“Hindi tama ‘to ‘e!” madiin at pabulong na sabi ni doktora, nakapamaywang habang nakatingin sa malaking bahay ng mga Franca.
Binangga ko siya ng bahagya sa balikat. “Ano ang hindi tama, dok? Ang pumunta sa bahay ng ex-boyfriend mo o magdala ng ibang lalaki sa bahay nila?”
“Sagutin mo kaya ang tanong mo?” Pinanliitan niya ako ng mga mata.
“Base sa pag-analize ko, parehong mali. So, uwi na lang tayo?”
Dismaya niya akong tinapunan ng tingin at matamlay na binawi sa kamay ko ang regalo pero binawi ko rin agad. Baka kasi pauwiin ako.
“Nandito na tayo…” sagot niya, bumuga ng hangin pero matiim akong tinitigan. “But please, Reynan, umayos ka kapag kaharap na natin sila, ‘wag kang gumawa ng eksena, at ‘wag ka basta-basta magsasalita.”
“ ‘Wag kang mag-alala, dok, hindi ako mahilig umiksena, pero magaling umarangkada—aw!” Daing ko. Kinurot na naman kasi ang tagiliran ko na kinurot niya kahapon nang niyakap ko siya.
“Kasasabi ko lang…’wag ka basta-basta magsalita ng kalokohan! Hindi mo sila kilala, kaya ‘wag kang umastang close.”
“Masyado ka talagang seryoso. Joke lang ‘e, nangungurot agad…” Hinaplos-haplos ko na lang ang tagiliran ko.
Sinamaan naman niya ako ng tingin, at mabagal na humakbang papunta sa gate.
Ako naman ay nanatili lang sa likuran niya, bitbit ang mga regalo para sa mga magulang ni George.
“Doktora Cherry, magandang umaga po,” nakangiti at magalang na bati ng guard na nagbukas ng gate, pero pasimple namang tumingin sa akin.
“Magandang umaga po,” sabay naman naming bati na ikinangiti ng matanda.
Tahimik pa rin akong sumunod kay doktora na mabagal na naglalakad, pero huminto matapos ang ilang hakbang at muling lumingon sa guard. “Wala pa si George?” tanong niya.
“Nandito na po siya kanina, dok, pero umalis ulit,” sagot ng guard.
Tumango-tango siya, pero pigil namang napabuntong-hininga. At damn! Sa totoo lang, ang sarap na niyang itulak! Ang bagal-bagal maglakad. Ang dami-dami nga nitong bitbit ko.
“Dok, wala na bang ibibilis ang lakad mo?” bulong ko sa kanya na matalim pa rin na tingin ang sagot sa akin. Napaka-ungrateful din itong tao na ‘to ‘e.
“Gusto mong mauna?” Tinaasan niya ako ng kilay.
Umiling-iling ako at nginitian siya ng pilit. “Tense na tense ka kasi. Ano pa ba ang ikinatatakot mo? Wala raw naman si George. Walang wild beast ngayon, kaya safe tayo.”
“Ikaw mismo, alam mong wild beast ‘yon, sinong hindi matatakot?”
“Katawan kong ‘to, matatakot?” Pini-flex ko ang braso ko na ismid naman ang sagot niya.
“Nasa pamamahay nila tayo, Reynan. Kaya matuto tayong lumugar.”
“Proke’t pamamahay nila, wala na tayong karapatan na pumalag sakaling alipustahin tayo?”
Hindi siya sumagot. Bumuga na naman ng hangin. Ang dami-dami niyang issue. Kaya ang lungkot ng buhay niya.
Tinabihan ko siya at sumabay sa mabagal niyang paglalakad. “Dok, remind lang kita, ikaw ang niloko, ikaw ang sinaktan, pero ikaw ang um-acting na parang may kasalanan. ‘Wag kang praning, dok!”
Minsan nakakainis na rin talaga ang kagagahan nitong si Dok ‘e. Naalala ko, hindi naman siya ganito ka duwag noon. Ang lakas nga ng loob niya na sitahin ako no’ng inaaway ko si Onse. Palag siya kung palag.
“Maging matapang ka na sabihin ‘yon sa mga taong gustong saktan ka, tapakan, o husgahan ka!”
“Wala nga ako ng tapang na sinasabi mo. ‘Di mo gets?”
“Gets ko, kaya nga in-offer ko na sa’yo ang katawan…I mean, ang care ko.” Nakagat ko na naman ang dulo ng dila ko at nginitian siya. Umapoy kasi ang mga mata.
Dinuro niya ako. “Ewan ko sa’yo, Reynan!” ‘Siguraduhin mong hindi ka magsasalita ng kalokohan mamaya. Talagang makakatikim ka!”
Napatikhim ako. Nginuso ko ang matandang babae na kalalabas lang ng pinto. Sigurado akong ina ito ni George.
“Tita Zabel, magandang umaga po,” bati ni doktora sa matanda.
Kumislap ang mga mata nito at matamis na ngumiti. “Cherry…” Niyakap nito si doktora, at pagkatapos ng sandaling yakapan nila, ay hinarap naman ako.
Ngumiti ako. “Magandang umaga po,” bati ko. Inabot ko ang regalo para sa kanya. “Happy birthday po.”
Tinanggap niya naman ‘yon. “Maraming salamat,” sagot niya na may alanganin na ngiti, at muling tumingin kay doktora.
“Si Reynan po…” alanganin naman niyang pakilala sa akin. “Kaibigan ko po,” dagdag niya, sandaling sumulyap sa akin.
Tumango-tango lang ang matanda, ngumiti at hinawakan ang kamay niya. “Halina kayo, kanina pa namin kayo hinihintay.” Giniya niya sa Cherry sa dinning, habang ako parang buntot pa rin na sumusunod.
Sumenyas naman ang matanda sa katulong nila na tanggapin ang iba ko pang bitbit na regalo. “Tawagin mo na si Sir Thomas mo,” utos pa nito sa isang katulong.
“Tita Zabel, pasensya na po, nagdala ako ng kaibigan…” paumanhin ni doktora nang nasa dining na kami.
“Anong pasensya? Ayos nga ‘e, may kaibigan ka palang iba.” Makahulagang sabi ng matanda. Sandaling nagpalipat-lipat ang tingin nito sa amin, at agad namang ngumiti nang dumating ang asawa.
Tumayo si doktora Cherry. “Tito Thom, magandang umaga po.”
Sumenyas ang matandang lalaki na umupo siya. Nahihiya namang sumunod si doktora. Kung titingnan, mas estrikto itong ama ni George kay sa ina niya. Wala ngang kangiti-ngiti na medyo ikinasiwa ko rin.
“Mabuti naman at pinaunlakan mo ang imbitasyon namin,” sabi nito kay doktora, pero ang tingin ay nasa akin naman.
Maya maya ay nagtinginan naman ng makahulugan ang mag-asawa. Nag-uusap ang mga mata nila kung paano ako kakatayin. Hindi naman kasi ako manhid, alam kong nagtataka sila kung bakit ako isinama ni doktora. Ramdam na ramdam ko na nga ang tensyon.
“Kaarawan po ni Tita Izabel, hindi pwedeng wala ako,” sagot naman ni doktora. Pinipilit niyang ngumiti.
“Katrabaho mo?” tanong naman ng matandang lalaki na nasa akin na naman ang tingin.
Tumayo ako, naglahad ng kamay. “Ako po si Reynan, kaibigan ni doktora,” pakilala ko kahit ang sama ng tingin nito sa akin. Mabuti at nakipagkamay din naman.
“Sige na kumain na tayo,” sabi naman ni Izabel. Nag-utos din siya sa mga kasambay nila na ilabas na ang ibang mga putahe.
“Ayos lang po ba na maunang kumain?” Alanganin ko namang tanong. Birthday nga kasi ‘to, dapat may mga bisita, pero kami lang ang nandito. “Wala na po ba kayong hinihintay na bisita?”
“Wala na, at kung hihintayin pa natin si George, baka malipasan na tayo ng gutom. Kaya magsimula na tayo.”
Napatingin ako kay doktora Cherry na daig pa ang itinali sa upuan niya. Walang ka galaw-galaw. “Doktora, kain na po raw tayo,” bahagya ko siyang siniko.
“Sige na Cherry, kumain ka na…kain na tayo.”
Tumango-tango siya at tipid na ngumiti, nagsimula na nga siya na maglagay ng gusto niyang pagkain sa pinggan, kaya kumuha na rin ako.
“Doctor ka rin ba, Reynan?” tanong ni Izabel. Titig na titig pa rin sa akin. Naputol tuloy ang pagsubo ko.
“Hindi po, pasyente po ako ni doktora,” pag-amin ko, sabay lingon kay Cherry. Sinipa kasi ako, nagsasabi lang naman ako ng totoo.
“Bayaw po siya ni Attorney Onse, Tita Izabel,” pagtutuloy naman niya sa sagot ko.
“Kaya ba kayo nagkakilala?”
“Opo…” Naputol na naman ang sagot ko. Naging kabayo na kasi itong si Doktora. Ayaw yata na magsalita ako. Panay sipa ‘e.
Tiniim ko ang labi ko, at sinamaan siya ng tingin. Gumanti naman siya. Tinaasan ako ng kilay.
“Anong profession mo? Ano ang trabaho?” tanong ni Thomas na sandali kong ikinagulat.
Nakamot ko ang ulo, napalunok pa. Sana pala nagdala ako ng resume, hindi pala birthday party itong dinaluhan ko, interview. “Nurse po ako rito sa Pilipinas, caregiver po naman sa Canada,” honest ko namang sagot.
“Caregiver ka?” tanong naman ni doktora na parang nagulat pa. Napatingin pa sa maskulado kong katawan.
Ngumiti ako at tumango-tango. “Kaya nga nag-offer ako ng care sa’yo, dok…” Ayon at nasipa na naman ako. Gigil ko na lang na nakagat ang labi ko. Ang sakit na ‘e.
“Kumain ka na nga,” gigil naman niyang sabi.
“Cherry, ‘wag mo nang pigilan magsalita ang kaibigan mo,” sabi ni Izabel. “Gusto rin namin siyang makilala,” dagdag pa nito na ikinangiti ko.
“Rinig mo ba, dok? Gusto akong makilala,” pabulong ko namang tanong, bahagya pa akong humilig palapit sa kanya. “Kaya tama na ang sipa…”
“Oo na, sige na kumain ka na,” madiin naman niyang sabi.
“Single ka ba, Reynan?”
Naubo ako. Maagap namang nagsalin ng tubig ang kasambahay na nakatambay lang malapit sa amin.
Mabilis akong uminum. “Salamat,” sabi ko. Hinaplos-haplos ko muna ang leeg ko, saka nakangiting tumingin kay Thomas na nakakaubo rin ang tingin.
“Single po…hoping na maging double,” pasimple akong sumulyap kay doktora.
Huling-huli ko naman ang panliliit ng mga mata ng matandang lalaki. “Nililigawan mo si Cherry?”
“Nililigawan?” pasinghal na tanong ang gumulat sa aming lahat—si George, umaangil na parang aso. At bago pa ako makapag-react, nadaklot na nito ang kwelyo ko.