"Hoy, Kikay! Kanina ka pa landi nang landi diyan. Tsinelasin kita diyan nang makita mo! Hala sige! Kumilos ka nga at magtrabaho!" galit na sigaw ng Ginang sa kasama nitong babae.
Nakasimangot naman na pumasok ang babae na tinawag ng Ginang na Kikay habang bumubulong-bulong pa. Sumilip ang Ginang sa may pintuan at doon ay nagtama ang paningin nila ni Kyrielle.
Gusto sanang tumakbo ni Kyrielle paatras dahil sa takot na umakyat sa kanyang dibdib dahil sa Ginang. Mukha kasing mainit ang ulo nito at nababahala siya na baka siya ang pag-initan nito.
"Anong kailangan mo?" malakas na tanong ng Ginang sa kanya. Agad namang kumislot ang puso niya sa kaba dahil doon.
"Ah... eh... m-magandang araw po. Itatanong ko lang po kung kailangan n’yo pa po ng makakatulong dito sa karenderya ninyo? Naghahanap po kasi ako ng trabaho. Kahit ano pong ipagawa ninyo sa akin ay okay lang po at kaya ko pong gawin," lakas-loob na tugon niya sa Ginang.
Lumapit sa kanya ang Ginang at pinagmasdan siya ng maigi mula sa kanyang ulo hanggang paa.
"Maganda ka at mukhang mabait," puri ng Ginang sa kanya habang tila ba nag-iisip ito. At pagkuwan ay muli itong nagsalita. "Pero—masipag ka ba?" deretsyong tanong sa kanya ng Ginang.
"Po? O-Opo! Sisiguraduhin ko po na gagawin ko ng mabuti ang magiging trabaho ko po at ang lahat ng ipagagawa n’yo po sa akin," kabado ngunit pursigidong sagot niya sa Ginang.
"Okay sige," nakangiti namang sagot ng Ginang sa kanya na siyang ikinagulat niya.
“Ano po?”
“Tanggap ka na.”
"T-Talaga po? Kukunin n’yo na po ako?" manghang tanong niya sa Ginang dahil hindi siya makapaniwala na nakumbinsi niya kaagad ito ng ganoong kabilis lamang.
"Oo. Ikaw ang ipapalit ko kay Kikay. Wala naman kasing ginawang maayos at matino ang malanding babae na iyon," tugon ng Ginang sa kanya.
Dahil doon ay bahagya siyang natigilan. Gusto niyang magtrabaho ngunit ayaw naman niyang alisan ng hanap-buhay ang ibang tao para lang sa sarili niyang kapakanan.
"Paano naman po si Kikay?" tanong niya sa Ginang.
"Huwag mong intindihin ang malanding Kikay na iyon. So, ano? Bukas ka na magsisimula?" tanong ng Ginang sa kanya na hindi niya malaman kung papaano niya sasagutin.
"Aling Tindeng! Huwag n’yo naman po akong tanggalin sa trabaho. Lumalandi naman ako ng ayos, este—nagtatrabaho naman ho ako ng maayos!" Biglang sulpot ni Kikay sa gitna nila ng Ginang. Napangiwi ang Ginang at hindi ito pinansin.
"So, ano Ija? Start ka na bukas huh. Last day na ni Kikay ngayon," pahayag pa ng Ginang sa kanya.
"Hala! Parang awa n’yo na, Aling Tindeng! Huwag naman po ganito!" pagmamakaawa naman ni Kikay sa Ginang.
"Uhm... baka naman po pwedeng... dalawa na lang po kami ni Kikay na magtrabaho sa inyo?" lakas-loob na tanong niya sa Ginang na nagngangalang Tindeng. Kumunot ang noo ng Ginang at nilingon siya.
"Pang-isang tao lang ang kaya kong pasuwelduhin, Ija. Kung gusto ninyo pareho magtrabaho dito, ay maghahati kayo sa sahod ninyo. Iyon ba ang gusto ninyo?" tanong ng Ginang sa kanila na siyang ikinatigil niya.
"Hala siya! Dalawang daang piso na nga lang ang sahod ko sa iyo sa isang araw. Ano 'yon? Tig-isang daang piso kami nitong si ganda?" reklamo ni Kikay sa Ginang.
"Magrereklamo ka pang malandi ka? Dapat nga ay tanggal ka na!" inis na sigaw naman ng Ginang kay Kikay.
"Libre po ba ang pagkain?" pagkuwan ay tanong niya sa Ginang. Tumango naman ang Ginang bilang pagtugon sa kanya. Akmang magsasalita pa sana si Kikay pero inunahan na niya ito. "Sige po. Ayos lang po sa amin. Payag po kami," nakangiting sabi niya na siyang ikinagulat naman ng dalawa.
"Sigurado ka, Girl? Okay ka lang? Payag kang one hundred pesos lang ang sahod mo sa isang araw?" hindi makapaniwalang tanong sa kanya ni Kikay.
"Kaysa naman sa wala hindi ba? Okay na iyon. Libre naman ang pagkain," nakangiting tugon niya na siyang nagpaawang sa mga labi ni Kikay. Halatadong nagulat sa itinuran niya.
"K-Kung ganoon ay magsisimula ka na bukas, Ija. Ano bang pangalan mo?" tanong ng Ginang sa kanya.
"Kyrielle po," nakangiting tugon naman niya dito.
"Kyrielle. Kay gandang pangalan ah, bagay sa iyo," nakangiti din naman na puri sa kanya ng Ginang. "Ako naman si Tindeng," pagpapakilala pa ng Ginang sa kanya.
"Salamat po, Aling Tindeng," taos-pusong pagpapasalamat naman niya sa Ginang.
"Ay, pwede bang huwag mo akong tawaging Ale? Mas okay kung Nanay Tindeng na lang. Pangarap ko kasing magkaroon ng kasing gandang anak na katulad mo," malambing na turan sa kanya ng Ginang na siyang ikinalawak ng kanyang mga ngiti.
Nakaramdam siya ng kakaibang tuwa sa puso niya. Sapagkat ngayon lang may isang Ginang na humanga sa kanya dahil sa angking ganda niya. Kahit ang sarili niya kasing Ina ay hindi man lang siya sinabihan na maganda siya. O kahit isang beses ay wala siyang maalala na may magandang sinabi ito sa kanya. Bagay na siyang nagbibigay ng hapdi sa puso niya ngayon.
"Ija? Okay ka lang ba? Ayaw mo ba akong tawaging Nanay Tindeng? Ay ayos lang naman sa akin iyon," malungkot na sabi ng Ginang sa kanya.
Noon lang niya napansin na nangingilid na pala ang mga luha niya sa mata. Agad naman siyang umiling sa Ginang at nagsalita, "Naku! Hindi po. Masaya lang po ako. Salamat po—Nanay Tindeng," saad niya saka siya ngumiti dito. Ngumiti din naman ang Ginang sa kanya pabalik.
Nagpatikhim naman si Kikay na nasa tabi niya. "Ang sweet n’nyo naman masyado sa isa't isa. Noong bago ako dito hindi kayo ganyan mag-approach sa akin, Aling Tindeng," nakasimangot na sabi nito sa kanila.
"Una pa lang kasi ay alam ko nang may kalandian kang taglay," masungit na banat naman ng Ginang sa nagrereklamong si Kikay. Napasimangot naman si Kikay sa tinuran ng Ginang.
Pagkatapos ng ilang minuto pang pakikipag-kwentuhan niya kay Kikay na bago niyang makakasama sa trabaho, at kay Aling Tindeng na siyang magiging boss niya sa trabaho, ay nagpasya na siyang umuwi.
Hindi niya alam kung bakit ang gaan ng pakiramdam niya sa mga ito, lalo na kay Aling Tindeng, gayong ngayon lang naman niya nakilala ang mga ito. Kung titingnan kasi ang Ginang sa una ay akala mong kaya nitong lumamon ng tao, pero kapag nakausap mo na ito ay isa rin pala siyang mabuting tao.
Binawi ng Ginang ang mga sinabi nito kanina tungkol sa sahod nila. Plano lamang nito na lokohin at asarin si Kikay na tatanggalin na sa trabaho, upang makaramdam ng takot at huwag nang maglandi. Binawi rin ng Ginang ang tungkol sa kanilang magiging sahod na one hundred pesos lamang sa isang araw, at sa halip ay mas tinaasan pa nga nito kumpara sa dating pasahod nito.
Masaya at payapang naglalakad pauwi si Kyrielle. Masaya siya sapagkat sa wakas ay may nahanap na siyang trabaho. Sa wakas ay may mga taong nagtiwala sa kanya. Halos isang linggo na kasi siyang naghahanap ng trabaho ngunit walang kumukuha sa kanya. Iba pala talaga sa pakiramdam ang pagkatiwalaan ka. Iyon ang labis na nagpapasaya sa loob niya ngayon. Bukod doon ay excited din siyang ibalita ito sa kanyang lalaking minamahal. Kahit na papaano ay magkakaroon na siya ng pakinabang upang matulungan ang lalaki sa mga gastusin nila sa kanilang bahay.
"Tama, hindi naman pwedeng habang buhay na lamang akong umasa kay Murphy," pagkausap niya sa kanyang sarili habang masayang naglalakad. "Kaya siguro laging mainit ang ulo niya sa akin nitong mga nakaraan ay dahil sa nahihirapan na siyang kumita ng pera para sa aming dalawa. Kaya tama lamang na tulungan ko na siya ngayon," saad niya pa sa kanyang sarili hanggang sa marating niya ang sakayan ng mga Jeep na sasakyan niya pauwi sa kanilang munting tahanan ng lalaking kanyang minamahal.
Habang nakatayo siya sa may waiting shed at naghihintay nang masasakyang Jeep, ay siya namang pagbuhos ng isang malakas na ulan. Pinagmasdan niya ang mga taong naglalakad kanina, na nagmamadali nang tumatakbo ngayon upang maghanap ng kani-kanilang masisilungan. Ang iba ay sa ilalim ng puno, ang iba ay nakisilong sa iba't ibang establisyamento ng lugar, at ang iba naman ay sa waiting shed din nagtungo kung saan siya kasulukuyang nakasilong din.
Napasinghap siya sa kawalan. Wala pa man din siyang dalang payong ngayon. Tumingala siya upang silipin ang masungit na kalangitan, at doon ay bumungad sa kanya ang makapal at madilim na mga ulap.
"Bakit kasi kinalimutan kong magdala ng payong?" mahinang reklamo niya sa kanyang sarili.
At katulad ng pag-iyak ng langit ay palihim rin na umiiyak ang kanyang puso ngayon. Kahit anong pilit niya kasi na unawain ang lalaking kanyang minamahal, ay hindi basta-basta maalis ang mumunting pagdaramdam niya para dito.
Isang linggo na kasi ang lumipas mula nang lokohin siya sa harapan niya mismo ni Murphy. At mula nang araw na iyon, ay halos gabi-gabi na itong nag-uuwi ng babae sa kanilang bahay. Bagay na ayaw sana niyang pansinin at palawakin pa sa kanyang isipan. Pero sa tuwing sumasagi iyon sa kanyang isipan ay hindi niya maiwasan na hindi makaramdam ng paghapdi ang kanyang puso.
Masakit. Sobrang sakit. Para siyang bumalik sa sakit ng kabataan niya noong nasa pudar pa siya ng kanyang mga magulang. 'Yong dating baba ng tingin niya sa kanyang sarili ay mas dumoble pa ngayon. Akala niya iba si Murphy. Akala niya ay totoong mahal siya nito. Akala niya ay hindi siya nito magagawang saktan katulad ng ipinangako nito sa kanya noon. Pero mali siya. Lahat ng akala niya ay mali pala.
Sa sobrang sakit ng kanyang nararamdaman ay halos araw-araw siyang umaalis sa kanilang bahay upang maghanap ng trabaho. Hindi niya kasi kayang tiisin na nasa bahay lamang siya habang ang lalaking mahal niya ay araw-araw may kasamang ibang babae sa kanilang kwarto. Mabuti na lamang at ngayon ay natanggap na siya sa trabaho. Baka sakaling bumalik na sa dati si Murphy. Baka kapag naibalita na niya dito na may trabaho na siya ay mahalin na siya nito ulit.
"Tama. Tiyak akong babalik siya sa dati niyang pakikitungo sa akin kapag nalaman niyang natanggap na ako sa trabaho ngayon," pagpapanatag niya sa kanyang sarili.
Ilang segundo pa ang lumipas ay napadako ang tingin niya sa isang tuta na nasa kabilang kalsada at kasulukuyang nababasa ng ulan. Mukha itong may pilay dahil hindi ito makalakad ng maayos. Agad siyang nakaramdam ng awa para sa munting tuta na iyon. Maliit pa lamang ito ngunit nakararanas na ito ng hirap at sakit.
Dahil doon ay dali-dali siyang tumawid patungo sa kinaroroonan ng kawawang tuta. Hindi na niya pinansin pa kung mabasa man siya ng ulan. Pauwi na rin naman kasi siya sa bahay.
Nang makalapit na siya sa tutang umiiyak dahil sa sakit at sa lamig ay agad niyang ipinangsukob dito ang kanyang bag. Batid niyang pinagtitinginan na siya ng mga tao sa paligid niya pero wala siyang pakialam sa kung ano man ang sasabihin ng mga ito.
"Magiging okay ka rin," wika niya sa tutang nasa harapan niya ngayon habang pinagmamasdan niya ito. Hinawakan niya ito sa ulo at napangiti naman siya nang dilaan nito ang kanyang kamay.
Pagkalipas pa ng ilang segundo ay naramdaman niya na para bang hindi na siya nababasa. Marahan niyang iniangat ang kanyang ulo at bumungad sa kanya ang isang asul na payong na siyang sumasangga sa ulan para hindi siya tuluyang mabasa. Hawak ito ng isang lalaki. Hindi niya makita ang mukha ng lalaki dahil nakaharang ang payong na hawak nito.
Dahil doon ay marahan siyang tumayo at pilit niyang inaaninag ang mukha ng lalaki ngunit bigo siya, dahil mas matangkad pa pala ito sa kanyang inaasahan. Magsasalita pa sana siya nang bigla na lamang na iniabot ng lalaki sa kanya ang asul na payong. Nang kunin niya ito ay mabilis na tumalikod ang lalaki at tumakbo palayo sa kanya.
Naiwanan siyang tulala at lutang dahil sa ginawa ng estrangherong lalaki na iyon. At ngayon ay ito na ang nababasa ng ulan.