Isang maingay na paghikab ang ginawa ko kasunod ang agresibong pagpunas sa luhang tumulo mula sa mga mata ko. Pakiramdam ko talaga ay ano mang oras, makakatulog ako rito. Bahala na.
"Kate, ano nga kasi? Ako 'yung kinukulit ni Sor Gio, eh." Naiiritang usal ni Jeff.
Kung naiinis siya ay mas naiinis ako. Walang papantay sa inis na nararamdaman ko lalong-lalo na kung ang usapan ay ang lecheng beast na iyon.
"Ano ba kasing offer 'yon? Ngayon ko lang narinig na nagbigay siya ng offer sa mga kagaya natin," anang isa sa mga kasanahan namin.
Sa tanong niya ay muling bumalik sa isipan ko 'yung sinabi no Gio. One night stand? Tangina anong akala niya sa akin, pokpok? Nakakabwisit.
Oo at nagtatrabaho ako sa club pero hindi ibig sabihin no'n na pwede na niya akong bastusin ng ganoon. Hindi porke isa siya sa mga itinuturing na pinakamaimpluwensiya ng customer namin ay may karapatan na siyang mambastos ng mga tao.
Gwapo nga, napakapangit naman ng ugali.
"Wag niyo na lang alamin, ayokong pag-usapan." Walang gana kong sabi bago mabilis na umupo.
Uuwi na lang ako. Kung nandito pa ang beast kahit na mag uumaga na, baka may chance na hindi iyan titigil kakakulit. Feeling na kung feeling pero pakiramdam ko talaga ay hindi siya titigil hanggat hindi ako pumapayag sa gusto niya, which is never mangyayari.
Kakain na lang ako ng tae kaysa sa pumayag sa gusto niyang one night stand.
Tahimik akong lumapit sa locker ko para kuhanin ang bag ko kung nasaan nakalagay ang pera kong paubos na. Kailangan ko ng magtipid kung gusto kong umabot ang pera ko sa sahod na isang linggo pa mula ngayon bago dumating.
"Sabay na tayo palabas," aya ko sa kasamahan. Kailangan kong magmadali para maiwasan si Gio at baka masapak ko pa siya kapag kinulit niya ako.
Pagkalabas sa locker room ay bumungad sa amin ang mga kasamahan namin habang abala silang naglilinis.
Sa mesang madalas niyang inuupuan, nandoon pa rin si Gio na nakatunganga. May tasa sa kaniyang harapan na tingin ko ay kape.
Wala ba siyang balak umuwi?
Mabilis kong iniwas ang tingin ko sa kaniya. Syempre baka mamaya ay mahuli pa niya ako na nakatingin tapos isipin niyang nagnanasa ako sa kaniya. Medyo kadiri ano po, kahit gwapo siya.
Nagpatuloy ako sa paglalakad para sana lumabas na kaso, ang leche at papansin kong kaibigan, bigla na lang sumigaw, "oh? Ayan na pala si Kate, Sir Gio!" Kaya imbes na nakatulala lang ay napalingon pa sa maganda kong mukha si Gio. Tanginang Jeff talaga, oo.
Patagilid kong binalingan si Jeff na nakangisi at may lakas pa talaga ng loob na mag peace sign sa akin. Humanda sa akin ang impaktang iyon, mamaya wala siyang matatanggap na peace sa akin. Gyera ang ibibigay ko sa kaniyang leche siya.
"Hey..." Baritonong boses ni Gio ang namutawi s lugar. Pa'no ba naman kasi, papansin din ang mga kasamahan ko na parang mga biglang nawalan ng boses dahil tumahimik. Mga leche talaga. Ibang klase talaga epekto pagdating sa chismis.
Pairap kong binalingan si Gio na seryosong nakatingin sa akin ngunit nang mapansin ang sama ng tingin ko ay agad ding nagbago ang expression niya. Mula sa seryoso ay unti-unting kumunot ang kaniyang noo at halos magkadikit na ang mga kilay niya. Bakas din sa kaniyang mukha ang pagtataka.
"The hell is your problem?"
Muli ko siyang inirapan, "ikaw! Ikaw ang problem ko kaya pwede ba? Lubayan mo na ako, myghad." saka ako mabilis na naglakad palabas.
Ramdam ko ang tingin ng mga kasamahan ko pero bahala sila. Uuwi na ako dahil pagod na pagod na ako.
Pagkalabas ko ay walang lingon-lingon akong naglakad papunta sa direksyon ng paradahan ng jeep. Mag ji-jeep na lang ako pauwi para tipid sa pamasahe. Hindi bale ng matagal kung maghintay, at least tipid.
"Saan ka ba nakatira?" Halos mapalundag ako sa gulat nang may baritonong boses ang bigla na lang sumulpot sa likuran ko. Hindi ko alam kung dahil ba iyon sa boses niya o sa katotohanang nandito pa rin siya, nakabuntot sa akin na parang langaw na takam na takam sa tae.
Oo, ako 'yung tae pero maganda version at siya naman 'yung langaw na walang ibang ginawa kundi ang bumuntot at kumuda ng kumuda.
"Nagtatagalog ka pala?" Gulat kong usal.
Kumunot ang kaniyang noo at tinignan ako na para bang may nakakatawa sa sinabi ko. "Of course, sa Pilipinas ako nakatira so basically, marunong akong mag tagalog."
"Tigilan mo na, hindi mo bagay." Dahil totoo naman. Parang any minute ay magkakabuhol ang dila niya sa tuwing nagtatagalog. Halatang hindi sanay. Ako tuloy 'yung nahihirapan.
"Why would I stop speaking tagalog just because hindi ko bagay?" Masungit niyang sabi. "Will you stop wearing make up if I say na hindi mo bagay? No, 'di ba? So mind your own business, Sailor Moon."
Hindi ko alam kung bakit tila na offend siya sa sinabi ko gayong ang intensiyon ko lang ay ang biruin siya. Hindi ko alam na seseryosohin niya at ibabato niya pabalik sa akin ng sinabi ko.
"Ganyan ka rin naman, eh. Hindi ba't ni-judge mo rin ako last time? Ang sabi mo ay amoy bulok na itlog ako," usal ko saka mabilis na itinaas ang isang kamay para mapara ang jeep na paparating. "Bye. Sana ito na last meeting na'tin," biro ko na may kaunting katotohanan dahil naiirita talaga ako sa kaniya, bago sumakay sa jeep.
Hindi naman ganoon kalayuan ang sa amin pero hindi rin naman malapit. Dahil maaga pa at halos wala pang mga sumasakay, mabilis lang ang naging byahe.
Bumaba ako sa may kanto namin saka nag desisyong maglakad na lang. Malamig pa naman dahil nga maaga pa at saka tipid din sa pamasahe. Exercise na rin para naman mapanatili ko ang aking sexy at magandang katawan na importante para sa trabaho ko.
Pagdating ko sa bahay ay dinatnan kong sarado ang lahat. Naka-lock pa ang pinto hudyat na walang tao roon kaya kinailangan ko pang kalkalin sa bag ko na puno ng damit ang susi para lang makapasok ako.
Ilang minuto rin ang tinagal ko sa paghahanap bago tuluyang nakita 'yon at nakapasok pero parang gusto ko ulit lumabas at bumalik na lang sa Hot Bev's.
Paano ba naman kasi, sa sala ay may mga pinagbalatan ng junkfood na nakakalat sa center table. Mayroon ding dalawang bote ng softdrinks at mga basong pinag-inuman ang nandoon na nilalanggam na ngayon.
Padabog kong ibinagsak ang bag sa sofa saka mabilis na dinampot ang mga basong puro langgam at itinakbo iyon sa lababo ngunit parang gusto kong magdabog nang makita ang itsura noon.
Puno iyon ng maruruming plato, mangkok, at baso na pawang mga nilalanggam din. May mga nakakalat din na mga buto ng manok na siya sigurong pinagpipyestahan ng mga langgam. Hindi ko sigurado dahil katabi lang din noon nag maliit na basurahang umaapaw na at nilalanggam din.
Tangina.
Sa halip na magbihis at magpahinga ay ginugol ko na lang ang oras ko sa paglilinis. Hindi ko mapigilang hindi umiyak sa inis.
"Nakakalecheng buhay. Iiwan mong kumikintab ang bahay tapos dadatnan mong tanso," reklamo ko kay Jeff nang tuluyan na ngang makapagpahinga pagkatapos kong igugol ang halos buong umaga ko sa paglilinis.
Wala pa si Mama at hindi ko alam kung uuwi ba siya ngayong araw. Si Ate ay wala rin, hindi ko alam kung nasaan at hindi ko na rin inalam. Baka naggagala na naman kasama ang mga barkada.
"Sabi ko naman kasi sa iyo, huwag kang maglinis diyan. Pagod ka sa trabaho tapos kung iturong ka riyan ay parang kasambahay."
Kung pwede ko nga lang gawin ang sinasabi ni Jeff ay matagal ko ng ginawa kaso hindi. Oras na hindi ako kumilos dito sa bahay ay sigurado, magiging tila bahay ng daga ito.
"Balik ka kaya dito?" Imunulat ko ang mga mata ko nang marinig iyon. "Hindi naman ako uuwi, dito ako magpapahinga. Isa pa..."
"Bakit hindi ka na naman uuwi, aber?" Pagsingit kong sinagot lang niya ng kibit ng balikat.
"Isa pa, andito pa si Sir Gio, mukhang walang balak umuwi. Ano bang in-offer niya sayo't parang napakaimportante?" Umirap lamang ako, walang balak na sagutin ang tanong niya na siyang ikinatawa niya
Sa totoo lang, gusto kong bumalik sa club para roon na lang magpahinga. Napupuno lang ako ng stress dito sa bahay at sigurado, kung umuwi man si Ate o Mama ngayong araw, mabibitin ang tulog ko dahil kailangan ko pa silang ipaghanda ng pagkain oras na maghanap sila.
Nakakapagod pero may karapatan bang sumuko? Wala. Bakit? Dahil hindi kami mayaman. Hindi pwedeng magpapetiks lang lalo na't gusto kong umalis sa lugar na ito at magpakalayo.
"Ay taray, ang linis!" Masayang sigaw ni Ate makalipas lang ang ilang minuto kong pagpikit. Nag uumapaw ang inis na nararamdaman ko dahil nasa point na ako na konti na lang ay makakatulog na tapos bigla pa siyang sisigaw. Leche. "Kate? Ikaw ba ang naglinis?"
Padabog niyang itinulak abg pintuan ng kwarto saka malawak ang ngiting pumasok at dumiretso sa higaan niya. "Sobrang pagod ko," ani pa niya sabay ng pagpikit. "Ikaw naglinis?"
"Malamang," sagot ko habang nakapikit dahil oras na imulat ko ang mga mata ko ay baka hindi ko mapigilang ipukol sa kaniya ang nakakamatay kong tingin. "Sino pa ba ang maglilinis kung hindi ako."
Mabilis ang kilos niya nang maupo siya sa kama at tinitigan ako. "So, ibig mong sabihin ikaw lang masipag sa atin? O, edi ikaw na! Sinabi na ngang pagod ako."
Sa gulat sa biglaan niyang pagdadabog ay hindi ko napigilang hindi imulat ang mga mata ko. "Problema mo?" Inis kong tanong.
Ramdam ko ang iba't ibang emosyong nag uumapaw sa akin kaya naman imbes na makipaglaban ng titigan sa kaniya ay pilit kong ipinikit muli ang mga mata ko sa pag-asang magiging way iyon para kumalma ako.
"Nagtatanong ako ng maayos dito kung ikaw ba ang naglinis tapos manunumbat ka? Pwede ka namang sumagot ng maayos, ah?" Nag-uumapaw ng inis ang tono ng pananalita niya. "Sinabi ko namang pagod ako kaya hindi ako makapaglinis..."
Tangina, ayoko na.