"WOW, that's quite news," manghang sabi ni Lyneth sa kabilang linya. Tinawagan kasi siya ng kaibigan niya para mangumusta at ikinwento naman niya rito ang mga nangyari. "Nandito nga kami sa mall ngayon para bumili ng damit. Simple lang din ang kasal nina Gino at Ghia. Malayong-malayo sa nakagisnang paraan ni Ghia. Pero mahalaga pa ba 'yon? Ang mahalaga naman, maikasal siya sa lalaking mahal niya, 'di ba?" Nanghaba ang leeg ni Ally habang pinapanood si Gael na namimili ng mga polo sa isang rack. Hindi rin niya alam kung matatawa ba siya o maiirita sa mga sales lady na nakabantay sa tabi nito na pigil ang hagikhik. "Buti hindi mo pa naisipang magpasagasa sa gitna ng high way?" biro pa ng kaibigan niya. "Okay na 'ko, Lyneth. Tanggap ko na, matagal na." "Kailan? No'ng makilala mo si Gael?"

