As usual, sinakto ko ulit ang oras sa paglalakad para magkasalubong kami ni Rinniel. Hindi naman ako nabigo dahil kasabay ko na siya ngayon.
Nagkunwari ako na hindi ko siya nakita para kalmado lang ako sa paglalakad papunta sa room.
"Miss Mori?" tawag sa akin ni Rinniel.
Napangiti ako. Parang inaasahan ko na rin na tatawagin niya ako para sa papeles na pipirmahan bago magsimula ang trabaho sa kaniya.
Lumingon ako sa kaniya na parang gulat. Saad ko, "Ay! Sir Rinniel, ikaw po pala iyan? Hindi po kita agad napansin."
Ngumiti siya sa akin kaya medyo natigilan ako. Ngayon ko lang siya nakitang ngumiti sa akin at parang ang puso ko ay lalabas na sa katawan ko. Sobrang bilis at lakas ng pintig ng puso ko, lalo na ngayong papalapit na siya sa akin.
"Buti nga napansin kita. Sakto kasi na nasa akin na ang contract. Pirmahan mo na ngayon habang maaga pa," saad niya.
"Ganoon ba? Sige lang po," masaya kong sabi.
Pumunta kami sa may malapit na bench. Ramdam ko ang tingin ng mga babae sa akin. Taas noo na lang akong umupo habang nakatingin sa mga babaeng masama kung tumitig.
"Kailan po ba ang start?" tanong ko.
"By weekend, start na. Then Monday hanggang Friday din. Don't worry, after class naman ang photoshoot. Pwede kitang isabay papunta sa site dahil assistant naman kita," sagot niya.
Kung ganoon, gagawin ko na agad sa vacant time ang mga assignments. Wala namang problema sa akin kung araw-arawin niya ang paghintay sa akin.
Binasa ko muna ang mga nakasulat sa papeles. Ayokong isipin niya na sobrang excited ako kaya pipirma lang ako at hindi na iintindihin ang nakasulat.
"Wow, parang malaki ata ang sasahurin ko sa work na ito?" gulat na sabi ko.
"Exactly! Kakailanganin mo iyan kaya magandang offer na iyan. Iyan pa lang ang offer ko. What more pa sa company nila Charlie? May sasahurin ka rin sa kanila dahil iyon ang una niyang sinabi. Baka tatawagan ka niya this week para i-orient tungkol sa mga gagawin at sa sahod mo," paliwanag niya.
Humanga naman ako sa nababasa ko. Isang linggong trabaho kay Rinniel ay 30,000 na agad. Mayroon pa rin pala ba sahod kay Charlie. Saktong-sakto ito para sa ipon ko in case na palayasin ako nila Mom kapag nalaman ang course ko.
Talagang ang mga baon ko ngayon ay hindi ko ginagastos para sa ipon. May savings account ako na hindi alam ng aking mga magulang, pati na rin ni Charlie. Alam ko naman na ika-cut nila ang account ko na galing sa kanila. If ever man na kulangin ako sa budget, magtatrabaho na lamang ako habang nag-aaral.
"Maraming salamat po sa pagpili sa akin. Malaking tulong na po ito sa pag-aaral ko," ika ko.
"Ano nga ulit ang course mo?" tanong niya.
"IT po. Iyon din talaga ang gusto kong course at nasunod ko naman po," sagot ko.
Tumango-tango siya. Ano kaya ang iniisip niya? Siguro ay hindi lang siya interesado sa course ko kaya wala na siyang nasabi.
Pagkatapos kong pirmahan ang contract ay binalik ko na sa kaniya ito. Tumingin ako sa relo, may limang minuto na lang bago ang klase. Kailangan ko na rin magpaalam. Hindi ako sanay na nale-late sa klase.
"By the way, baka ma-late tayo sa klase kaya kailangan ko na rin umalis. Thank you po ulit sa ganitong opportunity," paalam ko sa kaniya.
"Thank you rin, Miss Mori. See you around!" saad niya.
Nauna na akong umalis. Baka kasi kung ano pa ang maitanong niya. Problema ko pa ang pag-uwi galing sa photoshoot niya. Baka mamaya ay maisipan pa niyang ihatid ako pauwi, paano na iyon?
Pagdating ko sa klase ay napansin kong nakatingin na sa akin ang mga kaklase kong naroon na. Parang pinag-uusapan talaga nila ako bago pa man ako dumating.
"Hey, girl!" tawag sa akin ng isa kong kaklase.
Nakaupo na ako sa upuan ko. Nilingon ko na lang siya dahil wala akong balak tumayo para puntahan siya.
"Bakit mo kausap si Rinniel?" tanong ng babaeng tumawag sa akin. Ni hindi ko na matandaan ang pangalan niya.
"Such a weirdo. Siya pa talaga ang kinakausap ni Rinniel sa damirami ng nga babae sa school natin," bulong ng isa pang babae, sapat na para marinig ko.
"May trabaho ako under sa kanila kaya niya lang ako kinakausap. Part time job lang iyon kaya huwag kayong masyadong mag-alala. Alam ninyo naman na imposibleng pansinin niya ako kung hindi lang sa trabaho," matapang na sagot ko sa kanila.
"Oh I see. Kumuha lang pala ng babaeng alam niyang hindi siya pagnanasahan dahil alam niyang alam mo na hindi ka niya magugustuhan kahit kailan," pang-aasar na sabi ng isa pang babae.
Nagtawanan ang buong klase. Ito na naman ang pambu-bully sa akin. Sanay na sanay na ako sa ganito.
"Okay lang na ganiyan, kaysa sa mga umaasa na mapapansin niya at nag-i-imagine na makakatuluyan niya. Hindi ba mas nakakaawa iyon? At least ako ay nagtatrabaho nang marangal at walang ibang tinatapakan ng tao. Hindi ko kailangang mam-bully ng iba para masabing mas nakakaangat ako. Mas okay na ring maging pangit ang itsura kaysa magkaroon ng pangit na ugali," sambit ko.
Nagsitahimikan naman ang mga babae. Ang mga lalaking kaklase ko ngayon ay pinupuri ako sa mga sinasabi ko kaya medyo napahiya ang mga nagmamatapang sa akin.
Sanay na sanay na akong lumaban sa ganito. Ilang beses na akong na-bully at physical na sinaktan kaya marunong na akong lumaban. Sa lagay ko ngayon, hindi ko na hahayaang tapak-tapakan nila ako.
"Tigilan ninyo na si Mori. Inggit lang kayo dahil matalino siya at pinapansin siya ni Rinniel," sabi ng katabi kong babae.
Napatingin ako sa kaniya. Ngayon ko lang napapansin ang mga itsura ng mga kaklase ko. Kung hindi pa nila ako ginaganito, hindi ko matatandaan ang pagmumukha nila.
"Whatever!" mataray na sabi ng babaeng nangunguna sa pambu-bully sa akin.
"Pagpasensiyahan mo na ang mga iyon ha? Wala talaga silang matinong magawa sa buhay kaya ikaw ang pinagtitripan, Mori," saad ng katabi ko.
Sinilip ko ang kaniyang ID para makita ang kaniyang pangalan. Siya pala si Zenaia. Pangalan pa lamang ay maganda na, bagay na bagay sa kaniyang itsura.
"Maraming salamat, Zenaia."