabi ni Andrea habang umiiyak pagkatapos namin mapanuod ang isang love story. Hindi alam noong babae na mayroon siyang malalang sakit at nang nalaman niya ay nilayuan niya iyon lalaki dahil gusto niya ay makahanap ng iba 'yong lalaki bago siya mamatay. Gusto niyang maging masaya 'yong lalaki kahit sobrang sakit para sa kanya.
"Kung ako 'yon hindi ko alam ang gagawin ko." Sumisinghot-singhot pa na sabi ni Briana.
"The girl sacrifices her own happiness. Kung ako ay ganoon din ang gagawin ko." Nagpupunas naman ng luha si Kyril. Sumang-ayon naman si Ate Kim.
"Me too. Hindi ko rin kayang sabihin sa mahal ko na may sakit ako at mamamatay na 'ko. Hindi ko siya kayang makitang bigo" Maging si Ate Kim ay hindi pa rin tumitigil sa pag-iyak.
"I will probably tell him. Ito 'yong pinakamagandang test para malaman mo kung mahal ka talaga niya. If he will stay with you, then he truly loves you," pagkontra ko sa kanila.
"Tapos ano? Iiwan mo lang din naman siya. Mahihirapan siyang makamove on, hindi mo alam kung ilang buwan, ilang taon o baka hindi na siya tuluyang makalimot," pagkontra naman sa'kin ni Andrea.
"At least kapag hinayaan mo siyang makahanap ng iba magiging masaya pa siya. Isasakripisyo mo ang maikling panahon na kalungkutan mo para sa mahabang panahon na kasiyahan niya," dagdag pa ni Kyril, umiling naman ako.
"Mahal ka niya kaya ikaw ang totoong kasiyahan niya kaya pipiliin ko na lang na maging masaya sa mga natitirang oras na ibinigay para sa'kin."
Kumunot naman ang mga noo nila.
"Selfish!" singhal pa ni Kyril.
"Sometimes it is not wrong to be selfish, Ky, para sumaya ka, hindi fair ang mundong ito," matabang na sabi ko tsaka nag walk out. Natahimik naman sila. Umakyat ako sa kwarto at hindi ko napigilan ang pagtulo ng mga luha ko.
Naalala ko si Mama, masyado siyang naging selfless. Mas inisip niya ang kapakanan ko para lang magkaroon ako ng buong pamilya kahit na nahihirapan na siya kay Papa. Kung naging selfish siguro siya hanggang ngayon ay buhay pa siya at masaya.
Masyadong naging mabilis ang pagdaan ng mga araw at bukas ay pasukan na kaya naman tuwing weekends na lang ako papasok sa Swiftea.
"Vera, bukas may shoot ka para sa isang clothing line!" excited na sabi ni Celine sa tawag.
"Anong oras? Bukas kasi ang simula ng klase sa St. Celestine."
Sayang din naman kasi kung papalampasin ko.
"Alas kwatro pa naman, Vera!"
Nakahinga ako nang maluwag. Half day lang ang pasok bukas sa St. Celestine. Ganoon talaga kapag unang araw ng klase. Nagpaalam na rin ako kay Celine dahil naghihintay sakin sina Kyril sa loob ng National Bookstore. Napagkasunduan kasi namin na mamili ng gamit kaya nandito kami ngayon sa Montreal Mall.
"Anong sabi ni Celine?" tanong ni Kyril. Busy sila Ate Kim sa paghahanap ng mga bibilhin nila.
"May shoot daw ako bukas sa isang clothing line."
Ngumiti naman si Kyril. "Kung ganoon ay sabay na tayong pumunta doon."
Napangiti naman ako at tumango.
Pagkatapos namin mamili ay kumain muna kami sa isang fast food. Napalingon kami sa kinawayan ni Bri at nakita kong papasok sila Brixel, Alezander, Shin at Stephen.
Wala si Sage.
Hindi ko alam kung bakit parang bigla akong nawalan ng gana kumain.
Binati pa ako ni Shin pero tinanguan ko lang siya.
"Okay ka lang?"
Nagulat ako sa tanong ni Andrea. Tumango naman ako. Nagtama ang paningin namin ni Ate Kim at may ininguso siya sa labas ng fast food.
Nakita ko ang lalaking papasok dito, nakakulay puting v-neck shirt siya at maong pants habang nakasampay sa braso niya ang dark gray na coat niya.
Nag-alis ako ng tingin at nakita si Ate Kim na nakangiti sakin. Umiwas naman ako ng tingin dahil sa hiya. Nakipaghigh five pa si Sage sa mga kaibigan niya at sa tapat ko siya umupo.
"Akala namin hindi ka na makakapunta," sabi sa kanya ni Stephen.
"Pwede ba naman 'yon?" sabi niya sabay ngisi habang derechong nakatingin sakin. Nag-iwas naman ako ng tingin. Narinig ko pa ang paghalakhak ni Ate Kim, Brixel at Alezander.
Masaya kaming nagkukwentuhan, madalas ay natatawa kami dahil sa pag-aasaran nila Alezander at Shin. Para silang mga bata.
"Hey, Vera!"
Nagulat ako nang tawagin ako ni Sage. Nakangisi siya sakin.
"Ilang araw tayong hindi nagkita. Did you miss me?"
Nanlaki naman ang mata ko habang siya ay may pilyong ngiti sa labi.
"OMG!" kinikilig na sabi ni Bri.
Inulan naman kami ng panunukso at pakiramdam ko ay pulang pula na 'ko dahil sa kahihiyan.
I wanna punch you, Wainwright!